Pumunta sa nilalaman

Silanganing pilosopiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pilosopiya sa Silangan)

Ang silanganing pilosopiya ay isang katawagang tumutukoy sa napakalawak na sari-saring mga pilosopiya ng Asya, kabilang ang pilosopiyang Indiyano, pilosopiyang Tsino, pilosopiyang Iranyano (o pilosopiyang Persa (Persian)), pilosopiyang Hapones, at pilosopiyang Koreano. Kung minsan, maaari ring ibilang sa katawagan ang pilosopiyang Babilonyano at pilosopiyang Islamiko (o pilosopiyang Arabo), bagaman maituturing din ang dalawang huli bilang mga Kanluraning pilosopiya. Kabilang sa pilosopiya ng silangan ang tinatawag na silanganing pananampalataya, isang pangkat ng mga relihiyong nagbuhat sa subkontinenteng Indiyano, Tsina, Hapon at Timog-silangang Asya. Binubuo ito ng mga makapananampalatayang tradisyon sa Silangang Asya, Indiya, at maging ang mga katutubong pananampalatayang animistiko. Bagaman maraming mga Kanluraning tagapagmasid ang sumubok na paghiwalayin ang mga pananampalataya at mga pilosopiya, isa itong pagkakaibang wala sa ilang mga kaugaliang Silanganin.[1]

Katangian ng silanganing pilosopiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isa sa mga pangunahing katangiang nakakahikayat ng silanganing pilosopiya, partikular na ang pilosopiyang Indiyano at pilosopiyang pangkaluluwa (espirituwalistiko), ang pagiging higit na pagkakaroon nila ng mistiko, esoteriko, at monistikong pagkakaunawa sa realidad.[2] Tumutukoy ang monistikong pananaw o monismo (mula sa Griyegong monas o "isa"), ayon sa makabagong pilosopiya, sa anumang teoriyang metapisikong nagsasabing "mayroon lamang isang realidad na pinagmumulan ng lahat ng bagay." Nilarawan ito ng Darwinistang pilosopong si Ernst Haeckel bilang "mayroon lamang isang sustansiya sa sanlibutan" at iyon ang "Diyos at Kalikasan" o "katawan at kaluluwa (espiritu)", na kilala ngayong bilang holismo. Maaari ring tumukoy ang monismo sa diwang "mayroon lamang isang realidad: ang pisikal na materya at enerhiya," o kaya sa konseptong "mayroon lamang isang espirituwal o banal na katotohanan, at hindi nahihiwalay ang katotohanang makakatawan at sikiko o saykik (makakaluluwa) mula rito." Tinatawag ang huli bilang monismong espirtuwal upang makilala mula sa monismong neyutral (monismong walang pinapanigan) at monismong materyalistiko. Tinatanaw sa espirituwal na monismo na isang lubos na realidad na mapangyakap ng lahat (impersonal at transpersonal) ang tinatawag na Banal o Kabanalan (ang Sarili o "ang Diyos sa kalooban"), kaya't walang pagkakahiwalay ang Diyos at ang Kaluluwa, maging ang Diyos at ang mundo.[3]

Mga tradisyong pilosopiko at relihiyoso

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isang malawakang pagtanaw ng mga kaugaliang pilosopiko sa Silangan ang mga sumusunod. Mayroon kaugnay na mga lathalain ang bawat tradisyon.

Sinaunang kalapit na mga silanganing pilosopiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Teolohiyang Ehipsiyo

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Mata ni Horus.

Isang pagpapalit-palitan ng mga paniniwala ang mga naunang pananampalataya sa sinaunang Ehipto, na kinakatawan ng mitolohiyang Ehipsiyo. Pinanghawakan ang mga ito ng mga mamamayan ng Ehipto mula pa noong mga panahong predinastiko (bago sumapit ang mga dinastiya) magpahanggang sa pagsapit ng Kristiyanismo at Islam sa mga kapanahunang Greko-Romano at Arabo, mahigit sa mga 3,000 taon. Isinasagawa ang mga ito ng mga paring Ehipsiyo o mga salamangkero. Katutubo sa Aprika ang lahat ng mga hayop na nilalarawan at sinasamba sa sinaunang Ehipsiyong sining, mga panulat at relihiyon. Unang lumitaw ang dromedaryong kamelyo sa Ehipto (at Hilagang Aprika) - kasunod ng pagiging domestikado o inalagaan sa tahanan sa Arabya - simula noong mga ikalawang milenyong BK. Isang banal na pook ang templo kung saan mga lalaki at babaeng pari lamang ang pinapahintulutan. Sa piling mga natatanging mga okasyon, pinapayagan ang mga mamamayan sa bakuran ng templo.

