Pumunta sa nilalaman

Heolohiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Paladutaan)
Mga salansan ng bato sa Siccar Point sa Eskosya, Reyno Unido na inaral ni James Hutton at naging susi sa pagbubuo ng modernong heolohiya

Ang heolohiya (na tinatawag ding dignayan[1] o paladutaan[2]) ay isang likas-agham na sumasaklaw sa pag-aaral ng daigdig at iba pang solidong bagay sa kalawakan, ng mga bato kung saan gawa ang mga ito, at ang mga proseso ng kanilang panloob at panlabas na pagbabago.

Iba't ibang pamamaraan ang ginagamit ng mga healogo o heolohista upang maunawaan ang istruktura at ebolusyon ng daigdig tulad ng paglalarawan ng mga bato, pagsasagawa ng field work o pagsisiyasat sa kapaligiran, mga kaparaanang heopisikal, mga kimikal na pagsusuri, mga eksperimento, at pagmomodelo gamit ng kompyuter. Ilan sa mga praktikal na silbi at aplikasyon ng dignayan ay ang pagtuklas sa mga rekursong mineral, krudo, tubig, mga likas na panganib tulad ng lindol at pagguho ng lupa, at mga suliranin sa kalikasan.

Sa panahon pa man ng sinaunang Gresya at sinaunang Roma, mayroon nang mga nagsasagawa ng pagsasapantaha kaugnay ng katangian ng mga bato. Ilan sa kanila ay si Theophrastus, si Matandang Pliny, at si Aristotle[3][4] Samantala, ang mga sinaunang pantas mula sa Persya na sina Abu al-Rayhan al-Biruni at Avicenna ay nagsulat ng mga ipotesis kaugnay sa pinagmulan ng mga kontinente at bundok at dahilan ng mga lindol.[5][6][7] Sa sinaunang Tsina naman, nagbigay ng ipotesis ang pantas ni si Shen Kuo hinggil sa pinagmulan ng mga kabibe sa isang bundok na ilang daan ang milya mula sa dagat.[8]

Instrumentong panukat ng lakas ng lindol na ginamit ng mga Intsik noong panahon ng dinastiyang Han

Noong ika-17 at 18 dantaon naman umusbong ang modernong dignayan. Ilan sa mga susing prinsipyo nito na inilathala sa mga panahong iyon ay ang batas ng superposisyon, prinsipyo ng orihinal na pagkakapahalang, at ang prinsipyo ng lateral na pag-ilid ng lupa, na lahat ay pawang isiniwalat ng tubong Denmark na pantas na si Nikolas Steno[9]. Noong 1785 naman, inilathala ng siyentistang Eskoses na si James Hutton ang kanyang ideya na higit pang mas matanda kaysa sa sinasabi sa bibliya ang tunay na edad ng daigdig batay sa kanyang obserbasyon ng bagal ng pagkakadurog ng mga bato sa bundok at muling pagkakaipon at pagtigas ng mga nadurog na graba sa ilalim ng mga dagat.[10]

Sipi ng aklat ni Nikolas Steno

Si Hutton din ang unang nagpaliwanag sa konsepto ng uniformitarianismo na nagsasaad na ang mga prosesong heolohikal sa kasalukuyan ay umiiral din sa mga panahong nagdaan na. Pinalaganap naman ni Charles Lyell ang uniformitarianismo noong dekada 1830, na siya namang makaiimpluwensiya sa pagkakabuo ng teorya ng ebolusyon nina Alfred Wallace at Charles Darwin.[11] Kamakalawa, napatunayan sa pamamagitan ng pagsusukat ng mga isotope na 4.6 bilyong taong gulang na ang daigdig, malayong-malayo sa sinasaad ng taong-simbahan noon.[12] Umusbong din ang modernong agham ng paleontolohiya o pag-aaral ng labi ng sinaunang buhay noong panahong iyon. Ilan sa mga kilalang nag-ambag sa larangan ng paleontolohiya mula sa panahong ito ay ang Briton na si Mary Anning na nakatuklas ng labi ng Ichthyosaur [13].

