Pumunta sa nilalaman

Diyos

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Dios)
Detalye ng paglikha ng Adam, pagpipinta sa pader sa pamamagitan ng Michelangelo.

Ang Diyos ay may iba't ibang kahulugan. Sa teismo, ang Diyos ay naiisip na supernatural na personal at aktibo sa uniberso. Sa deismo, ang Diyos ay hindi aktibo sa uniberso. Sa panteismo, ang Diyos ang mismong uniberso. Ang mga teologo sa buong kasaysayan ay nag-imbento ng iba't ibang katangian sa iba't ibang mga konsepsiyon ng Diyos. Ang pinakaraniwan sa mga ito ang katangiang kinabibilangan ng omnisiyensiya (walang hanggang kaalaman o alam ang lahat ng bagay), omnipotensiya (walang hanggang kapangyarihan o magagawa ang lahat ng bagay), omnipresensiya (umiiral sa lahat ng lugar), omnibenebolensiya (sakdal sa kabutihan), at walang hanggan at kinakailangang pag-iral. Para sa mga Abrahamikong relihiyon, ang Diyos ay karaniwang inilalarawan bilang may kasariang panlalake at inilalarawan bilang Ama samantalang para sa ibang relihiyon, ang kadiyusan ay maaaring kinabibilangan ng mga lalake (diyos) at babae (diyosa). Ang Pagkadiyos ay naiisip sa iba't ibang relihiyon na makapangyarihan, sinasamba, tinuturing na banal o sagrado, binibigyan ng mataas na pagkilala, o ginagalang ng mga tao.

Pinagmulan ng salita sa Tagalog

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang salitang Tagalog na Diyos ay hinango sa Espanyol na Dios na hinango naman sa Latin na Deus. Ang Deus ay nagmula sa Proto-Indo-Europeo na *Deiwos mula sa parehong ugat ng *Dyēus na muling nilikhang pinunong diyos ng pantheon na Proto-Indo-Europeo. Ang pangalang Zeus (Ζεύς zdeús; Griyegong Aeoliko Δεύς deús) ang pagpapatuloy na Griyego ng *Di̯ēus na Proto-Indo-Europeong diyos ng kalangitan na tinatawag ring *Dyeus ph2tēr ("Amang Langit"). Ang Zeus ang tanging diyos sa panteon na Olimpiko na ang pangalan ay may isang maliwanag na etimolohiyang Indo-Europeo. Ang salitang diyos ay kilala sa ilalim ng pangalang ito sa Rigveda (Vedic Sanskrit Dyaus/Dyaus Pita), Latin (Jupiter mula Iuppiter na hinango mula sa bokatibong Proto-Indo-Europeo na *dyeu-ph2tēr) na hinango mula sa ugat na *dyeu- ("magliwanag" at sa maraming mga deribatibo nito ay "himpapawid, langit, diyos"). Ang salitang Sanskrit na देव deva (diyos) ay hinango mula sa Indo-Iranianong *dev- na hinango naman mula sa salitang Proto-Indo-Europeo na *deiwos. Ang anyong babae ng *deiwos ay Proto-Indo-Europeong *deiwih2 na humango sa mga wikang Indi bilang devi na nangangahulugang "babaeng diyos". Gayundin, ang mga nagmula sa Proto-Indo-Europeo na *deiwos ang Litwanyanong Dievas (Latbiyanong Dievs, Prusyanong Deiwas), Hermanikong Tiwaz at ang kaugnay na Lumang Norsdikong Tivar (mga diyos) at salitang deus ("diyos") at divus ("dibino" o "banal") kung saan ang salitang Ingles na "divine", "deity", Pranses na "dieu", Portuges na "deus", Espanyol na "dios" at Italyanong "dio" ay hinango. Ang salitang Ingles na god ay pinaniniwalaang hinango mula sa proto-aleman na *ǥuđán na pinaniniwalaan namang mula sa Proto-Indo-Europeanong salita na *ǵʰu-tó-m na pinaniniwalaang hinango naman mula sa ugat na *ǵʰeu̯- "buhusan" (Sanskrit huta), o mula sa isang ugat na *ǵʰau̯- (*ǵʰeu̯h2-) "tawagin" (Sanskrit hūta). Ang Sanskrit na hutá ay katumbas ng "inihandog" mula sa pandiwang ugat na hu = "handog", ngunit ang isang katamtamang paglipat sa salin ay nagbibigay ng kahulugang "ang isa na ang mga paghahandog ay ginagawa". Ang iba ay naniniwalang ang salitang ito ay mula sa Sanskrit na “gau” na nangangahulugang "baka" na itinuturing na sagrado. Ang mga salitang Hermaniko para sa Diyos ay orihinal na neuter o lumalapat sa parehong mga kasarian ngunit noong panahon ng Kristiyanisasyon ng mga taong Hermaniko mula sa katutubong paganismong Hermaniko ng mga ito, ang salitang ito ay naging anyong maskulino (panlalake) sintaktiko.

Konsepto sa iba't ibang relihiyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Walang maliwanag na kasunduan sa kalikasan ng diyos. Ang Abrahamikong mga konsepsiyon ng diyos ay kinabibilangan ng monoteistikong depinisyon ng isang Diyos sa Hudaismo, isang Diyos sa tatlong persona ng trinitarianismo sa Kristiyanismo at konseptong Islamiko ng isang diyos. Kahit sa mismong libo libong mga sekta ng Kristiyanismo, ang iba't ibang sekta ito ay may iba't ibang pananaw ng kalikasan, mga katuruan at kalooban ng diyos. Ang dharmikong mga relihiyon ay may ibang pananaw ng diyos. Ang pananaw ng diyos sa Hinduismo ay iba-iba sa rehiyon, sekta at kaste mula sa monoteistiko hanggang politeistiko hanggang ateistiko. Ang pagkadiyos ay nakilala ni Buddha partikular ang Sakra at Brahma. Gayumpaman, ang ibang may mga kamalayang entitad kabilang ang mga diyos ay tanging gumagampan ng sumusuportang papel sa pansariling landas ng kaligtasan. Ang mga konsepsiyon ng diyos sa mga kalaunang pagbuo ng tradisyong Mahayana ay nagbibigay ng mas kilalang lugar sa mga nosyon ng diyos.

