Pumunta sa nilalaman

Kultura

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Kultural)

Kultúra (Kastila: cultura) o kalinangán (mula "linang") ang kabuuang katawagan sa mga kaisipan, kaugalian, tradisyon, at gawi ng isang lipunan.[1][2] Itinuturing ito bilang isa sa mga sentrong konsepto sa larangan ng antropolohiya, kung saan hinahanap at pinag-aaralan ng mga antropologo ang mga pagkakaiba ng mga kultura gayundin sa mga pagkakapareho nila – ang pandaigdigang kultura (Ingles: universal culture), tulad ng sining, musika, sayaw, ritwal, rehiliyon, at teknolohiya. Nahahati sa dalawa ang kultura: materyal tulad ng pananamit at tahanan at di-materyal tulad ng politika at mitolohiya.[3]

Mga iba't-ibang aspeto ng mga kultura sa mundo.

Samantala, sa araling pantao, maaari ding tumutukoy ang kultura sa antas ng pagiging sopistikado ng isang indibidwal sa kasiningan, agham, edukasyon, o gawi. Ginagamit ito bilang isang uri ng klasipikasyon para tukuyin ang antas ng isang sibilisasyon. Makikita ang ganitong pananaw sa kultura sa mga lipunang may hiyarkiya, na madalas hinahati sa dalawa: ang mataas na kultura ng mga may-kaya at ang mababang kultura tulad ng kulturang popular ng masa. Samantala, umusbong naman ang kulturang pangmasa pagsapit ng ika-20 siglo, kasabay ng pagbilis sa produksiyon ng mga bagay na epekto ng Rebolusyong Industriyal, na nagbigay-daan naman upang umusbong din ang kulturang pangkonsyumer.

Iba't-iba ang mga pananaw sa araling pangkultura ang gampanin ng kultura sa lipunan. Halimbawa, kinakatuwiran sa Marxismo at teoryang kritikal na ginagamit ang kultura bilang isang kagamitan para manipulahin ang proletariat at gumawa ng isang pekeng diwa. Samantala, sa agham panlipunan naman, ipinagpalagay na ang kultura ng tao ay nagmula sa pangangailangang materyal ng tao na resulta ng ebolusyon nito.

Kultura rin ang tawag sa kaalaman na nakuha sa paglipas ng panahon. Sa ganitong pananaw, layunin ng multikulturalismo ang mapayapang pagkakaroon ng iba't ibang kultura sa isang lugar. Monokulturalismo naman ang kabaligtaran nito. Samantala, ginagamit din ang salitang "kultura" para tukuyin ang mga mas tiyak na gawain sa isang mas malaking kultura, tulad halimbawa ng mga subkultura o kontrakultura. Sa larangan ng antropolohiyang pangkultura, ayon sa relatibismong pangkultura, hindi mararanggo ang mga kultura sa kahit anong paraan dahil kailangang pag-aralan ang mga ito ayon sa pananaw ng kulturang yon.

May mga institusyon na naglalayon na protektahan ang mga kulturang nanganganib mawala. Ang UNESCO ay ang sangay ng Mga Nagkakaisang Bansa na may layuning protektahan at pangalagaan ang mga kultura at pamana ng mga kasaping bansa nito. Ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Kasiningan ang katumbas na komisyon nito sa Pilipinas.

