Pumunta sa nilalaman

Pagpapaliwanag

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang pagpapaliwanag o pagpapaunawa ay isang gawaing pangkaisipan upang matugunan ang pakikipagugnayang ginagamitan ng mga pananalita o mga hudyat/senyas ng kamay, maaaring kasabayan ng taong nakikipagugnanayan, o matapos ang bawat bahagi ng paglalahad ng taong nakikipagugnayan. Nagaganap ang pagpapaunawa sa pagitan ng dalawa, tatlo, o higit pang bilang ng mga tagapagsalita o tagapaglahad na hindi nakapagsasalita o nakasesenyas mula sa pinagmumulang wika.

Bilang isang gawain, ang tagapagpaliwanag o tagapagpaunawa (Ingles: interpreter; Kastila: intérprete) ay nagsasalin – habang nagsasalita o sumesenyas – ng mga pananalita at diwa mula sa isang pinanggagalingang wika patungo sa puntiryang wika. Kabilang sa tungkulin ng isang tagapagpaliwanag (isang tagapagsalin na nagsasalita) ang paghahatid ng bawat kahulugan ng mga salitang ginagamit ng tagapagsalita (kabilang ang tono at ekspresyon ng mukha nito) at maging ang intensiyon at damdaming nakapaloob sa mensahe ng taong nagsasalita, na ipinararating sa taong nakikinig sa huli.

Kaibahan ng pagpapaunawa mula sa pagsasalin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman ang mga tagapagpaliwanag ay kadalasanag tinatawag din na mga tagapagsalin (translator), hindi ganap na magkasingkahulugan ang mga ito. Ang tagpagpaliwanag o tapagpaunawa ay naghahatid ng kahulugan ng isang paglalahad habang nagsasalita, samantalang ang tagapagsalin naman ay gumagagamit ng pamamaraan pagsasatitik ng paglalahad. Nangyayari ang pagpapaliwanag sa tunay na panahon, habang kaharap – nasa telebisyon man o nasa telepono – ang mga partidong pinaglilingkuran ng tagapagpaunawa. Ang pagsasalin ay ang paglilipat ng kahulugan ng mga panitik (teksto), kung saan ang tagapagsalin ay may sapat na panahon upang kumonsulta sa mga sangguniang tulad ng talahulugan (diksyunaryo), talakahuluganan (tesoro), at iba pa, upang makalikha ng matapat, makatotohanan, at tamang salin ng isang lathalain o sinasabing paglalahad.

Isang pinaka-pangkaraniwang kamalian ang pagturing sa gawaing pagapapaliwanag (interpretasyon)[1][2][3] na ito ay isang pagsasaling verbatim[1], kung saan ang bawat ay tinutumbasan lamang ng isa pang salita. Walang saysay ang ganitong gawi sa pagsasalin at pagpapaliwanag, sapagkat hindi maiintindihan o mauunawaan ng taong tagapakinig ang kahulugan ng mga pangungusap.

Halimbawa, kung gagamitin ang berbatim (o berbeytim[1])sa pagsasalin ng pariralang Kastila na: "Está de viaje", maaaring hindi agad mauunawaan ang saling "Ay ng lakbay", bagaman ito ay matapat, makatotohanan, tumpak, at nakapagpapahiwatig na pagsasalin. Datapwa, hindi naman ito tumpak na pagsasalin at pagpapaliwanag. Ang pakahulugan ng parirala ay: "Siya/Sila ay naglalakbay". Mahalaga ang kabuuan ng kahulugan, tono, at gawi na ipinababatid patungo sa puntiryang wika, sa halip na paggamit ng kayariang pang-wika na mula sa - at likas na katangian - ng pinagmulang wika.

Mga paraan ng pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinasagawa ang pagpapaliwanag sa dalawang paraan: sabayan (simultaneous) at abangan (consecutive). Sa sabayang pagpapaliwanag, agad na nagsasalita sa puntiryang wika ang tagapagpaunawa, habang pinakikinggan ang pinagmumulang wika. Sa abangang pagpapaliwanag, naghihintay ang tagapagpaliwanag at nagsasalita lamang pagkatapos na humintil ang tagapagsalita.

