Pumunta sa nilalaman

Portada:Kasaysayan/Mga Napiling Artikulo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ito ang talaan ng mga Itinatampok na Artikulo mula sa Portal ng Kasaysayan:

Unang Digmaang Pandaigdig

Ang Unang Digmaang Pandaigdig o World War I (ang pinaikling WWI o WW1, na kilala rin sa tawag na "Unang Pandaigdigang Digmaan" o First World War, " Ang Dakilang Digmaan" o The Great War, "Digmaan ng mga Nasyon" o War of the Nations, at "Digmaan upang Wakasan ang Lahat ng mga Digmaan" o War to End All Wars) ay isang malawakang pandaigdigang digmaan na nilahukan ng napakaraming bansa na naganap sa pagitan ng mga taong 1914 hanggang 1918.

Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay kakikitaan ng mga labanang ginaganap sa mga hukay (tinatawag na pakikidigmang pangbambang o trench warfare sa Inggles) kung saan ginamit nang malawakan ang teknolohiya sa pagpapaunlad at pagpaparami ng armamento. Ilan sa mga sandatang ginamit sa digmaan ay ang masinggan, eroplano, submarino, tangke at ang nakalalasong gas. Nilahukan ng mahigit 60 milyong sundalo ang digmaan kung saan 20 milyon sa mga ito ang nasawi kasama na ang mga sibilyan mula sa 40 milyong tala ng mga nasugatan at nawala sa digmaan.

Nagdulot ng malawakang pagbagsak ng industriya ang digmaan sa mga bansang pinangyarihan at napinsala nito na nagbunsod sa isang krisis na tinatawag na Dakilang Kapanglawan (Great Depression) noong 1930. Nagbunsod din ito sa pagkawasak ng mga imperyo ng Imperyong Aleman, Austria-Unggarya, Rusya at Ottoman. Nawalan ng ilang teritoryo ang Alemanya gaya ng Alsace-Lorraine at ng Pasilyong Polonyan. Nahati naman ang imperyo ng Austro-Unggarya sa ilang maliliit na estado gaya ng Tsekoslovakia, Austria, Unggarya at napunta ang Transylvania sa Rumanya, Trieste sa Italya at Bukovina, Galisya at Silesya sa Polonya. Nakamit nman ng Pinlandiya at ng mga Estadong Baltiko na kinabibilangan ng Estonya, Latbiya at Litwaniya ang kanilang kalayaan nang magwakas ang Imperyong Rusya na pinalitan ng dating Unyong Sobyet. Pinaghati-hatian naman ng Gran Britanya at Pransiya ang mga teritoryo ng Imperyong Ottoman gayundin din ang mga kolonya ng Alemanya sa Aprika at Pasipiko. Pinag-isa ang mga estadong Balkan ng Serbya, Montenegro, Slovenia, Croatia, Masedonya at Bosnia-Herzegovina na tinaguriang Yugoslabya kasabay ng pagkakatatag ng bansang Turkiya.

Suleras:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/1


Ang Imperyong Romano ang tawag sa imperyalistang paghahari ng mga Romano sa malaking bahagi ng Europa, Asya at Hilagang Aprika, na may autokratikong porma ng pamahalaan. Sumunod ang Panahon ng Imperyong Romano sa 500-taong Republika Romana (510 BC – siglo 1 BC) na pinahina ng alitan sa pagitan ng mga heneral katulad ni Gaius Marius at Sulla, at ng digmaang sibil ni Julio Cesar (Julius Caesar) laban kay Pompey. Maraming petsa ang iminungkahi kung kailan ito naging imperyo mula sa republika. Kasama rito ang pagtatakda kay Julio Cesar bilang habang-buhay diktador o Diktador Perpetuidad (44 BC), ang pagwawagi ni Octavio (na tagapagmana ni Caesar), sa Labanan sa Actium (ika-2 ng Setyembre 31 BC), at paggagawad ng Senadong Romano kay Octavio ng kagalang-galang na pangalang Augusto (ika-16 ng Enero 27 BC).

