Albert Einstein
Si Albert Einstein[1] (Marso 14, 1879–Abril 18, 1955) ay isang Aleman-Swiss-Amerikanong pisikong teoretikal na kinikilala bilang isa sa pinakamahalagang siyentipiko sa ika-dalawampung siglo at isa sa pinakamahusay na pisikong nabuhay sa kasaysayan ng agham. Ang pinakamahalagang papel na kanyang ginampanan sa agham ay ang pagbuo ng espesyal na teoriya ng relatibidad at teoriyang pangkalahatang relatibidad. Sa karagdagan, marami siyang naiambag sa teoriyang quantum at mekanikang estadistikal. Siya ay naparangalan ng Gantimpalang Nobel sa kanyang paliwanag sa epektong photoelektrika noong 1905.
Si Einstein ay nakilala sa buong mundo matapos na mapatunayan ang prediksiyon ng kanyang teoriyang pangkalahatang relatibidad na ang sinag(light rays) ng malalayong bituin ay malilihis ng grabidad ng araw. Ito ay napatunayan noong Nobyembre 7, 1919 sa ekspedisyon na ginawa ng mga inglaterong siyentipiko upang pagmasdan ang Eklipseng solar na naganap nang taong iyon sa Aprika.
Dahil sa kanyang katalinuhan at orihinalidad, ang salitang "Einstein" ay naging sinonimo ng salitang "henyo".
Mga nilalaman |
Talambuhay [baguhin]
Ipinanganak si Einstein noong Marso 14, 1879 sa lungsod ng Ulm sa Württemberg, Alemanya, mga 100 km silangan ng Stuttgart. Ang kanyang ama ay si Hermman Einstein, isang tagapagtinda at inhinyero at ang kanyang ina ay si Pauline Koch. Noong 1880, ang pamilya ay nagtungo sa Munich at itinatag ng kanyang tiyuhin at ama ang Elektrotechnische Fabrik J. Einstein & Cie, isang kumpanyang gumagawa ng mga elektronikong bagay gamit ang prinsipyo ng diretsong kuryente.
Ang mag-anak na Einstein, bagamat mga Hudyo ay hindi mga striktong Hudyo. Sa katunayan, siya'y ipinag-aral sa isang Katolikong paaralan. Bagamat mayroong mga problema sa pananalita, si Einstein ay naging matalinong mag-aaral. Habang siya ay lumalaki, kinakitaan siya ng mga kakayahang gumuhit ng mga modelo sa pisika, mag-imbento ng mga simpleng makina at kalaunan ay magtaglay ng mataas na kakayahan sa matematika. Isang araw noong 1889, dumalaw ang malapit na kaibigan ng mga Einstein na si Max Talmud, itinuro niya ang ilang bagay sa batang Einstein gaya ng aklat ni Immanuel Kant na Critique of Pure Reasons at ang Mga Elemento ni Euclid.
Si Einstein ay pumasok sa paaralan kung saan siya nagkamit ng edukasyon. Sinimulan niyang mag-aral ng matematika sa gulang na labindalawa; noong 1891, tinuruan niya ang kanyang sarili ng heometriyang Euclidean mula sa isang munting aklat pampaaralan at sinimulan din niyang mag-aral ng kalkulo. Habang nasa Gymnasium, nakipag-alitan siya sa mga awtoridad at pinuna ang kanilang patakaran dahil naniniwala siya na ang pagkatuto at malikhaing pag iisip ay nawawala sa striktong pamamaraan ng pagsasaulo na pinatutupad ng paaralan.
