Pumunta sa nilalaman

Wikang Hapones

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Man'yōgana)
Wikang Hapones
日本語 Nihongo Nippongo
Nihongo (Wikang Hapon) sa Kanji
Bigkas/nihoŋɡo/, /nippoŋɡo/
Katutubo saLahat: Hapon
Mga natibong tagapagsalita
130 milyon[1]
Kanji, Hiragana, Katakana, Rōmaji, Panitik na Siddhaṃ (okasyunal sa mga templong Budista.)
Opisyal na katayuan
 Hapon

 Palau

Kinikilalang wika ng minorya sa

 Palau


Mga kodigong pangwika
ISO 639-1ja
ISO 639-2jpn
ISO 639-3jpn
Naglalaman ang artikulong ito ng mga simbolong ponetiko ng IPA Posible po kayong makakita ng mga tandang pananong, kahon, o iba pang mga simbolo imbes ng mga karakter ng Unicode dahil sa kakulangan ng suporta sa pag-render sa mga ito. Para sa isang panimulang gabay sa mga simbolong IPA, tingnan ang en:Help:IPA.

Ang wikang Hapón (Sulat-Hapón: 日本語 nihongo lit. na 'wika ng [bansang] Hapón', Ingles: Japanese), kilala rin bilang wikang Hapones, wikang Nihongo o sa lumang katawagan nitong wikang Nippongo (mula sa Nippon, lumang pagsasaromano ng Nihon), ay isang wika mula sa Silangang Asya na sinasalita ng tinatayang mga 126 milyong katao (2021), karamihan sa bansang Hapón, kung saan ito ang pambansang wika nila. Kasapi ito sa pamilya ng mga wikang Haponiko (Ingles: Japonic) o Hapones-Ryukyuano (Ingles: Japanese-Ryukyuan). Pinagtatalunan pa rin ang relasyon nito sa mga karatig-wika nito tulad ng wikang Koreano. Isinama ang mga wikang nasa pamilyang Haponiko sa iba pang mga pamilya ng wika tulad ng Ainu, Awstroasiatiko (Ingles: Austroasiatic), at sa di na tinatanggap na pamilyang Altaiko (Ingles: Altaic), ngunit wala sa mga panukalang ito ang nakakuha ng malawakang pagtanggap.

Kaunti lamang ang alam sa sinaunang kasaysayan ng naturang wika, o kahit maging kung kailan ito unang sinalita sa bansang Hapón. Nakatala sa mga dokumento mula Tsina noong ikatlong siglo ang ilang mga salitang Hapón, pero hindi sumulpot ang mga mahahalagang teksto hanggang noong ikawalong siglo. Noong panahon ng Heian (794-1185), may kalakihan ang impluwensiya ng wikang Tsino sa bokubularyo at ponolohiya ng Lumang Hapones. Kabilang sa mga pagbabagong nagawa sa kasagsagan ng Huling Gitnang Hapones ang pagbago ng ilang katampukang nagpalapit sa kasalukuyang wika, at ang pagpasok ng mga hiram na salita mula Europa. Lumipat ang pamantayang diyalekto mula sa rehiyon ng Kansai patungo sa diyalekto ng rehiyon ng Edo (ngayo'y Tokyo) noong panahon ng Maagang Makabagong Hapones mula sa unang bahagi ng ika-17 hanggang sa kalagitnaan ng ika-19 na siglo. Matapos magbukas muli noong 1853 ang bansang Hapón mula sa pag-iisa nito, lalo pang dumami ang mga hiram na salita mula Europa na pumasok sa wika. Partikular na dumami ang mga salitang Ingles na hiniram, na kalauna'y sumibol bilang mga salitang Hapón na may salitang-ugat na galing sa Ingles.