Mula naman sa dekadang sakop ng 1910 hanggang 1930, natuklasan naman ang heopisikal na ebidensya ng pagkakaroon ng iba't ibang magkakapatong na suson ang interyor ng daigdig. [14][15] Samantala, noong 1912, iminungkahi ng Aleman na si Alfred Wegener ang ipotesis na Continental Drift o ang dahan-dahang paghihiwalay ng mga kontinente sa isa't isa [16]. Bagaman binalewala ng mga siyentista ang ipotesis na ito ni Wegener, muli na namang naungkat ang usapin ng dating pagkakaugnay-ugnay ng mga kontinente nang noong dekada 1960s, natuklasan ang ebidensya ng paglapad ng ilalim ng dagat[17] Kamakalawa, ang pagkakatuklas ng penomenong ito, ang pagkakatuklas ng palupo ng mga bulkan na gumuguhit pagitna sa ilalim ng mga karagatan, at ang pagkakatuklas na walang bato mula sa mga kasalukuyang sahig ng dagat ay mas matanda sa 200 milyong taon[18] ay nagbunga sa pagkakabuo ng, at malaganap na pagtanggap sa, teorya ng Plate Tectonics pagsapit ng dekada 1980s.

Kasaysayan ng Dignayan sa Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May mahabang kasaysayan ng pagmimina at pagproseso ng ginto[19][20], tanso[21], at bakal[22] sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol, bagaman hindi kasing-laganap kumpara sa mga kanugnog nitong mga kabihasnan. Sa pamamagitan ng ilang siglo ng praktika at pakikipagkalakal sa mga dayuhan, nagkaroon ng katutubong kaalaman ang mga sinaunang Pilipino hinggil sa mga pinagkukunan at pagkuha ng kanilang yamang mineral[23], kaalamang kanilang ipinasa sa mga sumunod na salinlahi at nabatid ng mga kolonyalistang Espanyol nang sila ay kanilang nakasalamuha[24][25].

Noong panahon ng mga Espanyol, mahigpit na nakakawing ang noo'y impormal na pag-aaral ng dignayan sa pagnanais ng kolonyal na pamahalaan na makahanap ng suplay ng ginto at bakal[26]. Pagsapit ng ika-19 dantaon, naging mas sistematiko ang kolonyal na pamahalaan sa paghahanap ng pagkukunan ng bakal, tanso, karbon at iba pang rekursong mineral sa pamamagitan ng pagtatatag ng Inspeccion General de Minas noong 1837[27]. Samantala, noong dekada 1880s, sinimulan ng Observatorio Meteorológico de Manila na noo'y nasa pamumuno ng mga Heswita ang pagmamanman, pagtatala, at paglalarawan ng mga lindol[28][29]. Ang Espanyol na si Saderra Masó, isa sa mga paring Heswita na kawani ng nasabing obserbatoryo[30] na kalauna'y naging Kawanihan ng Panahon, ang isa sa mga unang modernong heolohista sa Pilipinas. Isa siya sa mga unang nagsagawa ng siyentipikong paglalarawan ng pagputok ng bulkang Taal[31].

Mapa ng mga naganap na lindol sa Pilipinas mula 1862-1909 na binuo ni Fray Saderra Maso.

Nang masakop ng mga Amerikano ang Pilipinas, itinatag nila ang Kawanihan ng Minas noong 1903[32] na siyang magiging Kawanihan ng Pagmimina at Agham-Panlupa sa kasalukuyan. Itinatag naman sa Unibersidad ng Pilipinas ang Departamento ng Heograpiya at Dignayan, ang pinakaunang institusyong nagturo ng dignayan sa bansa; noong 1936 lamang ito pinamunuan ng isang Pilipino, ang pensionado na si Jose Maria Feliciano, na nagtapos ng kanyang doctorate sa Geology sa Unibersidad ng Chicago. Si Feliciano rin ang unang nahalal na pangulo ng Kalipunan ng Heolohiya sa Pilipinas[33]. Sa rekomendasyon ni Feliciano at bilang tugon sa pagputok ng bulkang Hibok-Hibok sa Camiguin, itinatag ang Komisyon sa Bolkanolohiya na siya namang pinagmulan ng kasalukuyang Surian ng Pilipinas sa Bulkanolohiya at Sismolohiya[34].