Noong 1894, pagkatapos na bumagsak ang negosyong elektrokemikal ng kanyang amang si Herman, lumipat ang mag-anal na Einstein sa Pavia mula sa Munich. Ang Pavia, ay isang lungsod sa Italya malapit sa Milan. Ang unang akdang siyentipiko ni Einstein ay ang "The Investigation of the State of Aether in Magnetic Fields" (Ang imbestigasyon ng estado ng aether sa mga magnetikong field). Nanatili si Einstein sa Munich upang tapusin ang kanyang edukasyon ngunit isang termino lamang ang kanyang natapos. Umalis siya ng Gymnasium noong tagsibol ng 1895 upang samahan ang kanyang pamilya sa Pavia. Tumigil siya ng isang taon at kalahati bago ang huling pagsusulit ng hindi sinasabi sa kanyang mga magulang. Kanyang hinikayat ang paaralan na payagan siyang umalis na may sulat medikal mula sa isang doktor ngunit ito ay nangangahulugan na wala siyang makukuhang sertipikong pang sekundarya. Noong taong iyon, sa gulang na 16, kanyang ginawa ang isang eksperimento na kilala sa tawag na "Salamin ni Albert Einstein". Matapos tumingin sa isang salamin, kanyang siniyasat kung anong mangyayari sa kanyang larawan kung siya'y gumagagalaw sa bilis ng liwanag; ang kanyang konklusyon na ang bilis ng liwanag ay independiyente sa nagmamasid ay siyang kalaunang naging isa sa postulado(postulate) ng espesyal na relatibidad.
Bagaman siya ay nakapasa sa bahaging matematika at agham ng pagsusulit upang makapasok sa sa Pederal na Polyteknikong Instituto ng Zurich(Federal Polytechnic Institute ng Zurich), na ngayon ay tinatawag na ETH Zurich, ang kanyang pagbagsak sa sining liberal na bahagi ay naging hadlang; siya'y ipinadala ng kanyang pamilya sa Aarau, Switzerland upang tapusin ang kanyang edukasyong pang sekondarya at naging maliwanag na siya'y hindi magiging isang inhenyerong elektrikal na gaya ng kagustuhan ng kanyang ama. Doon, siya'y nag-aral ng hindi karaniwang itinuturong teoryang electromagnetika ni Maxwell. Kanyang nakamit ang diploma noong Setyembre 1896. Sa panahong ito, siya'y tumuloy sa pamilya ni Propesor Jost Winteler at nahumaling kay Marie, ang kanilang anak na babae at ang kanyang unang kasintahan. Ang kapatid ni Einstein na babae na si Maja, isa sa pinakamalapit niyang kompidante, ay kalaunang ikinasal sa kanilang anak na si Paul at ang kanyang kaibigan na si Michele Besso ay ikinasal naman sa kanilang isa pang anak na babae na si Anna. Si Einstein ay kalaunang pumasok sa Pederal na Polyteknikong Instituto ng Zurich noong Oktubre at lumipat sa Zurich, habang si Marie ay lumipat sa Olsberg Switzerland para sa trabahong pagtuturo. Noon ding taong iyon, kanyang tinalikdan ang kanyang pagkamamamayang Württemberg.
Sa tagsibol ng 1896, isang Serbiano na nangngangalang Mileva Maric ay nagsimulang pumasok bilang estudyanteng medikal sa Unibersidad ng Zurich, ngunit pagkatapos ng isang termino ay lumipat sa Pederal na Politeknikong Instituto ng Zurich. Siya ang natatanging babae nang taong iyon na magkakamit ng parehas na diploma na kinukuha ni Einstein. Ang relasyon ni Maric kay Einstein ay nabuo sa isang pag-iibigan sa mga sumunod na taon.
Noong 1900, nabigyan si Einstein ng diploma sa pagtuturo ng Pederal na Politeknikong Instituto ng Zurich. Nilimbag ni Einstein ang kanyang unang akda tungkol sa pwersang kapilyaridad ng panginuming straw na pinamagatang "Folgerungen aus den Capillaritätserscheinungen"("Mga konsekwensiya ng mga pagmamasid ng penomenang kapilyaridad" o sa ingles ay "Consequences of the observations of capillarity phenomena") (na matatagpuan sa "Annalen der Physik" volume 4, pahina 513). Dito, kanyang sinubukang pagsamahin ang lahat ng batas ng pisika, ang pagtatangkang patuloy na gagawin sa kanyang buong buhay. Sa pamamagitan ng kanyang kaibigan na si Michele Besso, isang inhinyero, si Einstein ay pinakilala sa mga akda ni Ernst Mach, at sa kalaunan ay itinuring ni Einstein si Mach na "isa sa pinakamagaling na nagpapatunog na tabla sa Europa" para sa mga ideyang pampisikal. Nang mga panahong ito, tinalakay ni Einstein ang kanyang mga interes pang agham sa malalapit na kaibigan, kasama na sina Besso at Maric. Tinawag ng grupo ang kanilang sarili na "Olympia Academy". Si Einstein at Maric ay may isang anak na babae sa labas ng matrimonya, si Lieserl Einstein, na ipinanganak noong January 1902. Ang kanyang kapalaran ay hindi alam. Ang iba'y naniniwala na siya'y namatay noong sanggol pa lamang, samantalang ang iba nama'y naniniwala na siya ay pinaampon.