Ang abangang pagpapaliwanag ay maaaring maikling abangan o mahabang abangan: sa maiklsing abangan, naghihintay muna ang tagapagpaunawa ng saglit na panahon bago magpaliwanag; sumasanding ang tagapagpaunawa sa kaniyang ala-ala; bawat bahagi ng paglalahad ay maikli at sapat lamang para maisaulo bago magpaliwanag. Sa mahabang abangan, tinatala ng tagapagpaunawa ang paglalahad upang makatulong sa pagpapaliwanag ng mga mahahabang talata. Isinasagawa ang maikli o mahabang abangan, alinsunod sa napagkasunduan ng tagapagpaunawa at ng kaniyang kliyente bago pa man isagawa ang pagpapaliwanag, at ayon din sa paksa, sa antas ng kalaliman ng paksa, at sa layunin ng isinasagawang pagpapaliwanag.

Kung minsan, ginagawa rin ang pagpapaliwanag habang nagbabasa ng isinasalin-wikang lathalain, na kaakibat sa pagpapaliwanag na abangan. Pinagsama sa pamamaraang ito ang pagpapaunawa at pagsasalin ng wika. Binabasa ng malakas ang nakasaad sa lathalain nasusulat sa pinagmumulang wika, na patungo sa puntiryang wika. Para sa nakikinig, ang pagpapaliwanag na isinasagawa ay tila yung mismong nakasulat sa puntiryang wika. Karaniwang nangyayari ito, ngunit hindi lamang, sa larangan ng pagpagpapaliwanag kung nasa hukuman o kung may kaugnayan sa larangan ng panggagamot.

Ang pagpapasa-pasa o pagbabato ay ginagawa naman kung marami ang bilang ng puntiryang wika. Sa simula, magsasalita ang tagapagpaliwanag na ang ginagamit ay ang wikang pangkaraniwan o nauunawaan ng lahat ng iba pang tagapagpaunawa. Ang mga huli naman – na sumasalo sa pagpapasa o pagbabato – ay susunod na magpapaliwanag patungo sa mga puntiryang wika. Halimbawa, ang isang mensaheng mula sa wikang Hapon ay ipapaliwanag muna sa Ingles, pagkatapos ay ihahatid patungo sa puntiryang wika, katulad ng Tagalog o Arabe.

Sabayang pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa sabayang pagpapaliwanag, ipinababatid ng tagapagpaunawa ang nilalaman ng paglalahad mula sa pinanggagalingang-wika sa mabilis na pamamaraan patungo sa puntiryang-wika, at habang patuloy na nagsasalita ang nagtatalumpati o tagapagsalita; habang nakaupo sa isang walang-ingay na silid, nagpapaliwanag ang tagapagpaunawa sa harap ng isang mikropono; nakikita at naririnig niya ang taong nagsasalita sa pamamagitan ng mga aparatong pandinig (mga earphone). Natatanggap at nababatid naman ng mga tagapakinig ang pagpapaliwanag sa pamamagitan ng sarili nilang mga aparatong pandinig, na nakakabit sa kanilang mga tainga.

Ang sabayang pagpapaliwanag ang karaniwang ginagamit ng mga tagapagpaunawang sumensenyas para sa mga pipi at binging tao.

Binubulong na pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa bulungan o binubulong na pagpapaliwanag (Pranses: chuchotage): nakaupo o nakatayo ang tagapagpaliwanag, habang katabi ang maliit na mga tagapakinig, at ibinubulong ang paksa ng usapan. Hindi kailangan ang mga aparato sa ganitong paraan ng pagpapaliwanag. Ginagamit ito kung ang karamihan sa mga dumalo sa pagsasalu-salo ay nakapagsasalita ng pinanggagalingang wika, at kaunti lamang (karaniwang hindi hihigit sa tatlong tao) ang hindi nakapagsasalita ng pinagmumulang wika.

