Pablo ang Alagad
Mula sa Tagalog na Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
- Nakakarga ang Pablo dito. Para sa ibang gamit, tingnan ang Pablo (paglilinaw).
Si Pablo ang Alagad o Pablo ng Tarsus (Ebreo: פאולוס מתרסוס, Pa’ulus miTarsus) (3 AD–67 AD), ipinanganak bilang Saulo ng Tarsus (Ebreo: שאול התרסי, Sha’ul haTarsi), ang kinikilalang pangunahin sa sinaunang pagsulong at pagpapatibay ng Kristyanismo. Batay sa kaniyang mga naging gawaing pampananampalataya, partikular na ang mga nasa pahina ng Aklat ng mga Gawa ng mga Alagad, tinagurian siya bilang "alagad ng mga hentil" o ang "alagad para sa mga pagano"[1] sapagkat nagsimula siyang sumunod kay Hesus at mga pangaral nito makaraang magpakita si Hesus sa kanya. Nagkaroon si Pablo ng isang natatanging tungkulin na dalhin ang mabuting balita ni Hesus sa mga hentil.[2] Itinuturing si Pablo bilang isang dakilang apostol at pinunong nakapiling ng mga unang tagasunod ni Hesus. Una siyang tinawag bilang Saulo (o Saul), ngunit nakilala bilang Pablo nang magsimula siyang ipahayag ang magandang balita ni Hesus sa mga hentil.[2]
Mga nilalaman |
[baguhin] Talambuhay
Isinilang si Pablo sa Tarsus ng Asya Menor (kasalukuyang Turkiya). Lumaki siya bilang kasapi ng mga Pariseo, isang mahigpit na sekta. Saulo ang kaniyang pangalang Hudyo. Noong panahon ng kaniyang kabataan, ipinadala si Pablo sa Jerusalem upang tumanggap ng mga pag-aaral hinggil sa pananampalataya. Dating kinamumuhian ni Pablo ang mga Kristiyano. Dumating ang isang panahon sa kaniyang buhay kung saan nagsimula siyang maglakbay patungo sa lungsod ng Damasco, kilala rin bilang Damascus, upang magsagawa ng mga pagkilos laban sa pamayanang Kristiyanong naroroon. Habang naglalakbay patungo sa Damasco, naganap ang isang pangyayari na nakapagpabago kay Pablo at naging sanhi rin ng pagbabago sa daang tinatahak ng Kristiyanismo. Batay sa sinasaad sa Bagong Tipan ng Bibliya, may isang nakabubulag na liwanag na tumama sa mga busilig ni Pablo. Nahulog si Pablo mula sa kaniyang kabayo, at pagdaka'y narinig niya ang tinig ni Hesus na nagtatanong ng ganito: "Saulo, bakit mo ako inuusig?" Inutusan ni Hesus si Pablong itigil ang kaniyang pag-uusig sa mga Kristiyano. Pagkaraan ng karanasang ito, na hindi pa rin nagbabalik ang paningin ni Pablo, dinala si Pablo sa Damasco. Doon, bininyagan si Pablo ng Kristiyanong si Ananias. Pagkatapos ng pagbibinyag na ito, nanumbalik ang paningin ni Pablo.[3]
Sa nalalabing buhay ni Pablo, nagtuon siya sa pagpapakalat ng mga pangaral ni Hesus. Bahagi nito ang paglalagi sa Malapit sa Silangan noong mga pagitan ng 45 AD hanggang 55 AD, kung saan nangaral si Pablo at nagtatag ng mga simbahan o parokya, habang dumaranas ng labis pagdurusa ng katawan.[3]
Sa huling pagtungo niya sa Jerusalem, hinuli ng mga Romano si Pablo.[3] Nalalaman at nalinawan ni Pablo, sa pamamagitan ng mga natanggap na mga babala mula sa mga kapanalig na mga manlalakbay, mga hula, at mga pangitain, ang panganib na naghihintay sa kaniya sa pagsapit sa Jerusalem, subalit hindi siya napigilan sa paglalakbay na ito. Lalo lamang nagibayo ang kaniyang paninindigang marating ang Jerusalem. Nabuo ang kaniyang pasiya para sa kapakanan ng pagpapahayag ng Mabuting Balita ni Hesus at para na rin kay Hesukristo mismo. Nagbuhat ang kaniyang pasiya mula sa pananalangin at pakikipagugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal. Hindi niya ininda ang mapagitna sa labanan ukol sa paganismo ng Roma sapagkat kung saan may layunin hindi siya nagalinlangan.