Pumunta sa nilalaman

Musika ng Pilipinas

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Original Pilipino Music)

Ang musikang Pilipino ay isang halo ng Europeo, Amerikano at katutubong mga tunog. Naimpluwensiyahan ang musika sa Pilipinas ng 377 taong-haba ng pamanang kolonyal ng Espanya, Kanluraning rock and roll, hip-hop at popular na musika mula sa Estados Unidos, ang katutubong musika ng populasyong Austronesian at musikang Indo-Malayan Gamelan.

Katutubong musika ng Pilipinas

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang katutubong Musika ng Pilipinas katulad ng katutubong musika ng ibang mga bansa ay sumasalamin sa buhay ng mga karaniwang tao, na kalimitan ay naninirahan sa mga bayan sa halip na mga lungsod. Katulad ng ibang mga katutubong musika sa Asya, karamihan sa mga katutubong musika ng Pilipinas ay mayroong kinalaman sa kapaligiran. Taliwas naman rito, ginagamitan ang karamihan nito ng diatonic scale sa halip na pentatonic scale.

Pagsasama ng Silangan at Kanluran

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Katulad ng kabihasnan ng bansa, ang katutubong musika ng Pilipinas ay produkto ng kaniyang makulay na kasaysayan. Ang katutubong musika ng Pilipinas ay naimpluwensiyahan ng uri ng lahat ng kulturang nakaulayaw nito kaya naman hindi nakapagtatakang maging kasing-tunog ito ng mga musika sa Tsina o Indiya, habang ito ay tunog Europeo.

Tulad ng mga taong gumagawa at gumagamit rito, ang katutubong musika ng Pilipinas ay maaaring ituring na Kanluranin o di-Kanluranin, at bagamat mayroong mga iba pang pagkakahati sa bawat isang uri ay ipinakikita pa rin nito ang kabihasnan ng isang pangkat. Sa pamamagitan ng katutubong musika, makikitang mabuti na ang mga Pilipino ay may malalim na pananampalataya sa Diyos, malalapit na mga pamilya, at makakalikasan.

Musikang pantinig

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang musikang pantinig pa rin ang nananatiling pinakamahalagang anyo ng katutubong musika ng kahit na aling pangkat etniko sa Pilipinas. At bagamat mayroon ring mga musika na ginawa para sayawan, ang musikang pantinig pa rin ang pinakamaayos na natipon ng mga Akademikong Pilipino.

Ayon sa aklat na Philippine Literature: Folk Songs ni Mauricia Borromeo, ang katutubong awitin ng bansa ay maaaring uriin bilang Kanluranin, Mala-Psalmo, at mga awiting Sekular mula sa mga katutubong pangkat.

Awiting Kanluranin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon kay Borromeo, ang mga katutubong awitin ng Pilipinas na mala-Kanluran ay mayroong mga katangian:

  • melodiyang madaling awitin,
  • silabiko at may taludtod,
  • payak na anyo,
  • nasa tunugang mayor o menor,
  • may palakumpasang dalawahan o tatluhan,
  • at payak na saliw.

Naimpluwensiyahan ng Musikang Kanluranin ang katutubong awit ng Pilipinas sa pamamagitan ng España. Dahil na rin sumailalim ang Pilipinas sa pananakop ng mga Kastila sa loob ng mahigit 300 taon, hindi na nakapagtatakang makaririnig ang isang tao ng pagkakapareho sa katutubong Musika ng dalawang bansang ito.

Ang ganitong uri ng musika ay kalimitang matatagpuan sa mga katutubong tinanggap ang paniniwalang Kristiyano sapagkat sila ang nagkaroon ng mas matagal na ugnayan sa mga Kastila kaysa sa mga di-Kristiyanong pangkat.

Pinatotohanan rin ng Mala-Kanluraning Musika ng Pilipinas ang pagsususri ni Dorothy Scarborough kung saan sinabi niyang:

(sa wikang Ingles)

A song that starts out as sheet music, duly credited to author and composer, may be so altered as to words or music, or both, by singers who learn and transmit it orally, as to become a folk song. The fact that that eleswhere it may be known as published music makes no difference. "... no genuine folk music is ever the exact duplicate of any other version even of the same song. Each version or variant has its own value." (Scarborough 1935: Foreword)

(sa wikang Tagalog)

