Pumunta sa nilalaman

Wikang Ingles

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa English Language)
Ingles
English
Bigkas /ˈɪŋɡlɪʃ/[1]
RehiyonOrihinal sa Britanya
ngayo'y malawakan (tingnan sa bandang ibaba ang distribusyong pangheograpiko)
Mga natibong tagapagsalita
360–400 milyon (2006)[2]
Nagsasalitang L2: 400 milyon;
bilang wikang pangdayuhan: 600–700 milyon[2]
Indo-Europeo
  • Hermaniko
    • Kanlurang Hermaniko
      • Anglo-Priso
        • Angliko
          • Ingles
            English
Mga sinaunang anyo
Lumang Ingles
  • Gitnang Ingles
    • Maagang Makabagong Ingles
Alpabetong Latin (English alphabet)
English Braille, Pinag-isang English Braille
Manually coded English
(multiple systems)
Opisyal na katayuan
67 bansa
27 di-soberanong entidad
Mga kodigong pangwika
ISO 639-1en
ISO 639-2eng
ISO 639-3eng
Glottologstan1293
Linguasphere52-ABA
  Mga bansa ng daigdig kung saan pangmaramihang katutubong wika ang Ingles;  Australia,  New Zealand,  United States,  Ireland,  United Kingdom &  Canada
  Mga bansa kung saan opisyal ang Ingles ngunit hindi pangmaramihang katutubong wika; Nalalabing kontinente sa Aprika,  Bhutan, Guyana  Guyana,  India,  Pakistan,  Papua New Guinea &  Philippines
Naglalaman ang artikulong ito ng mga simbolong ponetiko ng IPA Posible po kayong makakita ng mga tandang pananong, kahon, o iba pang mga simbolo imbes ng mga karakter ng Unicode dahil sa kakulangan ng suporta sa pag-render sa mga ito. Para sa isang panimulang gabay sa mga simbolong IPA, tingnan ang en:Help:IPA.
Wikipedia
Wikipedia
Edisyon ng Wikipedia sa Wikang Ingles

Ang Ingles o Inggles[3] ay isang Kanlurang Hermanikong wika na unang sinasalita sa maagang edad medyang Inglatera at kalaunang naging pandaigdigang lingguwa prangka.[4][5] Pinangalanan ito sa mga Anglo, isa sa mga Hermanikong tribo na naglipat sa pook ng Gran Britanya, bilang Inglatera. Nagmula ang dalawang pangalan mula sa Anglia, isang tangway sa Dagat Baltiko. Malapit ang wika sa Prisyo at Mababang Sakson, at naimpluwensyahan nang todo ang kanyang talasalitaan ng mga ibang wikang Hermaniko, lalo na sa Nordiko (isang Hilagang wikang Hermaniko), at higit na sa Latin at Pranses.[6]

Nalinang ang wikang Ingles sa nakalipas na higit sa 1,400 taon. Ang mga unang anyo ng Ingles, isang pangkat ng mga diyalektong Kanlurang Hermaniko (Ingaeboniko) na dinala sa Gran Britanya ng mga Anglo-Sakson noong ika-5 siglo, sa kabuuan ay tinatawag na Lumang Ingles. Nagsimula ang Gitnang Ingles sa huling bahagi ng ika-11 siglo noong pananakop ng Normando ng Inglatera; naging panahon ito kung kailan naimpluwensyahan ang wika ng Pranses.[7] Nagsimula ang Maagang Makabagong Ingles sa huling bahagi ng ika-15 siglo noong pagpapakilala ng palimbagan sa Londres, paglilimbag ng Bibliyang Haring Jacobo at simula ng Dakilang Pagbago ng Patinig.[8]

Kumakalat ang Makabagong Ingles sa buong mundo mula noong ika-17 siglo sa pamamagitan ng pandaigdigang impluwensya ng Imperyong Britaniko at ng Estados Unidos. Sa pamamagitan ng mga nalimag at elektronikong midya ng dalawang bansa, ang Ingles ay naging pangunahing wika ng pandaigdigang diskurso at ang lingguwa prangka sa maramihang rehiyon at kontekstong propesyonal tulad ng agham, paglalayag at batas.[9]