Mga Akda at ang kanyang doktorado [baguhin]
Si Einstein ay hindi makahanap ng trabaho sa pagtuturo pagkatapos ng makamit ang kanyang diploma. Ang ama ng kanyang kamag-aral ay tumulong sa kanyang makahanap ng trabaho bilang isang katulong na tagasuring teknikal sa isang Tanggapang Swiss Patento(Swiss Patento) noong 1902. Doon, si Einstein ay sumuri ng kahalagahan ng mga aplikasyong patento na isinumite ng mga imbentor at ito'y nangangailangan ng kaalaman sa pisika para maunawaan. Ang kanyang trabaho ay suriin ang mga kasangkapang elektromagnetiko.
Pinakasalan ni Einstein si Mileva Maric noong Enero 6, 1903. Ang pagpapakasal ni Einstein kay Maric na isang matematiko ay pagsasamang personal at intelektwal.
Noong 1903, ang posisyon ni Einstein sa Tanggapang Swiss Patento ay ginawang permanente. Kanyang nakamit ang kanyang doktorado sa Unibersidad ng Zurich matapos isumite ang kanyang tesis na "Eine neue Bestimmung der Moleküldimensionen"( "Ang bagong pagtukoy ng mga dimensiyong molekyular" o sa Ingles ay "A new determination of molecular dimensions") noong 1905.
Akdang Annus Mirabilis [baguhin]
Noong 1905, si Einstein ay sumulat ng apat na artikulo na naging bahagi sa pundasyon ng modernong pisika. Karamihan sa mga pisiko ay umaayon na tatlo sa mga akdang iyon(Galaw Brownian, epektong photoelektrika, at espesyal na relatibidad) ang nararapat magkamit ng Gantimpalang Nobel. Sa mga akdang ito, ang paliwanag ni Einstein ng epektong photoelektrika ang tanging binanggit ng komiteng Nobel sa Parangal.
Isinumite ni Einstein ang mga akdang ito sa "Annalen der Physik". Ito'y karaniwang tinatawag na "Annus Mirabilis Papers" (mula sa Annus mirabilis, Latin ng 'year of wonders'). Ang International Union of Pure and Applied Physics (IUPAP) ay ipinagdiwang at inalala ang ika 100 taon ng pagkakalimbag ng mga akda ni Einstein noon 1905 bilang "Taong Pandaigdig ng Phsyics 2005".
Ang unang akda na pinamagatang "Über einen die Erzeugung und Verwandlung des Lichtes betreffenden heuristischen Gesichtspunkt"("Sa pananaw heuristiko tungkol sa produksiyon at transpormasyon ng liwanag" o sa Ingles ay "On a Heuristic Viewpoint Concerning the Production and Transformation of Light") ang direktang tinukoy sa Gantimpalang Nobel. Sa papel na ito, pinalawig ni Einstein ang hipotesis ni Max Planck ng mga munting bahagi(discrete) ng elementong enerhiya sa kanyang sariling hypotesis na ang enerhiyang electromagnetika ay sinisipsip o inilalabas ng bagay sa kwanta ng hv (kung saan ang h ay konstanteng Planck at ang v ay prekwensiya(frequency) ng liwanag, na nagbibigay ng bagong batas na
Emax = hν − P
upang ipaliwanag ang epektong photoelektrika, gayundin ang mga katangiang photoluminesensiya(photoluminescence) at photoionisasyon(photoionization). Ginamit ni Einstein ang batas na ito upang isalarawan ang epektong Volta(1906), ang produksyon ng pang sekundaryang katodong sinag(cathode ray) at ang mataas na prekwensiyang hangganan(high frequency limit) ng Bremsstrahlung (1911). Ang pinakamahalagang kontribusyon ni Einstein ay ang kanyang asersyong ang kwantisasyon ng enerhiya ay panloob na katangian ng liwanag imbis na ng interaksyon sa pagitan ng materya(matter) at liwanag na gaya ng paniniwala ni Max Planck. Isa pa sa karaniwanang nakakaligtaang resulta ng papel na ito ay ang kanyang mahusay na pagtatantiya ng bilang Avogadro. Bagaman hindi iminungkahi ni Einstein na ang liwanag ay isang partikulo sa akdang ito; ang konseptong "photon" ay hindi imininungkahi hanggang 1909.
