Pumunta sa nilalaman

Kakanin

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga tradisyonal na kakaning Pilipino

Maaaring tumukoy ang kakanin sa anumang pagkain na gawa sa kanin na hinubog, pinalapot, o kung hindi, pinagsama-sama. Samu't sari ang mga umiiral na kakanin sa mga iba't ibang kultura na kumakain ng kanin. Kabilang sa mga karaniwang baryasyon ang mga kakanin na gawa sa galapong, giniling na bigas, at mga butil ng bigas na pinagdikit-dikit o pinagsama-sama.

Mga uri ng kakanin ayon sa rehiyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga kakanin ang:

Dango, isang Hapones na bola-bola na gawa sa galapong
  • Mochi: gawa sa malagkit na dinurog para maging masa at hinuhubog. Sa Hapon, kinaugliang gawin ang mga ito sa isang seremonya na tinatawag na mochitsuki. Habang kinakain din buong taon, isang tradisyonal na pagkain ang mochi para sa Bagong Taon ng mga Hapones at karaniwang ibinebenta at kinakain sa panahong iyon.
  • Senbei: isang uri ng de-bigas na galyetas sa Hapon, kadalasang niluluto sa paghuhurno o pag-iihaw, tradisyonal na sa ibabaw ng ulingan. Habang pahiran ang mga ito ng sarsa habang inihahanda, kadalasan isang timpla ng toyo at mirin. Maaaring balutin ang mga ito ng nori. Maaari ring timplahan ng asin o pampalasa tinatawag na "ensalada".
  • Dango: isang uri ng bola-bola na gawa sa galapong na kadalasang inihahain sa tuhog at may iba't ibang uri ng lasa na kinakain sa mga iba't ibang panahon.
Lontong na ipinares sa sate sa Yogyakarta, Indonesya

Bilang isteypol

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa Indonesya, may mga matatabang na kakanin na istinesteypol, bilang alternatibo sa sinaing.

  • Burasa: isang uri ng kakanin na niluto sa gata na binabalutan ng dahon ng saging. Isa itong delikasi ng mga Bugis at Makassar sa Timog Sulawesi, Indonesya, at karaniwang kinakain bilang isteypol bilang kapalit ng sinaing o ketupat. Kahawig nito ang lontong, ngunit mas malasa dahil sa gata.
  • Ketupat: katapat ng bugnoy ng Pilipinas sa Indonesya. Matatagpuan din sa Brunay, Malasya, at Singapura. Gawa ito sa kanin na binabalot sa hinabing palaspas na hugis-rombus o hugis-saranggola at sinasaing. Habang naluluto ang kanin, lumalaki ang mga butil hanggang mapuno ang supot at nasisiksikan ang kanin.
Bupyeon (harap) at mujigae-tteok (likod), mga Koreanong kakanin, na inihain para sa doljanchi (unang kaarawan)
Hwajeon, isang malapankeyk na kakanin na may bulaklak
Tteokbokki o toppoki: isang sikat na pagkaing kalye sa Korea

Ang kakaning pinasingawan sa de-luwad na lansong ay ang pinakalumang isteypol ng mga Koreano bago ito pinalitan ng malagkit na bigas sa pag-imbento ng bakal na palayok.[1] Ngayon, mayroong daan-daang uri ng Koreanong kakanin o "tteok" na kinakain buong taon. Sa Korea, kaugalian na kumain ng tteok guk (sinabawang tteok) sa Araw ng Bagong Taon at matamis na tteok sa mga kasalan at kaarawan. Madalas na itinuturing itong pagkaing panselebrasyon at maaaring magkaroon ng mga magagarbong bersiyon o simple lamang. Pinipili ang kakanin para sa mga partikular na okasyon ayon sa kanilang kulay at sa kanilang papel sa tradisyonal na kosmolohiyang yin-yang ng mga Koreano.[2]

