Metapilosopiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Metapilosopíya[a] ang pag-aaral sa kalikasan ng pilosopiya.[1] Kabilang sa saklaw nito ay ang pag-alam sa mga hangarin ng pilosopiya, ang mga metodolohiya nito, at ang hangganan ng pilosopiya.[2][3] Layunin ng metapilosopiya na pag-aralan ang pilosopiya mismo, sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong tulad ng ano ang pilosopiya, ano dapat ang mga dapat itanong ng pilosopiya, at kung anong maisasakatuparan kung masagot man ang mga tanong na ito. Kinokonsidera ito bilang isang hiwalay na bahagi ng pilosopiya,[4] ngunit tinitingnan din ito bilang isang bahagi mismo ng pilosopiya,[5][6] habang may iilang hati ang opinyon patungkol rito.[2] Ang dyornal na Metaphilosophy, na nagsimula noong 1970, ang kinokonsiderang pangunahing dyornal patungkol sa larangang ito.

May mga sari-sariling metapilosopiya ang mga sangay ng pilosopiya, tulad halimbawa ng metaontolohiya, metaetika, at metaepistemolohiya. Bagamat unang nabigyan ng atensyon ang larangan noong ika-20 siglo, ang pag-aaral ay may kasaysayan na aabot mula sa mga sinaunang Griyego at sa pilosopiyang Nyaya sa India.[2]

Etimolohiya[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nanggaling sa Wikang Kastila na metafilosofía ang salitang "metapilosopiya," na nagmula naman sa pagsasama ng dalawang salitang Griyego na meta μετά ("pagkatapos", "higit pa") at philosophia φιλοσοφία ("pilosopiya"). Samantala, isang neolohismo ang "labawbatnayan" na nagmula sa Maugnaying Talasalitaang Pang-agham Ingles-Pilipino (1969), mula sa unlaping "labaw" ("higit pa") at "batnayan" ("pilosopiya").

Unang lumabas ang metapilosopiya (sa salitang Ingles na metaphilosophy) noong 1942 sa isang gawa ni Morris Lazerowitz, bagamat sinabi rin ni Lazerowitz na una niyang ginamit ang salita noong 1940, at nangangahulugang "imbestigasyon sa kalikasan ng pilosopiya."[1] Gayunpaman, posibleng ginagamit na ang salita bilang salin, kagaya noong 1927 nang ginamit ito ni Georges Clemenceau, ang punong ministro ng Pransiya sa dalawang okasyon noong unang bahagi ng ika-20 siglo, sa kanyang talang-gunita.[7]

Ginamit ni Paul Moser ang salitang 'metapilosopiya' sa kahulugan nitong 'ikalawang antas' o mas mahalaga pang gawain kesa sa pilosopiya mismo, sa paraang iminungkahi ni Charles Griswold:[8]

Ang pagkakaiba ng pilosopiya at metapilosopiya ay kapareho sa pamilyar na pagkakaiba sa pagitan ng matematika at metamatematika.[b]

Gayunpaman, mas pinipiling gamitin ng ilang mga pilosopo ang unlaping meta sa kahulugan nitong 'tungkol sa' (hal. metapilosopiya ay 'tungkol sa pilosopiya'). Kabilang sa kanila si Nicholas Rescher.[9] May iilan namang mas pinipiling gamitin ang "pilosopiya ng pilosopiya" kesa "metapilosopiya" kagaya ni Timothy Williamson upang maiwasan ang konotasyon na mas mataas ang pag-aaral na ito kesa sa pilosopiya mismo, at upang maituring ito bilang bahagi ng pilosopiya.

Kaugnayan sa pilosopiya[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kinokonsidera ng ilang pilosopo ang larangan ng metapilosopiya bilang isang pag-aaral na hiwalay o higit pa sa pilosopiya, bagamat hindi lahat ay sang-ayon sa ganitong pananaw.[5] Ayon kay Timothy Williamson, ang pilosopiya ng pilosopiya ay "pilosopiya agad" kagaya ng ibang uri ng pilosopiya.[6] Isinulat naman nina Nicholas Bunnin at Jiyuan Yu na hindi na sikat sa mga pilosopo ang paghihiwalay sa una at ikalawang antas sa pag-aaral dahil mahirap na'ng makita ang pagkakaiba ng dalawang antas.[10] Dahil rito, lumitaw ang isang debate hinggil sa kalikasan ng pilosopiya: kung ito ba ay isang 'ikalawang antas na pilosopiya' o isang hamak na pilosopiya lamang.