[4] Matapos mahuli, nilipat siya ng mga Romano sa Caesarea upang mapagingatan mula sa mga Hudyo. Sapagkat isa siyang mamamayang Romano, hiniling ni Pablong litisin siya sa Roma. Narating ni Pablo ang Roma noong 61 AD. Napawalang-sala siya. Subalit sa panahon ng paghahari ni Nero noong mga 67 AD, pinarusahan si Pablo ng kamatayan.[3]
[baguhin] Pagkakabilanggo ni Pablo
Nababatid ni Pablo sa tunay na dahilan ng pagkakapinid niya sa sarili niyang tahanan. Isinulat niyang nabilanggo siya dahil sa kapakanan ni Hesus. Itinuring na laban sa politika at relihiyon, at labag din sa mga kalooban ng makapangyarihang relihiyoso at sekular ang mga gawaing misyonero ni Pablo. Nawari ni Pablong kalooban ng Diyos ang karanasan niyang ito. Nagawang angkinin ng mga makapangyarihang humuli kay Pablo na nangingibabaw sila sa larangan at mga pagkilos ni Pablo, subalit naglilingkod si Pablo para sa isang mas mataas na lakas kaya nagdulot ng kabaligtarang resulta ang kaniyang pagkakabilanggo. Sa halip na mapatahimik, mapuksa at mapatigil ang paglaganap ng mensaheng pampananampalatayang dala ni Pablo, naging sanhi ito ng pagkakatanim sa puso ng Imperyong Romano. Nagsimulang magpahayag ang iba pang mga mananampalataya kay Hesus makaraang malantad sa katapangan, katatagan, at pananalig ni Pablo. Napigilan ng mga makapangyarihan ang pagkilos ng katawan ni Pablo subalit hindi nila nabilanggo ang mensahe ni Pablo. Hindi rin nila napatigil ang kaniyang layunin.[4]
[baguhin] Mga pananakit kay Pablo
Maraming mga pananakit o pagbubugbog na kinaharap si Pablo sa kaniyang mga misyon, partikular na nang labanan niya ang mga makapangyarihan sa pananampalataya at mga politiko noong kaniyang panahon. Tinuligsa at kinamuhian ng dalawang pangkat na ito ang diwang mayroon mas mainam na kaparaan ang Diyos. Para patahimikin si Pablo sa kaniyang mga pagtuturo, kalimitang gumagamit ng dahas ang mga nasa kapangyarihan. Subalit hindi nila napigilan si Pablo sa kaniyang mga gawain kahit na sa ilalim ng mga pagbabanta at pamimilit. Dahil ito sa pasyon o kagustuhan ng kaluluwa ni Pablong magpatuloy sa ngalan ng pananalig at pag-asa at maging sa kabila ng hapdi ng katawan. Hindi hinanap ni Pablo ang mga pananakit, bagkus kadalasang iniiwasan niya ang mga ito sa pamamagitan ng mga pag-iingat, subalit tinanggap niya ang hapdi bilang kapalit na halaga dahil sa pagtawag sa kaniya ni Hesus. Ginamit niya ang pasakit bilang kasangkapan upang lalong kumatawan at maging katulad ni Hesus.[4]
[baguhin] Tinik sa laman ni Pablo
Mayroong bagay na tinuturing na "tinik sa laman" si Pablo. Hindi lubos na natitiyak kung ano nga ito. Pinaniniwalaang isa itong uri ng karamdamang pangkatawan o kapansanan. May mga naniniwalang may suliranin sa kaniyang paningin si Pablo, o nagdurusa dahil sa paulit-ulit na malaria, epilepsi, o kaya problema sa pagsasalita katulad halimbawa ng pagkautal. Mayroon namang naniniwalang nagkaroon ng karanasan ng pagkabulid sa kasalanang seksuwal si Pablo sa loob ng panahon ng kaniyang mga paglalakbay. Hindi binanggit ni Pablo kung ano ang "tinik" niyang ito, subalit nalalamang binanggit niyang katulad lamang din siya ng ibang mga taong natutukso, at hindi walang bahid ng karungisan. Anuman talaga ang "tinik" na ito, ginamit ni Pablo ang kapansanang ito upang lalong humilig sa Diyos para magkaroon ng lakas sa pananampalataya.[4]
