Saligang Batas ng Hilagang Korea
Sosyalistang Saligang Batas ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea | |
---|---|
Overview | |
Original title | 조선민주주의인민공화국 사회주의헌법 |
Hurisdiksiyon | Korea |
Itinanghal noong | 23 Oktubre 1972 |
Rinatipika noong | 27 Disyembre 1972 |
Petsang umepekto | 27 Disyembre 1972 |
Sistema | Republikang sosyalistang isang-partidong unitaryo |
Government structure | |
Mga sangay | 3 |
Pinuno ng estado | Komisyon ng Ugnayang Pang-estado (Pangulo) |
Mga kamara | Unikameral (Asembleyang Bayang Kataas-taasan) |
Ehekutibo | Gabinete (pinangungunahan ng Premiyer) |
Hudisyaryo | Gitnang Hukuman |
Kolehiyong Elektoral | Oo (Asembleyang Bayang Kataas-taasan) |
Unang lehislatura | 25 Disyembre 1972 |
Unang tagapagpaganap | 27 Disyembre 1972 |
Unang hukuman | 27 Disyembre 1972 |
Huling susog | 29 Agosto 2019 |
Kinomisyon | Partido ng mga Manggagawa ng Korea (Komite Sentral) |
Mga may-akda | Partido ng mga Manggagawa ng Korea (Komite Sentral) |
Mga lumagda | Asembleyang Bayang Kataas-taasan |
Pumalit sa | Saligang Batas 1948 |
Sosyalistang Saligang Batas ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea | |
Chosŏn'gŭl | 조선민주주의인민공화국사회주의헌법 |
---|---|
Hancha | 朝鮮民主主義人民共和國社會主義憲法 |
Binagong Romanisasyon | Joseon Minjujuui Inmin Gonghwaguk Sahoejuui Heonbeop |
McCune–Reischauer | Chosŏn Minjujuŭi Inmin Konghwaguk Sahoejuŭi Hŏnbŏp |
Ang Sosyalistang Saligang Batas ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea (Koreano: 조선민주주의인민공화국 사회주의헌법, MR. Chosŏn Minjujuŭi Inmin Konghwaguk Sahoe) ay ang naglilingkod bilang saligang batas ng Hilagang Korea. Inaprubahan ito ng ika-6 na Asembleyang Bayang Kataas-taasan sa unang sesyon nito noong 27 Disyembre 1972, at dinagdaga't sinusog noong 1998, 2009, 2012, 2013, 2016 at 2019. Pinalitan nito ang unang saligang batas ng bansa na inaprubahan noong 1948. Kasalukuyan itong binubuo ng pitong kabanata at 172 artikulo na naglalahad ng mga prinsipyong pangunahin ng Hilagang Korea sa politika, ekonomiya, kalinangan, simbolo't tanggulang pambansa, karapatan at tungkuling pangunahin ng mga mamamayan, at organisasyon ng pamahalaan. Pinamamahalaan din ang bansa ng Sampung Prinsipyo para sa Pagkakatatag ng isang Sistemang Ideolohikong Monolitiko, na sinasabi ng ilan na pumalit sa saligang batas at sa praktika'y pinakamataas na batas ng bansa.[1][2]
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sinimulan ng Hilagang Korea na magburador ng unang saligang batas nito kasunod ng kumbensyon ng Interim Asembleyang Tagapagbatas ng Timog Korea noong 12 Disyembre 1946, na nagsimulang bumalangkas ng interim saligang batas para sa Timog Korea at pagkabigo na pagtatag ng pinag-isang pamahalaang probisyonal sa Korea dahil sa pagbagsak ng Komisyong Pinagsamang EU-Sobyetiko noong 21 Oktubre 1947. Inorganisa ng Asembleyang Bayan ng Hilagang Korea ang isang 31-kasaping komite upang magsabatas ng isang probisyonal na saligang batas. Iniharap ang isang burador sa asembleya noong Pebrero 1948 at napagpasyahan na isumite ito sa isang "talakayan ng lahat ng tao" na ginanap mula 11 Pebrero hanggang 25 Abril 1948.