Pumunta sa nilalaman

Albert Einstein

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Einstein)
Albert Einstein
Albert Einstein, 1921
Kapanganakan14 Marso 1879(1879-03-14)
Kamatayan18 Abril 1955(1955-04-18) (edad 76)
MamamayanWürttemberg/Alemanya (1879–96)
Switzerland (1901–55)
Austriya (1911–12)
Alemanya (1914–33)
Estados Unidos (1940–55)
NagtaposETH Zurich
Unibersidad ng Zurich
Kilala saPangkalahatang relatibidad
Espesyal na relatibidad
Epektong potoelektrika
Galaw Brownian
Pagkakatumbas na masa-enerhiya
Mga ekwasyong field ni Einstein
Klasikal na pinagsamang mga teoriya ng field
Estadistikang Bose–Einstein
AsawaMileva Marić, 6 Enero 1903, Elsa Löwenthal née Einstein, m. 1923
ParangalGantimpalang Nobel (1921)
Medalyang Copley (1925)
Medalyang Max Planck (1929)
Ang tao ng siglo
Karera sa agham
LaranganPisika
InstitusyonOpisinang patentong Swiss(Bern)
Unibersidad ng Zurich
Charles Unibersidad ng Prague
ETH Zurich
Akademiyang Prusiano ng mga Agham
Institutong Kaiser Wilhelm
Unibersidad ng Leiden
Instituto ng Mataas na Pag-aaral
Doctoral advisorAlfred Kleiner
Academic advisorsHeinrich Friedrich Weber
Bantog na estudyanteErnst G. Straus
Nathan Rosen
Pirma

Si Albert Einstein[1] (14 Marso 1879–18 Abril 1955) ay isang Aleman-Swiss-Amerikanong pisikong teoretikal na kinikilala bilang isa sa pinakamahalagang siyentipiko sa ika-dalawampung siglo at isa sa pinakamahusay na pisikong nabuhay sa kasaysayan ng agham. Ang pinakamahalagang papel na kanyang ginampanan sa agham ay ang pagbuo ng espesyal na teoriya ng relatibidad at teoriyang pangkalahatang relatibidad. Sa karagdagan, marami siyang naiambag sa teoriyang quantum at mekanikang estadistikal. Siya ay naparangalan ng Gantimpalang Nobel sa kanyang paliwanag sa epektong photoelektrika noong 1905.

Si Einstein ay nakilala sa buong mundo matapos na mapatunayan ang prediksiyon ng kanyang teoriyang pangkalahatang relatibidad na ang sinag (light rays) ng malalayong bituin ay malilihis ng grabidad ng araw. Ito ay napatunayan noong 7 Nobyembre 1919 sa ekspedisyon na ginawa ng mga inglaterong siyentipiko upang pagmasdan ang Eklipseng solar na naganap nang taong iyon sa Aprika.

Dahil sa kanyang katalinuhan at orihinalidad, ang salitang "Einstein" ay naging sinonimo ng salitang "henyo".

Si Einstein sa edad na 3 noong 1882.

Ipinanganak si Einstein noong 14 Marso 1879 sa lungsod ng Ulm sa Württemberg, Alemanya, mga 100 km silangan ng Stuttgart. Ang kanyang ama ay si Hermman Einstein, isang tagapagtinda at inhinyero at ang kanyang ina ay si Pauline Koch. Noong 1880, ang pamilya ay nagtungo sa Munich at itinatag ng kanyang tiyuhin at ama ang Elektrotechnische Fabrik J. Einstein & Cie, isang kompanyang gumagawa ng mga elektronikong bagay gamit ang prinsipyo ng diretsong kuryente.

Si Einstein sa edad na 14 noong 1893.

Ang mag-anak na Einstein, bagamat mga Hudyo ay hindi mga striktong Hudyo. Sa katunayan, siya'y ipinag-aral sa isang Katolikong paaralan. Bagamat mayroong mga problema sa pananalita, si Einstein ay naging matalinong mag-aaral. Habang siya ay lumalaki, kinakitaan siya ng mga kakayahang gumuhit ng mga modelo sa pisika, mag-imbento ng mga simpleng makina at kalaunan ay magtaglay ng mataas na kakayahan sa matematika. Isang araw noong 1889, dumalaw ang malapit na kaibigan ng mga Einstein na si Max Talmud, binigyan ang batang Einstein ng mga aklat gaya ng aklat ni Immanuel Kant na Kritik der reinen Vernunft (Critique ng Dalisay na Katwiran) at Mga Elemento ni Euclid.