Duda ang maraming pilosopo sa kahalagahan ng metapilosopiya.[11] Kabilang sa kanila si Gilbert Ryle. na nagsabing:[12]

[...] ang pag-aabala natin sa mga tanong tungkol sa mga kaparaanan ang siyang madalas nanggagambala sa atin mula sa pag-uusisa sa mga paraang yon mismo. Gumagalaw tayo sa panuntunan, masama, hindi mas maganda, kung palagi nating iniisip ang inaapakan natin. Kaya naman ... wag na lang natin yon pag-usapan at gawin na lang natin ito.[c]

Tingnan din[baguhin | baguhin ang wikitext]

Talababa[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. alternatibo meta-pilosopíya; ibang katawagan: labawbatnayan, pilosopíya ng pilosopíya
  2. Orihinal na sipi: The distinction between philosophy and metaphilosophy has an analogue in the familiar distinction between mathematics and metamathematics.
  3. Orihinal na sipi: [...] preoccupation with questions about methods tends to distract us from prosecuting the methods themselves. We run as a rule, worse, not better, if we think a lot about our feet. So let us ... not speak of it all but just do it.

Sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. 1.0 1.1 Lazerowitz, M. (1970). "A note on "metaphilosophy"" [Ukol sa "metapilosopiya"]. Metaphilosophy (sa Ingles). 1 (1): 91. doi:10.1111/j.1467-9973.1970.tb00792.x.
  2. 2.0 2.1 2.2 Nicholas Joll (18 Nobyembre 2010). "Contemporary Metaphilosophy" [Kontemporaryong Metapilosopiya]. Internet Encyclopedia of Philosophy.
  3. Armen T Marsoobian (2004). "Metaphilosophy" [Metapilosopiya]. In John Lachs; Robert Talisse (mga pat.). American Philosophy: An Encyclopedia [Pilosopiyang Amerikano: Isang Ensiklopedya]. pp. 500–501. ISBN 978-0203492796.
  4. Charles L. Griswold Jr. (2010). Platonic Writings/Platonic Readings [Mga Kasulatang Platoniko/Pagbabasang Platoniko] (sa Ingles). Penn State Press. pp. 144–146. ISBN 978-0271044811.
  5. 5.0 5.1 Martin Heidegger (1956). Was Ist Das – die Philosophie? [Ano ito – pilosopiya?] (sa Aleman). Rowman & Littlefield. p. 21. ISBN 978-0808403197.
  6. 6.0 6.1 Timothy Williamson (2008). "Preface". The Philosophy of Philosophy [Ang Pilosopiya ng Pilosopiya] (sa Ingles). John Wiley & Sons. p. ix. ISBN 978-0470695913.
  7. Clemenceau, Georges (1929). In the evening of my thought [Sa gabi ng aking iniisip] (sa Ingles). Bol. 2. Paris: Houghton Mifflin Company. p. 498. Mula sa orihinal: Clemenceau, Georges (1927). Au soir de la pensée [Sa gabi ng aking iniisip] (sa Pranses). Paris: Plon.
  8. Paul K. Moser (2008). "Metaphilosophy" [Metapilosopiya]. In Robert Audi (pat.). The Cambridge Dictionary of Philosophy [Ang Diksiyonaryo ng Pilosopiya ng Cambridge] (sa Ingles) (2 pat.). Paw Prints. pp. 561–562. ISBN 978-1439503508.
  9. Rescher N. (2007). "Chapter 1: Philosophical principles" [Kabanata 1: Mga prinsipyong pilosopikal]. Philosophical Dialectics, an Essay on Metaphilosophy [Dialektang Pilosopikal, isang Sanaysay sa Metapilosopiya] (sa Ingles). State University of New York Press. p. 1. ISBN 978-0791467466.
  10. Nicholas Bunnin & Jiyuan Yu (2009). "Metaphilosophy" [Metapilosopiya]. The Blackwell Dictionary of Western Philosophy [Ang Diksiyonaryo ng Kanluraning Pilosopiya ng Blackwell] (sa Ingles). Wiley-Blackwell. pp. 426–427. ISBN 978-1405191128.
  11. Søren Overgaard; Paul Gilbert; Stephen Burwood (2013). "Introduction: What good is metaphilosophy?" [Pagpapakilala: Anong mapapala sa metapilosopiya?]. An introduction to metaphilosophy [Isang pagpapakilala sa metapilosopiya] (sa Ingles). Cambridge University Press. p. 6. ISBN 978-0521193412.
  12. Gilbert Ryle (2009). "Chapter 23: Ordinary language" [Kabanata 23: Ordinaryong wika]. Collected Essays 1929-1968: Collected Papers Volume 2 [Mga Kinolektang Sanaysay 1929-1968: Mga Kinolektang Kasulatan Bolyum 2] (sa Ingles). Routledge. p. 331. ISBN 978-0415485494. Orihinal na isinipi sa Søren Overgaard; Paul Gilbert; Stephen Burwood (2013). "Introduction: What good is metaphilosophy?" [Pagpapakilala: Anong mapapala sa metapilosopiya?]. An introduction to metaphilosophy [Isang pagpapakilala sa metapilosopiya] (sa Ingles). Cambridge University Press. p. 6. ISBN 978-0521193412.

Link sa labas[baguhin | baguhin ang wikitext]