Go (laro)

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Para sa ibang gamit, tingnan ang Go (laro) (paglilinaw).
Ang larong Go.

Ang Go (wikang Hapones: 碁) na binabaybay din kung minsan bilang Goe, kilala sa wikang Intsik bilang weiqi (pinapayak na Intsik: 围棋; nakaugaliang Intsik: 圍棋; pinyin: wéiqí; Wade-Giles: wei ch'i) at sa wikang Koreano bilang baduk (hangul: 바둑), ay isang sinaunang larong may tabla para sa dalawang manlalaro na natatangi dahil sa pagiging mayaman sa estratehiya sa kabila ng payak nitong mga patakaran sa paglalaro.

Ang larong ito ay nilalaro ng dalawang mga manlalarong naglalagay ng salit-salitang itim at puting mga bato sa ibabaw ng isang bakante o walang lamang mga interseksiyon ng mga grid ng 19×19 na mga guhit. Kapag inilagay na sa laruang tabla, hindi na maililipat ang mga bato sa ibang lugar, maliban na lamang kapag napaligiran sila at nahuli ng mga bato ng katunggali o kalaban. Ang layunin ng laro ay matabanan o makontrol (mapaligiran) ang isang malaking porsyon o bahagi ng tablang laruan kaysa sa kalaban.

Ang magkakalapit na paglalagay ng mga bato ay nakakatulong sa pagsusuporta nila sa isa't isa at maiwasan ang pagkahuli. Sa kabilang banda, ang magkakalayong paglalagay ng mga bato ay nakalilikha ng impluwensiya sa kahabaan ng mas marami pang bahagi ng tabla. Bahagi ng kahirapang pang-estratehiya ng laro ay nagsasanga mula sa paghahanap ng isang balanse sa pagitan ng nagsasalungatang mga nais o layunin. Nagsusumikap ang mga manlalaro na makamit ang mga layunin pampagtatanggol (depensa) at paglaban (opensibo) at pumili sa pagitan ng pagmamadaling pangtaktika at mga plano pang-estratehiya.

Nagmula ang Go sa sinaunang Tsina mahigit sa 2,500 mga taon na ang nakararaan. Bagaman hindi talagang nalalaman kung kailan naimbento ang laro, isa nang tanyag na libangan ang laro noong pagsapit ng ika-3 daangtaon, na ipinapakita ng isang pagtukoy sa laro sa Mga Analekto ni Confucius. Nagpapakita ang mga ebidensiyang pang-arkeolohiya na ang maagang anyo ng laro ay nilalaro sa isang tablang may grid na 17×17, subalit sa pagsapit ng panahong lumaganap na ang laro sa Korea at sa Hapon noong bandang ika-7 daangtaon, naging pamantayan na ang mga tablang may grid na 19×19.

Tanyag na tanyag ang laro sa Silangang Asya. Ang isang konserbatibong pagtataya ay naglalagay ng bilang ng mga manlalaro ng Go sa buong mundo sa bandang 27 mga milyon.[1] Nakarating sa Kanluran ang Go sa pamamagitan ng Hapon, ang dahilan kung bakit pangkaraniwang mas nakikilala ito sa pamamagitan ng pangalang Hapones nito (orihinal na Igo (wikang Hapones: 囲碁)).[2]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang wikitext]

  1. Osdir.com Naka-arkibo 2011-06-15 sa Wayback Machine. (sa Ingles)
  2. Ang buong katawagang Hapones na igo ay ang pagbasang Kun o Hapones ng pangalan nitong Intsik na weiqi, na magaspang na maisasalinwika bilang "larong may tabla ng pagpapaligid", tingnan ang Etimolohiya ng Go (sa Ingles) sa Aklatan ni Sensei para sa mas marami pang kabatiran. Upang maipagkaiba ito mula sa pangkaraniwang Ingles na pandiwang to go ("pupunta"), paminsan-minsan itong ginagamitan ng malalaking mga titik o, sa mga kaganapang tinatangkilik ng Pundasyong Ing Chang-ki, binabaybay ito bilang goe.

Mga organisasyong pang-internasyunal[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga organisasyong pang-larong Go sa Pilipinas[baguhin | baguhin ang wikitext]