Abangang pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ipinababatid ng tagapagpaliwanag kay Garry Kasparov ang nilalaman ng talumpati ni Klaus Bednarz.
Sumusulat ang tagapagpaliwanag ng mga tala batay sa talumpati ni Garry Kasparov/
Ipinababatid sa madla ng tagapagpaliwanag ang nilalaman ng talumpati ni Garry Kasparov.

Sa abangang pagpapaliwanag, nagsasalita lamang ang tagapagpaunawa pagkatapos na makapagsalita ang taong nagtatalumpati. Hinati sa mga maliliit na bahagi (segmento) ang talumpati, at nakaupo o nakatayo ang tagapagpaliwanag na katabi ang tagapaglahad; nakikinig at gumagawa ng mga tala ang tagapagpaliwanag habang patuloy ang pagsasalita ng nagtatalumpati. Kapag huminto o natapos ang tagapagtalumpati, saka pa lamang magpapaliwanag ang tagapaunawa na ang ginagamit ay ang puntiryang wika.

Maaaring maikli lamang ang panahong kailangan sa pagpapaunawa ng mga kabuuan o bahagi ng mga talumpati. Noong mga labinlimang taon na ang nakararaan, tumatagal ng 20 hanggang 30 minuto ang pagpapaliwanag, subalit sa ngayon ay itinuturing nang mahaba ang 10 o 15 mga minuto. Kadalasan, hindi nalalaman ng taong magtatalumpati na maaari siyang magsalita ng mahaba o matagal bago maisagawa ng tagapagunawa ang pagpapaliwanag-salin, kung kaya’t maaaring huminto sa bawat pangungusap ang nagtatalumpati para hintayin ang pagtatapos na ginagawa ng tagapagpaunawa. Kadalasan din, hinihiling ng tagapagpaunawa na himintil ang nagtatalumpati sa bawat pangungusap; dahil sa pamamaraang ito (pangungusap-sa-bawat-pangungusap na pagpapaliwanag), nangangailangan lamang ng bahagyang pagsasaulo ng mga pananalita sa talumpati. Ngunit, may kakulangan din ang pamamaraan ng pagsasalin ng bawat pangungusap, sapagkat hindi naririnig ng tagapagpaunawa ang kabuuan o buod ng talumpati, kung kaya’t mas mahirap itatag ang tumpak na kahulugan ng mensahe ng talumpati, dahil nagkakaroon ng limitasyon sa magagamit na mga tamang pananalita at talasalitaan. Karaniwang ginagamit ang pamamaraang ito sa pagbibigay-kahulugan ng mga talumpati, pagpapahayag na itinatala o hinahagip ng mga aparatong grabador, paglalahad sa harap ng hukuman, pakikipanayam sa trabaho o sa panggagamot. Pinapahintulutan na maunawaan muna ng tagapagpaunawa ang kabuuan ng mensahe ng talumpati o paglalahad (na nasa pinagmumulang wika) bago niya isagawa ang pagpapaliwanag patungo sa puntiryang wika; dahil nakapagbibigay ito ng higit na makakatotohanan, tumpak, at mas nauunawaang pagpapaliwanag. Kung kaya’t mas mainam ito kung ikukumpara sa sabayang pagpapaliwanag.

Pahatid-sabing pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kinasasangkutan ang paghahatid-sabing pagpapaliwanag (liaison interpreting, o pagbibigay-alam) ng pagpapasa ng nilalaman ng isang paglalahad sa isa, sa pagitan ng dalawa, o sa pagitan ng maraming mga tao. Maaari itong gawin pagkatapos ng isang maikling talumpati, o sa paraang abangan (pangungusap-sa-bawat-pangungusap), o sa paraang bulungan din. Maliban sa isinusulat na mga tala ng tagapagpaliwanag, wala nang ibang aparatong ginagamit.

