Pumunta sa nilalaman

Fernando Amorsolo

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Fernando C. Amorsolo)

Fernando Amorsolo
Kapanganakan
Fernando Cueto Amorsolo

30 Mayo 1892
Kamatayan24 Abril 1972(1972-04-24) (edad 79)
NasyonalidadPilipino
LaranganPagpipinta
Pinag-aralan/KasanayanLiseo ng Maynila, Pamantasan ng Pilipinas, Akademya ng San Fernando
Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas

Sining Biswal
1972

Si Fernando Cueto Amorsolo (30 Mayo 1892 – 24 Abril 1972) ay isa sa mga pinakamahalagang artista ng sining sa Pilipinas.[1] Si Amorsolo ay pintor ng mga larawan ng mga tao at tanawing pambaryo ng Pilipinas. Kilala siya sa kaniyang pagiging malikhain at pagkadalubhasa sa paggamit ng liwanag sa aspeto ng sining. Ipinanganak sa Paco, Maynila, nakatapos siya ng pag-aaral mula sa Paaralang Pansining ng Liseo ng Maynila noong 1909.[2][3]

Bagaman nakapaglakbay sa ibang mga bansa, kung saan namulat ang mga mata ni Amorsolo sa mga dayuhang pamamaraan ng pagguhit at pagpinta, naging adhikain niya ang makalikha ng mga larawang makabayan at puno ng kasaysayan.[4] Sa panahon man ng kapayapaan o digmaan,[5] nanatili ang diwang ito sa isipan ni Amorsolo, na nagbunga naman ng mga dibuhong may pagpapahalaga sa paghubog, pag-unlad, at pagtatala ng tunay at natatanging katauhan, ngiti, damdamin at kaluluwa ng mga mamamayang Pilipino.[6][7] Dahil sa mga gawa at gawain ng kaniyang malikhaing mga kamay, sa tulong ng pinsel at pintura, tinagurian si Amorsolo bilang unang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas.[1]

Kabataan at edukasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Isinilang si Fernando Amorsolo noong 30 Mayo 1892 sa Paco, Maynila kina Pedro Amorsolo, isang tenedor de libro, at Bonifacia Cueto.[3][4] Lumaki si Amorsolo sa Daet, Camarines Norte, kung saan nakapag-aral siya sa isang paaralang pampubliko at tinuruang bumasa at sumulat ng wikang Kastila sa bahay.[6] Pagkaraang mamamatay ng kaniyang ama, lumipat si Amorsolo at ang kaniyang pamilya sa Maynila upang manirahan kasama ni Don Fabian de la Rosa, ang pinsan ng kaniyang ina at isang pintor sa Pilipinas.[4] Sa gulang na 13, naging katulong si Amorsolo ni De la Rosa. Sa kalaunan, si De la Rosa ang magiging tagapag-udyok at gabay ni Amorsolo sa karera at sining ng pagpipinta.[4] Nang mga panahong iyon, nanahi ang ina ni Amorsolo para kumita ng salapi, habang tumutulong naman si Amorsolo sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga kinulayang tarhetang pangkoreo na nagkakahalagang sampung sentimo bawat isa.[4] Pintor din si Pablo, ang kapatid ni Amorsolo.[4]

Dumating ang unang tagumpay ni Amorsolo bilang pintor noong 1908, nang ang kaniyang larawang Levendo Periodico ay tumanggap ng ikalawang premyo sa Bazar Escolta, isang patimpalak na isinagawa Asociación Internacional de Artistas (Samahang Pandaigdigan ng mga Artista).[6] Sa pagitan ng 1909 at 1914, nag-aral si Amorsolo sa Paaralan ng Sining ng Liseo ng Maynila, kung saan tumanggap siya ng maraming mga parangal dahil sa kaniyang mga larawang iginuhit.[4]