Si Einstein ay pumasok sa paaralan kung saan siya nagkamit ng edukasyon. Sinimulan niyang mag-aral ng matematika sa gulang na labindalawa; noong 1891, tinuruan niya ang kanyang sarili ng heometriyang Euclidean mula sa isang munting aklat pampaaralan at sinimulan din niyang mag-aral ng kalkulo. Habang nasa Gymnasium, nakipag-alitan siya sa mga awtoridad at pinuna ang kanilang patakaran dahil naniniwala siya na ang pagkatuto at malikhaing pag iisip ay nawawala sa striktong pamamaraan ng pagsasaulo na pinatutupad ng paaralan.

Einstein's matriculation certificate at the age of 17. The heading reads "The Education Committee of the Canton of Aargau." His scores were German 5, French 3, Italian 5, History 6, Geography 4, Algebra 6, Geometry 6, Descriptive Geometry 6, Physics 6, Chemistry 5, Natural History 5, Art Drawing 4, Technical Drawing 4. The scores are 6 = excellent, 5 = good, 4 = sufficient, 3 = poor, 2 = very poor, 1 = unusable.
Sertipikong matrikulasyon ni Einstein sa edad na 17 na nagpapakita ng kanyang mga huling grado mula sa Aargau Kantonsschule (sa iskalang 1-6, ang 6 mahusay na marka).

Noong 1894, pagkatapos na bumagsak ang negosyong elektrokemikal ng kanyang amang si Herman, lumipat ang mag-anal na Einstein sa Pavia mula sa Munich. Ang Pavia, ay isang lungsod sa Italya malapit sa Milan. Ang unang akdang siyentipiko ni Einstein noong 1895 nang siya ay 16 taong gulang ang Über die Untersuchung des Ätherzustandes im magnetischen Felde (Hinggil sa Imbestigasyon ng Estado ng Aether sa Magnetikong Field) na ipinadala sa kanyang tiyuhing si Caesar Koch para sa opinyon ng eksperto ngunit hindi kailanman nailimbag. Nanatili si Einstein sa Munich upang tapusin ang kanyang edukasyon ngunit isang termino lamang ang kanyang natapos. Umalis siya ng Gymnasium noong tagsibol ng 1895 upang samahan ang kanyang pamilya sa Pavia. Tumigil siya ng isang taon at kalahati bago ang huling pagsusulit ng hindi sinasabi sa kanyang mga magulang. Kanyang hinikayat ang paaralan na payagan siyang umalis na may sulat medikal mula sa isang doktor ngunit ito ay nangangahulugan na wala siyang makukuhang sertipikong pang sekundarya. Noong taong iyon, sa gulang na 16, kanyang ginawa ang isang eksperimento na kilala sa tawag na "Salamin ni Albert Einstein". Matapos tumingin sa isang salamin, kanyang siniyasat kung anong mangyayari sa kanyang larawan kung siya'y gumagagalaw sa bilis ng liwanag; ang kanyang konklusyon na ang bilis ng liwanag ay independiyente sa nagmamasid ay siyang kalaunang naging isa sa postulado ng espesyal na relatibidad.

Bagaman siya ay nakapasa sa bahaging matematika at agham ng pagsusulit upang makapasok sa sa Pederal na Politeknikong Instituto ng Zurich, na ngayon ay tinatawag na ETH Zurich, ang kanyang pagbagsak sa sining liberal na bahagi ay naging hadlang; siya'y ipinadala ng kanyang pamilya sa Aarau, Switzerland upang tapusin ang kanyang edukasyong pang sekondarya at naging maliwanag na siya'y hindi magiging isang inhenyerong elektrikal na gaya ng kagustuhan ng kanyang ama. Doon, siya'y nag-aral ng hindi karaniwang itinuturong teoryang electromagnetika ni Maxwell. Kanyang nakamit ang diploma noong Setyembre 1896. Sa panahong ito, siya'y tumuloy sa pamilya ni Propesor Jost Winteler at nahumaling kay Marie, ang kanilang anak na babae at ang kanyang unang kasintahan. Ang kapatid ni Einstein na babae na si Maja, isa sa pinakamalapit niyang kompidante, ay kalaunang ikinasal sa kanilang anak na si Paul at ang kanyang kaibigan na si Michele Besso ay ikinasal naman sa kanilang isa pang anak na babae na si Anna. Si Einstein ay kalaunang pumasok sa Pederal na Polyteknikong Instituto ng Zurich noong Oktubre at lumipat sa Zurich, habang si Marie ay lumipat sa Olsberg Switzerland para sa trabahong pagtuturo. Noon ding taong iyon, kanyang tinalikdan ang kanyang pagkamamamayang Württemberg.

