Pumunta sa nilalaman

Sergio Osmeña

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Sergio Osmeña Sr.)
Sergio Osmeña

Ika-4 na Pangulo ng Pilipinas
Nasa puwesto
1 Agosto 1944 – 28 Mayo 1946
Nakaraang sinundanJose P. Laurel
Sinundan niManuel Roxas
Ika-1 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas
Nasa puwesto
15 Nobyembre 1935 – 1 Agosto 1944
PanguloManuel L. Quezon
Sinundan niElpidio Quirino
Personal na detalye
Isinilang9 Setyembre 1878
Lungsod ng Cebu, Cebu
Yumao19 Oktobre 1961(1961-10-19) (edad 83)
Lungsod Quezon, Pilipinas
Partidong pampolitikaNacionalista
AsawaEsperanza Limjap
Pirma

Si Sergio Osmeña Sr. (Setyembre 9, 1878 – Oktubre 19, 1961) ay Pilipinong abogado at politiko na itinatagurian bilang ikaapat na pangulo ng Pilipinas mula 1944 hanggang 1946 at kauna-unahang pangalawang pangulo ng Pilipinas sa pagitan ng 1935 at 1944.

Isinilang si Osmeña noong 1878 sa Lungsod ng Cebu. Si Osmeña ay nanguna sa mga nagtapos ng primarya sa kanyang paaralan. Nag-aral ng sekundarya sa Seminario ng San Carlos sa Cebu. Nagtungo siya sa Maynila at nag-aral sa San Juan de Letran, kung saan nakilala niya si Manuel L. Quezon. Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896, bumalik si Osmeña sa Cebu at ipinadala sa lokal na liderato nito upang maibalita kay Emilio Aguinaldo ang sitwasyon sa probinsya. Noong 1900, naging tagapag-lathala at patnugot siya ng pahayagang El Nuevo Dia. Nagbalik siya sa Maynila para mag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Noong 1903, siya at ang kanyang mga kamag-aral ay pinahintulutan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na kumuha ng eksamen sa bar kahit tatlong taon pa lamang ang kanilang natapos. Si Osmeña ay pumangalawa sa naturang eksamen sa bar.

Dalawampu't limang taong gulang siya nang maatasang pansamantalang gobernador at pagkapiskal ng lalawigan ng Cebu. Pagkaraan ng dalawang taon, naging gobernador siya ng lalawigan. Nagbitiw siya sa kanyang katungkulan bilang gobernador nang maitatag ang Asemblea Filipina noong 1907. Tumakbo siya at nanalong kinatawan ng ikalawang distrito ng Cebu. Nahalal siyang ispiker ng asemblea, isang posisyong hinawakan niya ng sumunod na 15 taon. Naging senador siya mula 1923 hanggang 1935. Tinanghal siyang "Senate President Protempore" noong 1923-1933. Naging kasapi rin siya ng Misyong OsRox (Osmeña-Roxas), isa sa mga misyong ipinadala sa Estados Unidos para ikampanya ang Kasarinlan ng Pilipinas. Nahalal siyang pangalawang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas noong 1935.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama niya si Pangulong Manuel L. Quezon na tumungo sa Estados Unidos at doon itinatag ang Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas kung siya nagsilbing pangalawang pangulo ni Quezon. Namatay si Quezon sa sakit na tuberkulosis noong 1 Agosto 1944 at si Osmeña ang humalili sa kanyang Pangulo. Kasama niya si Heneral Douglas MacArthur at mga puwersang Amerikano gayundin ng Pilipinong Heneral na si Basilio J. Valdes at si heneral Carlos P. Romulo na dumating sa Leyte noong 20 Oktubre 1944. Pagkatapos mapalaya ng mga Amerikano ang Pilipinas mula sa mga Hapones, nagsilbi siya bilang pangulo ng bansa hanggang sa magkaroon ng halalan noong 23 Abril 1946. Kumandidato siya bilang pangulo, ngunit natalo kay Manuel Roxas. Nang matalo kay Roxas, namahinga si Osmeña sa kanyang tahanan sa Cebu. Si Sergio Osmeña ay namatay noong 19 Oktubre 1961.

Makikita siya sa limampung pisong papel na isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Siya ang ama ni dating Senador Sergio Osmeña Jr. at lolo nina Senador Sergio Osmeña III, John Osmeña, dating Gobernador Lito Osmeña ng Cebu at Mayor Tomas Osmeña.

Maagang buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Sergio Osmeña ay ipinanganak sa Cebu. Ang kanyang ama ay isang mayamang negosyante na si Don Pedro Lee Gotiaoco at ang kanyang ina ay si Juana Osmeña y Suico na iniulat na 14 taong gulang lamang ng ipanganak si Sergio Osmeña. Siya ay nagtapos ng elementarya sa Colegio de San Carlos noong 1892. Siya ay nag-aral sa Maynila sa San Juan de Letran College kung saan niya unang nakilala sina Manuel L. Quezon na kanyang kaklase at sina Juan Sumulong at Emilio Jacinto. Kumuha siya ng kursong batasa sa Unibersidad ng Santo Tomas at naging ikalawa sa eksaminasyon ng batas noong 1903. Siya ay naglingkod na katulong sa digmaan ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang courier at mamamahayag. Noong 1900 ay itinatag niya ang pahayagan El Nuevo Día sa Cebu na tumagal ng 3 taon. Noong 1904, ang pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos ay humirang sa kanya bilang gobernador ng Cebu. Pinakasalan niya si Estefania Chiong Veloso noong 10 Abril 1901 at nagkaroon sila ng 10 anak.