Pagkaraang magtapos mula sa Liseo, nag-aral si Amorsolo sa Paaralan ng Pinong Sining ng Pamantasan ng Pilipinas, kung saan nagtatrabaho si Dela Rosa.[4] Habang nag-aaral sa kolehiyo, ang mga pangunahing impluwensiya kay Fernando Amorsolo ay ang mga pintor na sina Diego Velazquez, John Singer Sargent, Anders Zorn, Joaquín Sorolla y Bastida, Claude Monet, Pierre-Auguste Renoir, at Ignacio Zuloaga.[8] Habang nag-aaral sa Liceo, itinuturing na ang isa sa pinakanatatanging gawa ni Amorsolo ay ang larawan ng isang binata at ng isang dalaga na nasa isang hardin, na ikinapanalo niya ng isang gantimpala nang magkaroon ng isang ekshibisyon ng sining sa paaralan bago siya magtapos at magkamit ng diploma.[6] Upang kumita ng salapi, sumali si Amorsolo sa mga paligsahan at gumawa rin siya ng mga guhit para sa mga palimbagan sa Pilipinas,[9] kabilang ang isang larawan para sa pabalat ng pinakunang nobelang isinulat ni Severino Reyes sa wikang Tagalog, na ang Parusa ng Diyos. Gumuhit din siya ng larawan para sa Madaling Araw ni Iñigo Ed. Regalado,[10] at para sa mga aklat ng Pasyon.[10] Nagtapos si Amorsolo mula sa Pamantasan ng Pilipinas noong 1914, na nakatanggap ng maraming mga medalya.[4]

Si Amorsolo sa kanyang studio

Pagkaraang makatapos si Amorsolo ng pag-aaral mula sa Pamantasan ng Pilipinas, naglingkod siya bilang isang dibuhista para sa Kawanihan ng mga Pagawaing Bayan, bilang punong artista ng sining sa Pacific Commercial Company, at bilang isang guro sa Pamantasan ng Pilipinas (kung saan nagtrabaho siya ng may 38 mga taon).[4] Pagkatapos magtrabaho bilang guro at artistang pangkumersiyal, nabigyan si Amorsolo ng kaloob upang makapag-aral sa Academia de San Fernando sa Madrid, Espanya, sa kagandahang-loob ng Pilipinong mangangalakal na si Enrique Zobel de Ayala.[4] Sa loob ng pitong buwan sa Espanya, gumuhit siya ng mga larawan habang nasa mga museo at mga kalye ng Madrid, para magsanay sa paggamit ng mga katangian ng liwanag at kulay.[3] Sa pamamagitan ng kaloob ni De Ayala, nakarating rin si Amorsolo sa Lungsod ng New York, kung saan nagkaroon siya ng kaalaman sa impresyonismo at kubismo, na magiging mga pangunahing impluho sa kaniyang mga gawa.

Sa pagbalik niya sa Maynila ay nagbukas siya ng sariling estudyo at puminta nang puminta sa kapanahunan ng mga dekada ng 1920 at 1930.[3] Ang Pagtatanim ng Palay (1922) ang unang mahalagang akdang-pinta niya, na lumitaw sa mga kartelon at mga babasahing pangturista, kaya't naging isa sa mga pinakakilalang larawan ng kapanahunan ng Pagsasamang-Yaman ng Pilipinas.[8] Sa simula ng dekada ng 1930, malawakang naitanghal ang mga gawa ni Amorsolo sa loob ng Pilipinas at maging sa ibang mga bansa.[8] Ang mga larawan niyang nagbibigay ng diwa ng pag-asa at makakabukiran ang nagsimula sa takbo at gawi ng mga pintahin sa Pilipinas bago dumating ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[11] Maliban sa mga larawang may mga madirilim na pangitain, na ipininta niya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, puminta si Amorsolo ng mga tahimik at payapang mga tagpuan sa kabuuan ng kaniyang larangang napili.[5]

Pinuntuhan si Amorsolo ng mga maimpluhong mga Pilipino na kabilang sina Luis Araneta, Antonia Araneta at Jorge B. Vargas.[12] Naging paboritong artistang pansining din si Amorsolo ng mga opisyal ng Estados Unidos at ng mga turista sa Pilipinas. Dahil sa kaniyang kabantugan, nangailan si Amorsolo na kuhanan ng mga litrato ang kaniyang mga gawa para idikit sa mga pahina ng isang talalarawanan. Sa pamamagitan ng album ng mga retrato, maaaring pumili ang bibili mula sa piliian ng kaniyang mga gawa. Hindi lumikha si Amorsolo ng mga ganap na magkakawangis na larawan; muli niyang nilikha ang mga larawan na binabago ang ibang mga bahagi ng mga ito.