Isang wikang pinapanlapian (Ingles: agglutinative language) ang wikang Hapón. May tiyak na "bigat" ang bawat pantig nitong kilala bilang mora, may simpleng ponotaktika (phonotactics), mga purong patinig, may pagpapahaba sa katinig at patinig, at isang mahalagang sistema ng diin sa katinisan (pitch accent). Sa mga pangungusap, madalas nauuna ang gumagawa ng kilos na sinundan ng tumatanggap ng kilos bago ang pandiwa (SOV, o subject-object-verb). Minamarkahan ng mga pananda (markers) at pang-ugnay (connectors) ang gamit sa balarila ng mga salita. Nauuna ang paksa (topic) sa isang pangungusap nito kaysa sa komento (comment). Ginagamit naman ang mga pandulong pangatnig (sentence-final particles) para magbigay ng emosyon o diin sa sinasabi, o di kaya'y para magtanong. Walang kasarian ang mga pangngalan ni bilang, at wala itong mga artikulo. Pinapanlapian ang wikang Hapón, madalas para sa boses (voice) at sa aspekto (aspect)—imbis sa oras (tense)—at hindi sa kung sino ang nagsasalita (person). Pinapanlapian din ang mga kahalintulad ng pang-uri sa wikang Hapón. May komplikadong sistema ng kagalangan (kilala sa Ingles bilang honorifics) kung saan nagbabago ang mga pandiwa at maging mga salitang ginagamit at ang ayos ng pangungusap base sa katayuan ng nagsasalita sa kinakausap niya.

Walang malinaw na relasyon ang wikang Hapón sa wikang Tsino,[2] subalit malimit itong gumagamit ng mga karakter sa sulat-Tsino, kilala sa tawag na kanji (漢字), sa pagsusulat. May malaking bahagi ng bokubularyo ang hiniram sa wikang Tsino. Maliban dito, may dalawa pang sistema ng pagsulat ang ginagamit: ang makurbang sulat-hiragana (ひらがな o 平仮名) at ang matulis na sulat-katakana (カタカナ o 片仮名). Limitado lamang ang paggamit ng sulat-Latin, ang rōmaji. Ginagamit parehas ng wikang Hapón ang sistema ng pagbilang ng Arabo (1, 2, 3, ...) at Tsino (一, 二, 三, ...).

Malimit ang sulat-hiragana gamitin para sa mga gramatikang partikulo at mga katapusan ng mga salita. Ang sulat-katakana ay malimit gamitin naman para sa mga hiniram ng mga salitang galing sa ibang wikang di Intsik, sa mga pangalan ng hayop at halaman, at sa mga onomatopeia.

Logograma ang kanji, pero ponograma (ng uring silabaryo o silabograma) ang sulat-hiragana at sulat-katakana. Kaya ang sulat ng Hapones ay kung minsang tawaging logosilabiko (Ingles: logosyllabic).

Ang mga Hiragana at Katakana

Sinaunang kasaysayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pinaniniwalaang dinala ng mga taong nagmula sa kontinental na Asya o di kaya'y sa mga kalapit na isla sa Pasipiko ang proto-Haponiko, ang kanunununuan ng mga wikang Hapon at Ryukyuano, noong bandang una hanggang sa gitnang bahagi ng ikalawang siglong BK. (panahon ng Yayoi). Pinalitan nito ang mga orihinal na wika ng mga unang nanirahang na lahing Jōmon,[3] kabilang na ninuno ng modernong wikang Ainu. Napakaliit lamang ang alam tungkol sa wikang Hapón ng panahong ito. Dahil ipapakilala pa lamang galing Tsina ang sistema ng pagsulat,[2] walang direktang ebidensiya patungkol rito. Base sa mga pagsasabuo mula sa kapanahunan ng Lumang Hapón ang mga impormasyon nakuha para sa panahong ito.

Page from the Man'yōshū
Isang pahina mula sa Man'yōshū, ang pinakalumang antolohiya ng klasikong panulaang Hapones