Si Zeus na punong diyos sa Griyegong mitolohiya.
Mga diyos ng relihiyong Hinduismo na sina Brahma, Vishnu at Shiva na kasama ang kanilang mga konsorte.
Rebulto ni El (diyos) na nahukay sa Tel Megiddo. Siya ang Supremang Diyos sa Ugarit at may 70 anak na lalake kabilang sina Shalim,Yahweh at Ba'al.
Ang mga diyos ng Sinaunang Ehipto na sina Osiris, Anubis, at Horus

Ang politeismo ang pagsamba o paniniwala sa maraming mga diyos na karaniwang tinipon sa isang pantheon ng mga diyos at diyosa kasama ng mga sarili nitong relihiyon at mga ritwal. Ang politeismo ay isang uri ng teismo (paniniwala sa diyos). Sa loob ng teismo, ang politeismo ay sumasalungat sa monoteismo na paniniwala sa isang diyos. Ang mga politeista ay hindi palaging sumasamba sa lahat ng mga diyos ng magkakatumbas ngunit maaaring mga henoteista rin. Ang henoteismo ang paniniwala at pagsamba sa isang lamang diyos ngunit tumatanggap sa pag-iral o posibleng pag-iral ng ibang mga diyos na maaari ring sambahin at ang mga diyos na ito ay may magkakatumbas na balidad. Ang monolatrismo ang pagkilala sa pag-iral ng maraming mga diyos ngunit may pagsamba lamang sa isang diyos. Ang ibang mga politeista ay maaaring mga kateonista na sumasamba ng iba't ibang mga diyos sa iba't ibang mga panahon. Ang politeismo ang tipikal na anyo ng relihiyon sa Panahong Tanso (3600–1200 BCE), Panahong Bakal (1300 BC – 600 BCE) hanggang sa Panahong Axial (800–200 BCE). Ang politeismo ay sinasanay sa mga relihiyon ng Sinaunang panahon lalo na politeismong Griyego at Romano at pagkatapos ng paghina ng politeismong Greko-Romano sa mga relihiyong pangtribo gaya ng paganismong Hermaniko o mitolohiyang Slaviko. Ang iba't ibang relihiyong politeistiko ay sinasanay sa kasalukuyan kabilang ang Hinduismo, relihiyong Tsino, Thelema, Wicca, Druidry, Taoismo, Asatru at Candomble. Ang ilan sa mga kilalang mga diyos at diyosa sa mga iba't ibang relihiyon:

Ang Monoteismo ang paniniwala at pagsamba sa isang Diyos. Kabilang sa mga relihiyong ito ang kasalukuyang Rabinikong Hudaismo, Islam, Kristiyanismo, Zoroastrianismo, Sikhismo, Bahá'í at iba pa. Ayon sa kasalukuyang Hudaismo, ang nag-iisang Diyos na ito ay si YHWH, ayon sa Islam ay si Allah at ayon karamihan ng mga sektang Kristiyano, ang isang Diyos na ito ay binubuo ng tatlong magkakahiwalay na Persona na tinatawag na Banal na Santatlo o doktrina ng Trinidad — ang Ama, Anak (si Hesus), at ang Espiritu Santo na magkakapantay. May ilang mga sektang Kristiyano na hindi naniniwala dito gaya ng Mga Saksi ni Jehova na naniniwalang ang Ama lamang, si Jehova ang tanging tunay na Diyos, si Hesus ang kaniyang Anak (hindi kapantay ng kaniyang Ama), ang banal na espiritu o di-nakikitang puwersa ng Diyos na Jehova. Para sa mga Oneness ang ama, anak at espirut santo ay mga manipestasyon lamang ng isang diyos.

Panteismo at Panenteismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang Panteismo ang paniniwala na ang pisikal na sansinukob ay katumbas ng diyos o mga diyos at walang dibisyon sa pagitan ng manlilikha at ang substansiya ng nilikha nito. Ang halimbawa nito ang maraming mga anyo ng Saivismo. Ang Paneneteismo ang paniniwala na ang pisikal na sansinukob ay isinama sa isand diyos o mga diyos. Gayumpaman, ito ay naniniwala na ang isang diyos o mga diyos ay mas dakila sa materyal na sansinukob. Ang mga halimbawa nito ang karamihan ng mga anyo ng Vaishnavismo.

Ang Deismo ang paniniwala sa isa o maraming mga diyos na lumikha ng daigdig ngunit ang manlilikha o mga manlilikha ay hindi aktibo at hindi nagbago ng orihinal na plano para sa uniberso. Karaniwang itinatakwil ng mga deista ang mga supernatural na pangyayari gaya ng mga hula, milagro at mga pahayag ng mga diyos. Ang deismo ay naniniwala na ang mga paniniwalang relihiyoso ay dapat itatag sa katwirang pantao at mga napagmamasdang katangian ng natural na daigdig. Nakikita ng karamihan ng mga deista ang mga relihiyon ng kanilang panahon bilang mga korupsiyon ng orihinal na dalisay na relihiyon na simple at makatwiran. Kanilang nadama na ang orihinal na dalisay na relihiyong ito ay pinarumi ng mga pari o saserdote na nagmanipula nito para sa pansariling kapakinabangan at para sa interes ng klaseng saserdote. Ayon sa pananaw ng mga deista, nagtagumpay ang mga "pari" sa paglipas ng panahon na palamutian ang orihinal na simpleng makatwirang relihiyon ng lahat ng uri ng mga superstisyon at mga "hiwaga" o misteryo na mga hindi makatwirang mga doktrina ng relihiyon nito. Ang mga tao ay pinaniwala ng mga pari na ang mga pari lamang ang tunay na nakakaalam kung anong kailangan para sa kaligtasan at dapat tanggapin ng mga taong ito ang mga misteryo at kapangyarihan ng mga paring ito. Ito ay nagpanatili sa mga tao na delusyonal at ignorante at nakasalalay lamang sa mga pari para sa impormasyon tungkol sa kaligtasan at ang mga pari ay nagtamasa ng posisyon ng malaking kapangyarihan sa mga tao na kanilang sinisikap na panatilihin. Tinagurian ng mga deista ang manipulasyong ito ng mga doktrina ng relihiyon bilang "priestcraft" na isang derogotoryong termino.[1]

Ang Pandeismo ang paniniwala na ang diyos ay nauna sa sansinukob at lumikha nito ngunit ngayon ay katumbas na nito. Ang Panendeismo ay nagsasama ng deismo at panenteismo na naniniwalang ang sansinukob ay isang bahagi (ngunit hindi ang buo) ng diyos. Ang polideismo ang paniniwala sa maraming mga diyos ngunit ang mga ito ay hindi nanghihimasok sa sansinukob.

Ang autoteismo ang paniniwala na kahit ang pagkadiyos ay panlabas o hindi, ito ay likas sa loob ng sarili nito at ang isa ay may tungkulin na maging perpekto o diyos.

Ang Euteismo ang paniniwala na ang diyos ay buong mabuti. Ang Disteismo ang paniniwala na ang diyos ay hindi buong mabuti at posibleng masama. Ang Malteismo ang paniniwala na ang diyos ay umiiral ngunit buong malisyoso.