Nagsisimula ang isang awitin bilang isang piraso ng musika, na nasa may-akda at kompositor ang papuri, na maaaring palitan katulad ng mga salita o musika, o pareho, sa pamamagitan ng mga mang-aawit na natuto at naidala sa pamamagitan ng bibig, na parang maging isang katutubong awitin. Ang katotohanan na kahit saan maaari itong malaman bilang inilimbag na musika na walang pagkakaiba. "... walang tunay na katutubong musika na may tumpak na kopya ng kahit anong bersiyon kahit na ang kaparehong awitin. May sariling kahalagaan ang bawat bersiyon o pagkakaiba nito." (Scarborough 1935: Paunang Salita)

Patunay rito, ang mga awit katulad ng awiting-Bisaya tulad ng Matud Nila at Usahay ay itinuturing na ring mga katutubong awit kahit na ang ilang mga sipi ay nagsasabing ginawa ang ang mga ito nina Ben Zubiri at Nitoy Gonzales.

Sa usapin naman ng rehistro, madaling awitin kahit na hindi naman matiim na nag-aral ng musika ang isang mang-aawit. Kalimitan sa mga awiting ito ay mayroon lamang rehistrong nasa pagitan ng anim hanggang labing-isang tono, samantalang ang normal na rehistro ng karaniwang tinig ay 14 na tono o isa at kalahating okataba.

Inaawit rin ang mga ito sa paraang hindi hindi tensiyonado at bagamat maaari itong awitin ng ginagamitan ng falsetto, tulad ng nakagawian ng mga nakatatanda, maaari rin naman itong hindi ginagamit. Kung mayroon mang mga pagkakataong naisa-plaka ang mga awiting ito, marami sa mga ito ay ginamitan na rin ng tinig na ginagamit sa pagsasalita, tulad ng ginagamit sa popular na musika.

Palapantigan at taludturan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Karamihan sa mga mga Musikang Mala-Kanluranin ay maaaring bigyan ng klasipikasyong korido, iyong may apat na linya na may tigwawalong pantig, o awit, iyong may apat na linya may tig-12 pantig bawat isa. At bagamat hindi ito tumutugma, ang mga linya ay nagtatapos naman sa assonance.

Sa kabila ng mga pagkakatulad sa katutubong awit ng España, ang mga Mala-Kanlurang katutubong musika ng Pilipinas ay hindi gumagamit ng mga mahahabang mellismas. Samakatuwid, ang sinabing One Word for Every Note sa pelikulang The Sound of Music ay madaling makita sa katutubong awit ng Pilipinas.

Sinasabi ring ang katangian ng Mala-Kanluraning Katutubong Awit mula sa Pilipinas ang pagiging istropiko, kung saan iisa lamang ang ginagamit na melodiya sa lahat ng taludtod. Makikita itong mabuti sa mga Ballad, bagamat ang tinatawag na modified strophic, katulad ng awit na Irlandes na 'Red Is the Rose', ay mahirap matagpuan. Ang Anyong Dalawahan ay karaniwan ring ginagamit kung saan bagamat may iisang tono sa lahat ng mga taludtod ay mayroon namang refrain na iba ang tono.

Payak na Anyo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon kay Borromeo:

(sa Ingles)

The single-unit song are made up of musical phrases (two or four) with an internal relationship that could be progressive, reverting, repetitive or contrasting. The two unit song or binary song form is common to haranas and kundimans. Each unit is repeated as in 'Lulay'. A return to the first part changes the form to a ternary or three repeated design. The version of 'Sarong Banggi' is one example. The verse and refrain type has been mention; i.e. 'Magtanim ay di Biro'. A rare example of the leader-chorus type is the Ivatan rowing song 'Un As Kayaluhen'.

(sa Tagalog)

Ang isang-yunit na awitin ay binubuo ng mga bariralang musikal (dalawa o apat) kasama ang isang panloob na ugnayan na progresibo, bumabalik, umuulit o sumasalungat. Karaniwan ang dalawang-yunit o binaryo na anyo sa mga harana o kundiman. Inuulit ang bawat yunit katulad sa 'Lulay'. Binabago ang anyo sa tatlong inulit na disenyo o ternaryo sa pagbalik sa unang bahagi. Isang halimbawa ang bersiyon ng 'Sarong Banggi'. Binanggit ang uri ng taludtod at refrain; i.e. 'Magtanim ay di Biro'. Isang pambihirang halimbawa ng namumunong-koro ang awitin ng para sa pagsagwan ng mga Ivatan, ang 'Un As Kayaluhen'.