Ang wikang Ingles ay ang pinakamalaking wika ayon sa bilang ng nananalita,[10] at ang pangatlong pinakasinasalitang katutubong wika sa buong mundo, pagkatapos ng wikang Mandarin at Kastila.[11] Ito rin ang pinakapinag-aaralan na pangalawang wika at wikang opisyal o isa sa mga wikang opisyal sa halos 60 soberanong estado. Mas marami ang taong nag-aaral nito bilang pangalawang wika kaysa sa mga katutubong salita. Tinatanya na may higit sa 2 bilyong nananalita ng Ingles.[12] Ang Ingles ay katutubong wika ng karamihan sa Estados Unidos, Reyno Unido, Canada, Australya, Bagong Silandya at sa Republika ng Irlanda, at malawakan ang pananalita nito sa mga iilang bahagi ng Karibe, Aprika at Timog Asya.[13] Ito rin ay wikang ko-opisyal ng mga Nagkakaisang Bansa, Unyong Europeo at sa marami pang pandaigdigan at rehiyonal na organisasyong internasyonal. Ito ang pinakanananalitang wikang Hermaniko na nananagot sa hindi bababa sa 70% ng nananalita nitong Indo-Europeong sangay. Napakalawak ang talasalitaan ang Ingles, ngunit imposibleng bilangin kung iilan talaga ang salita sa anumang wika.[14][15] "Anglopono" ang tawag sa mga nananalita ng Ingles.

Ang bararila ng Makabagong Ingles ay resulta ng unti-unting pagbabago mula sa tipikal na Indo-Europeong huwaran ng disarilining pagmamarka na sabaylong palaturingan at medyo malayang pagkakasunud-sunod ng mga salita, patungo sa halos suriing huwaran na halos walang sabaylo, medyo nakaayos na pagkakasunud-sunod ng paksa–pandiwa–layon at kumplikadong saugnay.[16] Mas nananalig ang Makabagong Ingles sa mga pandiwang pantulong at pagkakaayos ng salita para sa pagpapahayag ng kumplikadong panahunan, aspeto at panagano, pati na rin sa mga balintiyak na konstruksyon, pananong at iilang pananggi. Ang baryasyon sa mga punto at diyalekto ng Ingles na ginagamit sa mga iba't ibang bansa at rehiyon—sa palatinigan at ponolohiya, at minsan sa talasalitaan, bararila, at pagbaybay—ay kadalasang naiintindihan ng mga nananalita ng mga ibang diyalekto, ngunit sa mga sukdulang kaso ay maaaring humantong sa pagkakalito o walang pagkakaunawa sa isa't isa sa mga nananalita ng Ingles.

Proto-Hermaniko patungo sa Lumang Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang umpisa sa panulaang epiko sa Lumang Ingles Beowulf, nakasulat-kamay sa sulating kalahating-unsyal: Hƿæt ƿē Gārde/na ingēar dagum þēod cyninga / þrym ge frunon..."Makinig! Narinig naming mga Spear-Danes mula sa mga araw ng unang panahon ang kaluwalhatian ng mga katutubong-hari..."

Ang unang anyo ng Ingles ay tinatawag na Lumang Ingles o Anglo-Sakson (s. 550–1066 PK). Nalinang ang Lumang Ingles mula sa mga iba't ibang diyalektong Ingaeboniko na orihinal na sinalita sa mga baybayin ng Prisya, Mababang Saksonya, Jutland, at Timog Suwesya sa pamamagitan ng mga Hermanikong tribo na kilala bilang mga Anglo, Sakson, at Yute. Mula noong ika-5 siglo PK, ang mga Anglo-Sakson ay tumira sa Britanya habang bumagsak ang Romanong ekonomiya at administrasyon. Noong pagsapit ng ika-7 siglo, ang wikang Hermaniko ng mga Anglo-Sakson ang nangibabaw sa Britanya at pumalit sa mga wika ng Romanong Britanya (43–409 PK): Karaniwang Britaniko, isang wikang Seltiko, at Latin na dinala ng Roman occupation sa Britanya.[17][18][19] Pinangalanan ang Inglatera (England) at Ingles (English) (dating Ænglaland at Ænglisc) sa mga Anglo.[20]

Nakahiwalay ang Lumang Ingles sa apat na diyalekto: mga diyalektong Anglo (Mersyano at Nortumbrio) at mga diyalektong Sakson, Kentiko at Kanlurang Sakson.[21] Sa pamamagitan ng mga reporma sa edukasyon ni Haring Alfredo at ng impluwensya ng kaharian ng Wessex, naging pamantayang uri sa pagsusulat ang diyalektong Kanlurang Sakson.[22] Nakasulat sa Kanlurang Sakson ang panulaang epiko ng Beowulf, at ang unang tula sa Ingles, Himno ni Cædmon, ay nakasulat sa Nortumbrio.[23] Nalinang ang makabagong Ingles sa Mersyano, ngunit nalinang ang wikang Eskoses sa Nortumbio. Nakasulat ang iilang maikling inskripsyon mula sa unang bahagi ng Lumang Ingles sa sulat-runiko.[24] Noong ika-6 na siglo, ginamit ang alpabetong Latin na sinulat na may kalahating-unsyal na hugis ng titik. Isinama rito ang mga runikong titik wynnƿ⟩ at thornþ⟩, at ang binagong titik mula sa Latin ethð⟩, at ashæ⟩.[24][25]