Ateismo at agnotisismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang ateismo ang posisyon na naniniwalang hindi umiiral ang diyos. Ang positibong ateismo ang terminong ginagamit upang ilarawan ang anyo ng ateismo na nagsasaad na walang mga diyos ang umiiral. Ang negatibong ateismo ay tumutukoy naman sa ateismo kung saan ang isang tao ay hindi naniniwala sa pag-iral ng anumang diyos ngunit hindi positibong naghahayag na walang diyos. Ang malakas (strong atheism) at matigas (hard atheism) ay alternatibong termino para sa positibong ateismo samantalang ang mahinang ateismo (weak atheism) at malambot na ateismo (soft atheism) ay mga alternatibong termino para sa negatibong ateismo.

Ang agnotisismo naman ang posisyon na naniniwalang hindi matitiyak kung mayroong diyos o wala. Wala namang pakialam kung may diyos o wala ang mga apateista.

Mga argumento panig at laban sa pag-iral ng Diyos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga sumusunod ang mga argumentong iminungkahi upang patunayan o pabulaanan ang diyos sa buong kasaysayan ng tao.

Mga argumento para sa pag-iral ng Diyos

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Argumentong kosmolohikal - Ang argumentong sa tradisyonal na anyo nito ay nakasalig sa pagpapalagay na ang bawat bagay ay may sanhi. Dahil walang makapagsasanhi sa sarili nito at dahil ang sunod sunod na mga sanhi ay hindi maaaring walang hanggananang mahaba, mayroong dapat unang sanhi na diyos. Ang isang pagtutol sa argumentong ito ay ito ay nag-iiwan ng bukas na tanong kung bakit ang unang sanhi ay walang katulad sa dahilang ito ay hindi nangangailangan ng sanhi. Ikalawa, ang premisa ng pagsasanhi ay naabot sa pamamagitan ng a posteriori (induktibong) pangangatwiran na nakasalalay sa karanasan. Ikinatwiran ni Hume na ang mga ugnayang pagsasanhi ay hindi totoo a priori. Bagaman ang pagsasanhi ay lumalapat sa alam na daigdig, hindi ito kinakailangang lumapat sa uniberso sa pangkalahatan. Sa ibang salita, hindi matalino na humango ng mga konklusyon mula sa paghihinuha ng pagsasanhi ng lagpas sa karanasan. Ang isang malawak ng sinusuportahan na hipotesis sa modernong pisika ang unibersong may enerhiyang sero na nagsasaad na ang kabuuang halaga ng enerhiya sa uniberso ay eksaktong sero. Ito ang tanging uri ng uniberso na maaaring magmula mula sa wala.[2][3] Ang gayong uniberso ay kailangang patag sa hugis, ang estado na hindi sumasalungat sa mga kasalukuyang obserbasyon na ang uniberso ay patag.[4][5][6]
  • Argumentong Teleolohikal o Argumento mula sa disenyo - Ang argumento na nag-aangking ang uniberso ay kinakikitaan ng sinasabi ng mga teistang kaayusan at disenyo at layunin . Ang argumentong ito ay iminungkahi mula pa sa mga sinaunang panahon mula kay Plato hanggang kay Aquinas at iba pa. Ang argumentong ito ay pinaunlad ni William Paley sa kanyang analohiya ng tagagawa ng relo na sa parehong paraan na ang kompleksidad ng relo ay nagpapahiwatig ng pag-iral ng tagagawa nito, maaari ring mahinuha na ang manlilikha ng uniberso ay umiiral dahil sa inaangking kompleksidad ng kalikasan. Bilang estudyante ng teolohiya, natagpuan ni Charles Darwin ang argumento ni Paley na nakapipilit. Gayunpaman, kanyang kalaunang binuo ang kanyang teoriya ng ebolusyon na nagbibigay ng alternatibong paliwanag sa sinasabing kaayusan sa biolohiya. Ayon kay Darwin, "ang lumang argumento ng disenyo sa kalikasan na ibinigay ni Paley na sa akin ay nakaraang tila konklusibo ay nabibigo, ngayong ang batas ng natural na seleksiyon ay natuklasan." Ayon kay Richard Dawkins, ang natural na seleksiyon ay sasapat bilang paliwanag ng kompleksidad sa biolohiya nang hindi dumudulog sa pinagmulang diyos.[7] Tinatanggap ng karamihan ng mga biologo ang modernong ebolusyonaryong sintesis hindi lamang bilang alternatibong paliwanag para sa kompleksidad ng buhay kundi bilang mahusay na paliwanag na may maraming sumusuportang ebidensiya. Ayon kay David Hume, ang argumento ng disenyo ay itinayo sa isang maling analohiya dahil hindi tulad ng mga bagay na gawa ng tao, hindi natin nasakhihan ang disenyo ng uniberso at kaya ay hindi natin alam kung ang uniberso ay resulta ng disenyo.[8]
  • Argumentong ontolohikal - Ang argumentong mula sa lohika at katwiran kesa sa empirikal na ebidensiya. Ito ay unang binuo ni Anselm noong huli nang ika-11 siglo CE na nagsasaad na ang diyos ay isang wala nang higit pang maiisip. Ang ibig sabihin nito, ang diyos ay umiiral kung atin siyang maiisip (o malilikha) at mas dakila na umiral sa realidad kesa sa isipan. Kung ang diyos ay umiiral lamang sa isipan, kung gayon makakaisip tayo nang mas dakila sa diyos ngunit hindi tayo makakaisip nang isa na mas dakila sa diyos dahil ito ay salungat sa kadahilahanang makakaisip tayo ng isa na dakila sa pinakadakilang posibleng ideya na maiisip.[9] Noong ika-17 siglo CE, si Rene Descartes ay nagbigay rin ng kanyang bersiyon ng argumentong ito. Kanyang isinaad na ang diyos ang pinakaperpektong (pinakadakilang) maiisip; Mas perpekto (mas dakila) na umiral kesa hindi umiral, kaya ang diyos ay dapat umiral. Noong ika-18 siglo CE, sa kanyang Critique of Pure Reason, si Immanuel Kant ay nagbigay ng pagtutol sa argumentong ito: ang tanging konsepto ng diyos ay hindi kinakailangan ng kanyang pag-iral. Bagaman maaring maisip ang diyos na mayroong katangiang gaya ng makapangyarihan sa lahat, ang pag-iral ay hindi pag-aari ng isang bagay.