Lumang Hapones

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Lumang Hapones ay ang pinakalumang napatunay na yugto ng wikang Hapones. Sa pagkalat ng Budismo, naangkat ang Tsinong sistema ng pagsusulat sa Hapon. Ang mga pinakalumang teksto na nahanap sa Hapon ay nakasulat sa Klasikong Tsino, ngunit maaaring sadya silang basahin sa wikang Hapones sa pamamagitan ng pamamaraang kanbun. Ipinapakita ng iilan sa mga Tsinong tekstong ito ang mga impluwensya ng bararilang Hapones, tulad ng pag-aayos ng mga salita (halimbawa, ang paglalagay ng pandiwa pagkatapos ng layon). Sa mga magkahalong tekstong ito, paminsan-minsang ginamit ang mga Tsinong titik sa ponetikang paraan para kumatawan sa mga katagang Hapones. Pinepetsahan ang pinakalumang teksto, ang Kojiki, sa maagang ika-8 siglo, at isinulat nang buo sa sulating Tsino. Magkakasabay ang wakas ng Lumang Hapones sa wakas ng panahong Nara noong 794. Ginamit ng Lumang Hapones ang sistema ng pagsulat na Man'yōgana, na gumagamit ng kanji para sa kanilang halagang ponetika at semantiko. Ayon sa sistemang Man'yōgana, maaaring ibuo muli ang Lumang Hapones na nagkaroon ng 88 natatanging pantig. Gumamit ang mga tekstong isinulat sa Man'yōgana ng dalawing magkakaibang kanji para sa mga pantig na binibigkas ngayon bilang き ki, ひ hi, み mi, け ke, へ he, め me, こ ko, そ so, と to, の no, も mo, よ yo at ろ ro.[4] (May 88 ang Kojiki, ngunit 87 lamang ang mayroon sa mga sumusunod na teksto. Tila agarang nawala ang pagkakaiba sa mo1 at mo2 pagkatapos ng komposisyon nito.) Umikli itong pangkat sa 67 sa Maagang Gitnang Hapones, ngunit nadagdagan ito sa pamamagitan ng impluwensyang Tsino.

Dahil sa mga dagdag na pantig, itinuring na mas malaki ang sistema ng patinig ng Lumang Hapones kaysa sa Makabagong Hapones – marahil na naglaman ito ng hanggang walong patinig. Ayon kay Shinkichi Hashimoto, nagmumula ang mga dagdag na pantig sa Man'yōgana mula sa pagkakaiba ng mga patinig ng mga kinukuwestyong patinig.[5] Nagpapahiwatig ng mga pagkakaibang ito na may sistema ng walong patinig ang Lumang Hapones,[6] kumpara sa limang patinig ng mga sumusunod na Hapones. Dapat umikli ang sistema ng patinig sa pagitan ng mga tekstong ito at ang pag-imbento ng mga kana (hiragana at katakana) noong unang bahagi ng ika-9 siglo. Ayon sa pananaw na ito, kahawig ang sistema ng walong patinig ng sinaunang Hapones sa mga sistema ng mga pamilya ng wikang Uraliko at Altaiko.[7] Gayunman, hindi tiyak na tiyak na ang paghahalili ng mga pantig ay sumasalamin sa pagkakaiba sa mga patinig sa halip ng mga katinig – sa panahong iyon, ang tanging hindi mapag-aalinlangang katotohanan ay magkaibang pantig sila. Ipinapakita ng mas bagong muling pagbubuo ng sinaunang Hapones ang kapansin-pansing pagkakatulad sa mga wikang Timog-Asyano, lalo na sa mga wikang Austronesyo.[8]

Walang /h/ ang Lumang Hapones, ngunit sa halip nito, may /ɸ/ (nakapreserba sa modernong fu, /ɸɯ/), na muling ibinuo sa mas maagang */p/. Mayroon ding simbolo ang Man'yōgana para sa /je/ na ipinagsama sa /e/ bago natapos ang panahong ito.

Napapanatili ang mga iilang hayto ng mga elementong bararila ng Lumang Hapones sa modernong wika – ang katagang paari na tsu (pinalitan ng modernong no) ay nakapreserba sa mga salita tulad ng matsuge ("pilikmata", lit. "buhok ng mata"); modernong mieru ("maging tahaw") at kikoeru ("maging mapapakinggan") na nagpapanatili ng posibleng mediopasibong hulaping -yu(ru) (kikoyukikoyuru (ang anyong atributibo na dahan-dahang pumalit sa anyong payak simula sa huling panahong Heian) > kikoeru (tulad ng lahat ng pandiwang shimo-nidan sa makabagong Hapones)); at nananatili ang paaring katagang ga sa sadyang arkaikong pananalita.