[3] Pinagtibay ng asembleya ang burador noong 10 Hulyo 1948 bilang Saligang Batas ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea, na ipinatupad ng Asembleyang Bayang Kataas-taasan sa buong tangway ng Korea 8 Setyembre 1948. Ayon kay Andrei Lankov, ang konstitusyon noong 1948 ay personal na rinebisa sa Mosku nina Iosif Stalin at Terentiy Shtykov, ang pinuno ng Sobyetikong pananakop sa Hilagang Korea, kung saan ang iilan sa mga artikulo nito'y muling isinulat sa kinamamayaan ng mga Sobyetikong superbisor.[4]
Ang konstitusyong 1948 ay binubuo ng 10 kabanata at 104 na artikulo. Ikinodigo nito ang mga repormang ipinapatupad sa Hilagang Korea mula nang itatag ang Komiteng Bayang Probisyonal ng Hilagang Korea noong 1946, tulad ng mga reporma sa lupa, ang pagsasabansa ng mga industriya at mapagkukunan, at pagbibigay ng iba't ibang kalayaan at karapatan sa mga Koreano. Itinatag ng konstitusyon ang Asembleyang Bayang Kataas-taasan bilang institusyong pinakamataas ng pamahalaan sa Hilagang Korea at binigyan ng iba't-ibang kapangyarihan tulad ng pagpasa ng mga batas at halalan ng Gabinete, Kataas-taasang Hukuman, at Prokurador Heneral. Ang Komiteng Permanente ng Asembleyang Bayang Kataas-taasan ay inatasang gumamit ng mga kapangyarihan ng asembleya sa panahon ng reseso nito at kumatawan sa bansa sa mga ugnayang panlabas nito. Ang Gabinete ay itinatag bilang pinakamataas na institusyong tagapagpaganap, at ang Premiyer ay itinalaga bilang puno ng pamahalaan. Sinusog ang konstitusyong ito ng limang beses: noong Abril 1954, Oktubre 1954, 1955, 1956 at 1962.
Sinimulan ng Hilagang Korea ang pagburador ng kasalukuyang sosyalistang saligang batas dahil sa pangangailangang itakda sa batas ang mga lumalawak na patakarang sosyalista at pagbabagong pampolitika, pang-ekonomiya at panlipunan sa bansa, na hindi makikita sa konstitusyong 1948.[3] Ang pangangailangan para sa isang bagong saligang batas ay tinalakay mula noong kalagitnaan ng mga 1960. Noong dekadang 1970, ang paglikha ng isang bagong saligang batas ay ginawang usaping kagyat.[5] Nag-organisa ng isang komite para magburador ng isang sosyalistang saligang batas noong 23 Oktubre 1972 sa ika-5 plenaryong pulong ng ika-5 Komite Sentral ng Partido ng mga Manggagawa ng Korea.[6] Sinabi ni Kim Il-sung sa isang ulat sa pagpupulong na mayroong pangangailangan ikodigo ang "himagsikan at konstruksyong sosyalista" at kanilang mga nagawa sa konstitusyon.[3] Iniharap ang burador ng saligang batas sa ika-1 session ng ika-5 Asembleyang Bayang Kataas-taasan. Inisaad ni Kim Il-sung sa isang talumpati noong 25 December 1972 na "ang ating mga reyalidad ngayon ay apurahang hinihiling ang legal na pagtatatag ng isang bagong sosyalistang saligang batas upang pagsamahin ang mga dakilang nagawa ng ating bayan sa himagsikang sosyalista at pagtatayo ng sosyalismo at paglalatag ng mga prinsipyo para sa mga larangang pampolitika, pang-ekonomiya, at pangkalinangan sa lipunang sosyalista. Pinagtibay ang saligang batas sa ika-1 sesyon ng ika-6 Asembleyang Bayang Kataas-taasan noong 27 December 1972, ang parehong petsa kung kailan pinagtibay ng Timog Korea pinagtibay ang Saligang Batas Yusin.