Sa tagsibol ng 1896, isang Serbiano na nangngangalang Mileva Maric ay nagsimulang pumasok bilang estudyanteng medikal sa Unibersidad ng Zurich, ngunit pagkatapos ng isang termino ay lumipat sa Pederal na Politeknikong Instituto ng Zurich. Siya ang natatanging babae nang taong iyon na magkakamit ng parehas na diploma na kinukuha ni Einstein. Ang relasyon ni Maric kay Einstein ay nabuo sa isang pag-iibigan sa mga sumunod na taon.

Noong 1900, nabigyan si Einstein ng diploma sa pagtuturo ng Pederal na Politeknikong Instituto ng Zurich. Nilimbag ni Einstein ang kanyang unang akda tungkol sa pwersang kapilyaridad ng panginuming straw na pinamagatang "Folgerungen aus den Capillaritätserscheinungen" ("Mga konsekwensiya ng mga pagmamasid ng penomenang kapilyaridad") na matatagpuan sa "Annalen der Physik" bolyum 4, pahina 513. Dito, kanyang sinubukang pagsamahin ang lahat ng batas ng pisika, ang pagtatangkang patuloy na gagawin sa kanyang buong buhay. Sa pamamagitan ng kanyang kaibigan na si Michele Besso, isang inhinyero, si Einstein ay pinakilala sa mga akda ni Ernst Mach, at sa kalaunan ay itinuring ni Einstein si Mach na "isa sa pinakamagaling na nagpapatunog na tabla sa Europa" para sa mga ideyang pampisikal. Nang mga panahong ito, tinalakay ni Einstein ang kanyang mga interes pang agham sa malalapit na kaibigan, kasama na sina Besso at Maric. Tinawag ng grupo ang kanilang sarili na "Olympia Academy". Si Einstein at Maric ay may isang anak na babae sa labas ng matrimonya, si Lieserl Einstein, na ipinanganak noong Enero 1902. Ang kanyang kapalaran ay hindi alam. Ang iba'y naniniwala na siya'y namatay noong sanggol pa lamang, samantalang ang iba nama'y naniniwala na siya ay pinaampon.

Mga Akda at ang kanyang doktorado

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Si Einstein ay hindi makahanap ng trabaho sa pagtuturo pagkatapos ng makamit ang kanyang diploma. Ang ama ng kanyang kamag-aral ay tumulong sa kanyang makahanap ng trabaho bilang isang katulong na tagasuring teknikal sa isang Tanggapang Swiss Patento(Swiss Patento) noong 1902. Doon, si Einstein ay sumuri ng kahalagahan ng mga aplikasyong patento na isinumite ng mga imbentor at ito'y nangangailangan ng kaalaman sa pisika para maunawaan. Ang kanyang trabaho ay suriin ang mga kasangkapang elektromagnetiko.

Pinakasalan ni Einstein si Mileva Maric noong 6 Enero 1903. Ang pagpapakasal ni Einstein kay Maric na isang matematiko ay pagsasamang personal at intelektwal.

Noong 1903, ang posisyon ni Einstein sa Tanggapang Swiss Patento ay ginawang permanente. Kanyang nakamit ang kanyang doktorado sa Unibersidad ng Zurich matapos isumite ang kanyang tesis na "Eine neue Bestimmung der Moleküldimensionen" ("Ang bagong pagtukoy ng mga dimensiyong molekyular") noong 1905.

Akdang Annus Mirabilis

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1905, si Einstein ay sumulat ng apat na artikulo na naging bahagi sa pundasyon ng modernong pisika. Karamihan sa mga pisiko ay umaayon na tatlo sa mga akdang iyon(Galaw Brownian, epektong photoelektrika, at espesyal na relatibidad) ang nararapat magkamit ng Gantimpalang Nobel. Sa mga akdang ito, ang paliwanag ni Einstein ng epektong photoelektrika ang tanging binanggit ng komiteng Nobel sa Parangal.

Isinumite ni Einstein ang mga akdang ito sa "Annalen der Physik". Ito'y karaniwang tinatawag na "Mga papel na Annus Mirabilis" (mula sa Annus mirabilis, Latin ng 'taon ng mga kamangha-mangha'). Ang International Union of Pure and Applied Physics (IUPAP) ay ipinagdiwang at inalala ang ika 100 taon ng pagkakalimbag ng mga akda ni Einstein noon 1905 bilang "Taong Pandaigdig ng Pisika 2005".