Galing ang salitang "kalinangan" mula sa salitang-ugat na "linang" ("pagpapaunlad").[4] Ang salitang ito ay ginagamit madalas sa agrikultura upang tumukoy sa isang lupa o bukid na handa na'ng taniman.[4] Ang koneksyong ito sa agrikultura ay kapareho din sa etimolohiya para sa salitang "kultura". Galing sa salitang Kastila na cultura ang "kultura". Nagmula ito sa salitang Latin na unang ginamit ng Romanong orador na si Cicero sa kanyang Tusculanae Disputationes, kung saan niya sinulat ang "cultura animi" ('paglinang sa kaluluwa'),[5] isang metapora sa agrikultura para sa pagdebelop ng isang kaluluwang pampilosopiya, na kinikilala sa teleolohiya bilang ang pinakamataas na posibleng antas sa pagdebelop bilang tao. Noong 1986, kinatuwiran ng pilosopong si Edward S. Casey na ang salitang Ingles na culture ay mula sa Gitnang wikang Ingles para sa isang lugar na handa na'ng taniman, na galing ang salitang yon sa mga salitang Latin na colere ('linang'), at cultus ('kulto').[6]. Ayon sa kanya:

Para maging makultura, para magkaroon ng kultura, kailangang tirhan muna nang matagal-tagal ang isang lugar para linangin ito nang husto, maging responsable para rito, tumugon, at pangalagaan ito.[a][6]

Ang ganitong pananaw ay isinakonteksto sa modernong panahon ng pilosopong si Samuel Pufendorf, kung saan sinabi niya na hindi pilosopiya ang likas na pagkaperpekto ng tao. Ayon sa kanya, gayundin sa mga sumunod na manunulat pagkatapos niya, tumutukoy ang kultura sa "lahat ng mga bagay na nalalampasan ng sangkatauhan mula sa kanilang orihinal na barbarismo, at dahil sa kanyang katalinuhan, nagiging buo silang tao."[7]

Ayon kay Richard Velkley:

...[ang kultura ay] may orihinal na kahulugan na 'paglinang sa kaluluwa o kaisipan', at nakuha ang mga mas bagong modernong kahulugan sa mga isinulat ng mga iskolar na Aleman noong ika-18 siglo, na nasa iba't-ibang antas ng pagdebelop sa kritisismo ni [Jean-Jacques] Rousseau sa "modernong liberalismo at sa [Panahon ng] Kaliwanagan". Kaya naman, madalas ipinagpapalagay ng mga may-akdang ito ang pagkakaiba ng 'kultura' at 'kultibasyon', kahit na hindi [nila] direktang sinabi.[b][7]

Ayon naman sa antropologong si E.B. Tylor:

Yan [kultura] yung komplikadong kabuuan na kinabibilangan ng kaalaman, paniniwala, sining, moralidad, batas, gawi, at iba pang mga kapabilidad at kaugalian na nakuha ng tao bilang miyembro ng isang lipunan.[c]

Sa parehong pananaw naman sa kasalukuyang panahon:

Binibigyang-kahulugan ang kultura bilang ang dominyong panlipunan na nagbibigay-diin sa mga gawi, diskurso, at ekspresyong materyal na, sa paglipas ng panahon, nagpapahayag sa pagpapatuloy at hindi pagpapatuloy ng kahulugang panlipunan ng isang buhay na karaniwang hawak-hawak.[d][8]

Ayon naman sa Cambridge English Dictionary, kultura ang "kaparaanan ng buhay, lalo na yung mga pangkalahatang gawi at paniniwala, ng isang partikular na grupo ng tao sa isang partikular na panahon."[e][9] Ipinagpapalagay naman sa teorya ng pamamahala sa takot (Ingles: terror management theory) na ang kultura ay isang serye ng mga gawain at pananaw sa mundo na nagbibigay sa mga tao ng basehan para tingnan ang kanilang mga sarili bilang isang "taong may halaga sa isang mundong may kahulugan" — ibig sabihin, pag-angat sa mga sarili nila mula sa mga aspetong pisikal ng pag-iral, para tanggihan ang kawalang-halaga ng isang hayop at kamatayan na napansin ng Homo sapiens nang nakakuha sila ng mas malalaking utak.[10][11]

Ang pagsikat ng bandang The Beatles noong dekada 1960s ang nagpabago sa mundo ng musika. Bukod dito, ang kanilang epekto sa pandaigdigang kultura ay ramdam pa rin hanggang ngayon.