Ang katagang Imperium Romanum (Imperyong Romano) ang pinakilalang katagang Latin kung saan ang salitang imperium ay nangangahulugan ng isang teritoryo sa isang bahagi ng mundo na nasa ilalim ng pamamahalang Romano. Mula sa panahon ni Augusto hanggang sa Pagbagsak ng Kanlurang Imperyo, naghari ang Roma sa mga sumusunod: sa Inglatera at Galia (Francia ngayon); sa halos buong Europa (kanluran ng Ilog Rhine at timog ng Alps); sa pasigan ng hilagang Aprika, kasama ang katabing lalawigan ng Ehipto, sa mga lugar ng mga Balkans, sa Dagat Itim, sa Asya Menor at halos buo ng Levante. Sa makatuwid, nasakop ng Imperium Romanum mula kanluran pasilangan sa makabagong panahong ang Portugal, Espanya, Inglatera at Francia, Italya, Albania, at Gresya (Greece), ang mga Balkanos, Turquia, at mga bahagi ng silangan at timog Alemania; patimog na sakop nito ang bahagi ng Gitnang Silangan: ang kasalukyang Siria, Libano, Israel, Jordan at marami pa; gayundin sa patimog-kanluran nakasama rito ang buong matandang Ehipto, at pakanluran nasakop ang pasiging rehiyon ng kasalukuyang Libya, Tunisia, Algeria at Morocco, hanggang sa mga lontitud sa kanluran ng Gibraltar. Romano ang tawag ng mga taong namumuhay sa mga lugar na ito at napapailalim sa batas Romano. Bago pa man naging monarka ito, matagal nang lumalawak ang nasasakupan ng Roma at nasa tugatog ito sa ilalim ni Emperador Trajano sa pananakop nito ng Dacia (i.e., ng kasalukuyang Romania at Moldova) gayundin ang ilang bahagi ng Hungary, Bulgaria at Ukraine noong AD 106, at ng Mesopotamia noong 116 (na sinundan ng pagbabalik ni Adriano). Sa tugatog nito, kontrolado ng Imperyong Romano ang may 5,900,000 km² (2,300,000 milya kwadrado) ng lupa at nakapaloob na Laot ng Mediterreneo na kung tawagin ng mga Romano na "mare nostrum"—Latin ng “aming dagat”. Patuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang impluwensiyang Romano sa kultura, batas, teknolohiya, wika, relihiyon, gobyerno, militar at arkitektura ng mga sibilisasyong lumitaw sa matandang nuno nito.

Suleras:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/2


Ang Imperyo Bisantino at Imperyo Romano sa Silangan ay mga pangalang inilalapat sa Imperyo Romano noong Gitnang Panahon na may kabisera sa Constantinopla (na ngayo’y Istanbul).

Tinutukoy ito ng mga naninirahan dito pati ng mga kalapit na bansa bilang Imperyo Romano (sa Griyego Βασιλεία Ῥωμαίων, Basileía Rhōmaíōn) o Imperyo ng mga Romano o Romania (Ῥωμανία, Rhōmanía). Ang mga emperador nito ang nagpatuloy ng pamamahala ng mga emperador Romano upang panatiliin ang tradisyon at kulturang Griyego-Romano.

Sa daigdig Islamika, higit na kilala ito bilang روم‎ (Rûm "Roma"). Dahil naman sa pananaig ng Griyego sa wika, sa kultura at sa buhay, kilala ito sa Kanluran o Europa noong mga panahong iyon bilang Imperium Graecorum, Imperyo ng mga Griyego. Ang pag-inog ng Imperyo Romano sa Silangan mula sa matandang Imperyo Romano ay isang proseso na nagmula noong ilipat ni Constantino ang kabisera sa Bizancio mula sa Nicomedia, Anatolia (ng kasalukuyang Turquia). Binansagan ang Bizancio ng bagong pangalan - ang Bagong Roma (Nova Roma) o Constantinopla - na nasa pasig ng Bosforus. Pagdatal ng siglo 7 sa ilalim ng paghahari ni Emperador Heraclio, ang mga reporma nito ang nagpabago sa lakas militar ng imperyo. Noong mga panahong ito kinilala ang Griyego bilang opisyal na wika na nagdulot din ng bagong karakter sa imperyo.

Sa libong taon pag-inog ng Imperyo kasama ang maraming balakid at pagkawala ng mga teritoryo, napanatili niya ang sarili bilang isa sa pinakamalakas na pwersa militar, kultural at ekonomika sa buong Europa. Kumalat ang impluwensiya nito sa Hilagang Africa at sa Malapit Silangan halos buong Edad Media. Matapos ang huling pagbawi sa ilalim ng dinastiyang Comnena noong siglo 12, unti-unting lumubog ang Imperyo hanggang sa paglupig rito ng mga Turkong Otomano sa Constantinopla at sa mga natitira nitong teritoryo noong siglo 19.