Pilosopiyang Babilonyano

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Iba pang kaalaman: Panitikang Babilonyano: Pilosopiya

Matutunton ang mga simulain ng pilosopiyang Babilonyano mula sa karunungan ng maagang Mesopotamya, na kumakatawan sa piling mga pilosopiya ng buhay, partikular na ang etika, sa hugis ng mga diyalektiko, diyalogo, tulang epiko, kuwentong-bayan, himno, liriko, prosa, at sawikain. Umunlad ang mga pagdadahilan at rasyonalidad ng mga Babilonyano na higit pa sa pagmamasid na empirikal.[4] Posibleng nagkaroon ng impluwensiya ang pilosopiyang Babilonyano sa pilosopiyang Griyego, at sa kalaunan maging sa pilosopiyang Helenistiko. Naglalaman ang Babilonyanong tekstong Dialog of Pessimism o Diyalogo ng Pesimismo (Diyalogo ng Kawalan ng Loob o Mapagpatalo) ng mga kahawig na mga agonistikong kaisipan mula sa mga Sopista (Sopismo), doktrina ng mga pagkakaiba ni Heraklitus, at mga diyalogo ni Plato, maging sa isinauna o pinagmulang Mieutikong metodong Sokratiko ni Sokrates at Plato.[5] Nalalaman din na nag-aral ng pilosopiya sa Mesopotamya ang Milesianong pilosopong si Thales.

Pilosopiyang Indiyano

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kaugnay ng pananampalataya ang mga sinaunang mga panitikan sa Indiya. Binubuo ito ng mga himno, dasal, at mga patakaran sa pagsasagawa ng mga gawain panrelihiyon. Matatagpuan ito sa Rig Veda (mula pa noong 1300 BK ngunit naisatitik lamang noong mga 600 BK), ang pinakamaagang serye ng apat na mga tekstong makarelihiyon ng Hinduismo na may malalim na damdamin para sa mga kapangyarihan ng kalikasan. Kabilang din rito ang Mahabharata (Ang Dakilang Salaysayin ng mga Bharata), ang Ramayana (Tungkol kay Rama), ang Bhagavad Gita (Ang Awit ng Isang Banal), ang mga Upanishad (700-300 BK), Buddhacarita (mahabang tula tungkol kay Buddha), at Gita Govinda (Awit ng mga Kawang Baka).[6]

Mahilig sa mga ideya ang mga Indiyano, kung kaya't ipinahahayag nila ang doktrina ng Atman (o Brahman). Nagsulat ng patula ang mga dakilang pilosopo ng Indiya. Kabilang dito sina Nagarjuna (ika-1 o ika-2 daantaong AD), Shankara (mga 788-820), Ramanuja (mga 1017-1137), Kalidasa, Jayadeva, Vidyapati (ika-15 daantaon), Chandidas (ika-15 daantaon), Chaitanya (1486-1534), at Rabindranath Tagore (1861-1941).[6]

Pilosopiyang Hindu

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Brahma, ang "Diyos na Manlilikha" sa Hinduismo.

Sa pangkalahatan, itinuturing ang Hinduismo (सनातन धर्म; Sanātana Dharma, humigit-kumulang na may diwang Paniniwalang Panghabangpanahon) bilang pinakamatandang pangunahing pananampalataya sa mundo[7] at una sa mga pananampalatayang Dharma. Isang katangian ng Hinduismo ang pagkakaroon ng sari-saring patong ng mga pamamaraan ng paniniwala, gawain, at eskritura o sulatin. Nagmula ito sa sinaunang kabihasnan at kalaningang Bediko (Vedic) mula pa noong mga 3,000 BK. Ito ang pangatlong pinakamalaking relihiyon sa mundo na may tinatayang mga 1.05 bilyong tagasunod, 96% ng mga ito ang namumuhay sa subkontinenteng Indiyano.

Nakasalalay ang Hinduismo sa mga Veda (o Dharma) at ang kanilang mistikong katumbas na Upanishad, maging sa mga pagtuturo ng maraming dakilang mga guru o gurong Hindu sa loob ng mahabang panahon. Maraming mga agusan ng kaisipan ang dumaloy mula sa anim na mga Bediko o Hindung paaralan, mga sektang Bhakti, at mga paaralang Agamikong Tantra patungo sa isang "karagatan" ng Hinduismo, ang pinakauna sa mga relihiyong Dharma. Gayon din, isa sa mga pinakahinahangaang teksto ng mga Hindu ang sagradong aklat na Bhagavad Gita.