Patuloy na nagbabago ang isang kultura. Ayon sa mga nakalap sa arkeolohiya, ang kapasidad na ito ng sangkatauhan ay umusbong mga bandang 500,000 hanggang 170,000 bago ang kasalukuyan.[12] Iba-iba ang paraan ng pagbabagong ito. Tinukoy ni Raimon Panikkar ang 29 sa mga paraang ito; kabilang rito ang inobasyon, rebolusyon, at modernisasyon o ang pagyakap ng mga kultura sa mga paniniwala at gawi na umusbong noong Panahon ng Kaliwanagan sa Europa, tulad ng agham at demokrasya.[13] Samantala, mula sa mga ginawa nina Umberto Eco, Pierre Bourdieu, at Jeffrey Alexander, iminungkahi naman ni Rein Raud ang isang modelo ng pagbabago sa kultura na nakabase sa pag-angkin at pagkamit, na hinuhusgahan batay sa kanilang kognitibong kasapatan (Ingles: cognitive adequacy) at posibleng iendorso ng simbolikong otoridad ng kultura ng isang lipunan.[14]

Si Louise Weiss kasama ang iba pang mga nanawagan upang makaboto ang kababaihan sa Pransiya noong 1935. Ang pag-usbong ng peminismo noong ika-20 siglo ang nagpabago sa pagtingin ng mga kultura sa kasarian.

Nakadepende ang pagbabagong ito sa mga pwersa sa loob at labas ng isang kultura, na posibleng nanghihikayat o kumokontra. Nauugnay ang mga ito sa mga kaganapan sa lipunan at sa kalikasan, na siyang nagdidikta sa pagpapakalat sa mga bagong ideya at gawi sa kasalukuyang kultura.[15] Ilan sa mga halimbawa ng mga pwersang ito ang alitan sa lipunan gayundin ang pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya, na parehong kayang magpabago sa kasalukuyang pananaw ng isang lipunan. Ang pag-usbong ng peminismo sa Estados Unidos simula noong kagitnaan ng ika-20 siglo ay isang halimbawa ng pagbabagong ito, na nagresulta sa pagbago sa pananaw ng mga lipunan sa kasarian. Samantala, ang pagtatapos naman ng panahon ng yelo ang naging dahilan upang unti-unting magbago ang mga sinaunang kultura ng ito mula sa pangangaso papunta sa pagtatanim, na humantong kalaunan naman sa Rebolusyong Neolitiko.[16]

Lumilipat ang mga ideya ng isang kultura papunta sa iba sa pamamagitan ng dalawang pangunahing proseso: pagkalat (Ingles: diffusion) at akulturasyon (Ingles: acculturation). Sa pagkalat, ang ideya ng isang kultura ay "kumakalat" papunta sa iba. Halimbawa nito ang pagbubukas ng Tsina sa mga produkto ng Kanluran noong huling bahagi ng ika-20 siglo.[17] Posibleng hindi sumama ang kahulugan ng ideya ng kultura sa pinasok nitong bagong kultura; halimbawa nito ang ideya ng Pasko, na nawalan ng kahulugang panrehiliyon sa mga hindi Kristiyano.[18] Samantala, sa akulturasyon naman, ang isang kultura ay unti-unting pinapalitan ng isang mas dominanteng kultura, tulad halimbawa ng pagpasok at pananakop ng mga Europeo sa Kaamerikahan, Aprika, at Asya noong Panahon ng Pagtuklas.[19] Madalas itong nagaganap dahil sa asimilasyon ng mga indibidwal sa dominanteng kultura, o di kaya dahil sa paghahalo at pagsasama ng dalawa o higit pang kultura dahil sa globalisasyon o kaparehong proseso.[20]

Romantisismong Aleman

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Nanawagan ang pilosopong Aleman na si Johann Herder na pansinin ang mga kultura ng mga bansa.