[baguhin] Si Pablo at iba pang mga alagad
- Pangunahing lathalain: Mga alagad ni Hesus
Katulad din sina Pablo at ang ibang pang mga alagad ng ibang mga taong may layuning pangmisyon na napapasailalim ng presyon habang isinasakatuparan ang kanilang mga gawain. Bagaman nakapagbibitiw rin ng mga hindi inaasahang mga pagpapasiya at maging mga kamalian, iisa lamang ang kanilang mga layunin: ang hindi lumiko o lumayo sa katotohanan ng kanilang mga mensaheng pampananampalataya. Tumatanaw ang lahat ng mga alagad o apostol sa kani-kanilang mga karapatan sa pamumuno. Sa katunayan, tumungo si Pablo sa Jerusalem upang makipagkita at hingin ang pagbabasbas iba pang mga pinuno. Bagaman may pagkakaiba ng mga pananaw sina Simon Pedro at Pablo ng Tarsus, partikular na ang hinggil sa katayuan ng mga hentil bilang mga Kristiyano, pinatunayan at pinagtibay ni San Pedro na bahagi ng Kasulatan o Mabuting Balita ang mga sulatin ni San Pablo. Magkakaiba ang mga katangian, mga gawi, o personalidad ng mga alagad subalit iisa lamang ang kanilang misyon. Tinanggap si Pablo ng mga pinuno naglilingkod at nanunungkulan para kay Hesus. Iginalang at tinanaw nila si Pablo bilang isang misyonerong apostol na pumailalim sa tawag at kapangyarihan ng Diyos para mangaral.[4] Sa Sulat sa mga Galata ng Bagong Tipan ng Bibliya, dinalaw ni San Pablo si San Pedro upang magbigay-galang kay San Pedro sapagkat itinuturing ang huli bilang Puno ng Iglesya.[5]
Sa una, mayroong pagdududa at takot kaugnay ng pagbabagong-kalooban ni Pablo, dahil na nga sa dating tagapag-usig ng mga Kristiyano - partikular na ang paglaban sa simbahan ng Jerusalem - si Pablo. Subalit napatunayan ang pagiging pangunahing tagapagtaguyod ni Pablo ng Mabuting Balita, na natunghayan sa kaniyang sumunod na pamumuhay at pangangaral para at na kay Kristong Hesus. Nagkaroon ng bungang ang kaniyang mga gawain sapagkat niluwalhati ng mga taong dati niyang inuusig ang Diyos. Dahil kay Pablo, naging magkaibigan ang dating mga magkakaaway, na nakatuon ang pansin sa pananalig at pagmamahal na nakaukol sa Tagapagligtas.[4]
[baguhin] Mga gawa ni Pablo
- Pangunahing lathalain: Mga sulat ni Pablo
Kabilang sa mga mahahalagang nagawa ni Pablo ang mga isinulat niyang liham o sulat para sa iba't ibang mga pamanayang Kristiyano noong kaniyang kapanahunan ng pangangaral bilang misyonero ng pananampalataya. Naging isang pangunahing sanggunian ng mga kaalaman hinggil sa sinaunang Simbahang Kristiyano ang mga liham ni Pablo, na matatagpuan ngayon sa Bagong Tipan ng Bibliya.[2][3]
[baguhin] Kapistahan at pagdiriwang