Isinaad sa bersyong orihinal ng Sosyalistang Saligang Batas na ang Republikang Bayang Demokratiko ng Korea ay isang "estadong sosyalistang malaya" na ginagabayan ng ideyang Juche ng Partido ng mga Manggagawa ng Korea, na inilarawan bilang "isang aplikasyong malikhain ng Marxismo–Leninismo" sa kalagayan sa Hilagang Korea, at batay sa sosyalistang relasyon ng produksyon at ng ekonomiyang malaya. Ikinodigo nito ang diwa't pamamaraang Chongsanri bilang batayan ng bansa sa lahat ng aktibidad nito at ang kilusang Chollima bilang linyang sentral ng konstruksyong sosyalista. Itinatag nito ang ekonomiya ng Hilagang Korea bilang isang ekonomiyang planado na nakamit ang industriyalisasyon at pinamamahalaan sa pamamagitan ng sistemang pantrabahong Taean. Sinasabing bumubuo ang estado ng "kalinangang pambansang sosyalista" na nagsasanay sa mga tao na maging mga tagapagtayo ng sosyalismo at komunismo. Nagtatag ito ng bagong sistemang pampamahalaan kung saan ang pangulo ay ang puno ng estado, komandanteng kataas-taasan ng sandatahang lakas, tagapangulo ng Komisyon ng Komisyon ng Tanggulang Pambansa, at pinuno ng Komite Sentral ng Bayan - ang bagong institusyong pinakamataas na itinatag ng konstitusyon na may malawak na hanay ng mga kapangyarihan sa patakarang domestiko. Ang Asembleyang Bayang Kataas-taasan ay nananatiling institusyong pinakamataas ng pamahalaan na may kapangyarihang magpasa ng mga batas at maghalal ng pangulo ng estado, pangulo ng Gitnang Hukuman, Tagausig Heneral ng Tanggapang Pampublikong Sentral ng mga Tagausig, mga kasapi ng Komite Sentral ng Bayan, at mga miyembro ng Konseho ng Pangasiwaan. Ang Komiteng Permanente ng Asembleyang Bayang Kataas-taasan ay binawasan ng mga kapangyarihan nito sa paggamit lamang ng kapangyarihan ng asembleya sa reseso nito. Ang Gabinete ay pinalitan ng Konseho ng Pangasiwaan na pinamumunuan ng Premiyer at may katungkulang magpatupad ng patakarang pang-estado. Sinusog ito ng walong beses: noong 1998, 2009, 2012, 2013, 2016 at 2019.
Istraktura
[baguhin | baguhin ang wikitext]Panimula
[baguhin | baguhin ang wikitext]Inilalarawan ng panimula ang Republikang Bayang Demokratiko ng Korea bilang "estadong sosyalista ng Juche" na naglalapat ng mga ideya at tagumpay nina Kim Il-sung at Kim Jong-il sa konstruksyong pang-estado. Kinikilala si Kim Il-sung bilang "tagapagtatag ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea at ama ng sosyalistang Korea". Kinekredito siya bilang may-akda ng ideyang Juche, nag-organisa at namuno ng pakikibakang anti-Hapones, at naglatag ng mga pundasyon at prinsipyo para sa pagtatag ng Korea bilang isang estadong malaya, soberano, at sosyalista. Kinikilala naman si Kim Jong-il na isang "makabayang walang kapantay at tagapagtanggol ng sosyalistang Korea" na tumupad sa mga patakaran ni Kim Il-sung at ginawa ang Hilagang Korea na isang kapangyarihang politiko-ideolohikal, estadong nukleyar, at kapangyarihang militar sa pamamagitan ng politikang Songun. Nakalagay na sina Kim Il-sung at Kim Jong-il ay palaging nagtrabaho para sa bayan sa ilalim ng kanilang salawikain na "ang bayan ay langit," at kinekredito sila sa paggawa ng Hilagang Korea bilang isang bansang natatangi sa mundo para sa pagtupad ng mga gawain sa pagbuo ng isang estadong maunlad at malayang estado. Pinupuri sila