Mga uri ng pagpapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagpapaliwanag para sa mga pagpupulong

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pagpapaliwanag na pang-pagpupulong ay ang pagpapaunawa habang dinaraos ang isang pagpupulong - na maaaring sabayan o abangan. Ngunit ang pagsapit ng mga pagtitipon na dinadaluhan ng mga kinatawang maalam sa maraming wika (multilinggwal o multilingguwe) ay nakabawas sa paggamit ng pamamaraang abangan sa loob ng mga huling 20 taon.

Saan naghahanap-buhay ang mga tagapagpaunawa

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang armadong tagapagpaliwanag na Iraki na nagmamanman at nagbabantay kasama ng mga kawal ng Estados Unidos sa mga tarangkahan ng Baghdad, Iraq (Abril 2005).

Karamihan sa mga dalubhasa at palagiang tagapagpaunawa ay naghahanap-buhay at naglilingkod para sa mga pagpupulong ng mga samahang pansandaigdigan katulad ng Mga Bansang Nagkakaisa, Samahang Europyano, o Samahang Aprikano.

Marami ring hinihirang na mga tapagpaunawa ang Mga Bansang Nagkakaisa, sa mga tanggapan nito sa lahat ng mga dako ng mundo. Subalit dahil anim lamang ang mga opisyal na wika nito, mas maliit na tagapaghirang lamang ito kung ihahambing sa Samahang Europyano.

Maaari ring magtrabaho ng pansamantala lamang ang mga tagapagpaliwanag, sa kanilang mga lokal, rehiyonal at pambansang lipunan, o maaari rin silang maglingkod sa ilalim ng isang kasunduan para sa isang palingkuran o kompanya.

Humihirang din ng daan-daang mga tagapagpaliwanag ang hukbong-sandatahan ng Estados Unidos, sa Iraq at Afghanistan, upang makatulog sa pakikipagugnayan sa mga mamamayang naninirahan sa mga pook na iyon.

Sa Samahang Europyano

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kasalukuyan, ang pinakamalaking tagapaghirang ng mga tagapagpaunawa ay ang Komisyong Europyano, nagpapatrabaho sa may dadaaning mga permanente at pansamantalang tauhan, na nagsisipagwika sa mga opisyal na mga wika ng Samahang Europyano. May mas maliliit na mga palingkuran naman ang mga tanggapan ng Parliyamentong Europyano at Korte ng Katarungan ng Europa. Ang dalawang huli ay kapwa mga kapanalig na institusyon ng Samahang Europyano.

Sa Samahan ng Mga Bansang Nagkakaisa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Palingkuran ng Pagpapaliwanag ng Mga Nagkakaisang Bansa ay bahagi ng Sangay ng mga Pagpupulong at Paglilimbag ng Kagawaran ng Panlahatang Pagtitipon at Pamamahala ng mga Pagpupulong ng Samahan ng Mga Bansang Nagkakaisa. Pinakapangunahing tungkulin nito ang pagpapaunawa sa mga nakikinig ng mga nagaganap na pagtatalumpati at paglalahad, mula sa at patungo sa mga wikang Arabo, Tsino, Ingles, Pranses, Ruso at Kastila. Mahalaga ang pagpapaunawa ng nilalaman ng mga talakayan at pakikipagunayan sa pagitan ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga pamahalaan.

Kasaysayan at pagunlad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May tuwirang kaugnayan ang pagkakalikha ng Palingkuran ng Pagpapaliwanag ng Mga Nagkakaisang at maging ng larangan sa mga sumusunod:[4][5]

  • sa pagunlad ng mga paraan ng pakikipagugnayang pansandaigdigan
  • sa pagtatatag ng Kapisanan ng mga Bansa
  • sa paghuhukom sa Nuremberg, Alemanya
  • sa pagtatatag ng Mga Nagkakaisang Bansa; at
  • sa pagsibol ng multilingwalismo