Pangkaraniwan sa lahat ng mga Hindu ang paniniwala sa Dharma, reinkarnasyon, karma, at moksha (paglaya o liberasyon) ng bawat kaluluwa sa pamamagitan ng iba't ibang yogang moral, batay sa gawa, at meditatibo o mapagmuni-muni. Kabilang pa rin sa mga mas pundamental na prinsipyo ang ahimsa (kawalan ng kaguluhan), ang pagiging pangunahin ng Guru, ang Banal na Salita ni Aum, ang kapangyarihan ng mga mantra, pag-ibig sa Katotohanan sa maraming manipestasyon o pagsasakatauhan ng mga diyos at diyosa, at ang pag-unawa sa esensiyal na pagsiklab ng Dibino o Banal (Atman o Brahman), na ang huli ay nasa loob ng bawat tao at bawat nabubuhay na nilalang, kaya't kung gayon napapahintulutan ang maraming mga daang pangkaluluwa o espirituwal na maghahantong sa Isang Katotohanang Nagkakaisa.

Tingnan din: Hinduismo -- eskriturang Hindu -- Samkhya -- Yoga -- Nyaya -- Vaisesika -- Vedanta -- Bhakti -- Cārvāka -- Lohikang Indiyano.

Pilosopiyang Budista

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Budhismo ay isang sistema ng mga paniniwalang nakabatay sa mga pagtuturo ni Siddhartha Gautama, isang prinsipeng Nepali (Nepales) na nakilala bilang Buddha sa lumaon, o ang isang Gising - hango mula sa Sanskrit na bud o "gumising". Isang hindi teyistikong relihiyon (teyistiko: ang pagkakaroon ng isang diyos o mga diyos) ang budhismo, at may katangiang hindi tumutuon ng pansin sa pagkakaroon o hindi pagkakaroon ng Diyos o mga diyos. Mismong tumanggi rin ang Buddha ang pagkakaroon niya ng katayuang banal o inspirasyon, at nagsabing sinuman, saanman ay maaaring makatanggap ng lahat ng mga pananaw na angkin niya. Malawak na walang kahalagahan sa Budismo ang katanungan hinggil sa Diyos, bagaman may ilang mga sektang pinapupurihan at pinararangalan ang ilang bilang ng mga diyos na nagmula sa mga katutubong pamamaraan ng mga paniniwala, partikular na ang Budhismong Tibetano.

Makikita ang soteriolohiyang Budista (o doktrinang pampananampalataya hinggil sa kaligtasan ng kaluluwa) sa Apat na Marangal na Katotohan marangal malinsad kasiyasiya

  1. Dukkha: Hindi kasiyasiya, malinsad, at naglalaman ng pagdurusa ang lahat ng mga makamundong pamumuhay
  2. Samudaya: May isang sanhi ang paghihirap, iyon ang pagkakalakip o pagkakaroon ng kagustuhang (tanha) nakaugat sa kawalan ng kaalaman.
  3. Nirodha: May isang katapusan ang pagdurusa, ito ang Nirvana.
  4. Marga: Mayroong isang daan palabas sa paghihirap, kilala bilang Ang Maringal na Daang May Walong-Tiklop.

Subalit, naitatag ang ganitong pilosopiyang Budista mula sa mga doktrinang:

Karamihan sa mga sektang Budista ang naniniwala sa karma, isang pag-uugnayang may sanhi at kinahihinatnan sa pagitan ng lahat ng mga nagawa at sa lahat ng mga gagawin pa. Pinanghahawakan na tuwirang resulta ng mga nakaraang kaganapan ang lahat ng mga nangyayari. Isang epekto ng karma ang muling pagsilang. Sa kamatayan, ang karma mula sa isang ibinigay na buhay ang kumikilatis kung ano ang magaganap o magkakaroon sa susunod na magiging buhay ng isang nilalang. Isa sa mga pangunahing at sukdulang layunin ng isang naniniwala sa Budismo ang alisin ang lahat ng karma (kapwa mabuti at hindi), tapusin ang pag-ikot ng muling pagsilang at pagdurusa, at tumanggap o maabot ang Nirvana, na karaniwang isinasalinwika bilang paggising, pagkamulat, o pagkakaroon ng kaliwanagan.