Gumawa ang pilosopong Aleman na si Immanuel Kant ng isang pang-indibidwal na kahulugan ng "kaliwanagan" (Ingles: enlightenment) na parehas sa konsepto ng bildung: "Kaliwanagan ang paglayas ng tao mula sa kanyang kahilawan".[f] Ayon sa kanya, galing ang kahilawan na ito hindi dahil sa kawalan ng pag-unawa, pero mula sa kawalan ng tapang na malayang mag-isip. Laban rito, hayagan niyang sinabi ang mga katagang "Sapere Aude!" (lit. na 'Mangahas matuto!'). Bilang tugon kay Kant, kinatwiran naman ng maraming mga pilosopong Aleman kabilang na si Johann Gottfried Herder na ang pagkamalikhain ng tao ay kasinghalaga ng rasyonalismo nito. Bukod dito, pinalawig pa ni Herder ang kahulugan ng bildung; ayon sa kanya, bildung ang kabuuan ng mga karanasan na nagbibigay ng isang malinaw na pagkakakilanlan at pagkakaroon ng isang malinaw na tadhana sa isang lipunan.[21]

Noong 1795, nanawagan naman ang pilosopong taga-Prusya na si Wilhelm von Humboldt na magkaroon ng isang antropolohiya na kayang pagsamahin ang mga interes nina Kant at Herder. Noong panahon ng Romantisismo, nagdebelop ang mga iskolar mula Alemanya ng isang ideya ng kultura kung saan kabilang ang lahat – ang Weltanschauung (lit. na 'pagtingin sa mundo'; Ingles: worldview).[22] Nagmula ito sa mga kilusan ng nasyonalismo na may layunin na ipag-isa ang mga maliliit na prinsipalidad sa ngayo'y Alemanya at laban sa Imperyong Austria-Unggaryo. Ayon dito, ang pagtingin sa mundo ng isang kultura ay hindi masusukat o makukumpara sa pagtingin sa mundo ng iba. Bagamat mas malaya, pinapayagan pa rin ng pananaw na ito ang pag-uuri sa mga kultura bilang "sibilisado" at "primitibo".

Nagmungkahi si Adolf Bastian ng isang pangkalahatang modelo ng kultura, na naging basehan sa modernong pag-unawa sa konsepto.

Noong 1860, ipinahayag ni Adolf Bastian ang "pagkakaisang sikolohikal ng sangkatauhan".[23] Iminungkahi niya ang isang maagham na pagkukumpara sa lahat ng mga kultura ng mundo para patunayan na naglalaman ang bawat kultura ng mga payak na magkakaparehong elemento. Ayon sa kanya, may grupo ng mga "payak na ideya" (Aleman: Elementargedanken) na ginagamit ng lahat ng mga lipunan ng tao; nagkakaiba lang ang mga kultura at katutubong ideya (Aleman: Völkergedanken) nito dahil sa mga lokal na pagbabago sa grupong ito.[24] Ang pananaw na ito ang naging batayan ng modernong pag-unawa sa konsepto ng kultura, at pinalawig pa nang husto ng mga sumunod kay Bastian, tulad ni Franz Boas.[25]

Romantisismong Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong ika-19 na siglo, ginamit ng mga humanistang Ingles tulad ng makatang si Matthew Arnold ang salitang "kultura" upang tumukoy sa tinatamasang pagkadalisay ng isang indibidwal na tao, na halos pareho sa konsepto ng bildung. Ayon sa kanya, "...kultura ang pagtamasa sa ating kabuuang pagkaperpekto sa pamamagitan ng pag-alam sa lahat, ang pinakamatitinding naisip at nasabi sa mundo".