Kuta ng Kristiyanismo ang imperyo at isa sa mga pangunahing lunduyan ng kalakalan ito sa mundo. Ito ang tumulong sa pagtatanggol sa paglusob ng mga Muslim sa kanlurang Europa. Pinatatag nito ang pananalapi sa buong rehiyong Mediterreneo. Malaki ang naging impluwensiya nito sa mga batas, sistema politika at kaugalian ng halos buong Europa at Gitnang Silangan. Pinanatili rin nito ang mga gawa sa panitikan at agham ng matandang Grecia, Roma at iba pang mga kultura. Ang katagang “Imperyo Bizantino” ay isang katha ng mga mananalaysay at hindi ginamit noong panahon ng imperyo. Ang pangalan ng imperyo sa Griyego ay Basileia Rhōmaiōn (Griyego: Βασιλεία Ῥωμαίων) — "Ang Imperyo ng mga Romano" – salin mula sa pangalan nito sa Latin na Imperyo Romano (Latin: Imperium Romanōrum); o Rhōmania (Griyego: Ῥωμανία).

Suleras:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/3


Ang lokasyon ng Unyong Sobyet

Ang Unyong Sobyet ng mga Republikang Sosyalista (USRS) (Ruso: Союз Советских Социалистических Республик (CCCP), Sojuz Sovetskih Socialističeskih Respublik (SSSR) Ruso: tungkol sa tunog na ito Союз Советских Социалистических Республик , tr. Soyuz Sovetskikh Sotsialisticheskikh Respublik, IPA [sɐˈjʊs sɐˈvʲeʦkʲɪx səʦɪəlʲɪˈstʲiʨɪskʲɪx rʲɪsˈpʊblʲɪk]; Inggles: Union of Soviet Socialist Republics (USSR)), kilala din bilang Unyong Sobyet (Советский Союз, Sovetskij Sojuz) ang orihinal na estadong sosyalista na naitatag noong 1922 at tumagal ito hanggang sa pagbuwag nito noong 1991.

Ang Pederasyong Ruso ang malawakang tinatanggap bilang ang estadong kahalili ng Unyong Sobyet pagdating sa diplomasya. Ang pagkabuo nito ay ang kulminasyon ng Himagsikang Ruso ng 1917 na nagpatalsik kay Tsar Nikolaj II at ng sumunod na Digmaang Sibil Ruso mula 1918 hanggang 1920 na nagpalehitimo sa mga Bol’ševik bilang mga bagong tagapamuno.

Sa teoriya, isang bansang sosyalista ang Unyong Sobyet at ang organisasyong pampolitika nito ay binibigyang kahulugan lamang ng kaisa-isang pinapayagang partidong pampolitika, ang Partidong Komunista ng Unyong Sobyet. Ang pamahalaang Sobyet, na naitatag tatlong dekada bago ng Digmaang Malamig ang nagsilbing pangunahing modelo para sa mga kinabukasang bansang komunista. Nagpaiba-iba ang sakop na territoryo ng Kaisahang Sovyet, ngunit sa pinakahuling kasaysayan nito nagbagay ito higit-kumulang sa panghuling Imperyo ng Rusya, habang kapuna-puna ang di-pagkasama ng Poland at Finland.

Unang itinatag bilang isang unyon ng mga republikang sosyalistang Sobyet, lumawak ang USSR hanggang sa magkaroon ito ng 15 kliyente o "republikang unyon" noong 1956: Armenian SSR, Azerbaijan SSR, Byelorusyan SSR, Estonian SSR, Georgian SSR, Kazakh SSR, Kyrgyz SSR, Latvian SSR, Lithuanian SSR, Moldavian SSR, Rusyan SFSR, Tajik SSR, Turkmen SSR, Ukrainian SSR, at Uzbek SSR. (Mula sa pagdagdag ng Estonia SSR noong Agosto 6, 1940 hanggang sa reorganisasyon ng Karelo-Finnish SSR noong Hulyo 16, 1956, naging 16 ang opisyal na bilang ng mga "republikang unyon".) Bahagi ang mga republika ng isang mataas na sentralisadong unyong pederal na pinapangibabawan ng Rusyan SSR.

Puna ang Kaisahang Sovyet sa kasaysayan bilang isa sa dalawang superpower ng daigdig mula 1945 hanggang sa pagbuwag nito.