Tunugang mayor o menor

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tulad ng nabanggit sa itaas, ang katutubong awit ng Musika ay gumagamit ng diatonic scale sa halip na pentatonic scale, tulad ng nakagawiang sa mga katutubong awit mula sa Silangan. Ibig sabihin nitong ang mga awit ay maaaring nasa tunugang mayor o tunugang menor. Sa ilang mga pagkakataon, ang mga dating Kundiman at iba pang mga dating Awit-Sining na nakilala na bilang mga katutubong awit ay nagsisimula sa tunugang menor at magiging mayor sa ikalawang hati.

Bunga nito, may mga ilang nagtuturing na ang lahat ng mga nasa tunugang Mayor ay masaya, mapayapa at maliksi, samantalang malulungkot, mapagdalamhati, at nananabik ang mga nasa tunugang menor.

Palakumpasang dalawahan at tatluhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagamat mayroong mga awiting nasa palakumpasang apatan, iyong nasa palakumpasang dalawahan at tatluhan pa rin ang pinaka-karaniwan sa mga Mala-Kanluraning katutubong awit. Ito ay makikita mabuti sa mga awit na pansaliw sa mga sayaw na tatalakayin ng mas malaliman mamaya.

Payak na saliw

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kung ang lahat sa Gran Britania ay marunong tumugtog ng recorder, ang lahat naman sa Pilipinas ay marunong tumugtog ng gitara. Kaya naman dapat lamang asahan na ito ang pinaka-karaniwang pansaliw sa mga katutubong awitin ng Pilipinas. At dahil na rin sa ilang sa mga katutubong awit ng Pilipinas ay dating Awit-Sining, hindi matatawaran ang kahalagahan ng saliw sa mga ito.

Bagamat mayroong mga awitin katulad ng "Ti Ayat Ti Maysa Nga Ubing" mula sa Rehiyon ng Ilocos na lubhang kromatiko, maaari pa ring saliwan ito ng payak na I-IV-V o ng Tonic-Subdominant-Dominant na pagsulong ng akorde (chord progression).

Ang katutubong salmo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga katutubong Salmo, bagamat hindi kasingdami ng mga Mala-Kanlurang katutubong awit, ay isa pa rin sa mga pinakamahahalagang bahagi ng mga katutubong awitin na mula sa bansang Pilipinas. At bagamat tinawag itong Salmo ni Borromeo, inilagay niya sa klasipikasyong ito ang mga awit na gumagamit ng mahahabang mellismas.

Ang 'Huluna of Bauan' ang pinakamagandang halimbawa ng ganitong anyo ng awitin. Tunay nga, ang 'Huluna of Bauan' ay may katangian ng mahahaba at mahihirap na fioritures, kawalang ng palakumpasan, modal ang melodiya, mahahabang parirala at hindi malapad na rehistro.

Ang ganitong uri ng musikang pantinig ay hindi maikakailang may kahirapan para sa isang karaniwang mang-aawit dahil bagamat hindi naman lubhang malapad ang rehistro ng mga ito ay punung-puno naman ang mga ito ng mahahabang mellismas at fioritures. Dahil dito, kinakailangang huminga ng malalaim ng isang mang-aawit upang maayos niyang makanta ang susunod na parirala.

Ang mga sekular na awit mula sa mga katutubong pangkat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Hindi tulad ng dalawang naunang uri ng awitin, ang mga pumapaloob sa ganitong anyo ay may mas malapit na pagkakatulad sa ibang mga katutubong musika mula sa Silangan. Pang-una na sa mga katangian nito ang paggamit ng Esklang Pentatonikong Intsik (Chinese Pentatonic Scale). Ginagamitan rin ito ng paulit-ulit na kumpas at mahabang rehistro.

Bagamat mahirap itong bigyan ng isang palakumpasan, madali namang makita na hindi ito kasing laya ng 'Huluna'. Mayroon ring mga pagkakataon na ang tunay na diin sa isang salita ay naiiba upang tumugma sa pangangailangan ng melodiya. Maririnig ang mga ito lalo na sa mga Katutubong Awit mula sa Hilaga, halimbawa na nito ang 'Salidumay' ng mga Kalinga. Iisa rin lamang ang pantig sa bawat isang nota at hindi rin nagtutugma ang mga dulong panting kundi mayroon lamang assonace.

At kahit na pa sinasabing malapad ang rehistro ng mga ito, maituturing pa ring madaling awitin ang mga napapaloob sa ganitong pag-uuri.

