Pader ng Berlin
Pader ng Berlin | |
---|---|
Pangkalahatang impormasyon | |
Uri | Harang Panghiwalay |
Bansa | Silangang Alemanya, Kanlurang Alemanya |
Mga koordinado | 52°30′58″N 13°22′37″E / 52.51611°N 13.37694°E |
Sinimulan | 13 Agosto 1961 |
Mga dimensiyon | |
Iba pang mga dimensiyon |
|
Teknikal na mga detalye | |
Sukat | 155 km (96 mi) |
Ang Pader ng Berlin (Aleman: Berliner Mauer, Ingles: Berlin Wall) ay isang harang na itinayo ng Republikang Demokratiko ng Alemanya (GDR, Silangang Alemanya) simula noong 13 Agosto 1961, na siyang tuluyang naghiwalay sa Kanlurang Berlin mula sa pumapalibot ditong Silangang Alemanya at sa Silangang Berlin[1] Binubuo ng mga bantay na tore na nakalagay sa kahabaan ng kongkretong pader[2] na siyang pumalibot sa isang malapad na sakop (na nakilala bilang "Kahabaan ng Kamatayan" o Death Strip) na nilagyan ng trinserang kontra-sasakyan, mga pako at iba pang depensa. Ipinagtanggol ng Eastern Bloc na itinayo ang pader para maprotektahan ang populasyon mula sa mga elementong pasista na nagnanais pumigil sa "kagustuhan ng masa" sa pagbuo ng estadong sosyalista sa Silangang Alemanya. Nagsilbing hadlang ang Pader sa pagpigil sa malawakang paglisan na naging tanda sa Alemanya at sa buong Eastern Bloc matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Opisyal na binanggit ang Pader ng Berlin bilang "Kutang Pangdepensa Kontra Pasismo" (Aleman: Antifaschistischer Schutzwall) ng otoridad ng GDR, at ipinahiwatig din nila na hindi pa tuluyang naaalis ang Nazizmo sa katabing Kanlurang Alemanya.[3] Binanggit din ng gobyerno ng Kanlurang Berlin ang nasabing pader bilang "Pader ng Kahihiyan" na siyang binuo ni alkalde Willy Brandt habang kinukundena ang pagpipigil ng pader sa "kalayaan sa paglalakbay". Kasabay ng isa pang mas mahabang pader, ang Panloob na Harang ng Alemanya (Inner German Border, IGB) na siyang naghihiwalay sa Silangan at Kanlurang Alemanya, sinisimbulo ng magkaparehong pader ang "Bakal na Tabing" na naghihiwalay din sa Kanlurang Europa at sa Eastern Bloc noong Digmaang Malamig.
Bago ang pagtayo ng Pader, nakaiwas na ang 3.5 milyong taga Silangang Alemanya mula sa paghihigpit sa emigrasyon at tuluyang nakalikas mula sa GDR, sa pamamagitan ng pagtawid sa hangganan ng Silangang Berlin patungong Kanlurang Berlin, kung saan maaari na silang maglakbay patungong Kanlurang Aleman at sa iba pang bansa sa Kanlurang Europa. Sa pagitan ng 1961 hanggang 1989, napigilan ng nasabing pader ang halos lahat ng uri ng emigrasyon.[4] Sa loob ng mga taong iyon, humigit kumulang sa 5,000 katao ang nagtangkang tumakas sa pader, at tinatayang 100 hanggang 200 sa kanila ang napatay.
Noong 1989, sunud-sunod ang naganap na mabilisang pagbabago sa politika sa Eastern Bloc, na inilunsad ng pagbibigay-laya ng mga bansang awtoritaryan at sa paglusaw ng kapangyarihang pampolitika sa mga maka-Sobyet na pamahalaan sa karatig na Polonya at Unggarya. Matapos ang ilang linggo ng kaguluhang sibil, ipinahayag ng pamahalaan ng Silangang Alemanya noong 9 Nobyembre 1989 na ang lahat ng mga sibilyan ng GDR ay maaari nang bumisita sa Kanlurang Alemanya at Kanlurang Berlin. Dumagsa ang mga taga-Silangang Alemanya sa pader at inakyat ito, at masaya silang sinalubong ng mga taga-Kanlurang Alemanya sa kabilang panig. Sa mga sumunod na mga linggo ay pinag-uuka ng mga publiko at ng mga kolektor ng souvenir ang mga bahagi ng pader, at kinalaunan gumamit na ang pamahalaan ng mga kagabitang industriyal upang maialis na ng tuluyan ang karamihang bahagi ng pader. Ang pagbagsak ng Pader ng Berlin ang nagbigay-daan sa Pagsasanib Muli ng Alemanya, na pormal nang nakumpleto noong 3 Oktubre 1990.