Ang kanyang ikalawang artikulo noon 1905, na tinatawag na "Über die von der molekularkinetischen Theorie der Wärme geforderte Bewegung von in ruhenden Flüssigkeiten suspendierten Teilchen"("Sa galaw na kailangan ng molekyular na teoriyang kinetiko ng init-ng maliliit na mga partikulo na nakabitin sa isang hindi gumagalaw na likido" o sa Ingles ay "On the Motion—Required by the Molecular Kinetic Theory of Heat—of Small Particles Suspended in a Stationary Liquid") ay sumasakop sa kanyang pag-aaral sa galaw Brownian. Ito ay nagbigay ng ebidensiyang empirikal sa eksistensiya ng mga atomo. Bago ang papel na ito, ang mga atomo ay pinaniniwalaang makabuluhang konsepto ngunit pinagtatalunan ng mga kemiko at pisiko kung ang atomo ay mga tunay na bagay. Ang pagtalakay estatistikal ni Einstein sa kalikasan nito ay nagbigay sa mga eksperimentalista ng paraan ng pagbilang ng atomo sa pamamagitan ng ordinaryong mikroskopyo. Si Wilhelm Ostwald, isa sa mga pinuno ng eskwelang anti-atomo, ay kalaunang napaniwala sa eksistensiya ng atomo dahil sa kumpletong paliwanag ni Einstein sa galaw Brownian. Ipinaliwanag din ni Louis Bachelier ang Galaw Brownian noong 1900.
Ang ikatlong papel ni Einstein, ang "Zur Elektrodynamik bewegter Körper"(Sa elektrodinamiks ng mga gumagalaw na katawan" o sa Ingles ay "On the Electrodynamics of Moving Bodies") ay inilimbag noong Hunyo 1905. Ang akdang ito ay nagpakilala sa teoriyang espesyal na relatibidad, ang teorya ng panahon, distansiya, masa(mass) at enerhiya na umaayon sa elektromagnetismo ngunit hindi kasama ang pwersa ng grabidad. Habang binubuo ang papel na ito, sumulat si Einstein kay Mileva tungkol sa "ating akda sa galaw relatibo" at ito'y nagdulot para sa iba na magtanong kung si Mileva ay may papel na ginampanan sa pagbuo nito. Ilang historyan ang naniniwala na si Einstein at si Mileva ay may kaalaman na ang kilalang Pranses na si Henri Poincaré ay naglimbag ng ekwasyon ng relatibidad, mga ilang linggo bago isumite ni Einstein ang kanyang papel. Marami ang naniniwala na ito'y independiyente. Gayundin, pinagtatalunan kung alam ni Einstein ang akda ni Hendrik Lorentz noong 1904 na naglalaman ng karamihan sa teoriya na tinukoy ni Poincaré.
Ang ikaapat na papel na "Ist die Trägheit eines Körpers von seinem Energieinhalt abhängig?"("Ang inersiya ng isang katawan ay nakasalalay ba sa nilalamang enerhiya?" o sa Ingles ay "Does the Inertia of a Body Depend Upon Its Energy Content?") na inilimbag noong 1905, ipinakita ni Einstein na mula sa aksiyoma ng relatibidad, na posibleng mahinuha ang ekwasyon na nagpapakitang ang enerhiya at materya(matter) ay magkatumbas. Ang katumbas na enerhiya ng isang halaga ng masa(mass) ay ang masa na pinadami ng bilis ng liwanag(c) na pinadami sa sarili nito: E = mc².