bilang "mga tagapagligtas ng bansa" na nagtrabaho para sa muling pag-iisa ng Korea, at "mga beteranong estadistang pandaigdig" para sa pagbuo ng ugnayang panlabas ng Hilagang Korea. Isinasaad na ang mga kanilang mga ideya at tagumpay ay "mga kayamanang pangmatagalan ng himagsikang Koreano" at ang garantiyang pangunahin para sa kaunlaran ng Hilagang Korea, habang itinayo ang Palasyo ng Araw ng Kumsusan bilang bantayog sa imortalidad ng mga pinuno at isang simbolong pambansa para sa Korea. Nagtatapos ang panimula sa pagsasadambana kay Kim Il-sung at Kim Jong-il bilang mga pinunong walang hanggan ng Juche Korea, at pagsasaad na ang saligang batas ay binubuo ng kanilang mga ideya at tagumpay, samakatuwid ginagawa itong Saligang Batas Kim Il Sung-Kim Jong Il.[7]
Kabanata 1: Politika
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Kabanata 1 ng saligang batas ay binubuo ng 18 artikulo na nagbabalangkas sa istrukturang pampolitika ng Hilagang Korea.
Ang Artikulo 1 ay nagsasaad na ang Hilagang Korea, opisyal na Republikang Bayang Demokratiko ng Korea, ay isang estadong sosyalistang malaya, at nilalarawan ng Artikulo 2 bilang isang estadong manghihimagsik. Ginagawa ng Artikulo 3 ang Kimilsungismo-Kimjongilismo bilang patnubay ng bansa para sa mga gawain nito. Ipinagkakaloob ng Artikulo 4 ang soberanya ng bansa sa bayang manggagawang binubuo ng mga manggagawa, magsasaka, sundalo at tauhang mahuhusay na nagsasagawa nito sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan sa Asembleyang Bayang Kataas-taasan at mga asembleyang bayang lokal. Ayon sa Artikulo 5, ang mga institusyong pampamahalaan ay nilikha at gumagana batay sa sentralismong demokratiko. Nakasulat sa Artikulo 6 at 7 na ang mga kinatawan ng mga ito ay inihahalal ng bayan batay sa suprahiyong unibersal, pantay, at direkta, at may pananagutan sa kanila.
Ibinibigay ng Aritkulo 8 ang isang sistemang panlipunang "nakasentro sa bayan" para sa Hilagang Korea na ginagawang "mga manggagawa na maestro sa lahat ng bagay" at "lahat ng bagay sa lipunan ay naglilingkod sa mga manggagawa," at inaatasan ang estado na igalang at ipagtanggol ang mga karapatang pantaong bayan. Binibigay ng Artikulo 9 ang Hilagang Korea ng tungkulin na makamit ang "kumpletong tagumpay ng sosyalismo" sa hilagang kalahati ng Korea at ang muling pag-iisa ng Korea. Ayon sa Artikulo 10, nakabatay ang estado sa "pagkakaisang pampolitika at ideolohikal" ng bayan na nasa isang alyansang manggagawa-magsasakang pinamumunuan ng uring manggagawa, at na ang mga tao ay irerebolusyona at iaasimila ng estado sa iisang lipunang nagkakaisa. Pinapamuno ng Artikulo 11 ang Partido ng mga Manggagawa ng Korea sa lahat ng gawain sa bansa. Idinadagdag ng Artikulo 12 na ang estado ng Hilagang Korea ay "susunod sa linyang uri" at "ipagtatanggol ang kapangyarihang bayan at ang sistemang sosyalista" mula sa "mga elementong pagalit" sa pamamagitan ng diktadurang demokratikong bayan. Nakasaad sa Artikulo 13 na lulutasin ng Hilagang Korea ang mga isyu ng bansa sa pamamagitan ng paghahanap ng mga solusyon mula sa masa sa pamamagitan ng sistemang paggawang manghihimagsik, at ginagawang institusyonal ng Artikulo 14 ang mga kilusang masa tulad ng kilusang Tatlong-Himagsikang Pulang Watawat upang itulak ang konstruksyong sosyalista sa bansa.