Panimulang Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Alemanya Matapos Ang Digmaan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nahati sa apat na sona ng pagsakop ang Alemanya tulad ng napagkasunduan sa Kasunduan sa Potsdam, kung saan ang bawat isa sa kanila ay pinapamahalaan ng isang mananakop na bansang Allied: ang Estados Unidos, Gran Britanya, Pransiya at ang Unyong Sobyet. Bagaman ang buong lungsod ng Berlin ay nasa bahagi ng Sobyet, nahati din sa apat na sona ng pagsakop ang kabisera na siya ding lokasyon ng Allied Control Council.[5]
Sa loob ng dalawang taon nabalot sa hidwaang pampolitika ang Sobyet at iba pang mga mananakop. Kasama dito ang pagtutol ng Sobyet sa plano ng rekonstruksiyon upang masustentuhan ng Alemanya ang kaniyang sarili at maitala din ang mga pabrika at imprastraktura na tinanggal ng mga Sobyet.[6] Nagpulong ang Britanya, Pransiya, ang Estados Unidos at ang mga bansang Benelux para ipagsanib ang mga bahaging hindi sakop ng mga Sobyet bilang iisang sona para sa rekonstruksiyon at para din maaprubahan ang pagpapalawig ng Planong Marshall.
Ang Eastern Bloc at ang Berlin Airlift
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binuo ng lider ng Sobyet na si Joseph Stalin ang isang samahan ng mga bansa sa kanluran ng Rusya na kung tawagin ay Eastern Bloc. Kasama dito ang mga bansang Polonya, Unggarya at Czechoslovakia. Simula pa lang noong 1945 nais na ni Stalin na makasapi rin ang buong Alemanya sa bloc bilang isang pinagsanib na komunismong bansa.[7] Umaasa siya na sa susunod na mga taon hihina ang posisyon ng Britanya sa kanilang nasasakupang bahagi at tatalikod na rin ang Estados Unidos, kaya wala nang magiging hadlang sa kaniya sa kaniyang kagustuhan.[8]
Ang isa sa pinakamabigat na tungkulin ng Komunistang pamunuan sa bahaging Sobyet ay ang pagsasalin ng utos ng mga Sobyet sa pamahalaan at sa iba pang mga partido sa bloc, at naging isa itong panloob na patakaran.[9] Pinasakamay ng gobyerno sa Silangang Alemanya ang lahat ng mga ari-arian at mga industriya sa kanilang nasasakupan.[10] Ang sinuman na tumutol o sumalungat sa kagustuhan ng mga Sobyet ay sinesermonan, o kung sila man ay wala sa pamahalaan sila ay maaaring parusahan, tulad ng pagpapakulong, pagpapahirap o pagpapatayin. Salungat ito sa pampolitika na proseso na ipinatupad sa kanlurang bahagi ng Alemanya na sinasakupan ng Britanya, Pransiya at Estados Unidos, kung saan mga ministro-pangulo ay pinipili ng mga kabahagi sa parlamento na malayang binoboto ng sambayanan.
Sapilitang itinuro ang doktrinang Marxismo-Leninismo bilang bahagi ng kurikulum sa paaralan. Dahil dito maraming mga propesor at estudyante ang lumikas sa Kanluran. Bumuo din ng malawakang sistemang kapulisan ang Silangang Alemanya para mabusising masiyasat ang buong populasyon, tulad ng pagbuo ng lihim na kapulisang Sobyet, ang SMERSH.[10][11]
Noong 1948 nagkaroon ng malaking hidwaan ukol sa rekonstruksiyon at sa pagbuo ng bagong pananalaping Aleman. Dahil dito inutos ni Stalin ang Berlin Blockade (Pagbangkulong sa Berlin) upang hindi makapasok ang mga pagkain at iba pang pangangailangan sa Kanlurang Berlin.[12] Tinugon ito ng Estados Unidos, Britanya, Pransiya, Kanada, Australya, New Zeland at iba pang mga bansa sa pamamagitan ng "Berlin Airlift" upang maihatid ang pangangailangan ng lungsod.[13] Naglunsad ng malawakang kompanyang pakikisalamuhang pampubliko ang Sobyet para labanan ang pagbabago sa patakaran ng kanluran. Tinangka ng mga komunista na ipatigil ang halalan noong 1948 matapos ang malaking pagkatalo,[14] habang nagkaroon ng malawakang protesta ang mga 300,000 taga-Berlin upang ipagpatuloy ang airlift.[15] Noong Mayo 1949, pinatigil na rin ni Stalin ang blockade, at pinahintulutan na rin na makarating ang mga kargamentong Kanluranin sa Berlin.[16][17]