Mga pangkalahatang sangay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Napakaraming sangay ng dignayan. Ang ilan sa mga sangay na ito ay ang mga sumusunod:

Ang heolohiyang pang-ekonomiya, halimbawa, ay isang mahalagang sanga ng heolohiya na tumutukoy sa iba't ibang aspeto ng mga mineral pang ekonomiya na ginagamit ng tao para sa kanyang mga kailangan. Ang mga mineral na pang-ekonomiya ay ang puwedeng makuha para maibenta. Ang mga healogong pang-ekonomiya ay tumutulong maghanap at mag-asikaso sa mga natural na kayamanan ng ating mundo katulad ng petrolyo at karbo pati na ang mga kayamanang mineral tulad ng bakal, tanso at uranium.

Ang healogong pam-petrolyo ay nag-aaral ng mga lokasyong sa ibabaw ng mundo na maaaring pagkuhanan ng krudo na siyang pinoproseso bilang petrolyo at sabay na pinagkukunan ng natural na gasolina. Dahil maraming imbakan ng mga ito ay nakikita sa sedimentary basins, pinag-aaralan nila ang pormasyon ng mga ito, pati na ang kanilang ebolusyong tektoniko at sedimentaryo.

Mga kaparaanan at pangunahing kagamitan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pangunahing isinasagawa ng mga healogo ang field work o paglabas sa kapaligiran upang kumuha ng datos tulad ng identidad ng mga bato sa isang lugar. Batay sa mga naobserbahang distribusyon ng iba't ibang uri ng bato at heolohikal na istruktura sa isang lugar, gagawan nila ito ng mapang heolohikal [35] Mula sa heolohikal na mapa ay maaaring makagawa ng mga cross-section[36] upang mabigyang kahulugan ang heolohikal na kasaysayan ng lugar na pinuntahan at ang pagkakaugnay-ugnay ng mga bato sa isa't isa, at mabatid ang mga lugar na maaaring peligroso o mayaman sa partikular na rekurso, depende sa layunin ng pagmamapa.[37][38] Para mas masigurong ang identidad ng mga batong natukoy sa parang, karaniwang kinukuhaan ng piraso ang bato upang panipisin at pakinisin bago tingnan sa ilalim ng ispesyal na mikroskopyo na tinatawag na petrolohikal na mikroskopyo.[39][40] Maaari ring magsagawa ng iba pang mas palasak na obserbasyong heopisikal at heokimikal ang mga healogo tulad ng paggamit ng ground-penetrating radar, sarbey aeromagnetiko,[41] at pagsusukat ng konsentrasyon ng yamang mineral (assaying sa Ingles), depende sa pangangailangan o layunin ng kanilang pagsisiyasat.[42] Isa ring karaniwang gawain sa dignayan ay ang pailalim na pagbarena ng lupa, bato, o putik upang makakuha ng muwestrang kailangan nilang suriin.[43]