Nagbibigay ang Artikulo 15 ng representasyon para sa mga Koreano sa ibang bansa, at ginagarantiya ng Artikulo 16 na ang mga interes ng mga dayuhan sa loob ng Hilagang Korea ay igagarantiya ng estado. Itinatag ng Artikulo 17 ang mga prinsipyo ng kasarinlan, kapayapaan at pagkakaibigan bilang batayan ng ugnayang panlabas ng Hilagang Korea, at ipinapahayag na susuportahan ng bansa ang mga pakikibakang dayuhan para sa kalayaan at kalayaan. Isinasaad ng Artikulo 18, ang huling artikulo, na ang mga batas ng Hilagang Korea ay ang "repleksiyon ng mga kagustuhan at interes" ng bayan, at dapat itong sundin ng bawat institusyon, negosyo, organisasyon at tao sa bansa. Ang estado ay may tungkuling gawing perpekto ang sosyalistang sistemang batas at palakasin ang sosyalistang buhay na sumusunod sa batas.[8]
Kabanata 2: Ekonomiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Kabanata 2 ng saligang batas ay binubuo ng 19 artikulo na nagbabalangkas sa istrukturang pampolitika ng Hilagang Korea.
Nakasaad sa Artikulo 19 na umaasa ang Hilagang Korea sa mga sosyalistang relasyon ng produksyon at pundasyon ng isang "malayang ekonomiyang pambansa", at dinedeklara sa Artikulo 20 na ang mga moda ng produksyon ay pagmamay-ari ng estado at mga organisasyong kooperatibang panlipunan.
Ginigiit sa Artikulo 21 na ang pag-aari ng estado ay pag-aari ng bayan. Walang binibigay na limitasyon sa ari-arian na maaaring pagmamay-ari ng estado, at ang mga bagay tulad ng mga yamang likas, riles, serbisyo sa transportasyong panghimpapawid, establisyimentong pangkoreo't telekomunikasyon, pangunahing pabrika't negosyo, at mga daungan't bangko ng bansa ay pagmamay-ari lamang ng estado. Sa Artikulo 22, ang pag-aari ng mga organisasyong kooperatibang panlipunan ay pag-aaring kolektibo ng mga manggagawang kasangkot sa mga organisasyong kinauukulan. Maaari ang mga organisasyong ito mag-ari ng lupa, makinaryang pangsakahan, barko, at mga pabrika at negosyong maliliit at/o katamtaman. Prinoprotektahan ng estado ang pag-aari nila ng mga ito. Nakasulat sa Artikulo 23 na dapat palakasin ng estado ang kamalayang ideolohikal at ang teknikal at pangkalinangang antas ng mga magbubukid, gayundin ang pagtaas ng papel ng pag-aari ng bayan sa ari-ariang kooperatiba. Papabutihin din nito ang pagpapatnubay at pangangasiwa sa ekonomiyang kooperatiba. Pinapayagan sa Artikulo 24 na mag-ari ang mga mamamayan ng ari-ariang pribado, na binabatay sa pamamahaging sosyalista. Sumasaklaw ang ari-ariang pribado ng mga produktong mula sa mga indibiduwal na aktibidad tulad ng sa mga harding kusina at ibang legal na pang-ekonomiyang aktibidad. Prinoprotektahan din ng estado ang karapatan nitong mamana.