Idineklara ang pagbuo ng Republikang Demokratiko ng Alemanya (GDR, Silangang Alemanya) noong 7 Oktubre 1949. Sa pamamagitan ng lihim na kasunduan, pinagkasunduan ng Ministeryo ng Ugnayang Panlabas ng Sobyet ang pagkakaroon ng pamahalaang administratibo sa Silangang Alemanya, ngunit hindi ang pagkakaroon ng autonomiya. Sinakop at pinakialaman ng histo ng mga Sobyet ang sistemang administratibo, miltar at lihim na kapulisan ng Silangang Alemanya at may buo silang kontrol.[18]
Maraming pagkakaiba ang Silangang Alemanya sa Kanlurang Alemanya (Republikang Pederal ng Alemanya). Na-debelop ang Kanlurang Alemanya bilang isang Kanluraning kapitalistang bansa na may ekonomiyang pangmerkadong panlipunan (social market economy, Aleman: Soziale Marktwirtschaft) at may pamahalaang demokratikong parlamentaryo. Dahil sa patuloy na paglagong pang-ekonomiya noong 1950s nagkaroon ng "milagrong pang-ekonomiya" (Aleman: Wirtschaftswunder) na tumagal ng 20 taon. Habang patuloy ang pag-angat ng ekonomiya at ng pamantayan ng pamumuhay sa Kanlurang Alemanya, marami sa mga taga-Silangang Alemanya ang gustong lumipat sa Kanlurang Alemanya.
Pagtakas Papunta Sa Silangan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Matapos na sakupin ng mga Sobyet ang malaking bahagi ng Silangang Europa sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, marami ang nag-asam ng kalayaan at pag-alis ng mga Ruso.[19] Sinamantala ng ilan sa mga taga-GDR ang mga sonang hangganan sa pagitan ng dalawang Alemanya para makaluwas. Ang mga nagluluwas patungo sa Kanlurang Alemanya ay umabot sa 187,000 noong 1950, 165,000 noong 1951; 182,000 noong 1952 at 331,000 noong 1953..[20][21] Ang isa sa mga naging salik sa biglang pagtaas ng pagluwas noong 1953 ay ang pangamba sa Sobyetisasyon (Sovietization) dahil sa paranoyd na kilos ni Joseph Stalin noong 1952 hanggang 1953.[22] 226,000 na ang lumikas sa unang taon pa lamang ng 1953.[23]
Pagtatayo ng Panloob na Hangganan ng Alemanya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sa mga unang bahagi ng 1950, nag-umpisa nang pakialamin ng Sobyet ang pambansang kontrol. Naghigpit sila sa emigrasyon sa halos buong bahagi ng Eastern Bloc, kabilang na ang Silangang Alemanya.[24] Nagdulot ito ng suliranin sa ilang bansa sa Eastern Bloc na mas maunlad at mas bukas pa kaysa sa Unyong Sobyet, tulad ng kinaugalian nang pagluwas tungo sa katabing bansa, lalu na dati na wala pang naitayong hangganan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Alemanya.[25]
Hanggang 1952, madali pa ang pagtawid tungo sa iba't ibang mga okupadong sektor ng lungsod.[26] Noong 1 Abril 1952, nagpulong ang mga pinuno ng Silangang Alemanya sa Pangulong Joseph Stalin sa Moscow. Sa nasabing pulong, minungkahi ng panlabas na ministro ng Sobyet na si Vyacheslav Molotov, na magpatupad ang Silangang Alemanya ng "sistema ng daanan para sa mga bibisitang residente ng Kanlurang Berlin tungo sa teritoryo ng Silangang Berlin para mapigilan ang malayang pagluwas ng mga kinatawang Kanluranin" sa GDR. Sumang-ayon si Stalin sa mungkahi. Pinayuhan niya ang mga taga-Silangang Aleman na magtayo na ng kanilang tanggulang pang-hangganan, at kaniyang sinabi na "ang hangganan ng Kanluran at Silangang Alemanya ay hindi lang dapat ikonsidera bilang isang hangganan lamang, kundi isang mapanganib na hangganan... Ipagtatanggol ng mga Aleman ang hanay ng pagtanggol sa pamamagitan ng kanilang buhay."[27]
Agad na sinara ang panloob na hangganan ng Alemanya sa pagitan ng dalawang estadong Aleman, at agad na itinayo ang mga pader na barbed wire. Gayunpaman, nanatiling bukas ang hangganan ng Silangan at Kanlurang Berlin, bagaman hinigpitan ang daloy trapiko sa pagitan ng mga sektor ng Sobyet at ng Kanluranin. Nagpaakit ang Berlin sa mga Silangang Aleman na nais makatakas sa masalimuot na buhay sa GDR, at nagdulot ito ng matinding tensiyon sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong Sobyet.