  • Argumentong antropiko - Ang argumentong ang mga obserbasyon sa pisikal na uniberso ay dapat umangkop sa may kamalayang buhay na nagmamasid dito. Ito ay nagsasaad na ito ay kinakailangan dahil kung ang buhay ay imposible, walang makakaalam nito. Ang isang sinasabing pagsubok ng argumentong ito ay humanap ng buhay sa mga uniberso (universes) na iba sa uniberso na kinalalagyan ng planetang mundo (earth). Ang isang karaniwang kristisimo ng argumentong ito ay isa itong madaling deus ex machina na pumipigil sa paghahanap ng mga pisikal na paliwanag. Ayon din sa mga kritiko, ito ay hindi isang siyentipikong pahayag kundi isa lamang pilosopikal na pahayag. Binatikos rin ng mga kritiko na ang argumentong ito ay tulad ng pagsasabing ang mga barko ay inimbento para tirahan ng mga barnacle. Ang buhay ay tila angkop sa mundo dahil ito ay umangkop sa kapaligiran sa pamamagitan ng ebolusyon at hindi ang kabaligtaran.[10] Ang teoriyang tali (string theory) ay humuhula ng isang malaking bilang ng mga posibleng uniberse (universes) na tinatawag na "backgrounds" o "vacua" na posibleng may iba't ibang mga pisikal na batas. Ang hanay ng mga vacua na ito ay kalimitang tinatawag na multiberso (multiberso) o "anthropic landscape" o "string landscape." Ang parehong kritisismo ay ipinukol sa multiberso bagaman ang ilan ay nangangatwiran na ito ay gumagawa ng mapapamaling (falsifiable) mga prediksiyon.
  • Argumentong moral - Ang argumento na nagsasabing ang obhektibong moralidad ay nakasalalay lamang sa Diyos at kaya kung ang obhektibong moralidad ay umiiral ay umiiral ang diyos. Ito ay sinasalungat ng mga kritiko sa pamamagitan ng pagpapaliwanag o pagmumungkahi ng biolohikal o naturalistikong pinagmulan nito kung ito ay umiiral man. Hinamon ni Parkinson ang argumentong ito sa pangangatwirang upang ang argumento ay magtagumpay, dapat maipakita na ang moralidad ay obhektibo at inutos ng diyos sa halip na imbensiyon ng tao.[11] Ayon kay Parkinson, walang dahilan para maniwala na ang diyos ang nagbibigay ng mga batas na moral at ito ay maaaring ibigay ng kasunduan ng mga tao. Ang mga iba't ibang mga relihiyon at napakaraming mga sekta ng mga relihiyong ito na nag-aangkin ng pag-iral ng obhektibong moralidad ay may magkakatunggali at magkakasalungat na sariling bersiyon nila ng "obhektibong moralidad".
  • Argumentong transendental - Ang argumento na nag-aangking ang lohika, agham, moralidad ay walang saysay sa kawalan ng pag-iral ng Diyos. Ito ay nag-aangking may mga bagay na transendental gaya ng absolutong lohika at agham na hindi umiiral nang pisikal na bahagi rin ng realidad at dahil ang mga ito ay umiiral ay umiiral ang diyos. Ayon sa mga kritiko, nabigong isaalang-alang nito na ang mga batas ng lohika ay simpleng mga paglalarawan ng uniberso. Ang isang kontra-argumento ang transendental na argumento para sa hindi pag-iral ng diyos na nagpapakitang ang gayong mga lohikal na absoluto ay hindi maaaring maging absoluto kung sila ay nakasalalay sa diyos. Sa karagdagan, kung ang mga prinsipyo ng lohika ay nakasalalay sa diyos, ang mga ito ay mababago ng diyos.[12]
  • Argumento mula sa mga inaangking pangyayaring historikal - Ang mga inaangking kasaysayan sa mga aklat gaya ng Bibliya, Qur'an, Vedas at Aklat ng Mormon ay sinasabing nagpapatotoong umiiral ang Diyos.
  • Argumentong induktibo
  • Argumento mula sa patotoo - Mga inaangking nararanasan ng mga mananampalataya. Kabilang sa mga ito ang mga inaangking nadadamang presensiya o espirito ng diyos, mga inaangking milagro, pakikipag-usap sa kanila ng diyos, mga inaangking pagbabago sa buhay ng mga mananampalataya. Gayunpaman, ito ay inaangkin ng mga mananampalataya sa iba't ibang magkakasalungat na relihiyon at mga sekta at kaya ang mga inaangking sariling patotoo ay nagbibigay ebidensiya para sa iba't ibang mga magkakasalungat na relihiyon. Ang isang karaniwang ulat mula sa mga indibidwal na may schizophrenia ay pagkakaroon ng isang uri ng delusyong relihiyoso na kinabibilangan ng paniniwalang sila ay mga diyos o mesiyas, ang diyos ay nakikipag-usap sa kanila, sila ay nasasapian ng demonyo at iba pa.[13][14][15] Ayon kay David Hume, ang isang milagro ay isang paglabag sa mga batas ng kalikasan at dahil ang isang matatag at hindi mababagong karanasan ay nagpatunay ng mga batas na ito, ang patotoo laban sa isang milagro mula sa pinkakalikasan ng katotohanan ay buong gaya ng anumang argumento mula sa karanasang posibleng maiisip...Kaya dapat ay may isang parehong karanasan na laban sa bawat pangyayaring milagroso, kundi, ang pangyayaring ito ay hindi nararapat ng pagpapangalang ito. Ang konsekwensiya ay walang testimonya na sapat na magpapatunay ng isang milagro malibang ang testimonya ay ng gayong uri na ang pagiging hindi totoo nito ay mas milagroso kesa sa katotohanan na sinisikap nitong patunayan; kahit sa kasong ito ay mayroong isang mutwal na pagwasak ng mga argumento at ang superior ay nagbibigay lamang sa atin ng kasiguraduhan na angkop sa digring ito ng pwersa na nananatili pagkatapos mahinuha ang inperyor. Kanyang isinaad na kapag ang isa ay nagsabing nakita niya ang isang namatay na tao na binuhay, kanyang isasaalang alang kung mas malamang na ang taong ito ay dapat nandadaya o nadaya o ang katotohanang ang kanyang ikinukuwento ay dapat talagang nangyari. Kanyang tinitimbang ang isang milagro laban sa isa at ayon sa pagiging superior, ay palaging itinatakwil ang mas malaking milagro.