Ayon sa Artikulo 25, patuloy na itataas ng Hilagang Korea ang pamantayang materyal at pangkalinangan ng bayan, at bibigyan ng estado lahat ng uring manggagawa ng pagkain, damit, at pabahay. Isinasaad sa Artikulo 26 na ang "malayang ekonomiyang pambansa" ng Hilagang Korea ay ang pundasyon ng sosyalistang pamumuhay at kaunlarang pambansa, at inaatasan ang estado na sumikap sa pagtaguyod ng ekonomiyang pambansang nakatuon sa Juche at batayang moderno upang gawin ang ekonomiyang lubos na maunlad. Sa Artikulo 27, papalakasin ng estado ang papel ng agham at teknolohiya sa lahat ng pang-ekonomiyang aktibidad nito upang makamit ang integrasyon ng agham at teknolohiya sa produksyon, samakatuwid mapapabilis ang konstruksyong pang-ekonomiya. Sinusundan ito ng Artikulo 28, kung saan inaatasan ang estadong gawing moderno't industriyalisado ang agrikultura, pagbutihin ang papel ng kondado sa paggabay at pagtulong nito sa kanayunan, at pagtayo ng mga pangproduksyong pasilidad para sa mga sakahang kooperatiba at modernong bahay sa kanayunan.
Sinasabi sa Artikulo 29 na ang paggawa sa Hilagang Korea ay malaya mula sa pagsasamantala at pang-aapi, at ang kawalan ng trabaho ay "di-alam" sa estado. Dinedeklara sa Artikulo 30 na ang araw ng pagtatrabaho ay dapat na walong oras, ngunit babawasan ng estado sa mahirap na pangangalakal at mga kategoryang espesyal sa trabaho. Ipinagbabawal sa Artikulo 31 ang pagtatrabaho ng mga nasa ilalim ng 16 na taong gulang. Sa Artikulo 32, magbibigay ng pang-ekonomiya, pampolitika, at panteknolohiyang patnubay ang estado. Ayon sa Artikulo 33, ang ekonomiya ng Hilagang Korea ay pamamahalaan ng masang pabrikante sa ilalim ng Gabinete batay sa "sistemang sosyalistang ng responsableng operasyong negosyo" at sa mga pang-ekonomiyang pingga tulad ng gastos, presyo, at tubo. Nakasaad sa Artikulo 34 na ang Hilagang Korea ay may ekonomiyang planado na bubuo ng estado batay sa mga prinsipyong sosyalista. Nagbibigay ang Artikulo 35 ng pangangailangan para sa pang-estadong badyet batay sa mga plano ng Hilagang Korea para sa pang-ekonomiyang kaunlaran. Sa Artikulo 36, nakalagay na ang kalakalang dayuhan sa Hilagang Korea ay isasagawa ng mga institusyon at negosyong pang-estado at kooperatibang panlipunan na may layuning mapanatili ang kredibilidad sa kalakalang panlabas, pagpapabuti ng istrukturang pangkalakalan, at pagbuo ng mga relasyon pangkalakalan sa mga bansang dayuhan. Hinihikayat sa Artikulo 37 ang mga proyektong magkadugtong sa mga indibidwal at korporasyong dayuhan at paglikha ng mga negosyo sa mga pang-ekonomiyang sonang espesyal. Nagtatatag sa Artikulo 38, ang huling artikulo, ng patakarang taripa upang protektahan ang ekonomiyang pambansa.[9]
Kabanata 3: Kalinangan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Kabanata 3 ng saligang batas ay binubuo ng 18 artikulo na nagbabalangkas sa istrukturang pangkalinangan ng Hilagang Korea.
Kabanata 4: Tanggulang Pambansa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Kabanata 4 ng saligang batas ay binubuo ng 4 na artikulo na nagbabalangkas sa istrukturang pangtanggulang pambansa ng Hilagang Korea.
Kabanata 5: Karapatan at Tungkuling Pundamental ng Mamamayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kabanata 6: Organisasyon Pang-estado
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kabanata 7: Sagisag, Watawat, Awitin at Kabisera
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang Kabanata 7 ng saligang batas ay binubuo ng 4 na artikulo na nagtatalaga sa mga simbolong pambansa ng Hilagang Korea.