Habang nagsisilbing gobernador, tumakbo siya sa halalan ng unang Asembleang Pilipino noong 1907 at nahalal na speaker nito. Siya ay naglingkod sa mababang kapulungan hanggang 1922. Itinatag niya kasama ni Manuel L. Quezon ang Partidong Nacionalista upang hadlangan ang Partido Federalista ng mga politikong taga Maynila.

Noong 1922 ay nahalal si Osmeña sa Senado. Siya ay tumungo sa Estados Unidos bilang bahagi ng Misyong OsRox noong 1933 upang makuha ang pagpasa ng panukalang batas ng kalayaang Hare–Hawes–Cutting na pinalitan ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934.

Misyong OsRox

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Osmeña kasama ni Manuel Roxas ay nanguna sa isang kampanya na tinatawag na misyong OsRox (1931) para sa pagkilala ng Estados Unidos ng kalayaan ng Pilipinas at pamumuno sa sarili ng Pilipinas. Nakamit ng misyong OsRox ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Hare–Hawes–Cutting Act na nangangakong magbibigay ng kalayaan sa Pilipinas pagkalipas ng 10 taon ngunit ito ay itinakwil ng Senado ng Pilipinas sa panghihimok ni Manuel L. Quezon. Si Quezon ay nanguna sa isang misyon noong 1934 upang makuha ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Batas Tydings–McDuffie na pinagtibay ng Senado ng Pilipinas.

Pangalawang Pangulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1924, sina Quezon at Osmeña ay nagkasundo at nagsanib sa Partido Nacionalista Consolidado laban sa oposisyong Partido Democrata ngunit ang Partido Nacionalista ay nagkawatak watak noong 1934. Muling nagkasundo sina Quezon at Osmeña at tumakbo at nanalo sa 1935 halalan ng pagkapangulo. Si Quezon ay ipinagbawal ng konstitusyon na muling pagtakbo sa halalan ng pagkapangulo. Gayunpaman, ang mga susog noong 1940 ay pinagtibay na pumapayag sa kanyang muling pagtakbo. Siya ay tumakbo at nahalal sa halalan ng pagkapangulo noong 1941 na may halos 82 porsiyento laban kay Juan Sumulong. Si Osmeña ay muling nahalal na pangalawang pangulo.

Pananakop ng mga Hapones at pagkakatapon ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon sa Estados Unidos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkatapos ng pasimula ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas noong 8 Disyembre 1941, sina Heneral Douglas MacArthur at Quezon ay lumikas sa Bataan noong 24 Disyembre 1941. Si Quezon ay pinayuhan ni MacArthur na lumikas sa Corregidor kung saan isinagawa ang kanyang inaugurasyon bilang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Disyembre 1941. Ang mga Hapones ay pumasok sa siyudad ng Maynila noong 2 Enero 1942 at itinatag ito bilang kabisera. Buong nasakop ng Hapon ang Pilipinas noong 6 Mayo 1942 pagkatapos ng Labanan ng Corregidor. Pagkatapos ay lumikas si Quezon sa Bisayas at Mindanao at sa pag-anyaya ng pamahalaan ng Estados Unidos ay lumikas siya sa Australia at pagkatapos ay sa Estados Unidos. Sa Estados Unidos ay itinatag niya ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas na nasa pagkakatapon na may mga headquarter sa Washington, D.C.. Si Osmeña ay nanatiling pangalawang pangulo sa pagkakatapon ng Komonwelt ng Pilipinas sa Estados Unidos.