Tingnan din: BudhismoMga paaralan ng Budhismo
Tsan o Budismong Sen
[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Tsan (o Chan sa Intsik) o Sen (Zen sa Hapones) ay isang pagsasanib ng paaralang Dhyana ng Budismong Mahayana at prinsipyong Taoista. Isang semi-lehendaryo o tila-maalamat na mongheng Indiyano si Bodhidharma na naglakbay sa Tsina noong ika-5 daantaon. Doon, sa Templong Shaolin, sinimlan niya ang paaralang Ch'an o Ts'an ng Budismo, kilala sa Hapon at sa Kanluran bilang Budhismong Sen (Zen Buddhism). Binibigyang diin sa pilosopiyang Sen ang pamumuhay sa momento, sa ngayon, at ngayon na. Itinuturo ng Sen na isang manipestasyon ang buong sanlibutan ng isip, at hinihikayat ang isang naniniwalang patunayan ito para sa kanilang mga sarili sa pamamagitan ng tuwirang panloob na pag-iisip o pagmumunimuni (ang satori). Sa kasaysayan ng Sen, nahahati ang mga paaralan nito sa pagitan ng mga nanghihikayat sa pagpupunyagi ng pagkakatanggap ng kalinawan o kaliwanagan bilang isang biglaang kaganapan (Rinzai o Rinsai), o isang bunga ng gradwal o unti-unting pag-usad at pangangalaga (ang Soto). Nakikilahok sa meditasyon o pagmumuni-muning sasen (zazen) ("pag-upo") ang mga naniniwala sa Sen, katulad ng ibang mga paaralan, ngunit natatangi ang Sen sa kaniyang shikantaza o syinkantasa (nauupo lamang) bilang katiwalasan sa pagsunod sa paghinga o paggamit ng mantra. Natatangi ang paaralang Rinzai sa paggamit ng mga koan, mga bugtong na dinisenyo para puwersahin ang estudyante na iwanan ang walang saysay o walang pagtatagumpay na pagsubok sa pag-unawa sa kalikasan ng sanlibutan sa pamamagitan ng lohika.

Tingnan din: Budismong IntsikBudismo sa HaponBudismong Koreano

Pilosopiyang Sikh

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa Pundasyon ng Sikhismo ang Simran at Sewa. Tungkulin ng bawat Sikh ang isagawa ang Naam Simran (isang meditasyon sa pangalan ng Panginoon) araw-araw at makilahok sa Sewa (paglilingkod na hindi pansarili) kung kailan maaaring gawin, kung saan magagawa ito, at hangga't maaaring gawin: sa Gurdwara (pook sambahan ng mga Sikh); sa isang sentrong pamapamayanan, sa mga tahanan ng mga matatanda, sa mga pook pangangalaga o pagamutan, sa mga pook na nagkaroon ng malaking mga pagkasalanta o disatre, at iba pa.

Mayroong Tatlong Haligi ang Sikhismo, na naging pormal dahil kay Guru Nanak. Ito ang tatlong mahahalagang haligi ng Sikhismo:

  • Naam Japna: Nakikilahok ang isang Sikh pang-araw-araw na meditasyon at Nitnem (pananalangin sa araw-araw) sa pamamagitan ng pagsasabi ng pangalan ng Diyos.
  • Kirat Karni: Isa itong pamumuhay na wagas at hindi nagsisinungaling, at umaani sa pamamagitan ng sariling pagsisikap na pangkatawan at pangkaisipan habang tinatanggap ang mga biyaya at pagbabasbas ng Diyos. Namumuhay ang isang Sikh bilang isang may-ari ng tahanan na isinasagawa ang kaniyang mga tungkulin at gampanin sa abot ng kaniyang makakaya.
  • Vand Chakna: Pinagsisikap ang mga Sikh na ipamahagi ang kaniyang kayamanan sa loob ng pamayanan at sa labas din sa pamamagitan ng pagbibigay ng Dasvand at pagsasagawa ng pakikipagkapwa-tap (Daan), na nasasaad sa katagang "Magpamahagi at kumunsumong magkakapiling."

Kabilang pa rin sa mga paniniwala pangsikhismo ang pagkitil o Pagpatay sa Limang Magnanakaw, kung saan sinasabi ng mga Gurung Sikh na palaging inaatake at tinutugis ang isipan at espiritu ng Limang mga Kasamaan: ang Kam o kahalayan, ang Krodh o kapusukan o matinding galit, ang Lobh (pagkagahaman), Moh (pagkakalakip), at Ahankar (ego o pagkamakasarili). Kailangang kalabanin at atakihin din na may pagtatagumpay ng isang Sikh ang limang mga bisyong ito, na laging handa at nakabantay sa pakikipaglaban sa "limang mga magnanakaw" na ito sa anumang oras.

