Kasaysayan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Si Herodotus ang itinuturing na "Ama ng Kasaysayan."

Kasaysáyan[1] o histórya[2] ang sistematikong pag-aaral at pagdodokumento sa nakaraan. Madalas tumutukoy ito sa nakaraan matapos ang pag-imbento sa pagsulat; ang panahon bago ang puntong ito ay tinatawag naman na prehistorya. Para malaman ng mga historyador ang mga kaganapan sa nakaraan, naghahanap sila at pinag-aaralan ang mga mapagkukunang nila ng impormasyon, tulad ng mga nakasulat na dokumento, pasalitang paglalarawan, sining, at materyal na artipakto, gayundin ang mga iniwang bakas sa kalikasan.[3] Dahil patuloy na gumagalaw ang oras, hindi makukumpleto ang kasaysayan, at hindi kailanman makukuha ng mga historyador anf kumpletong larawan patungkol sa isang pangyayari nang walang kiling.

Isang larangan ang kasaysayan na gumagamit ng naratibo upang mailarawan, maipaliwanag, kwestyunin, at suriin ang mga pangyayari sa nakaraan, pati na rin ang pag-imbestiga sa kahalagahan at ang sanhi at bunga ng naturang pangyayari sa isang lugar o sa mundo. Pinagdedebatehan ng mga historyador ang kalikasan ng kasaysayan, at ang silbi nito sa paghugis sa mga problema sa kasalukuyan.[4]

Madalas ginugrupo bilang mga pamanang kultural ang mga kuwentong karaniwan sa isang kultura, tulad halimbawa ng mga kuwentong-bayan kagaya ng kay Haring Arturo sa Britanya at ang kuwento ng Sampung Datu ng Borneo sa Pilipinas.[5] Iba ang kasaysayan mula sa mito dahil sa pagkakaroon nito ng mga ebidensiyang mapapatunayan. Malawak ang modernong pag-aaral ng kasaysayan, mula sa malalawak na paksa tulad ng kasaysayan ng sangkatauhan hanggang sa mga napakatiyak tulad ng kasaysayan ng isang lungsod. Bahagi ito ngayon ng kurikulum ng maraming mga bansa sa mundo, at tinuturo bilang asignatura sa mababa at mataas na edukasyon, gayundin bilang isang kursong inaalok ng mga pamantasan.

Si Herodotus ang kinokonsiderang "Ama ng Kasaysayan" dahil siya ang itinuturing na unang historyador ng Kanluraning Mundo.[6] Kinekredit siya pati na rin ang kontemporaryo niyang si Thucydides bilang mga nagpasimula sa kasaysayan bilang isang lehitimong pag-aaral sa Europa. Samantala, sa Silanganing Mundo, nakasulat sa Mga Tala ng Tagsibol at Taglagas ang opisyal na 241 taong kasaysayan ng Estado ng Lu (ngayo'y bahagi ng Tsina), bagamat maliit na bahagi na lang nito ang nananatili sa kasalukuyan.

Etimolohiya

History ("Kasaysayan") ni Frederick Dielman (1896)

Galing sa "sanaysay" ("kuwento") ang salitang "kasaysayan," na nagmula naman sa salitang "saysay" ("pahayag").[1] Ang pagkakaroon ng panlaping kabilaan na "ka-...-an" sa salita ang nagpapahiwatig na isa itong pangngalang kolektibo, sa kahulugang "koleksyon ng mga kuwento." Samantala, galing naman sa wikang Kastila ang salitang "historya".[2] Nagmula naman ito sa sinaunang wikang Griyego na historía (Sinaunang Griyego: ἱστορία, romanisado: historíā, lit. 'paliwanag').[7] Sa ganitong pananaw isinulat ni Aristoteles ang kanyang akdang Kasaysayan ng mga Hayop.[8] Ang ninunong salita nito, ἵστωρ, ay makikita sa mga himno ni Homer, kay Heraklito, sa panunumpa ng mga ephebos ng Atenas, at sa mga kasulatang sa rehiyon ng Boeotia; ginamit ito sa pananaw na "manghusga." Hiniram ang salitang ito sa wikang Latin bilang historia ("imbestigasyon", "paliwanag", o "naratibo"), na kalaunan ay hiniram din ng mga wikang Romanse katulad ng wikang Kastila, Pranses, at Ingles. Nagmula sa wikang Anglo-Norman ang salitang Ingles na history, kung saan una itong lumabas sa Gitnang Ingles sa pananaw na "kuwento"; ang modernong salitang Ingles na story ay nagmula rin sa salitang ito.[9] Ang modernong kahulugan ng history ay nagmula sa Renasimiyento, kung saan ginamit ni Francis Bacon ang kahulugan nito sa wikang Griyego upang ilarawan ang likas na kasaysayan.[9]