Ang unang akda na pinamagatang "Über einen die Erzeugung und Verwandlung des Lichtes betreffenden heuristischen Gesichtspunkt" ("Hinggil sa pananaw heuristiko tungkol sa produksiyon at transpormasyon ng liwanag") ang direktang tinukoy sa Gantimpalang Nobel. Sa papel na ito, pinalawig ni Einstein ang hipotesis ni Max Planck ng mga munting bahagi ng elementong enerhiya sa kanyang sariling hypotesis na ang enerhiyang electromagnetika ay sinisipsip o inilalabas ng bagay sa quanta ng hv kung saan ang h ay konstanteng Planck at ang v ay prekwensiya ng liwanag, na nagbibigay ng bagong batas na

Emax = hν − P

upang ipaliwanag ang epektong photoelektrika, gayundin ang mga katangiang photoluminesensiya at photoionisasyon. Ginamit ni Einstein ang batas na ito upang isalarawan ang epektong Volta(1906), ang produksiyon ng pang sekundaryang katodong sinag at ang mataas na prekwensiyang hangganan ng Bremsstrahlung (1911). Ang pinakamahalagang kontribusyon ni Einstein ay ang kanyang asersyong ang kwantisasyon ng enerhiya ay panloob na katangian ng liwanag imbis na ng interaksiyon sa pagitan ng materya at liwanag na gaya ng paniniwala ni Max Planck. Isa pa sa karaniwanang nakakaligtaang resulta ng papel na ito ay ang kanyang mahusay na pagtatantiya ng bilang Avogadro. Bagaman hindi iminungkahi ni Einstein na ang liwanag ay isang partikulo sa akdang ito; ang konseptong "photon" ay hindi imininungkahi hanggang 1909.

Ang kanyang ikalawang artikulo noong 1905, na tinatawag na "Über die von der molekularkinetischen Theorie der Wärme geforderte Bewegung von in ruhenden Flüssigkeiten suspendierten Teilchen" ("Hinggil sa galaw na kailangan ng molekyular na teoriyang kinetiko ng init-ng maliliit na mga partikulo na nakabitin sa isang hindi gumagalaw na likido") ay sumasakop sa kanyang pag-aaral sa galaw Brownian. Ito ay nagbigay ng ebidensiyang empirikal sa eksistensiya ng mga atomo. Bago ang papel na ito, ang mga atomo ay pinaniniwalaang makabuluhang konsepto ngunit pinagtatalunan ng mga kemiko at pisiko kung ang atomo ay mga tunay na bagay. Ang pagtalakay estatistikal ni Einstein sa kalikasan nito ay nagbigay sa mga eksperimentalista ng paraan ng pagbilang ng atomo sa pamamagitan ng ordinaryong mikroskopyo. Si Wilhelm Ostwald, isa sa mga pinuno ng eskwelang anti-atomo, ay kalaunang napaniwala sa eksistensiya ng atomo dahil sa kumpletong paliwanag ni Einstein sa galaw Brownian. Ipinaliwanag din ni Louis Bachelier ang Galaw Brownian noong 1900.

Ang ikatlong papel ni Einstein, ang "Zur Elektrodynamik bewegter Körper" (Hinggil sa elektrodinamika ng mga gumagalaw na katawan") ay inilimbag noong Hunyo 1905. Ang akdang ito ay nagpakilala sa teoriyang espesyal na relatibidad, ang teoriya ng panahon, distansiya, masa at enerhiya na umaayon sa elektromagnetismo ngunit hindi kasama ang pwersa ng grabidad. Habang binubuo ang papel na ito, sumulat si Einstein kay Mileva tungkol sa "ating akda sa galaw relatibo" at ito'y nagdulot para sa iba na magtanong kung si Mileva ay may papel na ginampanan sa pagbuo nito. Ilang historyan ang naniniwala na si Einstein at si Mileva ay may kaalaman na ang kilalang Pranses na si Henri Poincaré ay naglimbag ng ekwasyon ng relatibidad, mga ilang linggo bago isumite ni Einstein ang kanyang papel. Marami ang naniniwala na ito'y independiyente. Gayundin, pinagtatalunan kung alam ni Einstein ang akda ni Hendrik Lorentz noong 1904 na naglalaman ng karamihan sa teoriya na tinukoy ni Poincaré.