Mga argumento laban sa pag-iral ng Diyos

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Argumento mula sa magkakakontrang pahayag - Ang argumentong nag-aangking ang iba't ibang pahayag sa mga aklat ng iba't ibang relihiyon gaya ng Bibliya, Qur'an, Aklat ng Mormon, Vedas etc. ay kinapapalooban ng mga kontradiksiyon at magkakasalungat na mga salaysay na pinagmumulan ng mga banal na digmaan sa pagitan ng mga relihiyon at sekta dahil sa paniniwalang ang kanilang bersiyon ng katotohanan ang tanging tama. Ang pag-iral ng napakaraming mga sekta sa loob ng isang relihiyon gaya ng Kristiyanismo, Islam, Budismo at iba pa ay nagpapakita na kahit ang mga mananampalataya ng isang aklat ay hindi magkasundo sa "tamang" interpretasyon nito. Ang mga nag-aangkin-sa-sarili na mga sugo, mensahero, propeta, mangangaral o apolohista ng isang diyos ay may magkakasalungat na mga pag-aangkin at mga sariling interpretasyon tungkol sa kalikasan at mga katuruan ng Diyos. Wala ring diyos na nagpapakita upang patotohanan sa mga hindi-mananampalataya ang mga pag-aangkin at interpretasyon ng mga mangangaral ito. Hindi rin mapatunayan ng mga mananampalataya nito na ang bawat salaysay o pahayag sa mga aklat na ito ay totoo. Bukod dito, pinabubulaanan din ng mga arkeologo ang marami sa mga storyang nakasulat dito.[16][17][18][19][20][21][22]
  • Problema ng kasamaan sa mundo - Ang argumento na nagsasaad na ang isang "mabuti" (omnibenevolent) at mahabaging Diyos ay hindi magpapahintulot ng kasamaan at pagdurusa na umiral sa mundo. Gayundin, ang isang "makapangyarihan" (omnipotent) ay may kakayahang wakasan ang mga pagdurusa sa mundo. Dahil sa umiiral ang mga kasamaan, mga natural na kalamidad, mga aksidente, mga pagdurusa, mga batang namamatay sa gutom, mga Muslim, Kristiyano at iba pang tagasunod ng relihiyon na namamatay sa karamdaman, ang diyos na mabuti (omibenebolente) at makapangyarihan (omnipotente) ay hindi umiiral.
  • Argumento mula sa palpak na disenyo - Ang argumento na nagsasaad na maraming bagay sa uniberso ay kinakikitaan ng maraming na palpak na disenyo. Isang halimbawa nito ang kawalang kakayahan ng mga suborden na Haplorrhini kabilang ang tao, tarsier at ibang mga bakulaw na makalikha ng bitanina C dahil sa depektibong gene na nagsasanhi nang sakit na scurvy at kamatayan dahil kailangan ito ng katawan ng mga hayop na ito. Ang karamihan ng mga hayop kabilang ang mga suborden na Strepsirrhini gaya ng mga lemur at mga halaman ay may kakayahang makagawa ng bitamina C. Marami ring mga bagay na walang pakinabang sa tao gaya ng wisdom teeth na lumilitaw sa pagtanda ng isang tao at nagsasanhi ng matinding pananakit at impacted wisdom teeth na kailangang bunutin ng mga dentista. Bagaman karamihan ng tao ay tinutubuan ng wisdom teeth, ang 35 porsiyento ng mga tao ay hindi tinutubuan nito na nangangahulugang hindi ito kailangan ng mga tao.
  • Argumento mula sa kawalang paniniwala - Ang argumento na nagsasaad na kung ang diyos ay umiiral at nais nitong paniwalaan siya ng mga tao, ito ay magbibigay ng mga sitwasyon o ebidensiya na magiging dahilan upang maniwala sa kanya ang lahat ng tao. Dahil sa maraming mga hindi naniniwala sa diyos (ateista) dahil sa kawalang ebidensiya gaya halimbawa ng mga siyentipiko[23], kung gayon ang diyos ay hindi umiiral.
  • Argumentong deduktibo
    • Pinakahuling Boeing 747 na gambit - Ang argumentong ito ay isang kontra-argumento sa argumento mula sa disenyo ng mga naniniwala sa diyos. Ang argumento mula sa disenyo ay nagsasaad na ang isang komplikado at maayos na straktura ay dapat dinesenyo. Ang pinakahuling Boeing 747 na gambit ay nagsasaad na kung ang diyos ang responsable sa paglikha ng uniberso dahil ito ay komplikado, kung gayon ang diyos ay isa rin komplikado gaya ng nilikha nito at ang diyos na ito na dumisenyo ng uniberso ay nangangailangan din ng tagapagdisenyo nito na tutungo sa walang hanggan (ad infinitum). Bukod dito ang pinakahuling Boeing 747 na gambit ay nagpapakita rin na ang diyos ang hindi pinagmulan ng kompleksidad, kundi isa lamang pagpapalagay ng mga teista (theist o naniniwala sa diyos) na ang kompleksidad ay umiiral.
    • Paradokso ng Omnipotensiya - Ang paradokso na nagsasaad na kung ang isang entidad ay inaangking omnipotente (magagawa ang lahat ng bagay), kung gayon ito ay makakagawa ng bagay na hindi nito magagawa kaya hindi nito magagawa ang lahat ng bagay. Halimbawa, ang entidad na omnipotente ay dapat makagawa ng isang bato na hindi nito kayang buhatin. Kung makakagawa ito ng batong hindi nito kayang buhatin, kung gayon, hindi magagawa ng diyos ang lahat ng bagay. Ang isang karaniwang sagot ng mga Kristiyano dito ay ang omnipotensiya ay nangangahulugan lamang ng mga magagawang bagay ng diyos na lohikal na posible ayon sa kanyang kalikasan. Sa kasong ito, ang pag-aangkin ng omnipotensiya ay isa lamang pahayag na tautolohikal: magagawa ng diyos ang lahat ng mga bagay na magagawa ng diyos. Ayon sa mga kritiko, hindi hinihingi sa entidad na omnipotente sa paradokso na labagin ang mga batas ng lohika. Ang pagtatanong ng kung makakalikha ng bato na hindi mabubuhat ay lohikal na posible dahil malilikha ito ng tao.
    • Problema ng impyerno - Ang argumento na nagsasaad na dahil ang konsepto ng impyerno na ayon sa ilang relihiyon ay isang lugar na nilikha ng diyos upang pagbulidan ng mga masasama at ng mga hindi tagasunod ng diyos na ito sa kawalang hanggan (eternity), ang diyos na ito ay hindi mahabagin o mapagpatawad. Ang konsepto ng isang mahabagin, mapagpatawad, at mabuti ayon sa mga Abrahzmikong relihiyon na Kristiyanismo at Islam ay sumasalungat din sa konsepto ng impyerno sa mga relihiyong ito. Dahil ang mga tao ay may hangganang buhay, ang mga ito ay makagagawa lamang ng kasalanan sa isang may hangganang bilang ng mga kasalanan ngunit ayon sa ilang mga denominasyon, ang impiyerno ay isang walang hangganang kaparusahan. Ayon sa mga kritiko, ang tamang kaparusahan ay dapat angkop sa mga layunin, sidhi at sa pagkaunawa ng nagkasala.