Pagkakatulad ng mga melodiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sinabi rin ni Borromeo na isa sa mga kapansin-pansin sa mga Mala-Kanlurang katutubong musika ay may mga melodiyang matatagpuan rin sa ibang mga wika. Ibig sabihin nito, hindi lamang iisang pangkat-wika ang nagmamay-ari ng isang melodiya kundi ang buong bansa. Dapat rin nating maalala na ang Pilipinas ay isang kapuluan at ang paggamit ng Filipino bilang pambansang wika ay nangyari lamang nitong huling bahagi ng ika-19 na siglo.

Sa kabila nito ang musika para sa awiting Tagalog na 'Magtanim ay Di Biro' ay ginagamit ring musika para sa awiting Kapampangan na 'Deting Tanaman Pale' at sa awiting Gaddang na 'So Payao'.

Ilan pang mga halimbawa ay ang musika para sa awiting Bisaya na 'Ako Ining Kailu', na ginagamit rin para sa awiting Ibanag na 'Melogo Ti Aya' at ang awiting Kapampangan na 'Ing Manai'. Maririnig rin ang pagkakatulad ng awiting Bikolano 'Mansi Pansi' at ng awiting Ilokano na 'Pamulinawen'.

Ang wikang ginagamit para sa mga katutubong awit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kapansin pansin rin ang katotohanang bagamat halos 90% ng 80 milyong Pilipino ang nagsasabing may iba't ibang katatasan sila sa wikang Ingles, wala ni isa man sa mga katutubong awit ang gumagamit nito bilang orihinal na titik. Ang karamihan pa rin ng mga katutubong awit ay nasusulat sa mga wikang vernacular lalo na iyong mga nasa tinaguriang "walong pangunahing" wika ng Pilipinas.

Sa kabila ng pagkakaroon ng mga salin sa Filipino ng mga katutubong awiting ito, marami sa mga umaawit at nag-aaral ng katutubong wika ay hindi na ito binibigyan pa ng pansin.

Susunod sa bilang ay iyong mga nasusulat sa wika ng mga Minoryang Pangkat Etniko at kasunod nito ang mga nasusulat sa wikang Kastila. Bagamat tinatawag na Chavanacano ang Kastilang ginagamit sa Pilipinas, nauunawaan pa rin ito ng mga gumagamit ng Kastila na siyang ginagamit ng Academia Española. Pinasikat sa mga awiting ito ang 'No Te Vayas de Zamboanga' at 'Viva! Señor Sto. Nino'.

Musikang pansaliw sa mga sayaw

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matapos ang mga musikang pantinig, ang mga musikang pansaliw sa sayaw ang pinakamahalagang uri ng katutubong Musika sa Pilipinas. Tulad ng nabanggit na, ang pagkakaroon ng titik ay nangangahulugang maipapasa ito sa mga susunod na salinlahi kaya naman kay mga titik rin ang ganitong uri ng musika. Ayon kay Francisca Reyes-Aquino, nakilala dahil sa kaniyang koleksiyon ng mga katutubong sayaw, habang sumasayaw ang ilan ay sinasabayan naman ng mga nanonood ang ito ito sa pamamagitan ng pag-awit. Ito ay katulad ng ginagawa ng isang cheerer samantalang nanonood ng laro. Mamamalas ito sa pamamagitan ng mga salitang tulad ng 'Ay!', 'Aruy-Aruy!', 'Uy!' at 'Hmp!' sa mga ilang bahagi.

Ang mga musikang napapasailalim rito ay maaaring uriin bilang iyong mula sa mga pangkat Kristiyano, pangkat Muslim, at ibang mga pangkat etniko.

Musikang pansaliw mula sa mga pangkat Kristiyano

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Dahil sa nakilala ng mga Pilipino ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng mga mananakop mula sa Kanluran, ang mga musikang pansaliw mula sa pangkat na ito ay halos katulad rin ng mga musikang pansaliw na matatagpuan sa Kanlurang Hati ng Globo. Ang mga Musikang Pansaliw tulad ng Habanera, Jota, Pandango, Polka, Curacha, ay mayroon ring mga katangian katulad ng kanilang mga kapangalan sa Europa at America.