Ang ikaapat na papel na "Ist die Trägheit eines Körpers von seinem Energieinhalt abhängig?" ("Ang inersiya ba ng isang katawan ay nakasalalay sa nilalamang enerhiya?") na inilimbag noong 1905, ipinakita ni Einstein na mula sa aksiyoma ng relatibidad, na posibleng mahinuha ang ekwasyon na nagpapakitang ang enerhiya at materya ay magkatumbas. Ang katumbas na enerhiya ng isang halaga ng masa ay ang masa na pinadami ng bilis ng liwanag(c) na pinadami sa sarili nito: E = mc².

Bagaman si Poincare ang unang naglimbag ng "ekwasyong enerhiya" , ito ay iba ng kaunti sa anyo: m = E / c²

Kalagitnaang mga Taon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong 1906, si Einstein ay naiangat sa ikalawang klaseng teknikal na tagasuri. Noong 1908, si Einstein ay nabigyan ng lisensiya sa Bern, Switzerland bilang Privatdozent. Sa mga panahong ito, inilarawan ni Einstein kung bakit bughaw ang kalangitan sa kanyang papel na "Ukol sa phenomenon ng kritikal na opalensensiya" kung saan ipinapakita ang pagsasamang epekto ng paghahasik ng liwanag sa pamamagitan ng indibidwal na mga molekula sa atmospero. Noong 1911, si Einstein ay naging unang katulong na propesor sa Unibersidad ng Zurich at kalaunan ay naging ganap na propesor sa seksiyon ng lenggwaheng Aleman ng Charles Universidad ng Prague. Habang nasa Prague, si Einstein ay naglathala ng isang papel na tumatawag sa mga astronomo na subukin ang dalawang prediksiyon ng kanyang teoriya ng relatibidad: ang pagkababaluktot ng liwanag sa grabitasyonal na field na masusukat sa isang eklipseng solar; at ang pulangpaglipat(redshift) ng mga linyang solar spektral relatibo sa mga linyang spektral na nalilikha ng ibabaw ng Mundo. Isang astronomo na nagngangalang Erwin Freundlich ang nagsimulang makipagtulungan kay Einstein at umalerto sa ibang mga astronomo sa buong mundo tungkol sa pagsubok astronimikal ng teoriya ni Einstein. Noong 1912, si Einstein ay bumalik sa Zurich upang maging ganap na propesor sa ETH Zurich. Noong panahong iyon, siya'y malapit na nakipagtulungan sa matematikong si Marcel Grossmann na nagpapakilala sa kanya sa Heometriyang Riemannian. Noong 1912, sinimulang tawagin ni Einstein ang panahon(time) bilang ikaapat na dimensiyon (bagaman naunang nagawa ito ni H.G. Wells sa akdang The Time Machine noong 1805).

Noong 1914, bago magsimula ang Unang Digmaang Pandaigdig, si Einstein ay nanirahan sa Berlin, Alemanya bilang propesor ng isang lokal na unibersidad at naging isang kasapi ng Akademya ng Pang-Agham ng Prussia. Kanyang kinuha ang pagkamamamayan ng Prussia. Mula 1914 hanggang 1933, siya'y naglingkod bilang direktor ng Institutong Kaiser Wilhelm para sa Pisika sa Berlin. Kanya ring hinawakan ang posisyong ng di-pangkaraniwang propesor sa Unibersidad ng Leiden mula 1920 hanggang 1946 kung saan palagi siyang nagbibigay ng pangtuturo.

Noong 1917, inilathala ni Einstein ang "Zur Quantentheorie der Strahlung," Physkalische Zeitschrift 18, 121–128" ("Hinggil sa mekanikang quantum ng radiasyon"). Ang artikulong ito ay nagpakilala ng konseptong stimuladong emisyon(stimulated emmission), ang prinsipyong pisikal na nagpapahintulot sa amplikasyon ng liwanag sa laser. Kanya ring inilimbag ang akda nang taong iyon na gumagamit ng teoriyang pangkalahatang relatibidad upang imodelo ang kilos ng buong uniberso na siyang naglatag ng entablado sa modernong kosmolohiya. Sa akdang ito, nilikha niya ang kanyang tinatawag na "pinakamatinding pagkakamali": ang konstanteng kosmolohikal.

