Pumunta sa nilalaman

Gitnang Asya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Turan)
Gitnang Asya
Sukat4,003,451 km2 (1,545,741 mi kuw)
Populasyon74,338,950 (2020) (ika-16)[1]
Densidad ng populasyon17.43 katao / km2 (6.73 katao / mi2)
GDP (PPP)$1.0 trilyon (2019)[2]
GDP (nominal)$300 bilyon (2019)[2]
GDP kada kapita$4,000 (2019; nominal)[2]
$14,000 (2019; PPP)[2]
HDIIncrease0.779 (mataas)
Pantawagtaga-Gitnang Asya
Gitnang Asyano
Mga bansa
Mga wikaBuryat, Kalmyk, Karakalpak, Kazakh, Kyrgyz, Mongol, Ruso, Tajik, Turkmen, Uyghur, Uzbek, at iba pa
Mga sona ng oras
Internet TLD.kg, .kz, .tj, .tm, .uz
Kodigo sa pagtawagSona 9 maliban sa Kasakistan (Sona 7)
Mga malalaking lungsod
UN M49 code143 – Gitnang Asya
142Asya
001Mundo
a Kabilang lang ang mga may populasyon naa lagpas 500,000 katao.

Gitnang Asya ang rehiyon ng Asya mula sa silangang baybayin ng Dagat Kaspiyo hanggang sa kanlurang bahagi ng Tsina at Mongolia, at mula sa katimugang bahagi ng Rusya hanggang Iran at Apganistan sa timog.[3] Sa kasalukuyang depenisyon ng rehiyon, kinabibilangan nito ang mga dating republika ng Unyong Sobyet na Kasakistan, Kirgistan, Tayikistan, Turkmenistan, at Usbekistan, bagamat sinasama rin ang Apganistan ng ilang depenisyon.[3][4] Kilala rin ang rehiyon sa impormal na tawag nito na mga stan dahil sa pagkakaroon ng mga pangalan ng mga bansang nandito ng hulaping Persyano na nangangahulugang "lupain [ng mga]".[4] Sa kasaysayan, ang naturang lugar ay kilala naman sa tawag na Turkestan at Turan.

Daanan ang Gitnang Asya para sa mga kultura at sibilisasyon ng Europa at Asya simula pa noon. Binabagtas ng Daang Sutla ang rehiyon upang makarating ang mga Europeo sa Asya at mga Asyano sa Europa.[4] Dahil dito, naging isa sa mga mahahalagang sentro ng kalakalan ang rehiyon sa malaking bahagi ng kasaysayan. Maraming lahi at kultura ang umusbong at yumabong sa lugar, partikular na ang lahing Irani at kalaunan, ang lahing Turkiko. Pagsapit ng ika-19 na siglo, naging dominante sa lugar ang mga Ruso at Eslabo dahil sa paglaki ng Imperyong Ruso at noong sumunod na siglo, ang Unyong Sobyet. Sa ngayon, mga Europeo ang dominanteng lahi ng tao na naninirahan sa lugar.[3] Dahil naman sa mga patakaran noong panahon ni Joseph Stalin, may malaki-laki ring populasyon ng mga Koreano sa rehiyon.[5] Noong 2020, ang limang bansang nasa loob nito ay may kabuuang populasyon na aabot ng 74 milyong katao.[1]

Si Alexander von Humboldt ang isa sa mga unang heograpo na nagbanggit sa Gitnang Asya bilang isang hiwalay na rehiyon ng kontinente ng Asya. Gayunpaman, ang tiyak na saklaw ng rehiyon na ito ay pabago-bago. Sa kasaysayan, ginagamit ng mga akademiko ang heograpiyang politikal at kultura upang bigyang-kahulugan ang saklaw ng rehiyon.[6] Para kay Humboldt, ang rehiyon ay nasa pagitan ng 5° Hilaga at 5° Timog ng latitud na 44.5° Hilaga.[7] Binanggit din niya ang ilan sa mga katangiang heograpikal ng naturang rehiyon, kagaya ng Dagat Kaspiyo sa kanluran, ang kabundukang Altai sa hilaga, at ang Hindu Kush at kabundukang Pamir sa timog.[8] Wala siyang tinukoy na hangganan sa silangan. Samantala, kinuwestiyon ng Rusong heograpo na si Nikolai Khanykov ang depenisyon na ito na nakabatay sa latitud, at nagmungkahi na gamitin na lang ang isang depenisyon na nakabatay sa pisikal na lugar ng rehiyon.[9][10][11]

Mapang politikal ng Gitnang Asya, kasama ang Apganistan.
Pinalawig na saklaw ng Gitnang Asya ayon sa mga depenisyon. Madilim na berde ang kulay ng mga pinakakaraniwang kasama sa rehiyon. Berde naman ang Apganistan, na madalas ding isinasama sa rehiyon, samantalang magaan na berde naman ang kulay ng iba pang mga lugar na minsan ding kasama.
Saklaw ng Gitnang Asya ayon sa tatlong opisyal na depenisyon.

