Pumunta sa nilalaman

Ricardo Lee

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ricardo Lee
Kapanganakan19 Marso 1948[1]
  • (Camarines Norte, Bicol, Pilipinas)
MamamayanPilipinas
NagtaposUnibersidad ng Pilipinas
Trabahomanunulat, screenwriter

Si Ricardo Arreola Lee, kilala bilang Ricky Lee ay isang manunulat mula sa Pilipinas. Higit siyang popular bilang isa sa itinuturing na pinakamahusay na scriptwriter ng bansa sa larangan ng pelikula at telebisyon, bagamat kilala rin siya sa kanyang masining na kontribusyon sa larangan ng maikling kuwento, nobela, dula at pamamahayag.

Nakapagsulat na siya nang mahigit sa 150 naisapelikulang iskrip mula pa noong 1973. Nakapagtamo na siya nang mahigit 50 tropeo mula sa iba't ibang samahang pampelikula; kabilang na dito ang isang Natatanging Gawad Urian. Marami sa kanyang mga pelikula ay naipalabas na sa Cannes, Toronto, Berlin at iba pang mga internasyunal na film festivals. Kabilang dito ang Himala, Moral, Brutal, Relasyon, Karnal, Bulaklak ng Maynila, Gumapang Ka sa Lusak, Jaguar, Salome, The Flor Contemplacion Story, Dolzura Cortes, Muru-Ami, Bagong Buwan, Rizal, Nasaan Ka Man, Madrasta, Anak at Dubai.

Bilang fiksiyunista, mandudula at mamamahayag, si Lee ay nakapagkamit din ng maraming pagkilala sa pagsusulat ng fiksiyon mula sa Pilipino Free Press, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Noong 2000, hinirang din siya bilang isa sa 100 Artista na pinarangalan ng Cultural Center of the Philippines ng Centennial Honors for the Arts award.

Si Lee ang naglathala ng unang libro ng mga iskrip sa Pilipinas, ang Brutal/Salome. Naglabas din siya noong 1988 ng isang manwal sa pagsusulat ng iskrip, ang Trip to Quiapo, na naging isang bestseller at isang rekisitong teksto sa mga kursong pangkomunikasyon sa bansa. Ang iba pa niyang publikasyon ay ang mga sumusunod: Si Tatang at mga Himala ng Ating Panahon, isang antolohiya ng kanyang mga sanaysay, lathalain at ang iskrip ng Himala, na nagkamit ng CNN Award for Best Asia-Pacific Film of All Time noong 2009); Moral (iskrip), at; Pitik-Bulag sa Buwan ng Pebrero (dula). Nagwagi din ng Philippine National Book Award ang dalawang libro niya ng iskrip: Brutal/Salome (1981) at, kasama sina Jun Lana at Peter Ong Lim, Screenplay ng "Jose Rizal" (1999). Noong 2009, naglathala din siya ng ispesyal na edisyon ng mga librong Si Tatang... at Trip to Quiapo.

Noong Nobyembre 2008, inilabas niya ang kanyang unang nobelang Para Kay B (o kung paano dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin) na mainit na tinanggap ng mga mambabasa. Ang kanyang pangalawang nobela, Si Amapola sa 65 na Kabanata, ay matagumpay ring inilunsad noong Nobyembre 2011.

Mula pa noong 1982, nagbibigay din si Lee ng libreng scriptwriting workshop sa kanyang tahanan para sa mga nagsisimulang manunulat. Daan-daang scriptwriters na ang dumaan sa kanyang workshop at lumilikha na ng kanilang marka sa industriya ng telebisyon at pelikula. Noong 2000, kasama ng kanyang mga workshoppers, itinatag at pinamunuan ni Lee ang Writers Studio (ngayo'y Philippine Writers Studio Foundation) bilang daluyan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga manunulat.

Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Lee sa ABS-CBN bilang Creative Manager at abala sa pagsusulat ng pangatlo niyang nobela.

Isinilang siya noong 19 Marso 1948 sa Daet, Camarines Norte.

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • [1] Naka-arkibo 2012-02-14 sa Wayback Machine. RICARDO LEE: A Writer in the Film Industry. Isinulat ng National Artist for Literature Dr. Bienvenido Lumbera
  • [2] Naka-arkibo 2015-07-21 sa Wayback Machine. Spotlight on the Filipino Author: Ricky Lee, Contributions to Society
  • [3] Ricky Lee, Nobelista
  • [4] A ‘manananggal’ is the heroine of Ricky Lee’s new novel
  • [5] Naka-arkibo 2014-05-13 sa Wayback Machine. Ricky Lee launches second novel, Si Amapola sa 65 na Kabanata
  1. Virtual International Authority File (sa wikang multiple languages), Dublin: OCLC, OCLC 609410106, Wikidata Q54919