Noong 14 Mayo 1904, ang unang anak ni Albert at Mileva, si Hans Albert Einstein ay ipinanganak. Ang kanilang ikalawang anak na lalaki, si Eduard Einstein ay ipinanganak noong 28 Hulyo 1910. Si Hans Albert ay naging propesor ng inhinyerong hydraulic sa Unibersidad ng California sa Berkeley. Hindi siya malapit sa kanyang ama, bagaman pareho silang may interes sa musika at paglalayag. Si Eduard, ang nakababatang kapatid ay nagnais na maging isang tagasiyasat Freudian ngunit ipinasok sa isang institusyong pang-isipan sanhi ng sakit na eskisopreniya at doon namatay. Si Einstein ay nakipaghiwalay kay Mileva noong 14 Pebrero 1919 at nagpakasal sa kanyang pinsang si Elsa Löwenthal noong 2 Hunyo 1919 (ipinanganak na Einstein: Löwenthal ang apelyido ng kanyang unang asawang si Max). Siya ay tatlong taong gulang na mas matanda kay Albert at kanya siyang inalagaan matapos dumanas si Albert ng nerbiyosong pagkabalisa kasama ng matinding sakit sa tiyan. Wala silang naging anak.

Pangkalahatang relatibidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Sa pangkalahatang relatibidad, ang grabidad ay kurbada(pagkakabaluktot) na dulot ng presensiya ng materya(sa larawang ito ay kumakatawan sa mundo) sa espasyo-panahon. Ang kurbadong landas ang orbito na sinusundan ng buwan sa pag-ikot nito sa mundo.

Noong Nobyembre 1915, sinimulan ni Einstein ang sunod sunod na pagtuturo sa Akdemyang Pang-Agham ng Prussia kung saan kanyang isinalarawan ang bagong teoriya ng grabidad, na kilala bilang teoriya ng pangkalahatang relatibidad. Ang huling pagtuturo ay nagwakas sa isang pagpapakilala ng ekwasyon na pumalit sa batas grabidad ni Newton, ang Ekwasyong Field. Ang teoryang ito ay tumuturing na ang lahat ng nagmamasid ay pantay pantay, hindi lamang sa mga gumagalaw na pantay ang bilis. Sa pangkalahatang relatibidad, ang grabidad ay hindi isang pwersa(na gaya ng sa batas grabidad ni Isaac Newton) kundi ito ay sanhi ng kurbada(pagkakabaluktot) ng espasyo-panahon.

Naglimbag si Einstein ng mga akda tungkol sa pangkalahatang relatibidad na hindi makukuha sa labas ng Aleman sanhi ng digmaan. Ang balitang tungkol sa bagong teoriya ni Einstein ay umabot sa mga astronomong Ingles at Amerikano sa pamamagitan ng pisikong Dutch na sina Hendrik Antoon Lorentz at Paul Ehrenfest at ang kanilang kasamang si Willem de Sitter, Direktor ng Obserbatoryong Leiden. Siya'y naakit sa bagong teoriya ito at naging pangunahing tagapagtaguyod at tagapagpakilala nito. Karamihan sa mga astronomo ay hindi nagustuhan ang heometrisasyon ni Einstein ng grabidad at naniniwalang ang mga prediksiyon ng pagbaluktot ng liwanag at grabitasyonal na pulangpaglipat(gravitational redshift) ay hindi tama. Noong 1917, ang mga astronomo sa Obserbatoryong Bundok Wilson sa Timog California ay naglimbag ng resulta ng pagsisisyasat na spektropiko ng solar spektrum na nagpapakita na walang grabitasyonal na pulangpaglipat sa Araw. Noong 1918, ang mga astronomo sa Obserbatoryong Lick sa Hilagang California ay nakakuha ng larawan ng eklipseng solar na namasdan sa Estados Unidos. Pagkatapos ng digmaan, kanilang ipinahayag ang kanilang pagsisiyasat na nagsasabing ang prediksiyong pagkabaluktot ng liwanag ng pangkalahatang relatibidad ay mali; ngunit ang pagsisiyasat na ito ay hindi nailimbag sanhi ng mga pagkakamali.

Nang magkaroon ng eklipseng solar noong 1919, si Arthur Eddington ay namuno ng pagsukat ng pagkabaluktot ng liwanag ng bituin habang dumadaan papalapit sa araw na nagreresulta sa posisyon nito na malayo sa Araw. Ang epektong ito ay tinatawag na paglelenteng grabitasyonal(gravitational lensing) at katumbas sa dalawang ulit na prediksiyong Newton. Ang obserbasyon ay ginawa sa Sobral, Ceara, Brazil gayundin sa isla ng Principe sa Kanlurang pampang ng Aprika. Ipinahayag ni Eddington na ang resultang ito ay kumumpirma sa prediksiyon ni Einstein at ang diyaryong The Times na nag-ulat ng kumpirmasyong ito noong Nobyembre 7 nang taong iyon ang siyang nagpalago ng kasikatan ni Einstein.

