Pumunta sa nilalaman

Kabihasnan sa Bibliya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Mga kabihasnan sa Bibliya)
Isang tablang bato na may panitik ng kabihasnang Sumerio.

Ang mga kabihasnan sa Bibliya ay ang mga kabihasnan o sibilisasyon ng mga pangkat ng mga mamamayang nabanggit sa Bibliya mula Lumang Tipan hanggang Bagong Tipan. Naging tagpuan ang kanilang mga lungsod at iba pang mga pook ng mga pangyayaring nasasaad sa Bibliya. Pangunahin sa mga sinaunang kabihasnang ito ang sa mga Sumerio, Ehipsiyo, Hebreo, Asirio, Babilonio, Persa, Griyego, at mga Romano.[1]

Sinaunang
Mesopotamia
Eufrates · Tigris
Mga Imperyo/Lungsod
Sumerya
Eridu · Kish · Uruk · Ur
Lagash · Nippur · Ngirsu
Elam
Susa
Imperyong Akkadiano
Akkad · Mari
Amorreo
Isin · Larsa
Babilonya
Babilonya · Caldea
Asiria
Assur · Nimrud
Dur-Sharrukin · Nineve

Noong ikatlong milenyo bago dumating si Kristo, nagsimula sa katimugang Mesopotamya ang Sumeria, ang isa pinakamaagang urbanong mga kabihasnan sa mundo. Bilang mga malikhaing mamamayan, napaunlad ng mga Sumerio ang arko, ang gulong, ang isang masalimuot na gawi sa pagsusulat na ginagamitan ng mga panitik na may mga titik na hugis patulis ang dulo at cuneiform sa Ingles kung tawagin. Ginamit din nila ang likas na yaman ng kanilang mga lupain, katulad ng mga putik at tambo, upang makagawa ng mga bangka, at makapagtayo ng mga tirahan, mga palasyo, at mga templong may mga hakbangang templong kilala bilang mga sigurat.[1]

Noong unang hati ng ikalawang milenyo bago sumapit si Hesukristo - ang tinatawag na "panahon ng mga patriarka (mga ama) sa Bibliya," pinangingibabawan ng mga sinaunang Ehipsiyo ang Halos Silangan (Malapit sa Silangan). Walang nakalampas sa kanilang kasanayan sa pagdadala at paglililok ng mga batong ginamit sa pagtatayo ng mga malalaking gusaling katulad ng mga tagil o piramide. Sila rin ang lumikha ng unang kalendaryong solar (batay sa galaw ng araw), ang nagpaunlad ng mga may ginuhit na mga larawang paraan ng pagsulat o mga hiroglipiko, at ang nakagawa ng maraming mga sulatin hinggil sa anatomiya ng tao, panggagamot, at pananampalataya.[1]

Patungo sa wakas ng ikalawang milenyo bago dumating si Kristo, nagsimulang manirahan sa Canaan ang mga Hebreo, ang ninuno ng mga Hudyo. Mabilisan silang umunlad mula sa pagiging walang-pamalagiang tirahang mga mamamayang nananahan lamang sa mga kubol (mga nomadiko). Nagumpisa silang maglunsad ng mga pamayanang nagsasaka. Para malabanan ang paulit-ulit na mga paglusob ng mga makapangyarihang mga kanugnog na mga pangkat ng mga tao, katulad ng mga Pilistino, nagkaisa ang mga Hebreo sa pamamagitan ng pagpapailalim sa isang monarkiya. Noong mga kapanahunan ng mga haring sina David at Salomon, pinalawak nila ang kanilang nasasakupan at lakas mula sa Ilog Eufrates magpahanggang hangganan ng sinaunang Ehipto. Sa ilalim ng paghahari ni Salomon, nagtamasa ng panahon ng kapayapaan at kasaganaan ang mga Hebreo. Nakipagkalakalan sila sa iba't ibang mga bansa at nagangkat ng mga bagay-bagay kahit mula sa malalayong mga lugar. Ginamit nila ang kanilang yaman upang itaguyod ang isang malaking hukbo at isang maambisyosong programa ng pagpapatayo ng mga gusali. Nahati ng kanilang kaharian sa dalawa: ang Israel sa hilaga at ang Juda sa timog. Matapos ang paghahating ito, tinangka ng mga pinuno ng mga pinuno ng Israel at ng Juda ang paglaban sa paglusob ng sinaunang mga Ehipsiyo at, sa lumaon, ng Asiria. Subalit, noong 722 BK, nagapi ni Shalmaneser V ang kaharian ng Israel, kung kailan nagupo ang Samaria, ang pangunahing lungsod nito.[1]