Pagbuwag ng Komonwelt at Pagtatag ng Ikatlong Republika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Binuwag ni Heneral Masaharu Homma ang Pamahalaang Komonwelt ni Quezon at itinatag ang Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas bilang nangangalagang pamahalaan na si Jose B. Vargas ang unang chairman noong Enero 1942. Ang KALIBAPI o Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas ay binuo ng Proklamasyon bilang 109 ng Komisyong Tagapagpaganap noong 8 Disyembre 1942 na nagbabawal sa lahat ng mga umiiral na partidong pampolitika at paglikha ng mga bagong alyansang pamahalaan. Bago ang pagbuo ng komisyon, ang Pilipinas ay binigyan ng Hapon ng opsiyon na isailalim ang Pilipinas sa diktadurya ni Artemio Ricarte na ibinalik ng mga Hapones mula sa Yokohama. Ito ay hindi tinanggap ng Komisyon na nagpasyang gawing republika ang Pilipinas. Sa unang pagdalaw sa Pilipinas ni Punong Ministro Hideki Tojo noong 6 Mayo 1943 ay nangako siyang ibabalik ang kalayaan ng Pilipinas bilang bahagi ng Pan-Asyanismo nito o Asya para sa Asyano. Ito ay nagtulak sa KALIBAPI na lumikha ng komiteng paghahanda para sa kalayaan ng Pilipinas noong 19 Hunyo 1943. Ang isang draptong konstitusyon ay binuo ng komisyon na binubuo ng 20 kasapi mula sa KALIBAPI. Ito ay pinamunuan ni Jose P. Laurel na nagtanghal ng draptong konstitusyon noong Setyemre 4,1943 at pagkatapos ng 3 araw ay pinagtibay ng pangakalahatang asemblea ng KALIBAPI. Noong 20 Setyembre 1943, hinalal ng mga pangkat na kinatawan ng KALIBAPI sa mga probinsiya at siyudad mula sa kanilang sarili ang 54 kasapi ng Pambansang Asemblea ng Pilipinas na may 54 gobernador at mga alkalde ng lungsod bilang mga kasaping ex-oficio. Pagkatapos ng 3 araw, ang sesyon ng Pambansang Asemblea ay humalal kina Jose P. Laurel bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at Benigno S. Aquino Sr. bilang unang speaker nito ngunit walang kinikilalang pangalawang pangulo.

Bilang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas na nasa Estados Unidos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935, ang termino ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ay magwawakas noong 30 Disyembre 1943 at ang pangalawang Pangulo ang automatikong halili sa kanya. Ito ay ipinaalam ni Osmeña kay Quezon ngunit naniwala si Quezon na hindi matalinong ipatupad ang tadhanang ito ng Saligang Batas dahil sa mga kasalukuyang sirkunstansiya ng pamahalaan ng Pilipinas. Hindi ito tinanggap ni Osmeña at hiniling ang opinyon ni U.S. Attorney General Homer Cummings na umayon kay Osmeña. Gayunpaman, ito ay hindi tinanggap ni Quezon at hiniling niya kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos na magbigay ng desisyon ngunit ito'y tumangging manghimasok at sa halip ay ipinayong ito ay lutasin ng mga opisyal ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon. Pagkatapos ng pagpupulong, hiniling ni Osmena sa Kongreso ng Estados Unidos na suspindihin muna ang pagpapatupad ng tadhana ng 1935 Saligang Batas ng Pilipinas sa paghalili ng pangulo hanggang pagkatapos mapalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapones. Ito ay inayunan ni Quezon at ng kanyang Gabinete. Ang panukala ay pinagtibay ng Senado ng Estados Unidos at mga Kinatawan ng Estados Unidos noong 10 Nobyembre 1943.

Si Osmeña ang naging Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas na nasa Estados Unidos pagkatapos mamatay ni Quezon noong 1 Agosto 1944.

Pagbalik sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sina Lieutenant General George Kenney, Lieutenant General Richard K. Sutherland, Pangulong Sergio Osmeña at Heneral Douglas MacArthur sa Leyte.

Si Osmeña ay bumalik sa Pilipinas kasama ni Heneral Douglas MacArthur at ng mga puwersang Amerikano noong 20 Oktubre 1944. Pagkatapos mapalaya ng mga Amerikano ang Maynila mula sa mga Hapones, ibinigay ni Heneral MacArthur ang pamahalaan ng Pilipinas kay Osmeña bilang Pangulo noong 27 Pebrero 1945 sa Malacañang.

1946 halalan ng pagka-Pangulo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkatapos ibalik ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong 1945, tumawag ang mga senador na sina Manuel Roxas, Elpidio Quirino at mga kaalyado nila para sa isang halalan ng pagkapangulo, ikalawang pangulo at mga kasapi ng Kongreso ng Pilipinas. Pinagtibay ng Kongreso ng Estados Unidos ang halalan para sa 23 Abril 1946.

Ang tatlong pangkat ay lumahok sa halalan: Ang pangkat konserbatibo nina Osmeña at Eulogio Rodriguez ng partido Nacionalista, ang partido Liberal nina Roxas at Quirino na galing sa partidong Nacionalista at ang Partido Modernista ni Hilario Moncado.

Natalo si Osmeña kay Manuel Roxas sa halalan ng pagkapangulo.

Libingan ni Osmeña sa Sementeryong Norte sa Maynila.

Pagkatapos matalo sa halalan, si Osmeña ay bumalik sa kanyang tahanan sa Cebu. Siya ay namatay noong 19 Oktubre 1961 sa edad na 83 sa Veteran's Memorial Hospital sa Quezon City. Siya ay inilibing sa Sementeryong Norte sa Maynila.

Sinundan:
Francisco Carreón
Pangalawang Pangulo ng Pilipinas
1935–1944
Susunod:
Elpidio Quirino
Sinundan:
Jose P. Laurel
Pangulo ng Pilipinas
1944–1946
Susunod:
Manuel Roxas