Nang lumaon, lumitaw ang mga gawa ni Amorsolo sa mga pabalat at pahina ng mga araling-aklat na pambata, sa mga nobela, sa mga disenyong pampatalastas, sa mga akdang may guhit-larawan at mga magasin sa Pilipinas katulad ng The Independent, Philippine Magazine, Telembang, Renacimiento Filipino, at Excelsior.[8] Siya ang tagapangasiwa sa Kolehiyo ng mga Pinong Sining sa Pamantasan ng Pilipinas mula 1938 hanggang 1952.

Ang libingan ni Fernando Amorsolo sa Lungsod ng Marikina.

Noong mga dekada ng 1950 hanggang sa kaniyang pagyao noong 1972, karaniwang nakatatapos ng sampung larawang ipininta si Amorsolo bawat buwan..[13] Subalit, noong mga huling taon niya, naapektuhan ng diabetes, katarata, rayuma, pananakit ng ulo, pagkahilo at ng kamatayan ng dalawang anak ang pagsasagawa ng kaniyang mga gawa.[13] Napasailalim siya sa pagtatanggal ng katarata noong nasa gulang na 70, isang operasyon na hindi naging balakid sa kaniyang pagguhit at pagpinta.[6] Dalawang buwan matapos na maospital sa Pagamutan ni San Lukas sa Maynila,[12] namatay si Amorsolo dahil sa sakit sa puso noong ika-24 ng Abril, 1972 sa gulang na 79.[4]

Apat na araw makaraan ang kaniyang kamatayan, pinarangalan si Amorsolo bilang Pinakaunang Pambansang Artista para sa Pagpipinta ng Pilipinas sa Sentrong Pangkalinangan ng Pilipinas ni Ferdinand E. Marcos.[6]

Pansariling buhay

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa kaniyang kapanahunan, dalawang beses nakapag-asawa si Amorsolo at nagkaroon ng 14 na mga anak. Sa kanyang "commom law wife" ay nagkaruon naman siya ng 6 na anak.[1] Noong 1916, ikinasal siya kay Salud Jorge, kung kanino siya nagkaroon ng anim na supling. Namatay si Jorge noong 1931.[1] Nagkaruon din ng anim na anak si Amorsolo kay Virginia Guevarra Santos. Nagsama sila at nagkaruon ng tatlong supling na si Manuel (na sumunod sa kanyang mga yapak at nag aral ng Fine Arts sa University of the Philippines), si Jorge at Norma. Sa gitna ng kanilang pagsasama ay dumating sa buhay ni Amorsolo si Maria del Carmen Zaragoza. Isang araw nakita ni Virginia ang nakatagong "engagement ring" sa kahon ni Amorsolo. Alam niya ang intensiyon ni Maria, kaya't minabuti niya ng iniwan si Amorsolo; kasama ang kaniyang tatlong anak. Naging pangalawang asawa si Maria nuong 1935, at sila man ay nagkaroon nang walo pang mga anak. [1] Kabilang sa kaniyang mga anak na babae sina Sylvia Amorsolo Lazo at Luz Amorsolo. Nagkaruon pa din ng tatlo pang mga anak si Amorsolo kay Virginia, sina Benita, Rosalia at Ikoy. [2] Naging pintor din ang anim sa mga naging anak ni Amorsolo.[3] Malapit na kaibigan ni Amorsolo ang mang-uukit na si Guillermo Tolentino, ang lumikha ng bantayog para sa bayaning Pilipinong si Andres Bonifacio, na nasa Lungsod ng Caloocan.[4]

Mga estilo at pamamaraan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Mga kababaihan at mga tanawin

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kilalang-kilala si Amorsolo dahil sa kaniyang pagpinta ng mga kababaihan mula sa kabukiran at maging sa kaniyang mga maliliwanag na mga larawang may tanawin,[14] na karaniwang naglalarawan ng mga nakaugaliang gawi, gawain, kalinangan, pagdirawang, at hanap-buhay. Nagpakita ng "diwang may damdaming makabayan na kaiba sa pagkakaroon ng mga namamalakad na Amerikano" ang mga gawa niyang makakabukiran, na naging mahahalaga para sa paghubog ng pambansang katauhan ng Pilipino.[1]