Two pages from Genji Monogatari emaki scroll
Dalawang pahina mula sa isang ika-12 siglong balumbong emaki ng Ang Kuwento ni Genji mula sa ika-11 siglo

Maagang Gitnang Hapones

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Maagang Gitnang Hapones ay ang Hapones ng panahong Heian, mula 794 hanggang 1185. Nakikita sa Maagang Gitnang Hapones ang makabuluhang impluwensya ng wikang Tsino sa tinigan ng wika – nagiging multinigin ang pagtatangi ng haba para sa mga katinig at patinig, at may mga idinagdag na katinig na labyalisado (hal. kwa) at palatalisado (hal. kya).[kailangan ng sanggunian] Napasama ang interbokalikong /ɸ/ sa /w/ sa pagsapit ng ika-11 siglo. Nakikita sa wakas ng Maagang Gitnang Hapones ang simula ng mabagal na paglilipat ng anyong atributibo (rentaikei sa Hapones) patungo sa di-sabaylong anyo (shūshikei) para sa mga uri ng pandiwa kung saan magkaiba ang dalawa.

Huling Gitnang Hapones

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sumasaklaw ng Huling Gitnang Hapones ang mga taon mula 1185 hanggang 1600, at karaniwang inihihiwalay sa dalawang seksyon, halos magkatumbas sa panahong Kamakura at panahong Muromachi, ayon sa pagkabanggit. Ang mga huling anyo ng Huling Gitnang Hapones ay ang mga unang inilarawan ng mga di-katutubong sanggunian, sa sitwasyong ito, ang mga Heswita at Franciscanong misyonero; at sa gayon ay nagkaroon ng mas mabuting dokumentasyon ng tinigan ng Huling Gitnang Hapones kumpara sa mga dating anyo (halimbawa, ang Arte da Lingoa de Iapam). Kabilang sa mga ibang pagbabago sa tunog, ipinagsama ang /au/ sa /ɔː/, di-kayaga ng /oː/; ipinakilala muli ang /p/ mula sa Tsino; at ipinagsama ang /we/ sa /je/. Nagsimulang lumitaw ang mga anyo na mas kilala ng mga nananalita ng Makabagong Hapones – nagsimulang bawasin ang pangatnig pangwakas -te sa pandiwa (hal. yonde mula sa mas maagang yomite), natanggal ang -k- sa huling pantig (shiroi kumpara sa mas naunang shiroki); at umiiral ang mga iilang anyo kung saan pinanatili ng makabagong pamantayang Hapones ang dating anyo (hal. hayaku > hayau > hayɔɔ, kung saan may hayaku lamang ang makabagong Hapones, ngunit nakapreserba ang alternatibong anyo sa karaniwang pagbati o-hayō gozaimasu "magandang umaga"; nakikita rin itong pangwakas sa o-medetō "pagbati!" mula sa medetaku).

Nasa Huling Gitnang Hapones ang mga unang salitang hiram mula sa wikang Europeo – kabilang sa mga karaniwang salita ngayon na hiniram ng Hapones sa panahong ito ang pan ("tinapay") at tabako ("tabako", "sigarilyo" ngayon), kapwa mula sa Portuges.

Heograpikal na pamumudmod

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bagaman halos eksklusibong sinasalita ang wikang Hapones sa Hapon, ipinangsalita ito sa ibang lupain. Bago at noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pamamagitan ng Hapones na pagsakop ng Taiwan at Korea, pati na rin ng bahagyang pagsakop ng Tsina, Pilipinas, at mga iba't ibang Kapuluang Pasipiko,[9] naturuan ang mga katutubo sa mga bansang iyon ng Hapones bilang wika ng imperyo. Dahil dito, mararaming matatanda sa mga bansang ito ay nakakapagsalita ng Hapones. Ginagamit minsan ng mga Hapones na emigranteng komunidad (matatagpuan ang pinakamalaki nito sa Brasil,[10] na may 1.4 milyon hanggang 1.5 milyon Hapones na imigrante at desendyente, ayon sa Brasilenyong datos ng IBGE, higit pa sa 1.2 milyon ng United States[11]) ang wikang Hapones bilang kanilang pangunahing wika. Nakakapagsalita ang halos 12% ng residente ng Hawaii ng Hapones,[12] na may tinatanyang 12.6% ng populasyon ang may lahing Hapon noong 2008. Mahahanap din ang mga Hapones na emigrante sa Peru, Arhentina, Australya (lalo na sa mga silangang estado), Canada (lalo na sa Vancouver kung saan 1.4% ng populasyon ay may lahing Hapones[13]), Estados Unidos (lalo na ang Hawaii, kung saan 16.7% ng populasyon ay may lahing Hapones,[14] at California), at Pilipinas (lalo na sa rehiyon ng Davao at lalawigan ng Laguna).[15][16][17]