Prehistorya

Ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna.
Ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna ay ang pinakamatandang rekord na nakasulat sa Pilipinas. Tinatayang ginawa ito noong 900 KP.

Ginagamit ang punto ng pagkaimbento sa pagsulat bilang ang simula ng kasaysayan ng isang lugar. Ito ay dahil kinakailangan ng pisikal na ebidensiya ang kasaysayan, at hindi ito matutupad nang walang rekord na nakasulat, tulad halimbawa ng mga hiroglipiko sa sinaunang Ehipto. Ang panahon bago ito ay tinatawag na prehistorya (lit. na 'bago ang kasaysayan'). Hindi pantay-pantay kung kailan nagsimula ang kasaysayan at nagtapos ang prehistorya, dahil sa iba't ibang punto ng panahon naimbento ang pagsulat sa iba't ibang kabihasnan. Bukod dito, ginagamit rin ang salitang prehistorya upang tukuin ang panahon bago ang unang beripikadong rekord na nakasulat. Halimbawa, ang Inskripsiyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna ay tinatayang nagawa noong 900 KP.[10] kaya naman ito ang ginagamit na batayan sa hangganan ng kasaysayan ng Pilipinas at ang prehistorya nito. Mas maagang nagsimula ang kasaysayan sa ibang lugar, lalo na sa mga lambak-ilog ng Tigris-Euphrates, Indus, at Yangtze, kung saan may mga nakasulat na'ng rekord simula pa noong 5000 BKP.

Historyograpiya

Mga retaso ng ika-2 siglong papiro ng Ang Kasaysayan ni Herodotus.
Mga retaso ng ika-2 siglong papirong kopya ng Ang Kasaysayan ni Herodotus.

Historyograpiya ang tawag sa pag-aaral sa mga paraan na ginagamit ng mga historyador sa pagsusuri sa kasaysayan. Maaari rin itong tumukoy sa koleksyon ng mga magkakatulad na gawa patungkol sa isang paksa. Kadalasang patungkol ito sa paksa; halimbawa, ang historiograpiya ng Pilipinas at ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Maaari rin itong patungkol sa isang bahagi ng pag-aaral sa kasaysayan, tulad halimbawa ng kasaysayang pampulitika at kasaysayang panlipunan. Simula noong ika-19 na siglo, ang pag-aaral sa historyograpiya ay binigyang-pansin, bagamat may mga iilang panitikang nagawa bago ito. Pinakasikat sa mga ito ang Ang Kasaysayan ni Herodotus at Mga Tala ng Dakilang Historyador o Shiji, na ginawa ni Sima Qian. Noong ika-20 siglo, nagsimula namang isama ng mga historyador ang pananaw na panlipunan sa kanilang mga historyograpiya, tulad ng politika, ekonomiya, at kultura.[11]

Kaparaanan

Isang depiksyon sa Dakilang Aklatan ng Alexandria.

Sa Europa, nagsimula ang pagdebelop sa mga kaparaanan simula noong panahon ni Herodotus, kung saan isinulat niya ang Mga Kasaysayan ukol sa Digmaang Griyego-Persyano. Para dito, tinagurian siyang "Ama ng Kasaysayan." Samantala, isinulat naman ni Thucydides, isang kontemporaryo ni Herodotus, ang Kasaysayan ng Digmaang Peloponisos. Di tulad ni Herodotus, itinuring ni Thucydides na produkto ang kasaysayan ng mga gawain at mga piniling landas ng sangkatauhan, hindi isang resulta ng supernatural na pangyayari.[12] Binigyang-diin niya ang kronolohiya ng mga pangyayari nang walang pagkiling. Naniwala ang mga historyador ng sinaunang Gresya, kabilang silang dalawa, sa ideya na umuulit ang kasaysayan.[13]