Sa praktikal na paggamit, tumutukoy ang "kultura" sa mga bagay na gustong gawin o matamasa ng elite, tulad halimbawa ng sining, musikang klasikal, at lutong haute. Dahil dito, naiugnay ang salitang "kultura" sa buhay ng mga taong nasa mga lungsod, na kalauna'y tumukoy na rin sa kabuuan ng isang sibilisasyon. Bukod dito, naging interesado ang mga iskolar noong panahon ng Romantisismo sa mga kuwentong-bayan, na naging dahilan upang magkaroon ng isang klasipikasyon ng mga kultura: "mataas na kultura" ng mga mayayaman at "mababang kultura" ng mga mahihirap. Sumasalamin ang klasipikasyong ito sa realidad ng buhay ng mga tao sa Europa noong panahon na yon.

Kinumpara ni Matthew Arnold ang kultura sa anarkiya. Gayunpaman, kinumpara naman ng mga pilosopong sina Thomas Hobbes at Jean-Jacques Rousseau ang kultura sa "estado ng kalikasan". Ayon kina Hobbes at Rousseau, namumuhay sa "estado ng kalikasan" ang mga katutubong Amerikano habang sinasakop sila ng mga Europeo. Nagbigay-daan ang pananaw na ito upang mabuo ang ideya ng pagiging "sibilisado" at "hindi sibilisado". Ayon dito, may mga ilang kulturang mas sibilisado kesa sa iba, at may mga ilan naman na mas makultura naman kesa sa iba. Kalaunan, ang pagkakaibang ito ang naging pundasyon ng mga teorya ng Darwinismong panlipunan ni Herbert Spencer at ebolusyong kultural ni Lewis Henry Morgan noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Tulad ng pagkakaiba ng mataas at mababang kultura, ang konsepto ng pagiging "sibilisado" o hindi ay sumasalamin sa tunggalian ng mga mananakop na Europeo at ang kanilang mga nasasakupang kolonya.

Tinanggap ng mga iskolar sa Europa ang pananaw na ito ni Rousseau ukol sa klasipikasyon ng mga kultura bilang "mataas" at "mababa". Gayunpaman, nakita ng ilan na korapsyon at hindi natural ang pagkadalisay at pagiging sopistikado ng mga matataas na kultura, na nagiging balakid sa pagnanasa ng tao na marating ang likas na pagkatao nito. Halimbawa, mas pinaboran ng mga iskolar nito ang musikang pambayan (na ginagawa ng mga pesante, taga-probinsya, at mga hindi nakapag-aral) kesa sa musikang klasikal. Ayon sa kanila, tapat, totoo, at sumasalamin ang musikang pambayan sa likas na pamumuhay ng isang tao, at parang artipisyal at isang paninira sa pamumuhay na ito ang musikang klasikal. Sa ganitong pananaw rin ipinapakita ng mga iskolar nito ang mga katutubo bilang mga "mararangal na barbaro" (Ingles: noble savages) na namumuhay nang likas at totoo, hindi tulad ng korap at komplikadong kapitalistang sistema ng pamumuhay sa Kanluran.

Noong 1870, ginamit ng antropologong si Edward Tylor ang ideya ng isang mataas at mababang kultura upang ipaliwanag ang ebolusyon ng rehiliyon. Ayon sa kanyang teorya, nagsisimula ang mga rehiliyong mula sa pagiging politeistiko (maraming diyos) papuntang monoteistiko (iisang diyos). Bukod dito, binigyang kahulugan niya ang kultura bilang isang malawak na koleksyon ng mga gawain na makikita sa lahat ng mga lipunan ng tao. Ang pananaw na ito ay tinanggap ng marami, at ginamit na basehan para sa modernong pag-unawa sa kultura at rehiliyon.