Umabot sa sukdulan ang kapangyarihan ng mga Asirio noong mga 633 BK dahil sa pagkakasakop nila ng Thebes, isang lungsod ng sinaunang Ehipto. Kilala ang mga Asirio dahil sa kanilang malaki at sanay na mga hukbong pandigma, sa karahasan ng kanilang mga kawal, at sa kanilang karunungan at kaalaman sa pamamaraan ng paglusob. Katibayan ng kanilang katangiang ito ang pagkakaroon ng maraming mga detalyadong inukit sa batong mga larawan sa kanilang mga palasyo, na nagpapakita ng kanilang kampanyang pangmilitar. Isang halimbawa ng mga ukit na ito ang matatagpuan sa Nineveh, isang pagalala ng mga Asirio sa mga tagumpay ni Sennacherib. Noong 612 BK, bumagsak ang Nineveh at naging sanhi ng madaling pagkawala ng pangingibabaw ng kabihasnang Asirio. Napalitan sila ng mga Babilonio.[1]

Mga Babilonio

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Paglalarawan sa Nakabiting Halamanan ng Lungsod ng Babilonia.

Noong 605 bago dumating si Kristo, sa pamumuno ni Nebuchadnezzar II, nagapi ng mga Babilonio ang mga kakamping Ehipto ng mga Asirio sa isang labanan naganap sa Carchemish. Mula noon naging ganap ang pangingibaw ng kapangyarihan mga Babilonio sa mga lupaing nabanggit sa Bibliya. Isa sa mga luwalhati at tagumpay ng Imperyong Babilonio ang pagkakatatag ng Lungsod ng Babilonia. Si Nebuchadnezzar II mismo ang nagplano ng kayarian ng lungsod. Bantog ito sa pagkakaroon ng mga nakabiting mga halamanan, at dahil sa kaniyang Tarangkahang Ishtar na napapalamutian ng bughaw at makintab na mga blokeng bato. Nakatayo ang tarangkahang ito sa hilagang pasukan ng lungsod ng Babilonia.[1]

Mga Persa (Persian)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nang masakop ng Persang si Ciro ang Lungsod ng Babilonia noong 539 BK, ang mga Persa ang naging pangunahing kapangyarihan sa mga lupaing nabanggit sa Bibliya. Nagpatuloy ang pangingibabaw ng mga Persa ng may dalawandaang taon. Lumagap ang kanilang imperyo mula sa India hanggang sa Aegeano, maging mula sa Bulubunduking Caucaso hanggang Etiyopiya. Si Ciro ang nagtatag ng liberal na katangian ng pamumunong Persa. Isang katibayan nito ang pagpapahintulot ni Ciro sa mga dinalang-bihag na mga Hudyo (Mga Hebreo) na makabalik sa Jerusalem. Sa halos lahat ng kahabaan ng kapanahunan ng mga naging hari imperyong Persa, naging kabisera ng Persa ang Persepolis. Isa sa kanilang naging tagumpay sa larangan ng arkitektura sa Gitnang Silangan ang pagkakatayo ng isang maringal o maharlikang palasyo.[1]

Sumilang ang kalinangan at pilosopiyang Griyego mula sa Atenas. Dahil sa mga pagtatagumpay ni Alejandrong Dakila laban kay Dario III, lumaganap ang impluhong pangkultura at pampolitika ng Gresya patungong silangangan hanggang sa mga hangganan ng India. Napasailalim ang Banal na Lupain sa panginibabaw at kapangyarihan ng dalawang Helenistikong dinastiya: una, sa ilalim ng mga Tolomeo at, pangalawa, sa ilalim ng mga Seleucid. Sa panahon ng dinastiyang Ptolemy, naging isang kabisera ang Alexandria, isang pook sa Ehipto. Namuno naman mula sa Antioqia ang dinastiyang Seleucid. Bagaman nakapaghimagsik ang mga Hudyo - sa pangunguna ng mga Macabeo - laban sa mga Seleucid, maikli lamang ang itinigal ng kanilang tagumpay at kasarinlan, sapagkat makalipas ang kulang-kulang na isang daantaon nilusob naman ang bansang Hudyo ng mga sinaunang Romano (ng Republikang Romano) paglaon.[1]

Modelong naglalarawan sa pangalawang templo ng Jerusalem.

Noong kapanahunan ni Hesus, pinagpilitan ng Imperyong Romano ang sarili nilang pamamaraan ng batas at kaayusan sa kahabaang mula Britanya hanggang Pulang Dagat. Sa pagkakalikha nila ng mga daan at sa pagkakatanggal ng mga mandarambong mula sa mga karagatan, yumabong ang kalakalan. Sa Palestina, itinalaga ng mga Romano si Haring Herodes ang Dakila bilang isa sa kanilang sunud-sunurang mga pinuno. Sa panahon ni Herodes ang Dakila, hinikayat ng mga Romano ang malawakang mga pagawaing panggusali. Isa sa mga nakamit ni Dakilang Herodes ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem.[1]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 1.7 1.8 Reader's Digest (1995). "Biblical Chronology, pahina 976-991". The Reader's Digest Bible, Illustrated Edition (Condensed from the Revised Standard Version: Old and New Testaments). The Reader's Digest Association, Inc., Pleasantville, London/New York/Montreal/Sydney/Auckland/Cape Town, ISBN 0276420136.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)