Napakaiba ang Lumang Ingles kumpara sa Makabagong Ingles, at mahihirapan sa pag-iintindi nito ang mga nanalita ng Ingles sa ika-21 siglo. Magkahawig ang kanyang bararila sa makabagong Aleman, at ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay Lumang Prisyano. Mas marami ang sabaylong pangwakas at anyo ng mga pangngalan, pang-uri, panghalip, at pandiwa, at mas malaya ang pagkakayos ng mga salita kaysa sa Makabagong Ingles. May mga anyo ng kaukulan ang Makabagong Ingles sa panghalip (he, him, his) at may mga kaunting sabaylo sa pandiwa (speak, speaks, speaking, spoke, spoken), ngunit may sabaylong pangwakas din sa mga pangngalan ang Lumang Ingles, at mas maraming pangwakas pantao at pambilang ang mga pandiwa.[26][27][28]

Nagpapakita ng halimbawa ang pagsasalinwika ng Mateo 8:20 mula noong 1000 PK ng sabaylong pangwakas (palagyong pangmaramihan, akusatibong pangmaramihan, paaring isahan) at pangwakas ng pandiwa (kasalukuyang pangmaramihan):

Foxas habbað holu and heofonan fuglas nest
Fox-as habb-að hol-u and heofon-an fugl-as nest-∅
fox-PGY.PM have-KKY.PM hole-AKT.PM and heaven-PRI.IH bird-PGY.PM nest-AKT.PM
"Foxes have holes and the birds of heaven nests"[29]

Gitnang Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Englischmen þeyz hy hadde fram þe bygynnyng þre manner speche, Souþeron, Northeron, and Myddel speche in þe myddel of þe lond, ... Noþeles by comyxstion and mellyng, furst wiþ Danes, and afterward wiþ Normans, in menye þe contray longage ys asperyed, and som vseþ strange wlaffyng, chyteryng, harryng, and garryng grisbytting.

Ngunit, mula sa simula, ang mga Ingles ay may tatlong pamamaraan ng pagsasalita, tagatimog, tagahilaga, at tagagitna sa gitna ng bansa, ... Gayunpaman, sa pamamagitan ng paghahalubilo at paghahalo, una sa mga Danes at pagkatapos sa mga Normando, sa gitna ng marami lumitaw ang wika ng bansa, at ginagamit ng ilan ang kakaibang utal, daldal, angil, at nakangingilong pagngangalit.

John ng Trevisa, s. 1385[30]

Mula ika-8 hanggang ika-12 siglo, unti-unting nagbago ang Lumang Ingles sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa wika patungo sa Gitnang Ingles. Kadalasang pinepetsahan ang simula ng Gitnang Ingles sa pananakop ng Inglatera ni Guillermo ang Mananakop noong 1066, ngunit pinasulong pa ito sa panahon mula 1200–1450.

Una, dahil sa mga bugso ng pananakop ng mga Nordiko ng hilagang bahagi ng Kapuluang Britaniko noong ika-8 at ika-9 na siglo, nagkaroon ng matinding pakikipag-ugnayan ang Lumang Ingles sa Lumang Nordiko, isang wikang Hilagang Hermaniko. Pinakamalakas ang impluwensyang Nordiko sa mga hilaga-silangang uri ng Lumang Ingles na sinalita sa pook ng Danelaw sa paligid ng York, ang naging sentro ng pananakop ng Nordiko; sa kasalukuyan makikita pa rin ang mga katangian nito sa Skots at Hilagang Ingles. Gayunman, ang naging sentro ng norsipikadong Ingles ay sa mga Gitnang Lupa sa paligid ng Lindsey, at pagkatapos ng 920 PK kung kailan isinama muli ang Lindsey sa estadong Anglo-Sakson, kumalat ang mga katangiang Nordiko mula roon sa mga uri ng Ingles na hindi nakapag-ugnayan nang direkta sa mga nananalita ng Nordiko. Isang elemento ng impluwensyang Nordiko na nanatili sa lahat ng uri ng Ingles ngayon ang pangkat ng mga panghalip na nagsisimula sa th- (they, them, their) na pumalit sa mga Anglo-Saksong panghalip na may h- (hie, him, hera).[31]

