Pumunta sa nilalaman

Graciano López Jaena

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Graciano López-Jaena)
Graciano López Jaena
Kapanganakan18 Disyembre 1856(1856-12-18)
Kamatayan20 Enero 1896(1896-01-20) (edad 39)
TrabahoManunulat, mamamahayag, orator, propagandista
Kilala saPrinsipe ng mga Pilipinong Orator

Si Graciano López Jaena (18 Disyembre 1856 – 20 Enero 1896) ay isang Pilipinong manunulat, rebolusyonaryo, at pambansang bayani mula sa lalawigan ng Iloilo, na nakilala sa kanyang pahayagang, "La Solidaridad". Nakilala rin siya sa kaniyang akdang Fray Butod. ‘Butod’ ang salitang Hiligaynon para sa “kabag” at katumbas din ito ng balbal na “tabatsoy”.

Dukha ang mga magulang nang isilang si Graciano Lopez Jaena sa Jaro, Lungsod ng Iloilo, noong 18 Disyembre 1856. Ang ina niya, si María Jacoba Jaena, ay isang mananahi lamang habang ang ama, si Plácido López, ay hamak na tagakumpuni ng kahit ano na lamang. Subalit nagkapag-aral nang kaunti si Placido samantalang lubhang matimtiman si Jacoba kaya tatag sa pag-aaral at sa pagsamba ang tinubuan ni Graciano.

Sa gulang na anim na taon, nang ipadala ng mga magulang kay Fray Francisco Jayme, na noon ay nagtuturo sa Colegio Provincial de Jaro, upang maturuan. Personal na tinuruan ni Padre Francisco Jayme si Graciano. Agad napansin ng frayle ang dunong ni Graciano at ang galing niyang magsalita.

Noong 1870, nag-aral siya ng Teyolohiya at Pilosopya sa seminaryo ng San Vicente. Labag sa nais ng ina, hangad ni Graciano na maging manggagamot (medico, physician). Nang sa wakas ay pumayag ang mga magulang, tinangka niyang pumasok sa Universidad de Santo Tomas sa Manila subalit tinanggihan siya. Hindi kasi siya nakatapos ng Bachiller en Artes na hindi itinuro sa seminario sa Jaro. Sa halip, ayon sa payo sa kanya, sa ospital ng San Juan de Dios siya nagsilbi bilang turuan (apprentice) ng mga manggagamot duon. Hindi pa tapos ang pag-aaral ni Graciano nang naubos ang tustos ng dukhang mga magulang, at napilitan siyang bumalik sa Iloilo. Ginamit niya kung ano na lamang ang natutunan, nanggamot sa mga barrio at baranggay sa pali-paligid.

Sa kanyang mga namasdan, lalong sumidhi ang puot niya sa lupit ng pag-api ng mga frayle sa mga tao. Noong 1874, nang 18 taon gulang lamang, nakainitan na siya ng mga frayle dahil sa sinulat niyang “Fray Botod,” prayleng bundat na matakaw at mahilig sa babae. Sabi niya na "Lagi nang banggit ang Dios at Mahal na Birhen samantalang panay ang daya at pagsamantala sa mga tao.”

Hindi ito nalathala kailanman subalit maraming sipi (copias, copies) ang umikot-ikot sa Visayas. Lalong napuot ang mga frayle kay Graciano nang patuloy siyang kumalampag (campaña, campaign) ng katarungan para sa mga tao. Talagang nagpahamak siya nang patayin ng Espanyol na alcalde ng Pototan ang ilang bilanggong katutubo. Pinilit, tumanggi si Graciano na ipahayag na “natural” ang pagkamatay ng mga bilanggo. Nagsimula siyang tumanggap ng babala na papatayin siya ng mga frayle. Noon siya tumakas sa España.

Noong 15 Pebrero 1889, inilunsad nila sa Barcelona ang pahayagang "La Solidaridad". Ang pahayagan niyang ito ay sumikat nang husto. Marami sa kanyang mga artikulo ay nailathala sa iba't ibang pahayagan. Ginamit na sandata ni Lopez-Jaena ang kanyang panulat upang ipaglaban ang makatao at makatarungang karapatan ng mga Pilipino sa ilalim ng pamahalaang Kastila.

Namatay si Lopez-Jaena sa sakit na tuberculosis sa edad na 39 sa Barcelona, Espanya.

Maaring bisitahin

[baguhin | baguhin ang wikitext]