Palarong Olimpiko sa Tag-init 1896
Palaro ng I Olimpiyada Griyego: Θερινοί Ολυμπιακοί Αγώνες 1896 Therinoí Olympiakoí Agónes 1896 | |
Punong-abala | Atenas, Gresya |
---|---|
Estadistika | |
Bansa | 10-15 |
Atleta | 241-246 |
Paligsahan | 43 sa 9 na palakasan |
Seremonya | |
Binuksan | Abril 6 |
Sinara | Abril 15 |
Binuksan ni | Haring Jorge I ng Gresya |
Estadyo | Estadyo Panatinaiko |
Kronolohiya | |
Tag-init | Susunod 1900 Paris |
Ang Palarong Olimpiko sa Tag-init ng 1896 (Griyego: Θερινοί Ολυμπιακοί Αγώνες 1896, romanisado: Therinoí Olympiakoí Agónes 1896), opisyal na kilala bilang ang Games of the I Olympiad (Filipino: Palaro ng I Olimpiyada), ay ang kauna-unahang Palarong Olimpikong ginanap sa modernong kasaysayan. Inorganisada ng Pandaigdigang Komiteng Olimpiko (IOC) na binuo ni Pierre de Coubertin, ginanap ang palaro sa lungsod ng Atenas, Gresya mula ika-6 hanggang ika-15 ng Abril 1896.
Labing-apat na bansa at 241 mga atleta (lahat lalaki) ang lumahok sa edisyong ito ng Palaro. Maliban lamang sa koponan ng Estados Unidos, ang mga atleta ay isang Europeo o di kaya'y naninirahan sa Europa. Sa aktwal na Palaro, binigyan ang mga nanalo ng medalyang pilak, habang binigyan naman ng mga medalyang tanso ang mga pumangalawa. Walang binigay na medalya sa mga nagtapos sa ikatlong puwesto. Para umakma naman sa modernong pagtatala sa mga nanalo, pinalitan ito ng IOC ng ginto para sa mga nanalo, pilak para sa mga pumangalawa, at tanso para naman sa mga pumangatlo. Nakakuha ng medalya ang sampu sa 14 na bansang lumahok sa Palaro. Pinakamaraming nakuhang ginto ang Estados Unidos, kung saan nakahakot sila ng 11 sumatotal, habang ang punong-abalang bansa naman na Gresya ang nakakuha ng pinakamaraming medalya sa lahat-lahat, kung saan nakakuha sila ng 46 sumatotal. Ang pagkapanalo ni Spyridon Louis sa maraton ang itinuturing na pinaka-highlight ng Palaro para sa mga Griyego. Gayunpaman, ang pinakamatagumpay na atleta sa Palaro ay si Carl Schuhmann ng Alemanya, isang mambubuno (wrestler) at himnasta (gymnast), kung saan naipanalo niya ang apat na paligsahan. Lagpas 65% sa mga atleta ay Griyego.
Walang pumalag sa pagpili sa Atenas bilang ang punong-abalang lungsod sa kauna-unahang edisyon ng modernong Palaro sa kongresong inorganisa ni Coubertin sa Paris noong ika-23 ng Hunyo 1894 dahil sa kadahilanan na ang Gresya ang lugar kung saan ginanap ang Sinaunang Palarong Olimpiko. Ang pangunahing estadyo ng Palaro ay ang Estadyo Panatinaiko, kung saan ginanap rin ang mga paligsahan sa atletika (athletics) at pagbubuno (wrestling). Ginamit rin ang mga Belodromo ng New Phaliron para sa pagsisiklista, gayundin ang Zappeion para naman sa eskrima (fencing). Pormal na binuksan ang Palaro noong ika-6 ng Abril sa Estadyo Panatinaiko. Matapos magbigay ng isang mensahe si Prinsipe Konstantino ng Gresya, na siyang pangulo rin ng komite sa pag-oorganisa sa Palaro, binuksan ng kanyang amang si Haring Jorge I. Matapos nito, itinanghal ng siyam na banda at 150 mang-aawit sa koro ang Himno Olimpiko, isang komposisyon ni Spyridon Samaras at titik ng makatang si Kostis Palamas.
Itinuturing na matagumpay ang Palaro sa Atenas. Ito ang pinakamalaking pandaigdigang paligsahan sa mundo noong panahong iyon. Pinuno ng mga manonood ang Estadyo Panatinaiko, ang pinakamalaking bilang ng mga manonood sa isang paligsahan noong panahong ding iyon. Pagkatapos ng Palaro, nagpetisyon ang ilang mga kilalang personalidad, kabilang na si Haring Jorge I at ilang atletang Amerikano, kay Coubertin at sa IOC na idaos ang mga susunod na Palaro sa Atenas. Ngunit, dahil naiplano na ang susunod na edisyon ng Palaro na gaganapin sa Paris, hindi ito pinagbigyan. Maliban lamang sa Palaro ng 1906, hindi bumalik muli ang Palaro sa nasabing lungsod hanggang noong 2004— 108 taon pagkatapos ng edisyong ito.
Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.