Noong Normandong pananakop ng Inglatera sa 1066, napasailalim ang norsipikadong wika, Lumang Ingles, sa pakikipag-ugnayan sa wikang Lumang Normando, isang wikang Romanse na malapit na kamag-anak sa Makabagong Pranses. Sa kalaunan, ang wikang Normando sa Inglatera ay naging Anglo-Normando. Sapagkat pangunahing sinasalita ang Normando ng mga kapilitan at maharlika, habang nagpatuloy ang pagsasalita ng Anglo-Sakson sa mga mas nakabababang uri, ang pangunahing impluwensya ng Normando ay ang pagbibigay ng mararaming salitang hiram ukol sa pulitika, batas, at mga prestihiyosong larangan ng lipunan.[32] Pinayak din ng Gitnang Ingles ang sistemang sabaylo, marahil para pagtugmain ang Lumang Nordiko at Lumang Ingles na iiba sa sabaylo ngunit pareho sa palaturingan. Nawala ang pagkakaiba ng kaukulang palagyo at akusatibo maliban sa mga panghalip panao, inalis ang kaukulang makasangkapan, at naging limitado ang paggamit ng kaukulang paari sa pagtukoy ng pag-aari. Ginawang regular ng sistemang sabaylo ang mararaming iregular na anyong sabaylo,[33] at unti-unting pinayak ang sistema ng pagkakasundo, at tumatag ang pagkakaayos ng mga salita.[34] Sa Bibliyang Wycliffe ng dekada 1380, isinulat ang taludtd Mateo 8:20 bilang:

Foxis han dennes, and briddis of heuene han nestis[35]

Dito nananatili pa rin ang pangmaramihang hulapi -n sa pandiwang have, pero walang makikitang kaukulang pangwakas sa mga pangngalan. Noong pagsapit ng ika-12 siglo, ganap na nalinang ang Gitnang Ingles na nakapagsama ng mga katangiang Nordiko at Normando; patuloy na sinalita ito hanggang sa pagdating ng maagang Makabagong Ingles noong 1500. Kabilang sa panitikan ng Gitnang Ingles ang The Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer, at Le Morte d'Arthur ni Malory. Noong panahon ng Gitnang Ingles, lumaganap ang mga diyalektong rehiyonal sa pagsulat, at ginamit ang mga katangian ng mga diyalekto para sa epekto ng mga may-akda tulad ni Chaucer.[36]

Maagang Makabagong Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Maliwanag na paglalarawan ng Dakilang Pagbabago ng Patinig, na nagpapakita kung paano ang unti-unting pagbabago ng mga patinig, kung saan naging diptonggo ang mga mataas na patinig i: at u: at nagbago ang pagbigkas ng bawat mababang patinig nang isang antas

Ang susunod na panahon sa kasaysayan ng Ingles ay Maagang Makabagong Ingles (1500–1700). Kakikitaan ang Maagang Makabagong Ingles ng Dakilang Pagbabago ng Patinig (1350–1700), pagpapayak ng sabaylo, at lingguwistikong sapamantayan.

Inapekto ng Dakilang Pagbabago ng Patinig ang mga diniin na mahabang patinig ng Gitnang Ingles. Ito ay naging kawingang pagbabago, at ibig sabihi'y nag-udyok ang bawat pagbabago ng kasunod na pagbabago sa sistema ng patinig. Itinaas ang mga gitna at bukas na patinig, at binali ang mga saradong patinig para maging diptonggo. Halimbawa ang salitang bite ("kagat") ay dating binibigkas parang ang salitang beet ("rimulatsa") ngayon, at ang ikalawang patinig sa salitang about ("tungkol") ay binigkas tulad ng salitang boot ("bota") ngayon. Ipinapaliwanag ng Dakilang Pagbabago ng Patinig ang maraming iregularidad sa pagbaybay dahil pinanatili ng Ingles ang mararaming baybay mula sa Gitnang Ingles, at ipinapaliwanag din nito kung bakit napakaiba ang pagbigkas ng mga patinig sa Ingles kumpara sa mga parehas na titik sa mga ibang wika.[37][38]