Mga unang panahon ng larangan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga likas na taong maalam sa maraming wika ang karamihan sa mga naunang tagapagpaunawang hinirang ng Mga Nagkakaisang Bansa. Lumisan ang mga ito mula sa mga pook na pinangyarihan ng digmaan at pag-aalsa. Karaniwang natatagpuan ang mga taong maalam sa maraming wika mula sa mga sumusunod: nakaririwasang mga pangkat ng lipunan, mga tauhan ng pamahalaan, mga dalubhasa ng mga kolonya ng mga imperyo, mga kawal ng mga hukbong pandigmaan, mga makapangyarihang bansa, mga politiko at ideyolohistang, mga mag-aaral na nangibang-bayan, at mula sa mga anak ng mga magulang na nagsasalita ng iba't-ibang wika.[4]

Makaraan ang 1960, nagkaroon ng pagbabago sa patakaran ng paghirang ng mga tagapagpaunawa. Nagsimula ang Mga Nagkakaisang Bansa na humanap at humubog ng mga maaaring maging tagapagpaunawa – yung mga taong bagaman iisang wika lamang ang nalalaman, subalit natutuo ng ibang mga wika sa mga paaralan. Nagkaroon din ng tuluyang pagdaragdag ng mga kababaihan sa loob ng larangan.[4]

Mga himpilan ng Mga Bansang Nagkakaisa na may palingkuran ng pagapapaliwanag

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga talabanggitan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 English, Leo James (1977). "Interpretasyon at interpretation - pakahulugan; at interprete, interpreter, tagapagsalin; verbatim at berbeytim - letra-por-letra, buung-buo, walang-labis-walang-kulang ang mga pangungusap, walang-bawas ang mga salita". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Interpret at interpretation - explain, ipaliwanag, magpaliwanag, ibigay ang kahulugan ng isang wika ng isang bansa o ng isang panahon papunta sa ibang wika". The Scribner-Bantam English Dictionary (Ang Talahulugang Ingles ng Scribner-Bantam). 1991.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. De Guzman, Maria Odulio (1968). "Interpret - ipakahulugan/pakahuluganan; at interpreter - interprete". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 4.2 Baigorri-Jalón, Jesús. Barr, Anne. Mga Taga-pagsalin sa Mga Nagkakaisang Bansa, Ediciones Universidad de Salamanca (Labas na Pangpamantasan ng Salamanca):2004, pahina 106. - ISBN 84-7800-643-5.
  5. "Endrst, Elsa B. Mga Tagapagpaunawa: Sa Loob ng Silid na may Salamin, The UN Chronicle, Palimbagan ng Mga Nagkakaisang Bansa (1991), Grupong Gale (2004), isinangguni noong: 28 Mayo 2007". Inarkibo mula sa ang orihinal noong 8 Disyembre 2007. Nakuha noong 3 Marso 2008.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Bertone, Laura: The Hidden Side of Babel: Unveiling Cognition, Intelligence and Sense. 2006, ISBN-10 987-21049-1-3 Evolucion, Organización intercultural Naka-arkibo 2008-02-26 sa Wayback Machine.
  • Chuzhakin, Andrei: "Applied Theory of Interpretation and Note-Taking", "Mir Perevoda 1 to 7", Ustny Perevod, Posledovatelny Perevod, Ace Perevoda 2007, Mir Perevoda.
  • Gillies, Andrew: Note-taking for Consecutive Interpreting. 2005, ISBN 1-900650-82-7
  • Jones, Roderick: Conference Interpreting Explained. 1998, ISBN 1-900650-57-6
  • Rozan, Jean-François: La Prise de Notes en Interprétation Consécutive. 1956, ISBN 2-8257-0053-3
  • Seleskovitch, Danica: L'interprète dans les conférences internationales. 1968, Cahiers Champollion
  • Taylor-Bouladon, Valerie: Conference Interpreting — Principles and Practice. 2007, 2nd Edition ISBN 1-4196-6069-1.

Mga talaugnayang panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]