  1. Ingles: To be cultural, to have a culture, is to inhabit a place sufficiently intensely to cultivate it—to be responsible for it, to respond to it, to attend to it caringly.
  2. Ingles: ...originally meant the cultivation of the soul or mind, acquires most of its later modern meaning in the writings of the 18th-century German thinkers, who were on various levels developing Rousseau's criticism of "modern liberalism and Enlightenment." Thus a contrast between "culture" and "civilization" is usually implied in these authors, even when not expressed as such.
  3. Ingles: that complex whole which includes knowledge, belief, art, morals, law, custom and any other capabilities and habits acquired by man as a member of society.
  4. Ingles: Culture is defined as a social domain that emphasizes the practices, discourses and material expressions, which, over time, express the continuities and discontinuities of social meaning of a life held in common.
  5. Ingles: the way of life, especially the general customs and beliefs, of a particular group of people at a particular time.
  6. Ingles: Enlightenment is man's emergence from his self-inflicted immaturity.
  1. Tylor, Edward (1871). Primitive Culture [Primitibong Kultura] (sa wikang Ingles). Bol. 1. New York, Estados Unidos: J.P. Putnam's Son.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "kalina-ngan". Diksyonaryo.ph. Nakuha noong 18 Setyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Macionis, John J; Gerber, Linda Marie (2011). Sociology [Sosyolohiya] (sa wikang Ingles). Toronto, Canada: Pearson Prentice Hall. p. 53. ISBN 978-0-13-700161-3. OCLC 652430995.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 "linang". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 17 Setyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Cicero, Marcus Tullius; Bouhier, Jean (1812). Tusculanes de Cicerón (sa wikang Pranses). Nismes, Pransiya: J. Gaude. p. 273. OCLC 457735057. Inarkibo mula sa orihinal noong 2 Setyembre 2018. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. 6.0 6.1 Sorrells, Kathryn (2015). Intercultural Communication: Globalization and Social Justice [Interkultural na Komunikasyon: Globalisasyon at Katarungang Panlipunan] (sa wikang Ingles). Los Angeles, Estados Unidos: Sage. ISBN 978-1-4129-2744-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. 7.0 7.1 Velkley, Richard L. (2002). "The Tension in the Beautiful: On Culture and Civilization in Rousseau and German Philosophy" [Ang Tensyon sa Kagandahan: Ukol sa Kultura ni Rousseau at sa Pilosopiyang Aleman]. Being after Rousseau: philosophy and culture in question [Ang Diwa pagkatapos ni Rousseau: tanong sa pilosopiya at kultura] (sa wikang Ingles). Chicago, Estados Unidos: University of Chicago Press. pp. 11–30. ISBN 978-0-226-85256-0. OCLC 47930775.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. James, Paul; Magee, Liam; Scerri, Andy; Steger, Manfred (2015). Urban Sustainability in Theory and Practice: Circles of Sustainability [Pagpapanatiling Urban sa Teorya at Gawi: Mga Kabilugan ng Pagpapanatili] (sa wikang Ingles). London, Reyno Unido: Routledge. p. 53. ISBN 978-1-138-02572-1. OCLC 942553107. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Hunyo 2017. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. "Meaning of "culture"" [Kahulugan ng "kultura"]. Cambridge English Dictionary (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Agosto 2015. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Pyszczynski, Tom; Solomon, Sheldon; Greenberg, Jeff (2015). Thirty Years of Terror Management Theory [Tatlumpung Taon ng Teorya ng Pamamahala sa Takot]. Advances in Experimental Social Psychology (sa wikang Ingles). Bol. 52. pp. 1–70. doi:10.1016/bs.aesp.2015.03.001. ISBN 978-0-12-802247-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Greenberg, Jeff; Koole, Sander L.; Pyszczynski, Tom (2013). Handbook of Experimental Existential Psychology [Handbook ng Eksperimental na Sikolohiya ng Pag-iral] (sa wikang Ingles). Guilford Publications. ISBN 978-1-4625-1479-3. Inarkibo mula sa orihinal noong 31 Disyembre 2016. Nakuha noong 19 Setyembre 2022.