Bagaman si Poincare ang unang naglimbag ng "ekwasyong enerhiya" , ito ay iba ng kaunti sa anyo: m = E / c²
Kalagitnaang mga Taon [baguhin]
Noong 1906, si Einstein ay naiangat sa ikalawang klaseng teknikal na tagasuri. Noong 1908, si Einstein ay nabigyan ng lisensiya sa Bern, Switzerland bilang Privatdozent. Sa mga panahong it, inilarawan ni Einstein kung bakit bughaw ang kalangitan sa kanyang papel na "Sa phenomenon ng kritikal na opalensensiya" o sa Ingles ay "on the phenomenon of critical opalescense" kung saan ipinapakita ang pagsasamang epekto ng paghahasik ng liwanag sa pamamagitan ng indibidwal na mga molekula sa atmospero. Noong 1911, si Einstein ay naging unang katulong na propesor sa Unibersidad ng Zurich at kalaunan ay naging ganap na propesor sa seksiyon ng lenggwaheng Aleman ng Charles Universidad ng Prague. Habang nasa Prague, si Einstein ay naglathala ng isang papel na tumatawag sa mga astronomo na subukin ang dalawang prediksyon ng kanyang teoriya ng relatibidad: ang pagkababaluktot ng liwanag sa grabitasyonal na field na masusukat sa isang eklipseng solar; at ang pulangpaglipat(redshift) ng mga linyang solar spektral relatibo sa mga linyang spektral na nalilikha ng ibabaw ng Mundo. Isang astronomo na nagngangalang Erwin Freundlich ang nagsimulang makipagtulungan kay Einstein at umalerto sa ibang mga astronomo sa buong mundo tungkol sa pagsubok astronimikal ng teoriya ni Einstein. Noong 1912, si Einstein ay bumalik sa Zurich upang maging ganap na propesor sa ETH Zurich. Noong panahong iyon, siya'y malapit na nakipagtulungan sa matematikong si Marcel Grossmann na nagpapakilala sa kanya sa Heometriyang Riemannian. Noong 1912, sinimulang tawagin ni Einstein ang panahon(time) bilang ikaapat na dimensyon( bagaman naunang nagawa ito ni H.G. Wells sa akdang The Time Machine noong 1805).
Noong 1914, bago magsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig, si Einstein ay nanirahan sa Berlin, Alemanya bilang propesor ng isang lokal na unibersidad at naging isang kasapi ng Akademya ng Pang-Agham ng Prussia. Kanyang kinuha ang pagkamamamayan ng Prussia. Mula 1914 hanggang 1933, siya'y naglingkod bilang direktor ng Institutong Kaiser Wilhelm para sa Pisika sa Berlin. Kanya ring hinawakan ang posisyong ng di-pangkaraniwang propesor sa Unibersidad ng Leiden mula 1920 hanggang 1946 kung saan palagi siyang nagbibigay ng pangtuturo.
Noong 1917, inilathala ni Einstein ang "Zur Quantentheorie der Strahlung," Physkalische Zeitschrift 18, 121–128"("Sa mekanikang quantum ng radiasyon" o sa Ingles ay "On the Quantum Mechanics of Radiation"). Ang artikulong ito ay nagpakilala ng konseptong stimuladong emisyon(stimulated emmission), ang prinsipyong pisikal na nagpapahintulot sa amplikasyon ng liwanag sa laser. Kanya ring inilimbag ang akda nang taong iyon na gumagamit ng teoriyang pangkalahatang relatibidad(theory of general relativity) upang imodelo ang kilos ng buong uniberso na siyang naglatag ng entablado sa modernong kosmolohiya. Sa akdang ito, nilikha niya ang kanyang tinatawag na "pinakamatinding pagkakamali": ang konstanteng kosmolohikal.
Noong Mayo 14, 1904, ang unang anak ni Albert at Mileva, si Hans Albert Einstein ay ipinanganak. Ang kanilang ikalawang anak na lalaki, si Eduard Einstein ay ipinanganak noong Hulyo 28, 1910. Si Hans Albert ay naging propesor ng inhinyerong hydraulic sa Unibersidad ng California sa Berkeley. Hindi siya malapit sa kanyang ama, bagaman pareho silang may interes sa musika at paglalayag. Si Eduard, ang nakababatang kapatid ay nagnais na maging isang tagasiyasat Freudian ngunit ipinasok sa isang institusyong mental sanhi ng sakit na eskisopreniya at doon namatay. Si Einstein ay nakipaghiwalay kay Mileva noong Pebrero 14, 1919 at nagpakasal sa kanyang pinsang si Elsa Löwenthal noong Hunyo 2, 1919(ipinanganak na Einstein: Löwenthal ang apelyido ng kanyang unang asawang si Max). Siya ay tatlong taong gulang na mas matanda kay Albert at kanya siyang inalagaan matapos dumanas si Albert ng nerbiyosong pagkabalisa(nervous anxiety) kasama ng matinding sakit sa tiyan. Wala silang naging anak.