Sa kulturang Ruso, may dalawang salita para sa rehiyon: Srednyaya Aziya (Ruso: Средняя Азия) at Tsentralnaya Aziya (Ruso: Центральная Азия). Mas malawak ang saklaw ng Tsentralnaya Aziya kesa sa Srednyaya Aziya; sakop lang ng historikal na Rusya (Imperyong Ruso at Unyong Sobyet) ang saklaw ng Srednyaya Aziya, samantalang kasama naman sa Tsentralnaya Aziya ang mga lugar tulad ng Apganistan at Silangang Turkestan (Xinjiang).[11] Sa depinisyon ng Unyong Sobyet, ang saklaw ng 'Gitnang Asya' ay ang mga republika ng Kirgistan, Tayikistan, Turkmenistan, at Usbekistan; hindi kasama ang Kasakistan sa depenisyong ito.[12] Gayunpaman, pagkatapos bumagsak ang Unyong Sobyet noong 1991, nagkasundo ang mga pinuno ng rehiyon na isama sa depenisyon ng saklaw ang Kasakistan. Sa ngayon, ang depenisyong ito ang ginagamit ng maraming larangan. Samantala, sa isang aklat ng UNESCO noong 1993, Gitnang Asya ang rehiyon na kinabibilangan ng "Apganistan, hilagang-silangang Iran, hilaga at gitnang Pakistan, hilagang India, kanlurang Tsina, Mongolia, at ang mga republika sa Gitnang Asya ng Unyong Sobyet."[7]

Isang alternatibong pagtingin sa saklaw ng rehiyon ay sa pamamagitan ng mga pangkat-etniko na naninirahan sa lugar. Ilan sa mga pinakamalalaking pangkat sa rehiyon ay ang lahing Turkiko, Irani, at Mongol. Kung ganito ang pananaw, mapapabilang sa rehiyon ang nagsasariling rehiyon ng Xinjiang sa Tsina, gayundin ang katimugang bahagi ng Rusya, Apganistan, ang hilaga at kanlurang bahagi ng Pakistan, at ang lambak ng Kashmir. Sinasama rin ang Tibet sa ilang depenisyon.[13][14][15]

Mapang topograpiko ng Gitnang Asya.
Mapang topograpiko ng Gitnang Asya.

Sari-sari ang heograpiya ng Gitnang Asya, mula sa mga nagtataasang kabundukan ng Pamirs, Hindu Kush, at Tian Shan, hanggang sa mga disyerto ng Takla Makan, Gobi, Karakum, Kyzylkum.[4] Sikat din ang rehiyon dahil sa mga malalawak nitong estepa, lalo na ang estepa ng Eurasya.[4] Tuyo at hindi bagay para taniman ang malaking bahagi ng rehiyon, dahil na rin sa mga estepa at disyerto sa lugar, bukod pa sa mga bundok na nandito. Kaya naman, marami sa mga naninirahan dito ay nag-aalaga ng mga hayop at nagtatrabaho sa mga lungsod.[4][16]

Katimugang bahagi ng lawa ng Issyk Kul sa Kirgistan.
Ang pagliit ng Dagat Aral mula 1989 hanggang 2014.

Ilan sa mga malalaking ilog sa rehiyon ay ang ilog ng Syr Darya, Amu Darya, Irtysh, Hari, at ang Marghab.[3] Dito rin makikita ang mga malalaking lawa ng Dagat Kaspiyo, Balkash, at ang Dagat Aral.[16] Ang huli sa mga nabanggit na lawa ay isa sa mga pinakamalalaking lawa sa mundo noon, pero dahil sa mga proyektong pang-irigasyon ng mga Sobyet sa lugar simula noong 1960s, unti-unti itong lumiit hanggang sa tuluyang itong matuyo noong 2010s.[17]

Ang Gitnang Asya ayon sa klasipikasyong pangklimang Köppen.