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Lind, J.; Lindenfors, P.; Ghirlanda, S.; Lidén, K.; Enquist, M. (7 Mayo 2013). "Dating human cultural capacity using phylogenetic principles" [Pagpepetsa aa kapasidad ng sangkatauhan sa kultura gamit ang mga prinsipyong pilohenetiko]. Scientific Reports (sa wikang Ingles). 3 (1): 1785. Bibcode:2013NatSR...3E1785L. doi:10.1038/srep01785. ISSN 2045-2322. PMC 3646280. PMID 23648831.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Panikkar, Raimon (1991). Pathil, Kuncheria (pat.). Religious Pluralism: An Indian Christian Perspective [Pluralismong Panrehiliyon: Isang Perspektibong Indiyanong Kristiyano] (sa wikang Ingles). ISPCK. pp. 252–99. ISBN 978-81-7214-005-2. OCLC 25410539.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Rein, Raud (29 Agosto 2016). Meaning in Action: Outline of an Integral Theory of Culture [Kahulugan sa Gawain: Balangkas ng isang Mahalagang Teorya ng Kultura] (sa wikang Ingles). Cambridge, Reyno Unido: Polity. ISBN 978-1-5095-1124-2. OCLC 944339574.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. O'Neil, Dennis (2006). "Culture Change: Processes of Change" [Pagbabago sa Kultura: Mga Proseso ng Pagbabago]. Culture Change (sa wikang Ingles). Palomar College. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Oktubre 2016. Nakuha noong 8 Oktubre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Pringle, Heather (20 Nobyembre 1998). "The Slow Birth of Agriculture" [Ang Mabagal na Kapanganakan ng Agrikultura]. Science (sa wikang Ingles). 282 (5393): 1446. doi:10.1126/science.282.5393.1446. ISSN 0036-8075. S2CID 128522781.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. Wei, Clarissa (20 Marso 2018). "Why China Loves American Chain Restaurants So Much" [Bakit Sobrang Mahal ng Tsina ang mga Chain Restaurant ng Amerika]. Eater (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Marso 2019. Nakuha noong 15 Oktubre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. Hillerbrand, Hans J. "Christmas" [Pasko]. Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong 15 Oktubre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. Tobin, Theresa Weynand. "cultural imperialism" [imperyalismong kultural]. Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong 15 Oktubre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Berry, J.W. (Enero 2008). "Globalisation and acculturation" [Globalisasyon at akulturasyon]. International Journal of Intercultural Relations (sa wikang Ingles). 32 (4): 328–336. doi:10.1016/j.ijintrel.2008.04.001. Nakuha noong 15 Oktubre 2022 – sa pamamagitan ni/ng Science Direct.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. Eldridge, Michael. "The German Bildung Tradition" [Ang Tradisyon ng Bildung ng Alemanya] (sa wikang Ingles). UNC Charlotte. Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Enero 2009. Nakuha noong 18 Oktubre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  22. Underhill, James W. (2009). Humboldt, Worldview, and Language [Humboldt, Pagtingin sa Mundo, at Wika] (sa wikang Ingles). Edinburgh, Reyno Unido: Edinburgh University Press.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. Köpping, Klaus-Peter (2005). Adolf Bastian and the psychic unity of mankind [Adolf Bastian at ang pagkakaisang sikolohikal ng sangkatauhan] (sa wikang Ingles). Lit Verlag. ISBN 978-3-8258-3989-5. OCLC 977343058.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  24. Ellis, Ian. "Biography of Adolf Bastian, ethnologist" [Biograpiya ni Adolf Bastian, etnologo]. Today in Science History (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Agosto 2017. Nakuha noong 18 Oktubre 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  25. Liron, Tal (2003). Franz Boas and the discovery of culture [Franz Boas at ang pagtuklas sa kultura] (PDF) (Tisis) (sa wikang Ingles). OCLC 52888196. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2 Enero 2017. Nakuha noong 18 Oktubre 2022.{{cite thesis}}: CS1 maint: date auto-translated (link)