Mayroon rin namang mga katutubong anyo katulad ng Balitao, Tinikling and Cariñosa. At ayon sa pag-aaral ng Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Antonio Molina, ang Balitao, kilala sa mga rehiyon ng Katagalugan at Kabisayan ay gumagamit ng palakumpasang 3/4 kung saan makikita ang kumpas na crotchet-quaver-quaver-crotchet. Mayroon rin namang gumagamit ng crotchet-minim, samantalang mayroon pang ibang ginagamitan naman ng tinuldikang quaver-semi-quaver-chrotchet-quaver-quaver.

Ang ganitong uri ng musika ay karaniwang ginagamit pampalipas ng oras, at tulad ng mga katutubong awit mula sa Kanluran ay ginagamit sa mga pagtitipon.

Musikang Pansaliw mula sa mga Pangkat Muslim

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Dahil ang Islam ay pumasok sa bansa sa pamamagitan ng mga karatig bansa sa Asya, ang koleksiyong ito ay may pagkakahalintulad sa mga katutubong musikang pansaliw ng mga bansa sa rehiyong ASEAN. Mayroon itong mga katulad na katangian sa Gamelan ng Indonesia at maging sa musika ng malayong sub-kontinenteng Indiyan.

Kalimitan ay may mga kuwento sa likod ng mga sayaw na ito, halimbawa na lamang ang Singkil, na itinuturing na pinakakilalang nagmumula sa kategoryang ito. Sa pagsasayaw ng Singkil, ipinaaalala kung paanong nasagip ni Prinsipe Bantugan si Prisesa Gandinangan mula sa mga nag-uumpugang bato. Iyon nga lamang ay pinalitan ang mga bato ng kawayan para sa sayaw na ito.

Musikang pansaliw mula sa mga iba pang katutubong pangkat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Tulad ng mga awiting sekular ng pangkat ring nabanggit, mayroong rin itong mga kumpas bagamat mahirap mailagak kung anong palakumpasan ito. Mga perkusyon ang pangunahing ginagamit sa ganitong uri ng musika kaya naman minsan ay sapat na ang tunog ng gong.

At dahil sa ang pagiging malapit sa kalikasan ay isa sa mga panguhaing katangian ng mga pangkat na ito ay maasahang panggaya ng mga kilos sa Kalikasan ang mga pangunahing kilos mula rito. Minsan ay tinatawag lamang itong "Sayaw ng mga Unggoy" o "Sayaw ng Maya" upang makilala.

Mayroon ring mga musika pa ginawa upang gamitin sa mga sayaw pang-ritwal, kaya may mga musikang para sa sayaw sa kasal, pagsamba, at maging sa paghahanda para sa digmaan.

Hindi tulad ng mga bansang Irlanda, Hungaria at ng Czech Republic, hinda kailan man naging pambansa ang pagkakakilanlan sa mga katutubong musika mula sa Pilipinas. Ito marahil ay bunga ng ang bawat isang rehiyon ay may kanikaniyang sariling wika.

At bagamat mayroon na ring mga nagtangkang magsagawa ng pagkalap mula sa iba’t ibang mga pangkat-wika, wala naman ni isa ang nagtagumpay na maituro ito sa antas primarya ng paaralan. Maliban sa mga awiting pambata, hindi nabibigyan ng pansin ang mga katutubong musika sa mga silid-aralan. Dahil dito ay nagkakaroon tuloy ng kaisipang ang mga katutubong awit ay mga awiting pambata lamang.

Nakatulong rin ang pagpasok ng telebisyon sa mabilis na pagkawala nito ng popularidad, dahil sa pamamagitan nito ay kaagad nang nakikita ng mga Pilipino ang kabihasnang popular mula sa Europa at Estados Unidos. At bagamat maraming mga Europeo ang nagsasabing mahilig sa musika ang mga Pilipino ay palagi pa ring nanganganib na tuluyang mawala ang katutubong musika.

Mga tangkang pagkalap

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mayroon mang mga naganap na pagkalap sa Katutubong Musika ng Pilipinas ay halos para lamang sa mga musikang pantinig ang naging sentro ng mga ito. Sa ilalim ng 300 taong pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, wala ni isa mang pagkalap ng mga katutubong musika ang naganap. At bagamat may mga naganap na pagkalap sa panahon ng mga Amerikano, ito ay naganap lamang ng mga huling taon ng ika-20 na siglo, samantalang nakikita ng mga Romantisista ng Europa ang kahalagahan ng mga katutubong awit.