Mga Namimitas ng Prutas sa Ilalim ng Puno ng Mangga

Natuto si Amorsolo mula sa isinaunang kaugalian at may adhikaing "makamit ang pagkakalikha niya ng isang Pilipinong katumbas ng huwarang hubog pantao ng mga Griyego."[7] Sa mga paglalarawan niya ng mga kababaihang Pilipino, tinanggihan ni Amorsolo ang mga huwarang Kanluranin ng kagandahan upang yakapin ang mga huwarang Pilipino.[15] at nakahiligan niyang gamiting batayan para sa mga mukha ng kaniyang mga paksa ang mga kasapi ng kaniyang mag-anak.[12] Kayumanggi, may banayad na kutis, may kabataan, maganda, at balingkinitan ang mga kababaihang karaniwang iginuguhit ni Amorsolo.[13] Sinabi ni Amorsolo na ang mga kababaihang ipininta niya ay kailangang may

bilugang mukha, hindi yung bilog-haba na karaniwang ipinapakita sa atin ng mga larawan sa mga pahayagan at babasahin. Dapat na ang mga mata ay sadyang may buhay, hindi mapungay at antukin na katangian ng isang Mongolian. Dapat na pulpol ang ilong ngunit matatag at madiin ang pagkakaguhit. ... kaya ang kagandahan ng babaeng Pilipina ay sadyang hindi nararapat na may puting balat, o madilim ang pagkakayumanggi katulad ng sa karaniwang Malay, subalit dapat na may maliwanag na kulay ng balat o sariwang uri ng kulay na palagian nating nakikita kapag nakakatagpo tayo ng isang namumulang mukha ng nahihiyang batang babae.[15]

Lavandera

Gumamit si Amorsolo ng likas na liwanag para sa kaniyang mga ipinintang larawan at pinaunlad ang paggamit ng pamamaraang pagpapakalat ng liwanag mula sa tanawing-panlikuran (ang pamamaraang likod-bigay-liwanag o backlighting technique), na naging tatak niyang pansining at pinakanatatanging handog sa larangan ng pagpipinta sa Pilipinas.[2][3][4] Sa isang karaniwang larawang ginawa ni Amorsolo, ang mga hubog ay nakabalangkas na napaliligiran ng makikilalang maaliwalas na pangingintab, at ng matinding liwanag sa isang bahagi ng mga pamukaw-pansin ng kanbas na malapit sa mga detalye.[3] Palagiang kasangkapan sa mga gawa ni Amorsolo ang sinag ng araw sa Pilipinas; pinaniniwalaang iisa lamang ang ipininta niyang may pangyayaring umuulan.[3]

Mga unang-hagod na guhit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Masipag kumatha si Amorsolo ng mga paunang larawang-guhit[15], na kadalasang ginagawa niya sa bahay, sa Liwasan ng Luneta, at sa mga kabukiran.[12] Iginuhit niya ang mga taong nasa paligid niya, mula sa mga magsasakang Pilipino hanggang sa mga taga-lungsod na nagbabata ng paghihirap sa ilalim ng mga lumusob na Hapones.[15] Makikita sa mga paunang larawang-guhit ni Amorsolo ang kaniyang gawi at kakayahan sa pagpinta ng mga larawang nakakikintal. Maaaninag ang kakayahan at gawing ito ni Amorsolo mula sa kaniyang mga larawang may pintura, kung saan ang mga wangis ng tao ay mga "mungkahi" lamang ng mga taong naipinta.[15]

Mga larawang pangkasaysayan at larawan ng mga tao

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Puminta rin si Amorsolo ng mga sunud-sunod na mga larawan na may mga paksa sa kasaysayan: bago dumating ang mg Kastila at mga kaganapan noong panahon ng mga Kastila. Nalimbag ang maraming mga kopya ng Making of the Philippine Flag (Ang Paggawa ng Bandila ng Pilipinas) ni Amorsolo. Nangailangan ng maraming detalyadong paunang-hagod na guhit at pag-aaral ng kulay ang mga bahagi ng The First Baptism in the Philippines (Ang Unang Pagbibinyag sa Pilipinas). Masinop at maingat na pinagtugma-tugma ng pintor ang mga bahagi nito bago inilipat sa panghuling kanbas. Para sa kaniyang mga larawang may mga kaganapan bago dumating ang mga dayuhang Kastila at noong ika-16 dantaon sa Pilipinas, bumatay si Amorsolo sa mga isinulat ni Antonio Pigafetta, iba pang mga mababasa at may mga larawang sanggunian. Humingi siya ng tulong mula sa mga dalubhasa sa Pilipinas noong mga panahong iyon, mula sa mga katulad nina H. Pardo de Tavera at Epifanio de los Santos.[5]

Pininta rin ni Amorsolo ang larawan ni Heneral Emilio Aguinaldo, mga pangulo ng Pilipinas, at iba pang mga kilalang Pilipino.