Suleras:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/4


Nagsimula ang kasaysayan ng Pilipinas nang dumating ang mga sinaunang tao sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga tulay na lupa 30,000 taon na ang nakalilipas. Ang unang tala na pagbisita na mula sa Kanluran ay ang pagdating ni Ferdinand Magellan sa pulo ng Homonhon, sa timog-silangan ng Samar noong 16 Marso 1521. Nagtayo ng mga permanenteng paninirahan sa Cebu kasabay ng ekspedisyon ni Miguel López de Legazpi noong 1565, at marami pang mga paninirahan ang itinatag pa-Hilaga hanggang sa maabot ng mga kolonyalista ang Look ng Maynila sa pulo ng Luzon. Nagtatag ng isang ciudad (town) sa Maynila at dito nagsimula ang panahon ng kolonyalisasyon ng Espanya na nagtagal ng tatlong siglo.

Nagsimula ang rebolusyon laban sa Espanya noong Abril ng 1896, na pagkaraan ng dalawang taon ay humantong sa proklamasyon ng kalayaan at ang pagtatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Ngunit ang Kasunduan sa Paris, na naganap sa katapusan ng Digmaang Espanyol-Amerikano, ay naglipat ng pamamahala sa Pilipinas sa Estados Unidos. Nagsimula ang kolonyal na pamamahala ng Estados Unidos sa Pilipinas noong Disyembre ng 1899, kasama ang limitadong lokal na pamamahala noong 1905. Ang parsiyal na pagsasarili ay iginawad noong 1935, bilang paghahanda sa isang ganap ng kalayaan mula sa Estados Unidos noong 1945. Ngunit ang 10-taong transisyon mula sa komonwelt patungo sa isang soberanyang bansa ay naantala dahil sa pagsakop ng Hapon sa Pilipinas noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. At pagkatapos ng pagkatalo ng mga Hapones noong 1945. At ang huling pagbabalik ng mga sundalong Pilipino at Amerikano para sa Kampanya ng Pagpapalaya sa Pilipinas mula 1944 hanggang 1945. Kaya ang ganap na kalayaan ay iginawad lamang sa Pilipinas noong Hulyo 1946.

Umunlad ang ekonomiya ng Pilipinas noong dekada 1950 at 1960, ngunit nagkaroon ng kaguluhan noong mga huling taon ng dekada 1960 at mga unang taon ng dekada 1970 laban sa mapang-aping diktatoryal ni Pangulong Ferdinand Marcos na nagdeklara ng batas militar noong 1972. Dahil sa malapit na relasyon ng Pangulo ng Estados Unidos na si Ronald Reagan kay Pangulong Marcos, sinuportahan pa rin siya ng Estados Unidos kahit na kilala ang kanyang administrasyon sa malawak na kurapsiyon at pang-aabuso ng mga tao. Ang mapayapang Rebolusyon sa EDSA noong 1986 ang nagpatalsik kay Marcos (na tumakas sa Hawai'i lulan ng isang helikopter na pag-aari ng militar ng Estados Unidos, kung saan siya nanatili hanggang sa siya'y mamatay) at ang nagbalik ng demokrasya sa bansa. Ngunit nang nagsimula ang panahong iyon, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa politika at humina ang ekonomiya ng bansa.

Suleras:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/5


Isang babaeng Tagalog (nasa kanan) na nilalarawan sa Boxer Codex ng ika-16 daantaon.

Ang gampanin ng mga kababaihan sa Pilipinas (mga Pinay) ay ipinaliwanag ayon sa diwa ng kalinangang Pilipino, pamantayan, pananaw at kaisipan. Nilarawan ang Pilipinas bilang isang bansa ng mga matatatag na mga kababaihan, na tuwiran at hindi tuwirang nagpapatakbo sa mag-anak, negosyo, mga tanggapan ng pamahalaan at mga hasyenda. Bagaman pangkalahatang pinakakahuluganan nila ang kanilang mga sarili sa isang tagpuan sa Asya na napapangibabawan ng mga kalalakihan sa isang lipunang dumaan sa kolonyalismo at Katoliko, namumuhay ang mga Pilipinong kababaihan sa isang kulturang nakatuon ang pansin sa pamayanan, na ang mag-anak ang pangunahing bahagi ng lipunan. Dito sa balangkas na ito - na may kayariang pangkahanayan, pagkakaiba-ibang antas sa lipunan, kadahilanang makapananampalataya, at pamumuhay sa isang umuunlad na bansa ng mundo - nakikibaka ang mga kababaihang Pilipino. Kung ihahambing sa ibang mga bahagi ng Timog-silangang Asya, palagiang nakakatamasa ng mas malaking antas ng kapantayang makabatas ang mga kababaihang nasa lipunan ng Pilipinas.

Suleras:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/6