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas, may mga nagtangkang mangalap ng katutubong musika ngunit ito na lamang huling mga taon. Maituturing na pinaka-una sa mga nailathalang koleksiyon ang ginawa ni Fr. Morice Vanoverberg noong 1919 na ukol sa katutubong musika ng mga Lepanto Igorot ng Hilaga. Iyon nga lamang ay mga titik lamang ang kasama sa koleksiyong ito ay hindi ang mga tono.

Ang koleksiyong pinamagatang Filipino Folk Songs ni Emilia Cavan ang itinuturing na unang koleksiyon na mayroong kasamang tono. Nailathala ito noong 1942. Ngunit ang koleksiyon na ginawa ni Norberto Romualdez noong dekada 1950 ang nananatiling pinakamahalaga sa disiplinang ito. Pinamagatan itong Philippine Progressive Music Series at minsan na ring naging batayang aklat sa pagtuturo ng Musika para sa mga paaralan.

Sa kasamaang palad, mga Amerikano ang mga naging katulong ni Romualdez at isinalin ang titik ng mga awiting ito mula sa mga orihinal na wika patungong Filipino at Ingles. Ito ay dahil sa nais ng koleksiyong ito na mamulat ang damdaming makabayan ng mga Pilipino. Katunayan nito ang pagsasama ng Pambansang Awit ng Pilipinas, Philippines Our Native Land at maging ang Philippines, the Beautiful, isang adaptasyon ng America the Beautiful sa listahan ng mga awit. Mayroon rin itong ilang mga awit mula sa katutubong awit ng ibang mga bansa.

Sa ngayon, ito pa rin ang pinakamahalagang koleksiyon at ilang mga sipi nito ay matatagpuan pa rin sa mga pangunahing aklatan sa iba’t ibang mga lalawigan, bayan at lungsod sa buong bansa.

Ilan pang mga koleksiyon ang ginawa ni Emilia Reysio-Cruz na pinamagatang Filipino Folk Songs kung saan ang mga koleksiyon ay mula sa walong pangunahing wika ng Pilipinas.

Mayroon ring sariling koleksiyon si Dr. Jose Maceda, ang dating Tagapangulo ng Department of Asian Music Research of the College of Music ng Unibersidad ng Pilipinas, na nagsimula noong 1953 at nagpatuloy hanggang. Mayroon rin ginawang sariling koleksiyon ang kanitang mga mag-aaral.

Sa huling bahagi ng ika-20 siglo at unang mga taong ng ika-21 siglo, gumawa rin ng isang koleksiyon si Raul Sunico, Dekano ng Conservatory of Music ng Unibersidad ng Santo Tomas. Sinimulan niya ang paglalathala ng mga oyayi, matapos ay siundan niya ng mga awit ukol sa pag-ibig, at matapos iyon ay mga awit ukol sa iba’t ibang mga hanap-buhay ng mga Pilipino. Sa ikaapat na bahagi, inilathala niya ang mga awitin ukol sa kababaihang Pilipino.

Sa koleksiyong ito, ginamit ang mga orihinal na titik ng mga awitin, kasama na rin ang salin nito sa Ingles at ilang paliwanag ukol sa mga pangkat etniko na pinagmulan ng awitin.

Para naman sa katutbong musikang pansaliw, tanging ang pitong aklat lamang ni Francisca Reyes-Aquino ang nagawang koleksiyon at hindi pa ito nasusundan hanggang sa ngayon.

Gamit sa komersiyo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

May ilang mga mang-aawit ng rock na nagtangkang isa-plaka ang mga katutubong awit noong dekada 1970 katulad ng nagaganap noon ring panahong iyon sa Estados Unidos. Kabilang sa mga ito ang mga mang-aawit na sina Joey Ayala, Bayang Barrios, Freddie Aguilar at ang grupong Asin.

Marami ring sa mga seryosong musikero ang nagsa-plaka nito ngunit walang nagtagumpay na mailagay ito sa mga tsart katulad ng naganap sa Estados Unidos. Sa ngayon, hindi na ito nabibiyan ng sapat na pansin ng mga popular na mang-aawit at tanging iyon na lamang mga nag-aaral ng musika sa mga pamantasan ang nag-papalaganap nito.

Nasa wikang Ingles:

  1. Philippine Literature: Folk Music by Mauricia Borromeo
  2. Philippine Progressive Music Series by Norberto Romualdez.
  3. The Encyclopedia of Philippine Art, Volume 7: Philippine Music by the Cultural Centre of the Philippines
  4. Himig: A Collection of Traditonal Songs from the Philippines by Raul Sunico