Mga gawa sa kapanahunan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matapos ang simula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga karaniwang paksa sa pagpipinta ni Amorsolo - ang buhay sa baryo - ay napalitan ng mga paglalarawan sa isang bansang nalugmok sa panahon ng digmaan.[16] Noong kapanahunan ng pamamalakad sa Pilipinas ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, araw-araw na namalagi si Amorsolo sa kaniyang bahay na malapit sa kampo ng mga Hapon, kung saan gumuhit siya ng mga unang-hagod na guhit mula sa bubungan o mga bintana ng kabahayan.[12]

Noong panahon ng digmaan, itinala ni Amorsolo - sa pamamagitan ng pagguhit - ang pagkawasak ng maraming mga mapagkakakilanlang mga pook sa Maynila[16], kasama ang pasakit, kasawian at kamatayang naranasan ng mga mamamayang Pilipino. Kabilang sa mga paksa niya ang mga "nagluluksang babae dahil sa pagkamatay ng kanilang mga asawa, ang prusisyon ng mga taong may tinutulak na mga kareta at may dalang mga buslo habang papaalis mula sa isang madilim at natutupok na lungsod, na nabahiran ng pula ng apoy at dugo."[5] Madalas na nilalarawan ni Amorsolo ang mga buhay at pasakit ng mga kababaihang Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig: kabilang sa kaniyang mga ipininta ang "mga inang tangan ang kanilang mga anak habang lumilikas sa mga nasusunog na mga" pook, "isang babaeng sinaksak ng isang sundalong Hapon habang tumatangis ang isang bata na nasa lupa", at "isang babaeng umiiyak sa ibabaw ng walang-buhay na katawan ng kaniyang anak na lalaki."[16] Kabilang sa iba pang mga larawang iginuhit ni Amorsolo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang larawan ni Heneral Douglas MacArthur, maging mga larawan ng mga sundalong Hapon.[3] Noong 1948, ang mga larawang ginuhit ni Amorsolo noong panahon ng digmaan ay itinanghal sa Palasyo ng Pangulo sa Malakanyang.[3]

Isang kinatawan ng mga ipinintang larawan ni Amorsolo noong panahon ng digmaan ang Defense of a Filipina Woman's Honor (Pagtatanggol sa Karangalan ng Babaeng Pilipino [1945]). Sa larawang ito, ipinagtatanggol ng isang lalaki ang kaniyang asawa o anak na babae upang hindi magahasa o mapatay ng isang hindi nakikitang sundalong Hapon. Ayon kay John Silva, ipinapahayag ng larawan ang "pagtanggi sa paniniil".[16]

Nagtatanim ng Palay

Ang mga gawa ni Amorsolo - na may mga paksang buhay-sa-kabukiran - ay itinuturing ng mga tagapagtangkilik ni Amorsolo bilang "tunay na paglalarawan ng kaluluwa ng mga Pilipino."[7]

Subalit, may mga tumutuya at nagsasabing nagpadala si Amorsolo sa takbo ng komersiyalismo, at gumagawa lamang siya ng mga larawang pang-alaala (mga souvenir) para sa mga sundalong Amerikano.[7] Noong 1948, isinulat ng manunuring si Francisco Arcellana na ang mga gawang larawan ni Amorsolo ay "walang masasabi" at hindi mahirap unawain sapagkat "wala namang dapat unawain."[7] Sinuri ng mga manunuri ang mga paglalarawan ni Amorsolo ng mga katauhan noong kapanahunan ng Magkakasamang-Yaman ng Pilipinas, ang may malaking bilang na mga gawain ni Amorsolo noong nasa mga gitnang-gulang pa lamang siya, at ang may malaking bilang na mga larawang pangkasaysayan.[7] Kaugnay ng huli, sinabi ng mga manunuri na ang "ugaling pansining ay sadyang hindi bagay sa pagpapasibol ng damdaming lubhang makaaantig at nauukol para sa ganiyang mga gawa."[7]