Kasama rin sa Sikhismo ang pagkakaroon ng mga Positibong Katangiang Pantao: Tinuturuan ng mga gurong Sikh ang mga Sikh na paunlarin at painamain ang mga positibo o tamang mga katangiang pantaong makasasanhi ng pagkakalapit ng kaluluwa sa Diyos at palayo sa kasamaan. Kabilang sa mga katangiang ito ang: Sat (katotohanan); Daya (pagkaawa); Santokh (pagkakontento); Nimrata (kababaan ng loob); at Pyare (pagmamahal o pag-ibig).

Tingnan din: SikhismoPaniniwalang SikhBasikong doktrina ng SikhismoPangunahing paniniwala at prinsipyo ng SikhismoGuru Granth Sahib

Ang Hainismo ay muling binuhay at ginawan ng mga pagbabago ni Mahavira, ang ika-24 na Haing (Hain, Jain) Tirthankara, isang guro at pinunong pampananampalataya na namuhay kasabayan ng kapanahunan ng Buddha. Nanggaling ang salitang Jaina (Haina) sa pamagat na Jina (Hina), o ang isang matagumpay, na tumutukoy sa mga nagkamit ng pagtatagumpay sa ibabaw ng kanilang mga matitinding mga damdaman. Itinuturo ng Hainismo ang asetisismo - mga gawain ng disiplina sa sarili, pagbabawal sa sarili, at pagtatangging pansarili - bilang daan patungo sa pagkakamit ng kaliwanagan. Kabilang sa mga unang mga monghe ng mundo ang mga orihinal na mga Hain, na umuurong o umaalis sa ordinaryong pamumuhay upang magtuon ng pansin sa pag-aayuno at pagmumunimuni (meditasyon). Nakararami ang bilang ng populasyon ng mga Hain sa Indiya at lumagpas sa bilang na 10 milyon. Isa mga pinakamasaganang pamayanang pangnegosyo sa Indiya ang mga Hain.

Sarbaka (Cārvāka)

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Sarbaka o Cārvāka, na karaniwang ding may transliterasyong (binabaybay na) Charvaka o Cārvāka, at kilala rin bilang Lokayata o Lokyāta, ay isang materyalista at ateistang paaralan ng kaisipang may pinag-ugatang sinauna mula sa Indiya. Pinanukala o iminungkahi nito ang isang sistema ng etikang nakabatay sa pag-iisip na rasyonal. Subalit, matagal nang namatay ang paaralang ito ng higit sa libong mga taon.

Konpusyanismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Umunlad ang Konpusyanismo o Kompusyanismo (Confucianism, 儒學) sa paligid ng mga pagtuturo ni Confucius(孔子) at nakabatay sa isang set o nakahandang mga klasikong tekstong Intsik. Ito ang pangunahing ideolohiya sa Tsina at sa Sinospero mula pa noong kapanahunan ng Dinastiyang Han at maaari pa ring ituring na isang nakapailalim na elemento o sangkap ng kalinangan sa Timog-Silangan. Maaari itong unawain bilang isang etikang panlipunan at humanista o makataong pamamaraang nakatuon sa mga nilalang na tao at sa kanilang mga pag-uugnayan. Binibigyang diin sa Konpusyanismo ang mga pormal na ritwal sa bawat aspeto ng buhay, mula sa mga seremonyang makapampananampalataya hanggang sa kagandahang-loob at paggalang sa mga nakatatanda, partikular na sa mga magulang at sa estadong kinakatawan ng Emperador.

Rehiyonal na mga pilosopiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga pilosopiya ayon sa rehiyon ang pilosopiyang Babilonyano, Asiro-Babilonyanong pananampalataya, pilosopiyang Indiyano, pilosopiyang Intsik, pilosopiyang Iranyano, pilosopiyang Islamiko (Sinaunang pilosopiyang Islamiko at Makabagong pilosopiyang Islamiko), pilosopiyang Hapones, at pilosopiyang Koreano.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Morgan (2001), p. 9-11.
  2. The Appeal of Eastern Thought Naka-arkibo 2008-09-15 sa Wayback Machine., Kheper.net, 30 Hunyo 1999
  3. "Varieties of Monism," Monism Naka-arkibo 2008-09-28 sa Wayback Machine., Kheper.net
  4. Giorgio Buccellati (1981), "Wisdom and Not: The Case of Mesopotamia", Journal of the American Oriental Society 101 (1), p. 35-47.
  5. Giorgio Buccellati (1981), "Wisdom and Not: The Case of Mesopotamia", Journal of the American Oriental Society 101 (1), p. 35-47 [43].
  6. 6.0 6.1 "Prayers, epics, and philosophy; drama; poetry; Indian Literature, pp. 220d-220e". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. World Faiths - Hinduism Naka-arkibo 2008-09-16 sa Wayback Machine., world-faiths.com

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]