Pagdalaw sa ibang bansa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Dinalaw ni Einstein ang New York City sa unang pagkakataon ng 2 Abril 1921 kung saan siya binigyan ng opisyal na pagtanggap ng Alkaldeng si John Francis Hylan. Ito ay sinundan ng 3 linggong mga pagtuturo at mga pagtanggap. Noong 1922, siya ay naglakbay sa buong Asya at kalaunan sa Palestina bilang bahagi ng 6 na buwang ekskursiyon at pagsasalita. Kabilang sa mga dinalaw niya ang Singapore, Ceylon, at Hapon. Ang kanyang unang pagtuturo sa Tokyo ay tumagal ng apat na oras at nakipagkita sa emperador at emperatris sa palasyo nito. Ayon kay Einstein sa kanyang isang liham sa kanyang mga anak, "sa lahat ng mga nakilala kong tao, ang pinakagusto ko ang mga Hapones, sila ay mapagpakumbaba, matalino, maalalahanin at may pakiramdam sa sining." Noong Pebrero 1933 habang siya ay dumadalaw sa Estados Unidos ay nagpasya siyang hindi na bumalik sa Alemanya dahil sa pag-akyat sa kapangyarihan ng Nazi sa ilalim ni Adolf Hitler. Kanyang dinalaw ang maraming mga unibersidad sa Amerika. Siya at ang kanyang asawang si Elsa ay bumalik sa pamamagitan ng barko sa Belgium sa wakas ng Marso. Sa kanilang paglalayag, ipinaalam sa kanilang ang kanilang cottage ay nilusob ng mga Nazi at sinamsam ang kanilang bangkang panlayag. Sa pagtuntong nila sa Antwerp noong Marso 28, agad silang tumungo sa konsuladong Aleman kung saan ibinalik ni Einstein ang kanyang pasaporte at pormal na tumalikod sa kanyang pagkamamayang Aleman. Pagkatapos ng ilang taon, ipinagbili ng mga Nazi ang kanyang bangka at ginawang kampo ng kabataang Aryan ang kanyang cottage. Noong maagang Abril 1933, nalaman ni Einstein na nagpasa ng mga batas ang bagong pamahalaang Aleman na nagbabawal sa mga Hudyo sa paghawak ng anumang mga posisyong opisyal kabilang ang pagtuturo sa mga unibdersidad. Pagkatapos ng isang buwan, ang mga akda ni Einstein ang kasama sa mga pinuntirya ng pagsusunog ng mga aklat ng Nazi at idineklara ni Joseph Goebbels na "ang intelektuwalismong Hudyo ay patay na". Nalaman rin ni Einstein na ang kanyang pangalan ay nasa listahan ng mga pinupinturya ng asasinasyon na may gantimpalang $5,000 sa kanyang ulo. Ang isang magasin na Aleman ay nagsama kay Einstein sa talaan ng mga kaaway ng rehimeng Aleman na may pariralang "hindi pa binibigti". Tumira siya sa Belgium ng ilang buwan bago temporaryong tumira sa Inglatera.

Pagtira sa Estados Unidos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Noong Oktubre 1933, si Einstein ay bumalik sa Estados Unidos at kumuha ng posisyon sa Institute for Advanced Study sa Princeton, New Jersey na nangailangan ng kanyang presensiya ng 6 na buwan kada taon. Sa panahong ito ay hindi pa rin siya nakakapagpasya sa kanyang hinaharap. May mga alok sa kanya sa mga unibersidad sa Europa kabilang ang Oxford ngunit noong 1935 ay nagpasyang manatili nang permanente sa Estados Unidos at nag-apply para sa pagkamamamayan. Ang kanyang kaugnayan sa Institute for Advanced Study ay tumagal hanggang sa kanyang kamatayan noong 1955. Siya ang isa sa apat na napili dito kabilang sina John von Neumann at Kurt Gödel na kanyang naging malapit na kaibigan. Sa panahong ito nang tangkain ni Einstein na buuin ang teoriyang nagkakaisang field at pamalian ang tinatanggap na interpretasyon ng pisikang quantum ngunit parehong hindi naging matagumpay.

Ikalawang Digmaang Pandaigdig at Proyektong Manhattan

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Si Einstein noong 1947.