Tuyo ang klima ng 60% ng Gitnang Asya.[18] Mainit ang tag-init, samantalang malamig naman tuwing taglamig.[3] Bihirang umulan sa lugar, pinakamababa mula Hulyo hanggang Setyembre at pinakamataas pagsapit ng Marso o Abril, na susundan naman ng tagtuyo mula Mayo hanggang Hunyo. Dahil sa natatanging heograpiya sa lugar, malalakas ang hangin dito, na minsa'y nakakagawa ng mga malalaking bagyong alikabok lalo na tuwing tag-init mula Setyembre hanggang Oktubre. Ang mga lungsod ng Samarkand sa Usbekistan, Ashgabat sa Turkmenistan, at Dushanbe sa Tayikistan ang ilan sa mga lugar sa rehiyon na nakakatanggap ng pinakamaraming ulan, na madalas umaabot nang lagpas 560 millimetro (22 pul). Kung pag-uusapan ang bioheograpiya ng lugar, kabilang ang Gitnang Asya sa ekosonang Paleartiko.[19]

Isa ang rehiyon sa mga pinakanasa peligro pagdating sa pagbabago ng klima dulot ng pag-init ng mundo. Ayon sa mga pag-aaral na isinagawa, nakakaranas ang rehiyon ng mas matataas na temperatura kesa sa pandaigdigang karaniwan.[20]

Kumpara sa mga karatig na lugar nito tulad ng Gitnang Silangan at Tsina, kaunti lang ang mga magpagkukunan ng mga historyador ukol sa kasaysayan ng Gitnang Asya. Ipinagpapalagay nila na dahil ito sa pagiging "daanan" ng naturang lugar. Ang modernong kaalaman sa sinaunang kasaysayan ng rehiyon ay nakabase madalas sa mga isinulat ng mga tagalabas, partikular na ang mga Persyano at Tsino.[21] Gayunpaman, nakakatiyak ang mga historyador na isa ang rehiyon sa mga pinakaunang nakaimbento sa gulong, gayundin sa mga karong pandigma simula noong tinatayang 2000 BKP hanggang 1500 BKP sa ngayo'y Kasakistan.[21]

Isa ang mga Eskito sa mga pinakaunang tukoy na grupo ng mga tao na nanirahan sa Gitnang Asya. Orihinal na galing sa Trasya sa kanluran, nagawa nilang manirahan sa rehiyon dahil na rin sa estepa ng Eurasya simula noong ika-7 milenyo BKP hanggang ika-3 milenyo BKP.[3] Samantala, nagawa rin Xiongnu, isang kumpederasyon ng mga tribo sa ngayo'y kanlurang Tsina at Mongolia at pinaniniwalaang mga ninuno ng mga Hun, na makarating at manirahan sa rehiyon simula noong ika-3 siglo BKP. Naging imperyo sila, hanggang sa matalo sila ng mga Han ng Tsina sa isang digmaan na nagtagal nang ilang siglo.[3]

Noong bandang ika-8 siglo, naging dominante sa lugar ang lahing Turkiko tulad ng mga Uyghur. Itinuturing bilang ang unang mahalagang lahing Turkiko sa lugar, sila ay mga negosyanteng responsable sa kalakalan sa pagitan ng Tsina at ng Europa noong panahong yon. Bumagsak sila kalaunan noong bandang 840 KP.[21]

Nakaranas ang rehiyon ng panahon ng kaguluhan mula noong ika-10 hanggang ika-13 siglo dahil sa mga kaganapan sa paligid nito, partikular na ang pagbagsak ng sentralisadong pamahalaan ng Tsina sa silangan. Habang nangyayari ito, mabilis ding kumalat ang relihiyong Islam mula sa Gitnang Silangan dahil na rin sa mga negosyanteng Muslim na nakipagkalakalan sa lugar. Naging sentro ng relihiyon sa lugar noong panahong yon ang Samarkand at Bukhara.[21][3]

Noong 1200s, sinakop ng Imperyong Mongol ang halos kabuuan ng rehiyon sa isang serye ng mga matatagumpay na kampanyang pangmilitar. Matapos bumagsak ang imperyo, nahati ang rehiyon sa mga kanato. Pagsapit ng ika-15 siglo, nagawa ng mga Uzbek na masakop ang mga ito.[3]

Ang Imperyong Ruso mula sa hilaga ang sumunod na pinakamalakas na puwersa sa lugar. Mula 1700s hanggang 1870s, isa-isa nitong sinako ang mga maliliit na estado sa lugar. Nagsimulang maimpluwensyahan ang mga naninirahan sa rehiyon simula sa puntong ito. Gayunpaman, matapos ng Rebolusyong Ruso noong 1917 na nagpabagsak sa imperyo at nagbigay-daan sa mga komunistang Sobyet upang manungkulan sa lugar, ang impluwensiyang ito ay lalo pang napabilis. Ang ekonomiyang planado sa ilalim ng sistemang komunismo ang naging modelo ng ekonomiya sa rehiyon sa halos kabuuan ng ika-20 siglo.[3]