Samantala, sopistikado na ang larangan ng historyograpiya sa sinaunang Tsina. Nagsimula ito sa historyador ng korte na si Sima Qian, ang may-akda ng Mga Tala ng Dakilang Historyador (Shiji). Pagsapit naman ng Gitnang Kapanahunan sa Europa, naging maimpluwensya ang mga gawa ni Agustin ng Hipona sa mundo ng Kristiyanismo at ng kaisipang Kanluranin. Madalas pinag-aaralan ang kasaysayan sa panahong ito sa pananaw ng relihiyon. Nagbago ito pagsapit ng ika-19 na siglo, nang nagsimulang magpokus ang mga historyador sa pilosopiya tulad ng kay Georg Wilhelm Friedrich Hegel, at naging mas sekular.[14]

Sa aklat na Muqaddimah (1377), nagbabala ang may-akda nitong si Ibn Khaldun sa pitong kamalian ginagawa diumano ng mga historyador. Ayon sa kanya, magulo ang nakaraan kaya dapat itong masusing pag-aralan. Kontra siya sa mga nakatalang supernatural na haka-haka at sa hindi paggamit ng datos ng kasaysayan. Nagmungkahi siya ng kaparaanan sa pag-aaral sa kasaysayan na katulad halos ng pamamaraang makaagham na maiimbento sa Europa sa mga sumunod na siglo. Ito ang nagbigay-daan sa kritikal na pag-aaral sa gampanin ng propaganda, estado, komunikasyon, at sistematikong pagkiling sa kasaysayan; dahil rito, itinuturing siyang "ama ng historyograpiya".[15][16]

Sa Kanluraning Mundo, nagsimulang madebelop ang modernong historyograpiya noong ika-17 at ika-18 siglo sa Pransiya at Alemanya. Bagamat may mga historyador sa panahong ito na nangangahad na gawing maagham ang pag-aaral sa kasaysayan, tulad ni Henry Thomas Buckle, laganap ang ideya ni Leopold von Ranke patungkol sa larangan sa panahong ito. Ayon kay Ranke, dapat maingat na kolektahin ang mga datos ng kasaysayan, at suriin ito nang kritikal at mabuti.[17] Pagsapit ng ika-20 siglo, nagsimulang lumayo ang mga historyador sa pagtrato sa kasaysayan bilang mga pangyayari na resulta ng mga "dakilang tao" o pokus sa mga mala-epikong sanaysay patungkol sa isang bansa sa lente ng nasyonalismo. Imbes, nagpokus na sila sa aspetong panlipunan ng kasaysayan. Nagbigay-daan ito upang ituring bilang isang agham panlipunan ang kasaysayan, di kagaya noon na isang sining ang tingin sa larangan.[18]

Sangay

Periodisasyon

Madalas hatiin ng mga historyador ang kasaysayan sa mga maliliit na bloke ng panahon. Binibigyan nila ng mga pangalan ito (hal. Panahon ng Pagtuklas, Gitnang Kapanahunan) upang mas mapadali ang pagtukoy sa isang partikular na pangyayari.[19] Bagamat may mga pangkalahatang pangalan ang binibigay sa mga panahon sa kasaysayan ng mundo, hindi ito pare-pareho sa iba't ibang panig ng mundo. Ginagamit madalas ang siglo at dekada sa pagpepetsa sa mga bloke, depende sa ginagamit na sistema (hal. KP sa Karaniwang Panahon at BKP sa Bago ang Karaniwang Panahon). Ginagamit din ang periodisasyon sa prehistorya, bagamat saklaw ito ng arkeolohiya.[20]