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Dibisyon ng Dignayan at Palyontolohiya, Pambansang Museo
  2. del Rosario, Gonsalo (1969) Maugnaying Talasalitaang Pang-agham : Ingles-Pilipino [Correlative Word List for Sciences : English-Filipino] (in English & Tagalog), Manila: National Book Store, Inc.,
  3. Moore, Ruth. The Earth We Live On. New York: Alfred A. Knopf, 1956. p. 13
  4. Aristotle. Meteorolohiya. Aklat 1, Bahagi 14
  5. Asimov, M.S.; Bosworth, Clifford Edmund, eds. (1992). The Age of Achievement: A.D. 750 to the End of the Fifteenth Century : The Achievements. History of civilizations of Central Asia. pp. 211–214. ISBN 978-92-3-102719-2.
  6. Toulmin, S., and Goodfield, J. (1965) The Ancestry of science: The Discovery of Time, Hutchinson & Co., London, p. 64
  7. Al-Rawi, Munin M. (November 2002). The Contribution of Ibn Sina (Avicenna) to the development of Earth Sciences (PDF) (Report). Manchester, UK: Foundation for Science Technology and Civilisation. Publication 4039. Archived (PDF) from the original on 2012-10-03. Retrieved 2008-07-22.
  8. Needham, Joseph (1986). Science and Civilisation in China. Vol. 3. Taipei: Caves Books, Ltd. pp. 603–604. ISBN 978-0-521-31560-9.
  9. Wyse Jackson, Patrick N., ed. (2007). Four centuries of geological travel : the search for knowledge on foot, bicycle, sledge and camel. London: The Geological Society. ISBN 978-1-86239-234-2.
  10. Hutton, J. (1785). Theory of the Earth, With Proofs and Illustrations. Tomo 1
  11. Lyell, Charles (1991). Principles of geology. Chicago: University of Chicago Press. ISBN 978-0-226-49797-6.
  12. Dalrymple, G. Brent (1994). The age of the earth. Stanford, CA: Stanford Univ. Press. ISBN 978-0-8047-2331-2.
  13. Howe, S. R.; Sharpe, T.; Torrens, H. S. (1981), Ichthyosaurs: a history of fossil 'sea-dragons', National Museum Wales
  14. Mohorovičić, A. (1910). "Das Beben vom 8. X. 1909" [Ang lindol ng 8 Oktubre 1909]. Godišnje izvješće Zagrebačkog meteorološkog opservatorija za godinu 1909 / Jahrbuch des meteorologischen Observatoriums in Zagreb (Agram) für das Jahr 1909 [Yearbook of the meteorological observatory in Zagreb (Agram) for the year 1909] (makasulat sa Aleman): 1–63.
  15. https://www.amnh.org/learn-teach/curriculum-collections/earth-inside-and-out/inge-lehmann-discoverer-of-the-earth-s-inner-core
  16. Wegener, Alfred (1912). "Die Herausbildung der Grossformen der Erdrinde (Kontinente und Ozeane), auf geophysikalischer Grundlage". Petermanns Geographische Mitteilungen. 63: 185–195, 253–256, 305–309.
  17. Hess, H. H. (1 November 1962). "History of Ocean Basins". In A. E. J. Engel; Harold L. James; B. F. Leonard (eds.). Petrologic studies: a volume in honor of A. F. Buddington. Boulder, CO: Geological Society of America. pp. 599–620.
  18. Condie, K.C. 1997. Plate Tectonics and Crustal Evolution (4th Edition). 288 page, Butterworth-Heinemann Ltd.
  19. https://www.ayalamuseum.org/collection/search?tag=Gold
  20. Fox RB (1968) The Philippine Palaeolithic. In: Ikawa-Smith F (ed.) Early Palaeolithic in South and East Asia. Paris: Mouton, pp. 59–85
  21. Fox RB (1968) The Philippine Palaeolithic. In: Ikawa-Smith F (ed.) Early Palaeolithic in South and East Asia. Paris: Mouton, pp. 59–85
  22. Dizon EZ (1983) The Metal Age in the Philippines an Archaeometallurgical Investigation. Manila, Philippines: National Museum of the Philippines.
  23. www.jstor.org/stable/42634423
  24. https://www.jstor.org/stable/42632084
  25. www.jstor.org/stable/42634423
  26. https://www.jstor.org/stable/42720066
  27. "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2023-06-02. Nakuha noong 2023-06-02.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  28. https://www.observatory.ph/about/
  29. https://www.gutenberg.org/cache/epub/18556/pg18556-images.html
  30. https://jesuitonlinelibrary.bc.edu/?a=d&d=aajses19391201-01.2.9&e=-------en-20--1--txt-txIN-------
  31. Masó, M. (1910). The eruption of Taal volcano, January 30, 1911. Weather Bureau.
  32. "Archive copy" (PDF). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2023-06-02. Nakuha noong 2023-06-02.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  33. https://www.geolsocphil.org/history.html
  34. https://www.phivolcs.dost.gov.ph/index.php/about-us/history
  35. Compton, Robert R. (1985). Geology in the field. New York: Wiley. ISBN 978-0-471-82902-7.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  36. https://academic.oup.com/book/35096/chapter-abstract/299161755?redirectedFrom=fulltext
  37. https://geologyscience.com/geology-branches/structural-geology/geological-maps/#Applications_of_Geological_Maps
  38. https://web.archive.org/web/20220621021930/https://geology.utah.gov/map-pub/survey-notes/practical-uses-geo-maps/
  39. https://link.springer.com/referenceworkentry/10.1007/0-387-30845-8_179
  40. https://pubs.geoscienceworld.org/aapgbull/article-abstract/44/6/959/550633/Uses-of-Petrographic-Microscope-in-Petroleum
  41. https://clu-in.org/characterization/technologies/default2.focus/sec/Geophysical_Methods/cat/Overview/
  42. https://www.gov.nl.ca/iet/mines/prospector/matty-mitchell/assay-geochem/
  43. https://www.usgs.gov/centers/new-york-water-science-center/science/borehole-geophysics