Pumunta sa nilalaman

Huling Paalam

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Mi ultimo adios)
Unang talata ng Huling Paalam (Mi último adiós) sa Wikang Kastila.

Ang Mi último adiós o Huling Paalam ay isang tulang likha ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal. Isinalin ang orihinal na nasusulat sa wikang Kastila sa mga pangunahing wika ng daigdig tulad ng Ingles, Pranses, Aleman, Italyano, Nippongo, Malayo, at marami pang iba. Gayon din, naisalin din ito sa iba’t ibang wikain sa Pilipinas, tulad ng Tagalog, Ilokano, Kapampangan, Pangasinan, Bikol, Sugbuanon, Hiligaynon, at iba pa.

Kasaysayan ng Tula

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hindi matiyak kung kailan isinulat ni Jose Rizal ang kahuli-hulihang tulang ito. Ayon sa tradisyunal na paniniwala, sinasabing isinulat ito ni Rizal ng gabi ng bisperas ng pagbaril sa kanya, Disyembre 29, 1896. Ngunit ayon sa mga tala, si Rizal ay maraming ginawa noong mga huling araw ng kanyang buhay. Marami siyang tinanggap na bisita: ang kanyang mga kapatid, ang asawang si Josephine Bracken at ang mga prayleng humihimok sa kanya na isagawa ang pagbawi o retraksiyon. Sinasabi pang ibinigay niya ito sa kapatid niyang si Trinidad na dumalaw sa kanya noong hapon ng Disyembre 29. Samakatuwid ay hindi niya isinulat ang tula kinagabihan ng bisperas at mismo noong araw ng kanyang pagbaril.

Hindi pinangalanan ni Rizal ang tula. Bunga ito ng kaliitan ng papel na kanyang pinagsulatan na may sukat lamang na 15-1/2 sentimetro at 9-1/2 sentimetro ayon kay Mauro Garcia. Nawalan ng sapat na espasyo ang papel kaya't ito'y hindi na nalapatan pa ng pamagat bukod sa kailangan talagang liitan ni Rizal ang pagsusulat niya sa tulang may 14 na saknong na nasusulat sa wikang Kastila.

Si Mariano Ponce ang kauna-unahang naglagay ng pamagat sa tula na tinawag na "Mi Ultimo Pensamiento" nang iyo'y kanyang ilathala sa Hong Kong noong 1897. Sa tulong ni Jose Maria Basa ay ipinakalat ni Ponce ang tula at ipinamigay sa mga kababayan at kakilala ang mga sipi nito.

Si Padre Mariano Dacanay ang naglapat ng Mi último adiós bilang pamagat ng nasabing tula noong ito'y kanyang matanggap at mabasa habang siya'y nakakulong sa Bilibid, Maynila. Ang kanyang ginawang paglalapat ay inilathala sa pahayagang "La Independencia" noong Setyembre 25 1898.

Ang orihinal na sipi ng tula na ibinigay ni Rizal sa kapatid niyang si Trinidad ay napapunta naman kay Josephine Bracken. Dinala ni Josephine ang tula ng magpunta siya sa Hong Kong. Nang mamatay si Josephine ay nawala ang orihinal na kopya. Ito'y hinanap ng Pamahalaan ng Pilipinas at natagpuan sa isang taong tagaroon na humingi ng kaukulang bayad (1000 piso) upang ibigay niya ito sa pamahalaan. Nagbayad nga ang pamahalaan at ito ay naibalik sa Pilipinas.

Naisalin ang tula sa kauna-unahang pagkakataon sa Kapampangan ni Monico Mercado noong Enero 1897 at ang sa Tagalog naman ay si Andres Bonifacio. Ilan naman sa mga tanyag na salin ng tulang ito sa wikang Tagalog ay isinagawa nina Pascual H. Poblete at Julian Balmaceda. Sa mga dayuhang wika naman, una itong nasalin sa Aleman samantalang may mahigit na 25 salin ang tulang ito sa Ingles.

Habang nagaganap ang Digmaang Pilipino-Amerikano ay pinag-uusapan sa Kongreso ng Amerika kung makatwiran bang sakupin ang Pilipinas. May nagpanukalang dapat upang mabigyan ng edukasyon ang mga "barbarong" Pilipino. May isang kinatawan ang tumutol at binasa ang Huling Paalam ni Jose Rizal (salin sa wikang Ingles ni Charles Derbyshire na pinamagatang "My Last Farewell") upang patunayang hindi barbaro ang mga Pilipino (dahil sa galing ng pagkakasulat ng tula) at lalong hindi dapat sakupin ang Pilipinas.

Mga sipi at salin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Narito ang sipi ng Mi Ultimo Adios o Huling Paalam na isinulat ni Jose Rizal. Mababanaag sa ibaba ang orihinal na pagbabaybay nito sa wikang Kastila at ang isinalin sa Tagalog ni Jose Gatmaitan na matatagpuan sa Liwasang Rizal[1].