  • Tteok: isang klase ng mga Koreanong keyk na kadalasang gawa sa galapong (kilala rin bilang matamis na kanin o chapssal). Karaniwang inihahati ang tteok sa apat na kategorya: "Pinasingawang tteok" (찌는 떡, 甑餠}}), "Pinukpok na tteok" (치는 떡, 搗餠), "Pinakuluang tteok" (삶는 떡 搗餠) at "Pinritong tteok sa kawali" (지지는 떡 油|煎|餠).
  • Sirutteok: isang uri ng pinasingawang tteok na gawa sa kanin (맵쌀, maepssal sa Koreano) o malagkit (찹쌀 chapssal) na hinahalo minsan sa mga ibang butil, priholes (azuki o monggo), buto ng linga, harina, o gawgaw. Sinasahog ang mga prutas at nuwes.
  • Injeolmi: isang halimbawa ng pinukpok na tteok. Sa tradisyonal na paghahanda nito, pinupukpok ang kanin o malagkit gamit ang jeolgu at jeolgutgongi o tteokme at anban. Kabilang sa mga pinukpok na tteok na karaniwang kinakain ang injeolmi (tteok na binudburan ng pinulbos na priholes), garaetteok (가래떡 puting tteok na hugis-silindro), jeolpyeon (절편 madibuhong tteok) at danja (단자 malagkit na bolang tteok na binudburan ng masang priholes)".
  • Songpyeon at Bupyeon: mga kakaning hinugis. Dose-dosena ang mga uri nitong kakanin sa Korea. Binubuo ang ilan ng minasang galapong at matamis na palaman na binalutan ng gomul, isang uri ng pinulbos na priholes.[3]
  • Kkultteok: binubuo sa paghahalo ng pulot-pukyutan at galapong at pagsasala kasabay ng kastanyas, mansanitas, pinyon, atbp.[4] Magkahawig ang kkul tteok sa songpyeon, ngunit mas maliit.
  • Hwajeon:[5] mga maliliit at matatamis na pankeyk na gawa sa galapong at mga talutot mula sa mga pana-panahong pamumulaklak, kagaya ng asaleyang Koreano, krisantemo, o rosas.
  • Tteokbokki: isang gisadong putahe na sinasangkapan ng garaetteok at karaniwang ibinebenta sa may kalye. Kadalasan tinitimplahan ito ng gochujang (masang sili) ngunit maaari rin itong ihain kasama ng sarsang batay-toyo at karaniwang nilalaman ng piskeyk, nilagang itlog, at berdeng sibuyas.
  • Tteokguk: isang sabaw na kinakain sa Seollal. Nilalaman ito ng mga sangkap kagaya ng hiniwang tteok, dilis, berdeng sibuyas, at itlog.
  • Mujigae-tteok: 'kakaning bahaghari', isang susun-suson na tteok na may iba't ibang kulay na tila bahaghari. Kabilang sa mga karaniwang kulay ang mapusyaw na pula, dilaw, at berde.[6]
Painitan, isang bersiyon ng kapihan sa Cabadbaran, kung saan karaniwang inoorder ang mga kakanin kagaya ng bibingka, budbud at puto maya at sinasabayan ng sikwate
Biko, isang matamis na kakanin na gawa sa gata, pulang asukal at malagkit
Bibingkang nilagyan ng itlog na maalat
Pawa ng Piat, Cagayan, isang kakaning kahawig ng masi na sinasangkapan ng malagkit, giniling na mani, at maskabado
Puso ng Capiz, isang kakaibang bersiyon nitong kakanin na pinatamis ng katas ng nipa

Karaniwang pangmeryenda ang mga kakanin sa Pilipinas at maraming uri ang nailikha ng mga Pilipino. Sa wikang Filipino, ang mga panghimagas (karamihan gawang-bigas) ay kilala bilang kakanin, mula sa salitang kanin, na nangangahulugang "inihandang kanin". Dati, tinawag na tinapay (lit. na 'pinakasim ng tapay') ang mga kakanin, ngunit sa ngayon tumutukoy na lang ito sa "bread" sa modernong Filipino.[7] Gayunman, mayroon pa ring dalawang pangunahing uri ng kakanin: puto para sa kakaning pinasingawan, at bibingka para sa kakaning hinurnuhan. Inihahanda ang dalawang uri mula sa galapong, isang malapot na masang bigas na nagmula sa paggiling ng hilaw na malagkit na ibinabad magdamag. Kadalasang permentado ang galapong, gaya ng ipinahihiwatig ng lumang katawagan na tinapay.[8]

Kabilang sa mga halimbawa ng panghimagas na kakanin sa Pilipinas ang:

  • Ampaw: isang matamis na kakanin na gawa sa bahaw na pinaarawan. Pinuputok o binubusa ang bigas at pinapahiran ng arnibal.
  • Baye baye: isang uri ng kakanin na gawa sa buko at pinipig o tinostang mais.
  • Bibingka: isang uri ng kakanin na gawa sa galapong at gata o tubig na sinasapinan ng dahon ng saging. Kinaugaliang lutuin ito sa hurnong de-luwad na may pinainit na uling. Kadalasan itong binubudburan ng kinayod na niyog at keso, itlog na maalat at maskabado.
  • Biko: tinatawag ding sinukmani o wadjit, isa itong kakanin na gawa sa gata, asukal at buo-buong malagkit.
  • Espasol: gawa sa galapong na niluto sa gata at minatamisang piraso ng buko, binudburan ng tinostang galapong
  • Kutsinta: isang uri ng puto na gawa sa galapong, pulang asukal, lihiya, at kinayod na buko
  • Matse (o Mache): pinakuluang bolang de-galapong at pinapalasa ng pandan at buko
  • Masi: pinakuluan o pinasingawang bolang de-galapong na pinalamanan ng mani at maskabado
  • Mutsi (o Moche): pinakuluang bolang de-galapong na pinalamanan ng monggo at pinapares sa mainit at pinatamis na gata
  • Palitaw: pinakuluang kakanin na hugis-disko na binudburan ng kinayod na buko at asukal
  • Panyalam: kahawig ng bibingka, ngunit piniprito sa halip na hinuhurno. Sikat ito sa mga Pilipinong Muslim at mga Lumad ng Mindanao.
  • Puto: pangkalahatang termino para sa mga pinasingawang kakanin na sikat sa buong bansa at may marami-raming mga baryasyon
  • Puto bumbong: isang puto na niluluto sa bumbong at natatangi ang matingkad na kulay-lila nito
  • Salukara: kahawig sa bibingka ngunit niluluto na tila malaking pankeyk na pinapahiran ng mantika ng baboy
  • Sapin-sapin: gawa sa galapong, gata, asukal, tubig, at binudburan ng tinostang buko. Ginagamitan ito ng pangkulay ng pagkain para magkaiba ang kulay ng bawat sapin
  • Suman: gawa sa malagkit na niluto sa gata, at kadalasang pinapasingaw sa mga dahon ng saging
  • Tupig: isang kakanin na gawa sa galapong, gata, asukal, at buko na ibinalot sa dahon ng saging at direktang inihuhurno sa ibabaw ng mga uling

Maaaring ituring na malinamnam ang ilan sa mga kakaning ito. Halimbawa, tradisyonal na ipinapares ang putong bigas, ang pinakakaraniwang uri ng puto, sa dinuguan. Maaari ring budburan ang bibingka galapong ng karne o itlog. Bukod sa mga ito, mayroon ding mga di-pahimagas na kakanin na sinasabayan ng ulam. Puso ang pinakalaganap sa mga ito.

  • Binalot: isang pangkalahatang termino para sa kanin na ipinares sa iba't ibang ulam na binalutan ng dahon ng saging
  • Kiping: isang manipis at malabarkilyos na kakanin na hinulma sa mga totoong dahon. Kadalasang sinasawsaw sa suka, ngunit maaaring ipanghimagas sa asukal.
  • Pastil: sinaing at hinimay-himay na baka, manok, o isda na nakabalot sa dahon ng saging
  • Puso: isang laganap na uri ng kakanin na gawa sa malagkit na sinasaing sa loob ng mga pinagtagpi na dahon na may iba't ibang disenyo. Naiiba ito sa mga iba pang di-panghimagas na kakanin na nakabalot sa dahon dahil hinahabi ang mga dahon sa puso sa mga kumplikadong disenyo. Hindi basta-basta binabalutan ang kakanin.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. ko:떡.
  2. "Official Site of Korea Tourism Org.: 'Rice Cake, Tteok :The Official Korea Tourism Guide Site" [Opisyal na Sayt ng Org. ng Turismo sa Korea: Kakanin, Tteok : Ang Opisyal na Sayt ng Gabay sa Turismo ng Korea] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Enero 2019. Nakuha noong 11 Nobyembre 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "경남도민일보 ::: 밀양떡, 양반 입맛 사로잡던 그 맛 그대로". Odomin.com. 10 Abril 2008. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-07-13. Nakuha noong 2012-09-03.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "꿀떡".
  5. "화전". Lifeinkorea.com. Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-02-26. Nakuha noong 2012-09-03.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. "Korean - English dictionary - View Dictionary" [Diksiyonaryong Koreano - Ingles]. krdict.korean.go.kr (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-11-11. Nakuha noong 2019-03-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Nocheseda, Elmer. "The Invention of Happiness" [Ang Pag-imbento ng Kasiyahan]. Manila Speak (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 8 Agosto 2020. Nakuha noong 8 Disyembre 2018.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Dizon, Erika. "Ever Wonder Why Puto Bumbong Is Violet? (It's Not Ube)" [Napag-isip-isip Mo Na Ba Kung Bakit Biyoleta Ang Puto Bumbong? (Hindi Dahil sa Ube)]. Spot.ph (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Agosto 2017. Nakuha noong 23 Abril 2019.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)