Heograpiya

Politikal

Militar

Relihiyon

Panlipunan

Kultura

Diplomasya

Ekonomiya

Kalikasan

Pandaigdig

Ideya

Bayan

Publiko

Kasarian

Tingnan din

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 "kasaysayan - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 "historya - Diksiyonaryo". diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Arnold, John H. (2000). History: A Very Short Introduction [Kasaysayan: Isang Maikling Pagpapakilala] (sa wikang Ingles). New York: Oxford University Press. ISBN 019285352X.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Richard J. Evans (2001). "The Two Faces of E.H. Carr" [en]. History in Focus (sa wikang Ang Dalawang Mukha ni E. H. Carr). University of London. Inarkibo mula sa orihinal noong 9 Agosto 2011. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: unrecognized language (link)
  5. Lowenthal, David (2000). "Dilemmas and Delights of Learning History" [Mga Dilema at Kasiyahan sa Pagkatuto sa Kasaysayan]. In Peter N. Stearns; Peters Seixas; Sam Wineburg (mga pat.). Knowing Teaching and Learning History, National and International Perspectives [Pag-intindi, Pagturo, at Pagtuto sa Kasaysayan, Pambansa at Pandaigdigang Perspektibo] (sa wikang Ingles). New York & London: New York University Press. p. 63. ISBN 978-0814781418.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Halsall, Paul. "Herodotus". Internet History Sourcebooks Project (sa wikang Ingles). Fordham University. Inarkibo mula sa orihinal noong 27 Nobyembre 2020. Nakuha noong 13 Abril 2024.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Joseph, Brian; Janda, Richard, mga pat. (2008) [2004]. The Handbook of Historical Linguistics [Handbook ng Lingguwistikang Pangkasaysayan] (sa wikang Ingles). Blackwell Publishing. p. 163. ISBN 978-1405127479.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. Ferrater-Mora, José (1994). Diccionario de Filosofia [Diksiyonaryo ng Pilosopiya] (sa wikang Kastila). Barcelona: Editorial Ariel.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. 9.0 9.1 "history, n.". OED Online (sa wikang Ingles). Oxford University Press. 9 Marso 2015.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Postma, Antoon (1992). "The Laguna Copper-Plate Inscription: Text and Commentary" [Ang Inskripsyon sa Binatbat na Tanso ng Laguna: Teksto at Komentaryo]. Philippine Studies (sa wikang Ingles). Pamantasan ng Ateneo de Manila. 40 (2): 182–203. JSTOR 42633308.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. Georg G. Iggers (2005). Historiography in the Twentieth Century: From Scientific Objectivity to the Postmodern Challenge [Historyograpiya sa Ikadalawampung Siglo: Mula Maagham na Kawalang-kilingan papunta sa Hamon ng Posmodernismo] (sa wikang Ingles). p. 1-4. ISBN 978-0819567666.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  12. Lamberg-Karlovsky, C.C.; Jeremy A. Sabloff (1979). Ancient Civilizations: The Near East and Mesoamerica. Benjamin-Cummings Publishing. p. 5. ISBN 9780881338348.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Lamberg-Karlovsky, C.C.; Jeremy A. Sabloff (1979). Ancient Civilizations: The Near East and Mesoamerica [Mga Sinaunang Kabihasnan: Ang Malapit na Silangan at Mesoamerika] (sa wikang Ingles). Benjamin-Cummings Publishing. p. 6. ISBN 9780881338348.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Graham, Gordon (1997). "Chapter 1" [Kabanata 1]. The Shape of the Past [Ang Hugis ng Nakaraan] (sa wikang Ingles). University of Oxford.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Mowlana, H. (2001). "Information in the Arab World" [Impormasyon sa Mundong Arabo]. Cooperation South Journal (sa wikang Ingles). 1.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Enan, Muhammed Abdullah (2007). Ibn Khaldun: His Life and Works [Ibn Khaldun: Kanyang Buhay at Gawa] (sa wikang Ingles). The Other Press. p. v. ISBN 9789839541533.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. Muse of History, p 147.
  18. Ostrovski, Max (2006). The Hyperbole of the World Order [Ang Hyperbole ng Kaayusang Pandaigdig] (sa wikang Ingles). Lanham: Rowman & Littlefield.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. Marwick, Arthur (1970). The Nature of History [Ang Kalikasan ng Kasaysayan] (sa wikang Ingles). The Macmillan Press LTD. p. 169.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Lucas, Gavin (2005). The Archaeology of Time [Ang Arkeolohiya ng Panahon] (sa wikang Ingles). Oxon: Routledge. p. 50. ISBN 0415311977.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Link sa labas