Dinedetalye ng Artikulo 169 ang itsura ng pambansang sagisag ng bansa. Binabasa nito:
Ang pambansang sagisag ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea ay nagtataglay ng disenyo ng isang engrandeng istasyong pang-enerhiyang hidroelekrtiko sa ilalim ng Bundok Paektu, ang sagradong bundok ng himagsikan, at ang nagniningning na liwanag ng isang limang-tulis na bituing pula, na may mga tainga ng bigas na bumubuo ng kuwadrong habilog, na nakatali sa isang sintang pula na nagtataglay ng inskripsiyong "Ang Republikang Bayang Demokratiko ng Korea".
Dinedetalye ng Artikulo 170 ang itsura ng pambansang watawat ng bansa. Binabasa nito:
Ang pambansang watawat ng Republikang Bayang Demokratiko ng Korea ay binubuo ng isang gitnang pulang panel, na hinahanggan sa parehong taas at baba ng isang makitid na puting guhit at isang malawak na bughaw na guhit. Ang gitnang pulang panel ay nagtataglay ng limang-tulis na bituing pula sa loob ng isang puting bilog malapit sa isar. Ang rason ng lapad sa haba ay 1:2.
Nakalagay sa Artikulo 171 na ang awiting pambansa ng Hilagang Korea ay ang Aegukka (Ang Makabayang Awit) at sa Artikulo 172, ang huling artikulo ng buong saligang batas, na ang kabisera ng bansa ay ang Pyongyang.
Susog
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ayon sa Kabanata 6, Seksyon 1, Artikulo 97 ng Socialist Constitution ng Democratic People's Republic of Korea, ang konstitusyon ay maaaring amyendahan sa pamamagitan ng pag-apruba ng higit sa dalawang-katlo ng kabuuang bilang ng mga kinatawan sa Supreme People's Assembly.[15 ]
Mula nang pagtibayin ito noong 1972, walong beses nang naamyenda ang Konstitusyon ng Sosyalista noong 1992, 1998, 2009, 2010, 2012, 2013, 2016 at 2019. Ang mga pagbabago sa konstitusyon ng Hilagang Korea ay karaniwang itinuturing na isang ganap na bagong konstitusyon dahil sa ganap na bagong konstitusyon. ang mga pagbabagong ginawa sa orihinal na dokumento.
Dekada 1990 (1992-1998)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Dekada 2000 at 2010 (2009-2019)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Lim, Jae-Cheon (2008). Kim Jong-il's Leadership of North Korea. United Kingdom: Routledge. ISBN 9780203884720. Nakuha noong Enero 20, 2014.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Green, Christopher. "Wrapped in a Fog: On the North Korean Constitution and the Ten Principles," Sino-NK, June 5, 2012. Retrieved January 3, 2016.
- ↑ 3.0 3.1 3.2 "12/27 사회주의헌법절 – ① 북한 헌법의 역사는 어떻게 될까?". NK Today. 27 Disyembre 2015. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 30 Hulyo 2019. Nakuha noong 30 Hulyo 2019.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Korea Times Naka-arkibo April 17, 2015, sa Wayback Machine.
- ↑ "한없이 고결한 풍모". DPRK Today (sa wikang Koreano). Nakuha noong 31 Hulyo 2019.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "당중앙위원회 전원회의 – 제5기" [Plenary Meeting of the Party Central Committee – 5th Session]. NK Chosun (sa wikang Koreano). 30 Oktubre 2013. Nakuha noong 31 Hulyo 2019.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "PREAMBLE". Naenara. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 17 Disyembre 2019. Nakuha noong 1 Agosto 2019.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "CHAPTER I. POLITICS". Naenara. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 24 Pebrero 2019. Nakuha noong 2 Agosto 2019.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ "CHAPTER II. ECONOMY". Naenara. Inarkibo mula sa ang orihinal noong 22 Septiyembre 2019. Nakuha noong 2 August 2019.
{{cite web}}
: Check date values in:|archive-date=
(tulong)