Subalit, may isang manunuri ang nagsabi na bagaman ang karamihan sa mga may sampung libong mga gawa ni Amorsolo ay hindi karapatdapat para sa isang katulad ni Amorsolo at sa kaniyang likas na kakayahang pansining, ipinagdiinan ng manunuring ito na mas nararapat lamang na husgahan si Amorsolo batay sa mga pinakamakahulugang obra niya imbis na batay sa mga pinakapangit o walang sapat na halaga.[7] Tinuturing na ang mga maliliit na larawang tanawin ni Amorsolo, lalo na yung nalikha noong nagsisimula pa lamang siya sa larangan ng pagpinta, bilang pinakamahahalagang mga gawa ni Amorsolo.[7] Maituturing si Amorsolo bilang isang dalubhasa sa pagpinta ng mga tanawin sa Pilipinas, isang dalubhasang higit pa kina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo na gumawa rin ng mga larawang tanawin ng Pilipinas na may katulad na mga sukat.[7]

Isang pook pang-alala para kay Fernando Amorsolo, malapit sa kaniyang libingan sa Lungsod ng Marikina.

Ang bilang ng mga ipininta at mga iginuhit na larawan ni Amorsolo ay pinaniniwalaang umabot sa higit sa 10,000 piraso. Isang mahalagang impluwensiya si Amorsolo sa pangkasalukuyang sining at mga artista ng sining sa Pilipinas, maging sa tinatawag na mga maka-Amorsolong pamamaraan ng pagpipinta.[7] Makikita ang impluho ni Amorsolo sa maraming mga larawang tanawin ng mga artistang Pilipino, kabilang ang mga naunang larawang tanawin ng pintor ng mga abstract - mga larawang walang tiyak na anyo - na si Federico Aguilar Alcuaz.[7]

Noong 2003, itinatag ng mga anak ni Amorsolo ang Fernando C. Amorsolo Art Foundation, na nakatalaga para sa pagpapanatili ng pamana ni Fernando Amorsolo sa larangan ng sining sa pamamagitan ng pagpapamudmod ng estilo at pananaw ni Amorsolo, at sa pagpapanatili ng pamanang pambansa sa pamamagitan ng pagsagip at pagpapakilala ng mga gawa ni Amorsolo.[17]

Mga guhit ni Amorsolo sa larangan ng kalakalan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa isang subasta sa Wellesley, Massachusetts noong 2001, dalawang orihinal na mga larawang iginuhit ni Amorsolo noong dekada ng 1950 - The Cockfight (Ang Sabong) at Resting Under the Trees (Pamamahinga sa Ilalim ng mga Puno) - ay nabili ng isang kolektor mula sa New Jersey, Estados Unidos sa halagang $36,000 at $31,500, bawat isa.[18] Sa isang palabas pantelebisyon ng Antiques Roadshow noong 2002, isang tagapaghusga at tagapagbigay ng halaga sa mga antigo (mula sa Sotheby) ang nagsabi na ang isang larawang may tanawing pambaryo na ipininta ni Amorsolo noong 1945 ay makalilikom mula $30,000 at $50,000 sa subasta.[19] Sa isang subasta ng Christie noong 1996, ang halaga ng larawang The Marketplace (Ang Pamilihan) ni Amorsolo ay umabot sa $174,000.[20]

Mga pangunahing gawa

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga pangunahing gawa ni Amorsolo ang mga sumusunod:[4][13]