Batay sa balarila ng Wikang Hapones, mayroong regular na morpolohiyang pang-uring aglutinatibo ang Wikang Hapones, na may parehas na produktibo at nakaayos na elemento. Sa wika ng tipolohiya, mayroon itong itinatampok na diberhento mula sa mga wikang Europeo. Ang mga panaguri ay karaniwang puno-huli at ang maramihang mga pangungusap ay isa ring kaliwang-sangay. Sa kabaligtaran, Ang mga Wikang Romansa tulad ng Espanyol ay mataal sa kanang sangay, at ang mga Wikang Aleman tulad ng Ingles ay hindi taal sa kanang sangay. Maraming katulad na wika, subalit kakaunti sa Europa.

Wikipedia
Wikipedia

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Japanese". Languages of the World. Nakuha noong 2008-02-29.
  2. 2.0 2.1 Deal, William E. (2005). Handbook to Life in Medieval and Early Modern Japan [Handbook sa Buhay sa Gitna at Maagang Modernong Hapón] (sa wikang English). Infobase Publishing. p. 242. ISBN 978-0-8160-7485-3. Japanese has no genetic affiliation with Chinese, but neither does it have any clear affiliation with any other language. (Walang relasyong henetika ang [wikang] Hapón sa Tsino, at wala rin itong kahit anong malinaw na relasyon sa ibang mga wika.)
  3. Wade, Nicholas (4 Mayo 2011). "Finding on Dialects Casts New Light on the Origins of the Japanese People" [Nakakuha ng bagong impormasyon patungkol sa pinagmulan ng lahing Hapón ang mga natuklasan hinggil sa mga diyalekto]. The New York Times (sa wikang English). Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-05-06. Nakuha noong Oktubre 9, 2020.
  4. Shinkichi Hashimoto (February 3, 1918)「国語仮名遣研究史上の一発見―石塚龍麿の仮名遣奥山路について」『帝国文学』26–11(1949)『文字及び仮名遣の研究(橋本進吉博士著作集 第3冊)』(岩波書店)。
  5. 大野 晋 (1953)『上代仮名遣の研究』(岩波書店) p.126
  6. 大野 晋 (1982)『仮名遣いと上代語』(岩波書店) p.65
  7. 有坂 秀世 (1931)「国語にあらはれる一種の母音交替について」『音声の研究』第4輯(1957年の『国語音韻史の研究 増補新版』(三省堂)
  8. Alexander, Vovin (2008). "Proto-Japanese beyond the accent system". Sa Frellesvig, Bjarne; Whitman, John (mga pat.). Proto-Japanese: Issues and Prospects. Current Issues in Linguistic Theory. John Benjamins. pp. 141–156. ISBN 978-90-272-4809-1.
  9. Japanese is listed as one of the official languages of Angaur state, Palau (Ethnologe, CIA World Factbook Naka-arkibo 2010-07-11 sa Wayback Machine.). However, very few Japanese speakers were recorded in the 2005 census.
  10. "IBGE traça perfil dos imigrantes – Imigração – Made in Japan". Madeinjapan.uol.com.br. 2008-06-21. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-11-19. Nakuha noong 2012-11-20.
  11. "American FactFinder". Factfinder.census.gov. Inarkibo mula sa orihinal noong 2020-02-12. Nakuha noong 2013-02-01.
  12. "Japanese – Source Census 2000, Summary File 3, STP 258". Mla.org. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-12-21. Nakuha noong 2012-11-20.
  13. "Ethnocultural Portrait of Canada – Data table". 2.statcan.ca. 2010-06-10. Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-12-03. Nakuha noong 2012-11-20.
  14. "Census 2000 Summary File 1 (SF 1) 100-Percent Data". American FactFinder. United States Census Bureau. Inarkibo mula sa orihinal noong 14 July 2018. Nakuha noong 8 July 2018.
  15. The Japanese in Colonial Southeast Asia - Google Books. Books.google.com. Retrieved on 2014-06-07.
  16. [1] Naka-arkibo October 19, 2014, sa Wayback Machine.
  17. [2] Naka-arkibo July 1, 2012, sa Wayback Machine.

Bibliyograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]