Orihinal (Kastila) Filipino (Tagalog)

Adios, Patria adorada, region del sol querida,
Perla del Mar de Oriente, nuestro perdido eden,
A darte voy alegre, la triste, mustia vida;
Y fuera mas brillante, mas fresca mas florida,
Tambien por ti la diera, la diera por tu bien.

En campos de batalla, luchado, con delirio,
Otros te dan sus vidas, sin dudas, sin pesar.
El sitio nada importa: cipres, laurel o lirio,
Cadalso o campo abierto combate o cruel martirio,
Lo mismo es si lo piden la Patria y el hogar.

Yo muero, cuando veo que el cielo se colora
Y al fin anuncia el dia, tras lobrero capuz;
Si grana necesitas, para tenir tu aurora,
Vierte la sangre mia, derrama laen buen hora,
Y dorela un reflejo de su naciente luz!

Mis suenos, cuando apenas muchado adolescente,
Mis suenos cuando joven, ya lleno de vigor,
Fueron el verte un dia, joya del mar de Oriente,
Secos los negros ojos, alta la tersa frente,
Sin ceno, sin arrugas, sin manches de rubor.

Ensueno de mi vida, mi ardiente vivo anhelo,
Salud! te grita el alma, que pronto va a partir;
Salud! ah, que es hermoso caer por darte vuelo,
Morir por darte vida, morir bajo tu cielo,
Y en tu encantada tierra la eternidad dormir!

Si sobre mi sepulcro vieres brotar, un dia,
Entre la espesa yerba sencilla humilde flor,
Acercala a tus labios y besa al alma mia,
Y sienta yo en mi frente, bajo la tumba fria,
De tu ternura el soplo, de tu halito el calor.

Deja a la luna verme, con luz tranquila y suave,
Deja que el elba envie su resplandor fugas;
Deja gemir al viento, con su murmullo grave;
Y si desciende y posa sobre mi cruz un ave,
Deja que el ave entone su cantico de paz.

Deja que el sol, ardiendo, las lluvias evapore,
Y al cielo tornen puras, con mi clamor en pos;
Deja que un ser amigo mi fin temprano llore;
Y en las serenas tardes, cunado por mi alguien ore,
Ora tambien, oh Patria, por mi descanso a Dios.

Ora por todos cuantos murieron sin ventura;
Por cuantos padecieron tormentos sin igual;
Por nuestras pobres madres, que gimen su amargura;
Por huerfanos y viudas, por presos entortura;
Y ora por ti, que veas tu redencion final.

Y cunado, en noche oscura, se envuela el cementerio,
Y solos solo muertos queden velando alli,
No turbes su reposo, no turbes el misterio;
Tal ves acordes oigas de citara o salterio;
Soy yo, querida Patria, yo que te canto a ti.

Y cuando ya mi tumba, de todas olvidada,
No tenga cruz ni piedra que marquen su lugar,
Deja que la are el hombre, la esparza con la azada,
Y mis cenizas, antes que vuelvan a la nada,
El polvo de tu alfombra que vayan a formar.

Entonces nada importa me pongas en olvido,
Tu atmosfera, tu espacio, tus valles cruzare;
Vibrante y limpia nota sere para tu oido;
Aroma, luz, colores, rumor, canto, gemido,
Constante repitiendo la esencia de mi fe.

Mi Patria idolatrada, dolor de mis dolores,
Querida Filipinas, oye el postrer adois.
Ahi, te dejo todo: mis padres, mis amores.
Voy donde no hay esclavos, verdugos ni opresores;
Donde la fe no mata, donde el que reina es Dios.

Adios, padres y hermanos, trozos del alma mia,
Amigos de la infrancia, en el perdido hogar;
Dal gracias, que descanso del fatigoso dia;
Adios, dulce extranjera, mi aliga, mi alegria;
Adios, queridos seres. Morir es descansar.

Paalam, sintang lupang tinubuan,
bayang masagana sa init ng araw,
Edeng maligaya sa ami’y pumanaw,
at perlas ng dagat sa dakong Silangan.

Inihahandog ko nang ganap na tuwa
sa iyo yaring buhay na lanta na’t aba;
naging dakila ma’y iaalay rin nga
kung dahil sa iyong ikatitimawa.

Ang nanga sa digmaan dumog sa paglaban
handog din sa iyo ang kanilang buhay,
hirap ay di pansin at di gunamgunam
ang pagkaparool o pagtagumpay.

Bibitaye’t madlang mabangis na sakit
o pakikibakang lubhang mapanganib,
pawang titiisin kung ito ang nais
ng bayang' tahanang pinakaiibig.

Ako’y mamamatay ngayong minamalas
ang kulay ng langit na nanganganinag
ibinababalang araw ay sisikat,
sa kabila niyong mapanglaw na ulap.

Kung dugo ang iyong kinakailangan
sa ikadidilag ng iyong pagsilang,
dugo ko’y ibubo’t sa isa man lamang
nang gumigiti mong sinag ay kuminang.