Noong 1920s, hinati ng Unyong Sobyet ang rehiyon sa limang republika: Kasakistan, Usbekistan, Kirgistan, Tayikistan, at Turkmenistan. Matapos bumagsak ng Unyong Sobyet noong 1991, kabilang ang limang republikang ito sa mga naging malayang estado.[3]

Sa ika-21 siglo, unti-unting lumipat ang mga republika sa Gitnang Asya sa malayang merkado bilang modelo ng kani-kanilang bansa. Gayunpaman, nananatili pa ring isyu sa lugar ang pagbabago ng klima at pag-init ng mundo, bukod pa sa mga isyung politikal at panlipunan na nananatili sa lugar.

Bansa Lawak
km2
Populasyon

[22][23]
( 2021)

Densidad
per km2
GDP (nominal) (2017)
GDP (kada kapita)
(2017)
HDI (2017) Kabisera Opisyal na wika
 Kasakistan 2,724,900

19,196,465

6.3 $160.839 bilyon $8,841 0.788 Astana Kazakh, Ruso
 Kirgistan 199,950

6,527,743

29.7 $7.061 bilyon $1,144 0.655 Bishkek Kyrgyz, Ruso
 Tayikistan 142,550

9,750,064

60.4 $7.146 bilyon $824 0.624 Dushanbe Tajik, Ruso
 Turkmenistan 488,100

6,341,855

11.1 $37.926 bilyon $6,643 0.688 Ashgabat Turkmen
 Usbekistan 448,978 33,905,800[24] 69.1 $47.883 bilyon $1,491 0.701 Tashkent Uzbek
  1. 1.0 1.1 "Population of Central Asia (2019 and historical)" [Populasyon ng Gitnang Asya (2019 at historikal)]. Worldometers (sa wikang Ingles). Nakuha noong 5 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "International Monetary Fund: 5. Report for Selected Countries and Subjects" [Pandaigdigang Pondong Pananalapi: 5. Ulat para sa mga Piling Bansa at Paksa]. imf.org (sa wikang Ingles). IMF. Outlook Database, Oktubre 2019
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 "Central Asia" [Gitnang Asya]. Britannica (sa wikang Ingles). Nakuha noong 6 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. 4.0 4.1 4.2 4.3 4.4 4.5 Berglee, Royal. "8.7 Central Asia and Afghanistan" [8.7 Gitnang Asya at Apganistan] (sa wikang Ingles). University of Minnesota. Nakuha noong 5 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Iakupbaeva, Zukhra (28 Agosto 2019). "Central Asia's Koreans in Korea: There and (Mostly) Back Again" [Mga Koreano ng Gitnang Asya sa Korea: Doon at (Madalas) Balik Uli]. Open Democracy (sa wikang Ingles). Nakuha noong 5 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Akif Okur, Mehmet (2014). "Classical Texts of the Geopolitics and the "Heart of Eurasia"" [Mga Klasikal na Teksto ng Heopolitika at ang "Puso ng Eurasya"] (PDF). Journal of Turkish World Studies (sa wikang Ingles). XIV (2): 73–104.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. 7.0 7.1 Dani, A. H. (1993). History of Civilizations of Central Asia: The Dawn of Civilization: Earliest Times to 700 B.C. [Kasaysayan ng mga Sibilisasyon ng Gitnang Asya: Ang Simula ng Sibilisasyon: Sinaunang Panahon hanggang 700 BKP] (sa wikang Ingles). UNESCO. ISBN 978-92-3-102719-2.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  8. von Humboldt, Alexander (1843). Asie centrale [Gitnang Asya] (sa wikang Pranses). Paris, Gide. p. 17.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Cummings, Sally N. (2013). Understanding Central Asia: Politics and Contested Transformations [Pag-unawa sa Gitnang Asya: Politika at Pinagtatalunang Pagbabago] (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 978-1-134-43319-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  10. Saez, Lawrence (2012). The South Asian Association for Regional Cooperation (SAARC): An emerging collaboration architecture [Ang Asosasyon ng Timog Asya para sa Kooperasyong Panrehiyon (SAARC): Isang sumisibol na arkitektura sa kolaborasyon] (sa wikang Ingles). Routledge. ISBN 978-1-136-67108-1.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  11. 11.0 11.1 Cornell, Svante E. Modernization and Regional Cooperation in Central Asia: A New Spring? [Modernisasyon at Kooperasyong Panrehiyon sa Gitnang Asya: Isang Bagong Tagsibol?] (PDF) (sa wikang Ingles). Central Asia-Caucasus Institute and the Silk Road Studies.