Noong 1955, binigyan ng Unyong Sobyet ang Silangang Alemanya ng kapangyarihan upang kontrolin ang kilos ng mga sibilyan sa Berlin, na siyang lubusang tinutulan ng mga bansang Kanluranin.[28] Sa una, pinayagan ng Silangang Alemanya ang "pagbisita" ng mga residente nito sa Kanlurang Alemanya. Kinalaunan, dahil sa malaking bilang ng pagtakas mula sa rehimen ng Silangang Alemanya, hinigpitan na ng bagong estadong Silangang Alemanya ang lahat ng paglalakbay pa-Kanluran..[26] Ayon sa kinatawan ng Silangang Alemang Sobyet na si Mikhail Pervukhin, "ang presensiya ng Berlin bilang isang bukas at isang hangganang hindi kontrolado sa pagitan ng mundong kapitalista at sosyalista ay siyang naghihikayat sa mga tao na paghambingin ang magkabilang bahagi ng lungsod, na siyang hindi sinasang-ayunan ng Demokratikong [Silangang] Aleman."[29]
Ang Butas Sa Patakarang Emigrasyon Sa Berlin
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagaman ganap nang naging opisyal ang pagsasara ng Panloob na Hangganang Aleman noong 1952,[29] naging bukas pa rin ang hangganan sa Berlin dahil pinamumunuan ito ng apat na kapangyarihang mananakop.[26] Naging daanan ng mga Silangang Aleman ang Berlin para makatakas patungo sa Kanluran.[30] Noong 11 Disyembre 1957, ipinatupad ng Silangang Alemanya ang isang batas pang-pasaporte na siyang nagpabawas sa bilang ng mga lumilikas.
Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nagdulot pa ito ng matinding pagtaas ng mga lumilikas sa pamamagitan ng Kanlurang Berlin mula 60% tungo sa 90% bandang katapusan ng 1958.[29] Ang sinumang mahuhuling tumatakas sa Silangang Berlin ay pinapatawan ng mabigat na multa. Sa kabila nito ay wala namang nakatayong pisikal na harang, at napapakinabangan pa ang mga tren ng subway sa Kanlurang Berlin, kaya balewala ang mga paghihigpit nito. Nagsisilbing butas ang Berlin sa mga taga Silangang Alemanya na gustong lumusot sa paghihigpit sa emigrasyon. Bandang 1961, umabot sa 3.5 milyon ang mga lumikas na Silangang Aleman, na katumbas sa halos 20% ng buong populasyon ng Silangang Alemanya.[31]
Ang isa sa mga dahilan ng hindi agarang pagsasara ng hangganan ng Kanlurang Berlin ay kung maisagawa ito ay mapuputol ang rutang daangbakal sa Silangang Alemanya. Noong matapos ang pagpapagawa ang bagong daangbakal na hindi dumadaan sa Kanlurang Berlin, na tinawag na Berlin Outer Ring, noong 1961, naging praktikal na ang pagsasara ng hangganan.
Brain Drain
[baguhin | baguhin ang wikitext]Karamihan sa mga emigrante ay mga bata at edukado. Dahil dito ikinabahala ng mga opisyal ng Silangang Aleman na magkaroon ng "brain drain" sa kanilang bansa.[19] Noong 28 Agosto 1958, agarang niliham ni Yuri Andropov, na noon ay Tagapangasiwa sa Ugnayan sa mga Partido Komunista at Manggagawa ng mga Bansang Sosyalita ng CPSU, ang Pangkalahatang Komite tungkol sa halos 50% pagdami ng mga intelihentistang Silangang Aleman sa bilang ng mga lumilikas.[32] Ibinalita ni Andropov na, bagaman pinapahayag ng pamunuan ng Silangang Alemanya na ang paglikas ay dahil sa kadahilangang pang-ekonomiya, na ayon sa testimonya ng mga lumilikas ang talagang dahilan ay pampolitika kaysa materyal.[32] Pinahayag niya na ang "paglisan ng mga intelligentista ay umabot sa kalagayang kritikal."
Sa isang polyeto na inilabas ng SED noong 1955, pinahayag dito ang seryosong kalagayan ng "paglikas mula sa republika."