Pangkalahatang relatibidad [baguhin]
Noong Nobyembre 1915, sinimulan ni Einstein ang sunod sunod na pagtuturo sa Akdemyang Pang-Agham ng Prussia kung saan kanyang isinalarawan ang bagong teoriya ng grabidad, na kilala bilang teoriya ng pangkalahatang relatibidad. Ang huling pagtuturo ay nagwakas sa isang pagpapakilala ng ekwasyon na pumalit sa batas grabidad ni Newton, ang Ekwasyong Field(Field Equation). Ang teoryang ito ay tumuturing na ang lahat ng nagmamasid ay pantay pantay, hindi lamang sa mga gumagalaw na pantay ang bilis. Sa pangkalahatang relatibidad, ang grabidad ay hindi isang pwersa(na gaya ng sa batas grabidad ni Isaac Newton) kundi ito ay sanhi ng kurbada(pagkakabaluktot) ng espasyo-panahon.
Naglimbag si Einstein ng mga akda tungkol sa pangkalahatang relatibidad na hindi makukuha sa labas ng Aleman sanhi ng digmaan. Ang balitang tungkol sa bagong teoriya ni Einstein ay umabot sa mga astronomong Ingles at Amerikano sa pamamagitan ng pisikong Dutch na sina Hendrik Antoon Lorentz at Paul Ehrenfest at ang kanilang kasamang si Willem de Sitter, Direktor ng Obserbatoryong Leiden. Siya'y naakit sa bagong teoriya ito at naging pangunahing tagapagtaguyod at tagapagpakilala nito. Karamihan sa mga astronomo ay hindi nagustuhan ang heometrisasyon ni Einstein ng grabidad at naniniwalang ang mga prediksyon ng pagbaluktot ng liwanag at grabitasyonal na pulangpaglipat(gravitational redshift) ay hindi tama. Noong 1917, ang mga astronomo sa Obserbatoryong Bundok Wilson sa Timog California ay naglimbag ng resulta ng pagsisisyasat na spektropiko ng solar spektrum na nagpapakita na walang grabitasyonal na pulangpaglipat sa Araw. Noong 1918, ang mga astronomo sa Obserbatoryong Lick sa Hilagang California ay nakakuha ng larawan ng eklipseng solar na namasdan sa Estados Unidos. Pagkatapos ng digmaan, kanilang ipinahayag ang kanilang pagsisiyasat na nagsasabing ang prediksyong pagkabaluktot ng liwanag ng pangkalahatang relatibidad ay mali; ngunit ang pagsisiyasat na ito ay hindi nailimbag sanhi ng mga pagkakamali.
Nang magkaroon ng eklipseng solar noong 1919, si Arthur Eddington ay namuno ng pagsukat ng pagkabaluktot ng liwanag ng bituin habang dumadaan papalapit sa araw na nagreresulta sa posisyon nito na malayo sa Araw. Ang epektong ito ay tinatawag na paglelenteng grabitasyonal(gravitational lensing) at katumbas sa dalawang ulit na prediksiyong Newton. Ang obserbasyon ay ginawa sa Sobral, Ceara, Brazil gayundin sa isla ng Principe sa Kanlurang pampang ng Aprika. Ipinahayag ni Eddington na ang resultang ito ay kumumpirma sa prediksyon ni Einstein at ang diyaryong The Times na nag-ulat ng kumpirmasyong ito noong Nobyembre 7 nang taong iyon ang siyang nagpalago ng kasikatan ni Einstein.
Sanggunian [baguhin]
- ↑ Cline, Barbara Lovett. "Albert Einstein," Men Who Made a New Physics: Physicists and the Quantum Theory, dating pamagat: The Questions, Signet Science Library Book, The New American Library, New York/Toronto, 1965/1969, Library of Congress Catalog Card No. 65-18693
| May midya ang Wikimedia Commons kaugnay ng/sa: Albert Einstein |