  12. Scarborough, Isaac (31 Agosto 2021). "Central Asia in the Soviet Command Economy" [Gitnang Asya sa Ekonomiyang Minamando ng mga Sobyet]. Oxford University Research (sa wikang Ingles). doi:10.1093/acrefore/9780190277727.013.504. Nakuha noong 6 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Polo, Marco; Smethurst, Paul (2005). The Travels of Marco Polo [Mga Paglalakbay ni Marco Polo] (sa wikang Ingles). p. 676. ISBN 978-0-7607-6589-0.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Ferrand, Gabriel (1913). "Ibn Batūtā", Relations de voyages et textes géographiques arabes, persans et turks relatifs à l'Extrème-Orient du 8e au 18e siècles ["Ibn Batuta, Mga ulat sa paglalakbay at tekstong pangheograpiya ng mga Arabo, Persyano, at Turkiko ukol sa Malayong Silangan mula ika-8 hanggang ika-18 siglo] (sa wikang Pranses). Paris, Pransiya: Ernest Laroux. pp. 426–458.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. Andrea, Bernadette. "Ibn Fadlan's Journey to Russia: A Tenth‐Century Traveler from Baghdad to the Volga River by Richard N. Frye: Review by Bernadette Andrea" [Ang Paglalakbay ni Ibn Fadlan sa Rusya: Isang Manlalakbay ng Ikasampung Siglo mula Baghdad papuntang Ilog Volga ni Richard N. Frye: Rebyu ni Bernadette Andrea]. Middle East Studies Association Bulletin (sa wikang Ingles). 41 (2): 201–202. doi:10.1017/S0026318400050744. S2CID 164228130.
  16. 16.0 16.1 Liu, Haijun; Chen, Yaning; Ye, Zhaoxia; Li, Yupeng; Zhang, Qifei (7 Nobyembre 2019). "Recent Lake Area Changes in Central Asia" [Mga Kamakailang Pagbabago sa Lawak ng mga Lawa sa Gitnang Asya]. Scientific Reports (sa wikang Ingles). 9. Nakuha noong 7 Abril 2023.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  17. Howard, Bryan Clark (2 Oktubre 2014). "Aral Sea's Eastern Basin Is Dry for First Time in 600 Years" [Natuyo na ang Silangang Saluhan ng Dagat Aral sa Kauna-unahang Pagkakataon sa loob ng 600 taon]. National Geographic (sa wikang Ingles). Nakuha noong 7 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  18. "Climate change is turning more of Central Asia into desert" [Lalo pang nagiging disyerto ang Gitnang Asya]. Nature (sa wikang Ingles). 16 Hunyo 2022. Nakuha noong 7 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  19. Magin, Chris (Agosto 2005). "World Heritage Thematic Study for Central Asia" [Tematikong Pag-aaral sa Pandaigdigang Pamana para sa Gitnang Asya] (PDF) (sa wikang Ingles). IUCN. Nakuha noong 7 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  20. Talant, Bermet (1 Hulyo 2022). "How Is Climate Change Affecting Central Asia?" [Paano Nakakaapekto ang Pagbabago ng Klima sa Gitnang Asya?]. Radio Free Europe (sa wikang Ingles). Nakuha noong 7 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  21. 21.0 21.1 21.2 21.3 "Central Asia: A Historical Overview" [Gitnang Asya: Isang Pangkasaysayang Pagtingin]. Asia Society (sa wikang Ingles). Nakuha noong 12 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  22. "World Population Prospects 2022". population.un.org. United Nations Department of Economic and Social Affairs, Population Division. Nakuha noong 17 Hulyo 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  23. "World Population Prospects 2022: Demographic indicators by region, subregion and country, annually for 1950-2100" [World Population Prospects 2022: Mga panukoy pang-demograpiko batay sa rehiyon, subrehiyon, at bansa, taunan mula 1950-2100] (XSLX). population.un.org ("Kabuuang populasyon, tumpak noong ika-1 ng Hulyo (libo)") (sa wikang Ingles). United Nations Department of Economic and Social Affairs, Population Division. Nakuha noong Hulyo 17, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  24. "Demographic situation (January–December 2019)" [Sitwasyong demograpiko (Enero-Disyembre 2019)] (sa wikang Ruso). stat.uz. 25 Enero 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Oktubre 2020. Nakuha noong 12 Abril 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
[baguhin | baguhin ang wikitext]