Nagsimulang tumaas sa prestihiyo ng Ingles, kaugnay sa Normandong Pranses, noong paghahari ni Enrique V. Noong mga 1430, nagsimulang gumamit ang Korte ng Kansilyerya sa Westminster ng Ingles sa kanyang opisyal na dokumento, at ang isang bagong anyo ng Gitnang Ingles, kilala bilang Pamantayang Kansilyeriya, ay nilinang mula sa mga diyalekto ng Londres at Silangang Midlands. Noong 1476, ipinakilala ni William Caxton ang palimbagan sa Inglatera at nagsimulang maglathala ng mga unang nalimbag na aklat sa Londres, na nagpalago ng impluwensya ng ganitong anyo ng Ingles.[39] Kabilang sa mga panitikan sa Maagang Makabagong panahon ang mga gawa ni William Shakespeare at ang salinwika ng Bibliya na inatasan ni Haring Jacobo I. Kahit matapos ang pagbabago ng patinig, magkaiba pa rin ang wika mula sa Makabagong Ingles: halimbawa, binigkas pa rin ang mga kumpol-katinig /kn ɡn sw/ sa knight ("kabalyero"), gnat ("niknik"), at sword ("espada"). Kumakatawan sa mga natatanging katangian ng Maagang Makabagong Ingles ang karamihan ng mga tampok-bararila na maaaring ipalagay ng makabagong mambabasa ng Shakespeare bilang kakatwa o makaluma.[40]

Sa 1611 King James Version ng Bibliya, na nakasulat sa Maagang Makabagong Ingles, sinasabi ng Matthew 8:20 ang:

The Foxes haue holes and the birds of the ayre haue nests[29]

Ipinapakita nito ang pagkawala ng kaukulan at ang kanyang epekto sa pag-aayos ng pangungusap (pagpapalit sa Paksa-Pandiwa-Layon na pag-ayos ng salita), at ang paggamit ng of sa halip ng di-paukol na paari), at ang pagpapakilala ng salitang hiram mula sa Pranses (ayre) at salitang kapalit (pinalit ng bird "ibon" na dating nangahulugang "inakay" had ang OE fugol).[29]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. OxfordLearner'sDictionary 2015, Entry: English - Pronunciation.
  2. 2.0 2.1 Crystal 2006, pp. 424–426.
  3. TagalogLang (2021-05-25). "INGLES o INGGLES... English in Filipino / Tagalog?". TAGALOG LANG (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-01-04.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Crystal 2003a, p. 6.
  5. Wardhaugh 2010, p. 55.
  6. Finkenstaedt, Thomas; Dieter Wolff (1973). Ordered profusion; studies in dictionaries and the English lexicon. C. Winter. ISBN 978-3-533-02253-4.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. Crystal 2003b, p. 30.
  8. "How English evolved into a global language". BBC. 20 Disyembre 2010. Nakuha noong 9 Agosto 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. The Routes of English.
  10. English sa Ethnologue (ika-22 ed., 2019)
  11. Ethnologue 2010.
  12. Crystal, David (2008). "Two thousand million?". English Today (sa wikang Ingles). 24 (1): 3–6. doi:10.1017/S0266078408000023. ISSN 0266-0784.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  13. Crystal 2003b, pp. 108–109.
  14. HowManyWords 2015.
  15. Algeo 1999.
  16. König 1994, p. 539.
  17. Collingwood & Myres 1936.
  18. Graddol, Leith & Swann et al. 2007.
  19. Blench & Spriggs 1999.
  20. Bosworth & Toller 1921.
  21. Campbell 1959, p. 4.
  22. Toon 1992, Chapter: Old English Dialects.
  23. Donoghue 2008.
  24. 24.0 24.1 Gneuss 2013, p. 23.
  25. Denison & Hogg 2006, pp. 30–31.
  26. Hogg 1992, Chapter 3. Phonology and Morphology.
  27. Smith 2009.
  28. Trask & Trask 2010.
  29. 29.0 29.1 29.2 Lass 2006, pp. 46–47.
  30. Hogg 2006, pp. 360–361.
  31. Thomason & Kaufman 1988, pp. 284–290.
  32. Svartvik & Leech 2006, p. 39.
  33. Lass 1992.
  34. Fischer & van der Wurff 2006, pp. 111–13.
  35. Wycliffe, John. "Bible" (PDF). Wesley NNU. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2017-02-02. Nakuha noong 2020-02-19.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  36. Horobin, Simon. "Chaucer's Middle English". The Open Access Companion to the Canterbury Tales. Louisiana State University. Nakuha noong 24 Nobyembre 2019. The only appearances of their and them in Chaucer's works are in the Reeve's Tale, where they form part of the Northern dialect spoken by the two Cambridge students, Aleyn and John, demonstrating that at this time they were still perceived to be Northernisms{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  37. Lass 2000.
  38. Görlach 1991, pp. 66–70.
  39. Nevalainen & Tieken-Boon van Ostade 2006, pp. 274–79.
  40. Cercignani 1981.

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]