    • Argumento mula sa malayang-kalooban - Ang argumentong ito ay nagsasaad na ang isang omnisiyenteng (alam ang lahat ng bagay) diyos na may malayang kalooban (free will) at nagbigay rin ng malayang-kalooban sa kanyang mga nilalang ay magkasalungat. Kung alam "na" ng diyos ang hinaharap (future), ang diyos o mga nilalang nitong may malayang kalooban ay hindi makakapagpasya ayon sa kalooban nito dahil alam na ng diyos ang lahat ng mangyayari o samakatuwid ay nakatakda na ang hinaharap at ang diyos o mga nilalang nito ay susunod lang sa nakatakda ng mangyayari sa hinaharap.
    • Kontra-argumento sa argumentong kosmolohikal - Ang argumentong nagpapamali sa premisa ng mga naniniwala sa diyos na dahil sa ang lahat ng bagay ay dapat may pinagmulan at ang uniberso ay hindi maaaring umiral ng walang dahilan, ang pinagmulan ng unibero ay ang diyos. Ngunit kung ang lahat ng bagay ay may pinagmulan, ang diyos ay dapat ding may pinagmulan at ang pinagmulan ng diyos ay may pinagmulan din etc na tutungo sa walang hanggang regreso (infinite regress)
    • Teolohikal na kawalang-kognitibismo - ang argumento na nagpapakitang ang konsepto ng diyos ay hindi mapapatunayan ng mga pagsubok pang-agham (scientific tests).
  • Argumentong induktibo
    • Ang ateista-eksitensiyalistang argumento para sa hindi pag-iral ng isang perpektong sentiyenteng (may kamalayan) entidad na nagsasaad na kung ang eksistensiya (pag-iral) ay nauuna sa esensiya (katangian na nagbibay ng pagkakakilalan o identity ng isang entidad o bagay), nangangahulugan lang sa kahulugan ng salitang "sentiyente" (may kamalayan) na ang isang sentiyenteng entidad ay hindi maaaring maging kumpleto o perpekto. Ito ay tinalkay ni Jean-Paul Sartre sa "Being and Nothingness". Ang pariralang ginamit ni Sartre ay ang diyos ay isang pour-soi(entidad para sa sarili nito; isang kamalayan) na isa ring en-soi(entidad sa sarili nito; isang bagay) na isang kontradiksiyon sa mga termino. Ang argumentong ito ay inulit ni Salman Rushdie sa kanyang nobelang Grimus na ang isang isang kumpleto ay patay rin.
    • Ang "walang dahilan" na argumentong nagpapakita na ang isang omnipotente (walang limitasyon ang kapangyarihan) at omniseyenteng (alam lahat ng bagay) entidad ay walang anumang dahilan na gumawa ng anumang bagay lalo na ng paglikha ng uniberso dahil ang entidad na ito ay walang pangangailangan, kagustuhan, mga pagnanais dahil ang mga konseptong ito ay subhektibong (ayon sa pansariling opinyon) pantao. Dahil sa ang uniberso ay umiiral, ito ay nagpapakita ng kontradiksiyon kaya ang isang omnipotenteng diyos ay hindi maaring umiral.
    • Ang induksiyonng historikal na argumentong nagbibigay ng konklusyon na dahil ang karamihan sa mga teistikong (naniniwala sa diyos) relihiyon sa buong kasaysayan gaya ng "lumang relihiyon ng Ehipto" (ancient Egyptian religion) at "lumang relihiyon na Griyego" (ancient Greek religion) at ang mga diyos nito ay sa huli itinuring na hindi totoo o mali, ang lahat ng mga teistikong relihiyon kabilang ang mga kasalukuyang relihiyon ay malamang hindi totoo o hindi tama sa pamamagitan ng induksiyon.
  • Mga subhektibong (ayon sa pansariling opinyon) argumento - Gaya ng mga subhektibong mga argumento na ginagamit para patunayan ang pag-iral ng diyos, ang mga subhektibong argumento laban sa isang supernatural ay nakabatay sa mga testimonya o mga karanasan ng mga saksi.
    • Ang argumento ng saksi ng kawalang diyos ay nagbibigay ng kredibilidad sa personal na pagsaksi sa buong kasaysayan ng mga indibidwal na hindi naniniwala (ateista) o may malakas na pagdududa sa pag-iral ng isang diyos. Ang mga ateistang ito ay nagpapatotoo na kahit humingi sila ng direktang ebidensiya mula sa diyos, ang diyos ay hindi nagbibigay ng ebidensiya o hindi nagpapakita sa mga ateistang ito. Bukod dito, maraming mga ateista gaya ng mga sekular na humanista ang nagpapatotoong, ang pamumuhay ng moral at pagtulong sa kapwa ay hindi nangangailangan ng paniniwala sa diyos.[24]
    • Ang argumento ng mga magkakasalungat na relihiyon na nagsasaad na ang mga relihiyon na naniniwala sa diyos at naniniwala sa kanilang relihiyon na "tanging" tama at totoo ay nagbibigay ng magkakasalungat na mga salaysay at interpretasyon sa tunay na kalikasan, katuruan at kautusan ng diyos. Kung ang mga "inaangkin'" na mga milagro sa isang relihiyon o sekta ay patunay na tama/totoo ang relihiyon/sektang ito, kung gayon ang "lahat" ng relihiyon na nag-aangkin ng mga milagro gaya ng Romano Katoliko, Born Again, Mormon, Islam,[25] Hinduismo,[26] Hudaismo,[27][28] Budismo[29] etc. ay totoo at tama rin. Dahil sa ang magkakasalungat na mga salaysay ay hindi tama, ang lahat ng relihiyon ay hindi tama.
    • Ang argumento ng pagkasiphayo na nagsasaad na kung hihingi o mananalangin ng tulong o proteksiyon sa diyos ng relihiyon, walang nangyayari sa panalanging ito kahit sinasabi ng mga relihiyong ito na ang diyos ay nangakong iingatan ang mga tagasunod nito (halimbawa tignan ang Mateo 7:7, Hebreo 13:5, Deut 31:6, Surah 47:7). Kahit sa kabila ng mga pananalangin/pagdarasal at pagsamo ng mga deboto/tagasunod ng mga relihiyong ito, marami pa ring mga Kristiyano at mga Muslim ang namamatay sa mga karamdaman gaya ng kanser at atake sa puso, mga natural na kalamidad, mga pagdurusa, mga aksidente at iba pang mga problema at panganib. Ang mga bata at sanggol ay dumaranas rin ng kamatayan dahil sa kagutuman sa iba't ibang panig ng mundo.[30]
  • Argumento mula sa parsimonya - Ang argumento na gumagamit ng Occam's razor at nagsasaad na dahil ang mga natural (hindi supernatural) na mga teoriya ay sapat na naipapaliwanag ang pagkakalikha ng isang relihiyon at ang paniniwala sa mga diyos, ang aktiwal na pag-iral ng gayong mga supernatural na ahente ay malabis at dapat itakwil malibang mapatunayang kailangan upang maipaliwanag ang phenomenon na ito.
  • Agumento ng analohiya ng tsarera (teapot) ni Russel na nangangatwirang ang bigat ng pagpapatunay (burden of proof) ng pag-aangking may diyos ay nasa mga teista (naniniwala sa diyos) sa halip na sa mga ateista.