Ang mga nasa ko, mulang magkaisip,
magpahanggang ngayong maganap ang bait,
ang ikaw’y makitang hiyas na marikit
ng dagat Silangan na nakaliligid.

Noo mo’y maningning at sa mga mata
mapait na luha bakas ma’y wala na,
wala ka ng poot, wala ng balisa,
walang kadungua’t munti mang pangamba.

Sa sandaling buhay maalab kong nais
ang kagalingan mo’t ang paiwang sulit
ng kaluluwa kong gayak ng aalis,
ginhawa’y kamtan mo. Anong pagkarikit!

Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang,
mamatay at upang mabigyan kang buhay,
malibing sa lupang puspos ng karikta’t
sa silong ng iyong langit ay mahimlay.

Kung sa ibang araw ikaw’y may mapansin
nipot na bulaklak sa aba kong libing,
sa gitna ng mga damong masisinsin,
hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin.

Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis,
mataos na taghoy ng may sintang dibdib,
bayang tumaggap noo ko ng init,
na natatabunan ng lupang malamig.

Bayaan mong ako’y malasin ng buwan
sa liwanag niyang hilaw at malamlam;
bayaang ihatid sa aking liwayway
ang banaag niyang dagling napaparam.

Bayaang humalik ang simoy ng hangin;
bayaang sa huning masaya’y awitin;
ng darapong ibon sa kurus ng libing
ang buhay payapang ikinaaaliw.

Bayaang ang araw na lubhang maningas
pawiin ang ulan, gawing pawang ulap,
maging panginuring sa langit umakyat,
at ang aking daing ay mapakilangkap.

Bayaang ang aking maagang pagpanaw,
itangis ng isang lubos na nagmamahal;
kung may umalala sa akin ng dasal,
ako’y iyo sanang idalangin naman.

Idalangin mo rin ang di nagkapalad,
na nangamatay na’t yaong nangaghirap
sa daming pasakit, at ang lumalanghap
naming mga ina ng luhang masaklap.

Idalangin sampo ng bawa’t ulila
at nangapipiit na tigib ng dusa;
idalangin mo ring ikaw’y matubos na
sa pagkaaping laong binabata.

Kung nababalot na ang mga libingan
ng sapot na itim ng gabing mapanglaw,
at wala ng tanod kundi pawang patay,
huwang gambalain ang katahimikan.

Pagpitaganan mo ang hiwagang lihim,
at mapapakinggan ang tinig marahil,
ng isang salteryo: Ito nga’y ako ring
inaawitan ka ng aking paggiliw.

Kung ang libingan ko'y limot na ng madla
ay wala nang kurus at bato mang tanda
sa nangagbubukid ay ipaubayang
bungkali’t isabog ang natipong lupa.

Ang mga abo ko’y bago pailanlang
mauwi sa wala na pinanggalingan,
ay makaulit munang parang kapupunan
ng iyong alabok sa lupang tuntungan.

Sa gayo’y wala ng anoman sa akin,
na limutin mo na’t aking lilibutin
ang himpapawid mo kaparanga’t hangin
at ako sa iyo’y magiging taginting.

Bango, tinig, higing, awit na masaya
liwanag at kulay na lugod ng mata’t
uulit-ulitin sa tuwi-tuwina
ang kataimtiman ng aking pag-asa.

Sintang Pilipinas, lupa kong hinirang,
sakit ng sakit ko, ngayon ay pakinggan
huling paalam ko't sa iyo'y iiwan
ang lahat at madlang inirog sa buhay.

Ako’y yayao na sa bayang payapa,
na walang alipi’t punong mapang-aba,
doo’y di nanatay ang paniniwala
at ang naghahari'y Diyos na dakila.

Paalam anak, magulang, kapatid,
bahagi ng puso’t unang nakaniig,
ipagpasalamat ang aking pag-alis
sa buhay na itong lagi ng ligalig.

Paalam na liyag, tanging kaulayaw,
taga ibang lupang aking katuwaan;
paaalam sa inyo, mga minamahal;
mamatay ay ganap na katahimikan.

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Mauro Garcia (1961). 'Translations of Mi Ultimo Adios,' in Historical Bulletin Manila. Philippine Historical Association.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Multiple Authorship (1990). Mi Ultimo Adios in Foreign and Local Translations (2 vol). National Historical Institute.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Hilario, Frank A (2005). indios bravos! Jose Rizal as Messiah of the Redemption. Lumos Publishing House.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Tomas C. Ongoco (2005). El Filibusterismo (includes the copies of Mi Ultimo Adios in different language translations). Academe Publishing House, INC.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Mga Panlabas na Pahina

[baguhin | baguhin ang wikitext]

1. Opisyal na Websayt ng Pambansang Bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal
2. Orihinal na Manuskrito ng Mi Ultimo Adios Manuscript
3. Makabagong Salin sa Ingles ni Edwin Agustín Lozada, Mayo 2001
4. Makabagong Salin sa Ingles ni Víctor Eliazo, Nobyembre 1998 Naka-arkibo 2006-10-26 sa Wayback Machine.