Ipinagdiriwang ng Simbahang Katoliko ang kapistahan ni San Pablo tuwing Hunyo 29. Inaalala rin ng Simbahang Katoliko ang kaarawan ng kaniyang paninibagong-loob - ang Araw ni San Pablo tuwing Enero 25. Kaugnay ng Araw ni San Pablo, may isang matandang paniniwala na mahuhulaan sa araw na ito kung ano ang magiging kalagayan ng panahon para sa buong isang taon. Ganito ang sinasabi sa isang lathalaing pinamagatang The Shepherd's Almanack (Ang Almanak[6] ng Pastol, isang uri ng aklat na nagbibigay sa bumabasa ng maraming talaan at kabatiran) noong 1676: na kapag may araw sa Araw ni San Pablo, mangangahulugang magiging mabuti ang taon; kung umulan, magkakaroon ng hindi nakikisama, may katabangan, o pangit na taya ng panahon; kapag maambon o mamasamasa ang paligid, magkakaroon ng mga pangangailangan ang tao; sasapitin naman ang labindalawang buwan ng paghangin at kamatayan ang pagkulog.[3]
Ipinagdiwang din ang Taong Paulino (Pauline Year sa Ingles) o Ang Taon ni San Pablo mula Hunyo 28, 2008 hanggang Hunyo 29, 2009. Ipinahayag at itinakda ito ni Papa Benedicto XVI sa Basilica ni San Pablo sa Labas ng mga Pader (Basilica of St. Paul Outside the Walls) sa Roma noong Hunyo 28, 2007, sa gabi bago sumapit ang araw ng kapistahan nina San Pedro at San Pablo, na kapwa mga patron ng Roma.[7]
[baguhin] Tingnan din
[baguhin] Sanggunian
- ↑ 1.0 1.1 Reader's Digest. (1995). "(a) Paul, apostle to the Gentiles, The Acts of the Apostles, pahina 786; at (b) The Conversion of St. Paul, Great Paintings Inspired by the New Testament, pahina 860". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.
- ↑ 2.0 2.1 2.2 The Committee on Bible Translation. (1984). "Paul". The New Testament, God's Word, The Holy Bible, New International Version (NIV). International Bible Society, Colorado, USA., Dictionary/Concordance, pahina B8.
- ↑ 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 "(a) Saint Paul, pahina 99; Holidays, Saint Paul's Day, January 25, pahina 159". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. (1977).
- ↑ 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 "Paul". Fackler, Mark (patnugot). 500 Questions & Answers from the Bible / 500 mga Katanungan at mga Kasagutan mula sa Bibliya. (2006). The Livingston Corporation/Barbour Publishing, Inc., Uhrichsville, Ohio, ISBN 9781597894739. (a) Why does Paul continue toward Jerusalem even though he is warned in a vision that he will be taken captive there?, kaugnay ng paliwanag para sa Mga Gawa 21:11, pahina 165; (b) Why was Paul beaten up so much?, paliwanag para sa 2 Corintio 4:8-12, pahina 177; (c) What was Paul's "thorn" in his flesh?, paliwanag para sa 2 Corintio 12:7, pahina 178; (d) Did Paul get along with the other apostles?, paliwanag para sa Galata 2, pahina 179; at (e) Why was Paul in prison?, paliwanag para sa Filipos 1:12-13, pahina 188-189.
- ↑ Abriol, Jose C.. (2000). "Pedro, Cefas". Ang Banal na Biblia, Natatanging Edisyon, Jubileo A.D. Paulines Publishing House/Daughters of St. Paul (Lungsod ng Pasay) ISBN 9715901077., pahina 1699.
- ↑ Gaboy, Luciano L.. "Almanac". Gabby's Dictionary, Talahuluganang Ingles-Filipino/English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
- ↑ Thavis, John. Pope announces special year dedicated to St. Paul, Catholic News Service (CNS), CatholicNews.com, Hunyo 2007
| † Mga Alagad ni Hesus † | |
|---|---|
| Simon Pedro | San Andres | San Santiago, anak ni Zebedeo | San Juan | San Felipe | San Bartolome | San Mateo | Santo Tomas San Santiago, anak ni Alfeo | San Simon | San Hudas Tadeo | Hudas Iskariote | San Matias | San Pablo |
|