Pareho sa paninindigang moral at sa katakdaan ng pangkalahatang interes ng bayang Aleman, ang paglikas mula sa GDR ay isang kilos ng pag-atras at pagbaba sa kalagayang pampolitika at moral.
Ang sinuman na siyang pumayag na magpaanib ay siyang nagpapasakop sa Reaksiyon at Militarismo ng Kanlurang Aleman, sa alam nila o sa hindi. Hindi ba kasuklam-suklam kung para sa iilang mga alok ng magagandang trabaho o sa mga bulaang pangako ng "tiyak na kinabukasan" lumilisan sila sa bansa kung saan sumisibol na ang binhi ng bago at higit na magandang buhay, at siyang nagbubunga na, tungo sa lugar na pumapabor sa bagong digmaan at kasiraan?
Hindi ba isang kilos ng kasiraang pampolitika kung saan ang mamamayan, kabataan man, manggagawa, o kasapi ng intelligentisa, ay lumilisan at nagtataksil sa isang bagay na nilikha ng mga tao sa pamamagitan ng karaniwang paggawa sa ating republika, upang ihandog ang kanilang mga sarili sa serbisyong lihim ng Amerikano o Briton o trabaho para sa mga may-ari ng pagawaan ng Kanlurang Aleman, mga Junker o mga maka-militar? Hindi ba ang paglisan sa lupa ng pag-unlad para sa maputik at makalumang kaayusang panlipunan ay pagpapakita ng pag-atras at pagkabulag pampolitika?
Ang mga manggagawa sa buong Alemanya ay hihingi ng parusa para sa mga lilisan ngayon sa Republikang Demokratikong Aleman, ang matayog na balwarte ng pakikipaglaban para sa kapayapaan, para pagsilbihan ang mga makamandag na kalaban ng lipunang Aleman, ang mga mananakop at mga militarista.[33]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Video: Berlin, 1961/08/31 (1961). Universal Newsreel. 1961. Nakuha noong 20 Pebrero 2012.
{{cite midyang AV}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Jack Marck Naka-arkibo 2008-08-29 sa Wayback Machine. "Over the Wall: A Once-in-a-Lifetime Experience" American Heritage, Oktubre 2006.
- ↑ [1][patay na link]
- ↑ Monday, 20 Nobyembre 1989 (20 Nobyembre 1989). "Freedom! – TIME". TIME. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 2013-08-25. Nakuha noong 9 Nobyembre 2009.
{{cite news}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2013-08-25 sa Wayback Machine. - ↑ Miller 2000, pp. 4–5
- ↑ Miller 2000, p. 16
- ↑ Miller 2000, p. 10
- ↑ Miller 2000, p. 13
- ↑ Wettig 2008, p. 95-5
- ↑ 10.0 10.1 Wettig 2008, p. 96
- ↑ Turner 1987, p. 47
- ↑ Gaddis 2005, p. 33
- ↑ Miller 2000, pp. 65–70
- ↑ Turner 1987, p. 29
- ↑ Fritsch-Bournazel, Renata, Confronting the German Question: Germans on the East-West Divide, Berg Publishers, 1990, ISBN 0-85496-684-6, page 143
- ↑ Gaddis 2005, p. 34
- ↑ Miller 2000, pp. 180–81
- ↑ Wettig 2008, p. 179
- ↑ 19.0 19.1 Thackeray 2004, p. 188
- ↑ Bayerisches Staatsministerium für Arbeit und Sozialordnung, Familie und Frauen, Statistik Spätaussiedler Dezember 2007 Naka-arkibo 2009-03-19 sa Wayback Machine., p.3 (in German)
- ↑ Loescher 2001, p. 60
- ↑ Loescher 2001, p. 68
- ↑ Dale 2005, p. 17
- ↑ Dowty 1989, p. 114
- ↑ Dowty 1989, p. 116
- ↑ 26.0 26.1 26.2 Dowty 1989, p. 121
- ↑ Harrison 2003, p. 240-fn
- ↑ Harrison 2003, p. 98
- ↑ 29.0 29.1 29.2 Harrison 2003, p. 99
- ↑ Paul Maddrell, Spying on Science: Western Intelligence in Divided Germany 1945–1961, p. 56. Oxford University Press, 2006
- ↑ Dowty 1989, p. 122
- ↑ 32.0 32.1 Harrison 2003, p. 100
- ↑ English translation of "Wer die Deutsche Demokratische Republik verläßt, stellt sich auf die Seite der Kriegstreiber" ("He Who Leaves the German Democratic Republic Joins the Warmongers"), Notizbuch des Agitators ("Agitator's Notebook"), Berlin: Socialist Unity Party's Agitation Department, Nobyembre 1955.