Distribusyon ng paniniwala sa diyos

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Mapa ng pagiging relihiyoso ng mga bansa ayon sa survey ng The Gallup Organization.
Ang persentahe ng populasyon sa mga bansang Europeo na tumugon sa survey noong 2005 ng paniniwala sa diyos. Ang mga bansang Romano Katoliko (Poland, Portugal etc), Silangang Ortodokso (Gresya, Romania, Cyprus etc) o Muslim (Turkey, Cyprus) ay may pinakamataas na persentahe ng populasyon na may paniniwala sa diyos.

Ang tinatayang kinabibilangang mga relihiyon ng populasyon ng daigdig ay: 33% sa Kristiyanismo, 20% sa Islam, kaunti sa 1% sa Hudaismo, 6% sa Budismo, 13% sa Hinduismo, 6% sa tradisyonal na relihiyong Tsino at 7% sa iba't ibang mga relihiyon.[31] Ang karamihan ng mga relihiyong ito ay naniniwala sa isang diyos o mga diyos. Ang 15% ay hindi relihiyoso. Ang isang pandaigdigang poll noong 2012 ay nag-ulat na ang 59% ng populasyon ng daigdig ay relihiyoso, ang 23% ay hindi relihiyoso at ang 13% ay mga ateista.[32] Ayon sa isang poll, ang mga bansang may pinakamataas na populasyon ng mga ateista ang Tsina, Hapon, Czech Republic, Pransiya at Alemanya.[33] Ang mga bansang may pinakamataas na populasyon ng mga relihiyoso ang Ghana, Nigeria, Armenia, Fiji, Macedonia, Romania at Iraq.[33] Sa poll ng mga relihiyon, ang mga Hudyo ang pinaka hindi relihiyoso. Ang tanging 38% lamang ng populasyong Hudyo sa daigdig ang tumuturing sa kanilang mga sarili na relihiyoso samantalang ang 54% ng populasyong Hudyo sa daigdig ay hindi-relihiyoso.[33] Sa paghahambing, ang 97% ng mga Budista, 83% ng mga Protestante at 74% ng mga Muslim ay tumuturing sa kanilang relihiyoso.[33] Ayon sa isang pag-aaral, ang Pilipinas ay nangunguna sa daigdig sa pinakamaraming populasyon (94%) na naniniwala sa diyos.[34] Sa Israel, ang mga 50% ng mga Israeli na ipinanganak na mga Hudyo (sa etnisidad) ay tumuturing sa kanilang mga sarili na sekular o hilonim (hindi relihiyoso). Ang bilang ng mga atheista at agnostiko sa Israel ay mula 15% hanggang 37%. Ang mga ateistang Hudyo ang mga ipinanganak na Hudyo sa etnisidad ngunit naging mga ateista.[35]

Sinaunang relihiyon at paniniwala sa diyos

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pinakamaagang ebidensiya ng mga ideyang relihiyoso ay mula sa ilang mga daang libong taong nakakalipas hanggang sa mga panahong Gitna at Mababang Paleolitiko. Tinutukoy ng mga arkeologo ang maliwanag na mga intensiyonal na libingan ng mga sinaunang homo sapiens (hindi modernong homo sapiens) mula sa 300,000 BCE bilang ebidensiya ng mga ideyang relihiyoso. Ang ibang mga ebidensiya ng ideyang relihiyoso ay kinabibilangan ng mga simbolikong artipakto mula sa Gitnang Panahong Bato sa mga lugar sa Aprika. Gayunpaman, ang interpretasyon ng mga artipaktong ito sa mga ideyang relihiyoso ay nananatiling kontrobersiyal. Ang mga ebidensiyang arkeolohikal sa mas kamakailang mga panahon ay hindi kontrobersiyal. Ang pinakamaagang hindi pinagtatalunang ebidensiya ng intensiyonal na libingan ay mula 130,000 BCE kung saan ang mga neanderthal ay naglibing ng kanilang mga namatay sa mga lugar gaya ng Krapina at Croatia.[36] Ang isang bilang ng mga artipakto mula sa Itaas na Paleolitiko (50,000-13,000 BCE) ay pinaniniwalaan ng mga arkeologo bilang kumakatawan sa mga ideyang relihiyoso. Ang halimbawa ng mga artipaktong ito ay kinabibilangan ng taong leon, mga pigurinang Venus, mga pinta sa kweba mula sa Kwebang Chauvet at ang detalyadong libingang ritwal sa Sungir. Ang pinakamaagang alam na paglibing ng isang shaman ay mula 30,000 BCE.[37]

Diyosa ng panahong Neolitiko na nakaupo sa trono na natagpuan sa Çatalhöyük.

Ang organisadong relihiyon gaya ng mga relihiyon sa kasalukuyan ay nag-ugat sa rebolusyong Neolitiko ca. 11,000 BCE sa Malapit na Silangan. Ang tinahanang lugar ng Çatalhöyük, Anatolia, Turkey sa panahong Neolitiko ay tinahanan ng mga 8,000 katao. Ito ay pinaniniwalaang ang espiritwal na sentro ng Anatolia.[38]

Ang kapansing pansing katangian ng lugar na ito ang mga pigurinang babae nito na kumakatawan sa babaeng diyosa ng uring inang diyosa. Bagaman ang mga diyos na lalake ay umiiral rin, ang mga estatwa ng diyosang babae ay mas marami sa diyos na lalake.[39] Ang mga pigurinang ito ay pangunahing natagpuan sa mga lugar ng Mellaart na pinaniniwalaang mga dambana. Ang isang pigurinang diyosa na nakaupo sa trono ay natagpuan sa isang lalagyan ng butil na nagmumungkahing ito ay paraan ng pagsisiguro ng pag-aani o pagpoprotekta sa suplay ng pagkain. Noong mga 5500–4500 BCE, ang mga taong Proto-Indo-Europeo ay lumitaw sa loob ng steppe na Pontic Caspian at nagpaunlad ng relihiyon na nakapokus sa ideolohiya ng paghahandog. Ito ay nakaimpluwensiya sa mga inapo ng kulturang Indo-Europa sa buong Europa at sa subkontinenteng Indiyano. Noong mga 3750 BCE, ang mga taong Proto-Semitiko ay lumitaw na may pangkalahatang tinatanggap na urheimat sa peninsulang Arabyano. Ang mga Proto-Semitiko ay lumipat sa buong Malapit na Silangan tungo sa Mesopotamia, Ehipto, Ethiopia at silanganing Meditareneo. Ang relihiyon ng mga Proto-Semitiko ang nakaimpluwensiya sa mga inapo nitong kultura at pananampalataya kabilang ang mga kalaunang umunlad na Abrahamikong relihiyon (Hudaismo, Kristiyanismo at Islam). Noong mga 3000 BCE, ang Sumerian Cuneiform ay lumitaw mula sa proto-literadong panahong Uruk na pumayag sa kodipikasyon ng mga paniniwala at paglikha ng detalyadong mga record na relihiyoso. Ang mga organisadong relihiyon ay pinaniniwalaang lumitaw bilang paraan ng pagbibigay ng katatagang panlipunan at pang ekonomika sa malalaking populasyon sa pamamagitan ng sumusunod:

  • Ang organisadong relihiyon ay nagsisilbi upang pangatwiranan ang isang sentral na autoridad na nag-aangkin naman ng karapatan na kumolekta ng mga buwis kapalit ng pagbibigay ng mga serbisyong panlipunan at seguridad sa estado. Ang mga imperyo ng Sinaunang Ehipto at Mesopotamia ay mga teokrasya na may mga pinuno, hari at emperador na gumagampan ng dalawang mga papel na mga pinunong pampolitika at espiritwal.[40] Ang halos lahat ng mga lipunang estado at mga nasasakupan ng pinuno sa buong mundo ay may parehong mga istrukturang pampolitika kung saan ang autoridad na pampolitika ay pinangangatwiranan ng isang sanksiyon ng diyos.
  • Ang organisadong relihiyon ay lumitaw bilang paraan ng pagpapanatili ng kapayapaan sa pagitan ng mga hindi magkakaugnay o magkakamag-anak na indibidwal. Ito ay pinaniniwalaang nagbubuklod sa pagitan ng mga hindi magkaugnay na indibidwal na kung wala nito ay mas malamang na magkakaroon ng awayan. Ikinatwiran na ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga lipunang mangangaso ay pagpatay.[41]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2013-03-24. Nakuha noong 2013-04-11.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "A Universe from Nothing". Astronomical Society of the Pacific. Inarkibo mula sa orihinal noong 22 Oktubre 2013. Nakuha noong 10 Marso 2010.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link) by Alexei V. Filippenko and Jay M. Pasachoff
  3. Berman, Marcelo Samuel (2009). "On the Zero-energy Universe". International Journal of Theoretical Physics. International Journal of Theoretical Physics. 48 (11): 3278. arXiv:gr-qc/0605063. Bibcode:2009IJTP..tmp..162B. doi:10.1007/s10773-009-0125-8.{{cite journal}}: CS1 maint: bibcode (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "Will the Universe expand forever?". NASA. Nakuha noong 18 Oktubre 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Stenger, V.J. God: The Failed Hypothesis, Prometheus Books: New York, 2007, p. 124.
  6. http://www.nytimes.com/2012/02/21/science/space/cosmologists-try-to-explain-a-universe-springing-from-nothing.html
  7. Dawkins, Richard (1986). The Blind Watchmaker: Why the Evidence of Evolution Reveals a Universe without Design. Norton. p. 1. ISBN 978-0-393-31570-7. LCCN 96229669
  8. Fiesar, James (30 Hunyo 2011). "David Hume (1711–1776)". Internet Encyclopedia of Philosophy. Nakuha noong 24 Nobyembre 2011.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. https://plato.stanford.edu/entries/ontological-arguments/
  10. Gould, Stephen Jay (1998). "Clear Thinking in the Sciences". Lectures at Harvard University.
  11. Parkinson, G. H. R. (1988). An Encyclopedia of Philosophy. Taylor & Francis. ISBN 9780415003230.
  12. http://www.infidels.org/library/modern/michael_martin/martin-frame/tang.html
  13. Siddle, Ronald; Haddock, Gillian, Tarrier, Nicholas, Faragher, E.Brian (1 Marso 2002). "Religious delusions in patients admitted to hospital with schizophrenia". Social Psychiatry and Psychiatric Epidemiology. 37 (3): 130–138. doi:10.1007/s001270200005. PMID 11990010.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)
  14. Mohr, Sylvia; Borras, Laurence, Betrisey, Carine, Pierre-Yves, Brandt, Gilliéron, Christiane, Huguelet, Philippe (1 Hunyo 2010). "Delusions with Religious Content in Patients with Psychosis: How They Interact with Spiritual Coping". Psychiatry: Interpersonal and Biological Processes. 73 (2): 158–172. doi:10.1521/psyc.2010.73.2.158.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link) CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link)
  15. Suhail, Kausar; Ghauri, Shabnam (1 Abril 2010). "Phenomenology of delusions and hallucinations in schizophrenia by religious convictions". Mental Health, Religion & Culture. 13 (3): 245–259. doi:10.1080/13674670903313722.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. http://news.bbc.co.uk/2/hi/middle_east/575168.stm
  17. http://www.abc.net.au/lateline/archives/s120784.htm
  18. Israel Finkelstein and Neil Asher Silberman, Free Press, New York, 2001, 385 pp., ISBN 0-684-86912-8
  19. http://www.nytimes.com/2007/04/03/world/africa/03exodus.html
  20. Criticism of the Quran
  21. Criticism of the Bible
  22. Criticism of the Book of Mormon
  23. List of atheists in science and technology
  24. http://www.nbcnews.com/id/47248389/ns/technology_and_science-science/t/atheists-more-motivated-compassion-faithful/#.UWTRExcqZOh
  25. Islamic view of miracles
  26. Hindu Milk Miracle
  27. Mishnah Ta'anit 3:8 Hebrew text at Mechon-Mamre Naka-arkibo 2010-06-13 sa Wayback Machine.
  28. The encyclopedia of Jewish myth, magic and mysticism, Geoffrey W. Dennis, p. 49
  29. Miracles of Gautama Buddha
  30. 18,000 children die every day of hunger, U.N. says, USA Today, 2007
  31. National Geographic Family Reference Atlas of the World p. 49
  32. "Global Index of Religiosity and Atheism" (PDF). WIN-Gallup International. 27 Hulyo 2012. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 9 Abril 2013. Nakuha noong 24 Agosto 2012.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  33. 33.0 33.1 33.2 33.3 http://www.haaretz.com/jewish-world/jewish-world-news/new-poll-shows-atheism-on-rise-with-jews-found-to-be-least-religious-1.459477
  34. "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-04-26. Nakuha noong 2012-04-26.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  35. en:Jewish atheism
  36. "When Burial Begins". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-06-02. Nakuha noong 2012-11-08.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  37. Tedlock, Barbara. 2005. The Woman in the Shaman's Body: Reclaiming the Feminine in Religion and Medicine. New York: Bantam.
  38. Balter, Michael (2005). "The Dorak Affair". The Goddess and the Bull: Catalhöyük: An Archaeological Journey to the Dawn of Civilization. ISBN 0-7432-4360-9. {{cite book}}: Unknown parameter |chapterurl= ignored (|chapter-url= suggested) (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  39. Mellaart, James (1967). Catal Huyuk: A Neolithic Town in Anatolia. McGraw-Hill. pp. 181.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  40. Shermer, Michael. The Science of Good and Evil. ISBN 0-8050-7520-8.
  41. Diamond, Jared. "chapter 14, From Egalitarianism to Kleptocracy, The e". Guns Germs and Steel. ISBN 0-393-03891-2.