Noong 1939, ang isang pangkat ng mga siyentipikong Hungariano kabilang si Leó Szilárd ay nagtangkang umalerto sa Washington hinggil sa patuloy na pagsasaliksik ng bombang atomiko ng Nazi ngunit ito ay hindi pinansin. Itinuring ni Einstein at Szilárd kasama ng ibang mga refugee na sina Edward Teller at Eugene Wigner na kanilang responsibilidad na alertuhin ang mga Amerikano sa posibilidad na manalo ang mga siyentipikong Aleman sa karera ng paggawa ng bombang atomiko at magbabala sa mga Amerikano na si Hitler ay higit na handang bumalimg sa paggamit ng gayong sandata. Noong tag-init nang 1939 mga ilang buwan bago ang pagsisimula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Europa, si Einstein ay nahikayat na ipahiram ang kanyang prestihiyo sa pamamagitan ng pagsulat ng liham kasama ni Szilárd kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos upang alertuhin ito sa posibilidad nito. Nirekomiyenda rin ng liham sa pamahalaan ng Estados Unidos na magbigay pansin at maging tuwirang sangkot sa pagsasaliksik ng uranium at nauugnay na pagsasaliksik ng kadenang reaksiyon. Dahil sa liham ni Einstein at kanyang pakikipagkita kay Roosevelt, ang Estados Unidos ay pumasok sa karera sa pagbuo ng bombang atomiko na humuhugot ng malaking mga pinagkukunang materyal, pangsalapi at pang-agham upang simulan ng Proyektong Manhattan. Ang Estados Unidos ang tanging bansa na matagumpay na nakagawa ng bombang atomiko noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Bilang kasapi ng National Association for the Advancement of Colored People (NAACP) sa Princeton, nangampanya siya para sa mga karapatang sibil ng mga Aprikanong Amerikano at nakipagtugunan sa aktibista ng mga karapatang sibil na si W. E. B. Du Bois. Noong 1946, tinawag ni Einstein ang rasismo sa Amerika bilang "pinakamalalang sakit". Kanyang kalaunang isinaad na "ang prehudisyo sa lahi ay sa kasawiang palad naging isang tradisyong Amerikano na walang panunuring ipinasa mula sa isang henerasyon tungo sa isa pa. Ang tanging mga lunas ay kaliwanagan at edukasyon". Noong 1940, si Einstein ay naging isang mamamayang Amerikano.

Huling buhay at kamatayan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa huli nang kanyang buhay ay naging behetaryano si Einstein. Pagkatapos ng kamatayan ng unang pangulo ng Israel na si Chaim Weizmann noong Nobyembre 1952, ang Punong Ministrong si David Ben-Gurion ay nag-alok kay Einstein ng posisyon ng Pangulo ng Israel na isang posisyong halos seremonyal. Ang alok ay itinanghal ng ambahador ng Israel sa Washington na si Abba Eban na nagpaliwanag na ang alok "ay kumakatawan sa pinakamalalim na paggalang na ilalagay ng mga Hudyo sa anuman sa mga anak na lalake nito. Gayunpaman, si Einstein ay tumanggi at sumagot na siya ay malalim na napukaw at sabay na nalungkot at nahiya na hindi niya ito matatanggap.

Noong 17, 1955, si Einstein ay nakaranas ng pagdurugo sa loob ng kanyang katawan na sanhi ng pumutok aortikong aneurismo. Kanyang kinuha ang drapto ng talumpati na kanyang inihahanda para sa pagpapakita sa telebisyon na umaalala sa ikapitong anibersaryo ng Estado ng Israel sa hospital. Gayunpaman, hindi niya ito nakumpleto. Namatay siya sa Princeton Hospital noong sumunod na umaga sa edad na 76.

Isinaad ni Einstein na naniniwala siya sa Diyos na panteistiko ni Baruch Spinoza. Hindi siya naniniwala sa isang personal na Diyos na nakikipag-ugnayan sa mga kapalaran at mga aksiyon ng mga tao na isang walang muwang. Gayunpaman, kanyang sinabi na hindi siya ateista ngunit isang agnostiko o isang relihiyong hindi mananampalataya. Hindi rin siya naniniwala sa kabilang buhay at ang "isang buhay ay sapat na sa akin". siya ay malapit na nauugnay sa mga pangkat ng humanismo. Tungkol sa Bibliya, isinaad ni Einstein na "ang salita ng Diyos para sa akin ay isa lamang ekspresyon at produkto ng mga kahinaan ng tao, ang Bibliya ay isang kalipunan ng mga marangal ngunit mga primitibong alamat na gayunpaman ay halos pambata".

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Cline, Barbara Lovett. "Albert Einstein," Men Who Made a New Physics: Physicists and the Quantum Theory, dating pamagat: The Questions, Signet Science Library Book, The New American Library, New York/Toronto, 1965/1969, Library of Congress Catalog Card No. 65-18693