  • 1920 – My Wife, Salud (Si Salud, Aking Asawa)
  • 1921 – Maiden in a Stream (Dalaga sa Batis) Koleksiyon ng GSIS
  • 1922 – Rice Planting (Pagtatanim ng Palay)
  • 1928 – El Ciego, Koleksiyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas
  • 1931 - The Conversion of the Filipinos (Ang Pagbabagongloob ng mga Pilipino)
  • 1936 – Dalagang Bukid, Koleksiyon ng Club Filipino
  • 1939 - Afternoon Meal of the Workers ("Panghapong Oras sa Pagkain ng mga Magsasaka", kilala rin bilang Noonday Meal of the Rice Workers o "Tanghalian ng mga Magsasaka")
  • 1942 - The Rape of Manila (Ang Panggagahasa sa Maynila)
  • 1942 - The Bombing of the Intendencia (Ang Pagbomba ng Intendensya)
  • 1943 – The Mestiza (Ang Mestisa), Koleksiyon ng Pambansang Museo ng Pilipinas
  • 1944 - The Explosion (Ang Pagsabog)
  • 1945 - Defense of a Filipina Woman’s Honor (Pagtatanggol sa Karangalan ng Babaeng Pilipina), langis sa kanbas (60.5 x 36 pulgada)
  • 1945 - The Burning of Manila (Ang Pagsunog sa Maynila)
  • 1946 – Planting Rice, Koleksiyon ng United Coconut Planters Bank
  • 1950 - Our Lady of Light (Ang Birhen ng Liwanag)
  • 1958 – Sunday Morning Going To Town, Koleksiyon ng Museo ng Ayala
  • The First Baptism in the Philippines (Ang Unang Pagbibinyag sa Pilipinas) - Matas na Paaral ng Cebu
  • Princess Urduja (Prinsesa Urduha)
  • Sale of Panay (Ang Pagbibili ng Panay)
  • Early Sulu Wedding (Sinaunang Kasal sa Sulu)
  • Early Filipino State Wedding (Sinaunang Kasal ng Pilipino)
  • Traders (Mga Mangangalakal)
  • Sikatuna
  • The First Mass in the Philippines (Ang Unang Misa sa Pilipinas)
  • The Building of Intramuros (Ang Pagtatayo ng Intramuros)
  • Burning of the Idol (Ang Pagsusunog ng mga Anito)
  • Assassination of Governor Bustamante (Pagpaslang kay Gobernador Bustamante)
  • Making of the Philippine Flag (Paglikha ng Bandilang Pilipino)
  • La destruccion de Manila por los salvajes japoneses (The Destruction of Manila by the Savage Japanese o Ang Pagsira ng Maynila ng mga Masasamang Hapon)
  • Bataan
  • Corner of Hell (Sulok ng Impiyerno)
  • One Casualty (Isang Biktima)
  • El Violinista (The Violinist o Ang Biyolinista)

Mga gantimpala, parangal at pagkilala

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • 1908 – Ikalawang gantimpala, Bazar Escolta (Asocación Internacional de Artistas), para sa Levendo Periodico
  • 1922 – Unang gantimpala, Peryang Pangkumersiyal at Industriyal sa Karnabal ng Maynila
  • 1929 (1939?) – Unang gantimpala, Peryang Pansandaigdigan ng New York, para sa Afternoon Meal of Rice Workers (Noonday Meal of the Rice Workers o Panghapong Oras ng Pagkain/Tanghalian ng mga Magbubukid)
  • 1940 – Gantimpala para sa bukod-tanging alumnay ng Pamantasan ng Pilipinas
  • 1959 – Medalyang ginto, Komisyong Pambansa ng UNESCO
  • 1961 – Gantimpalang Rizal Pro Patria
  • 1961 – Pagkadalubhasa sa mga araling pantao (honorary doctorate in the Humanities), mula sa Far Eastern University
  • 1963 – Diploma ng parangal (diploma of merit) mula sa Pamantasan ng Pilipinas
  • 1963 – Gantimpalang Patnubay ng Sining at Kalinangan, mula sa Lungsod ng Maynila
  • 1963 – Gawad na Pamanang Pangkultura mula sa Republika (Republic Cultural Heritage Award)
  • 1972 – Gawad CCP para sa Sining, mula sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (Cultural Center of the Philippines)[4]

Noong 1972, si Fernando Amorsolo ang naging pinakaunang Pilipino na ginawaran ng karangalan bilang Pambansang Artista ng Pilipinas para sa Pagpipinta. Tinawag siyang "Magiting na Matandang Tao sa Larangan ng Sining sa Pilipinas" (Grand Old Man of Philippine Art) noong araw ng pagbubukas ng sentrong pansining ng Manila Hilton, kung saan nagdaos ng eksihibit ng mga larawang ipininta ni Amorsolo noong 23 Enero 1969.

Mga pangunahing ekshibisyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa labas ng Pilipinas, ginawa ang kaniyang mga eksibisyon sa Belgium, sa Exposición de Panama noong 1914, sa solong palabas sa Grand Central Gallery ng Lungsod ng New York noong 1925, at sa Museong Pambansa ng Herran noong 6 Nobyembre 1948. Nang itinanghal ang isang eksposisyon sa Paris noong 1931, ipinakita ni Amorsolo ang isa sa kaniyang mga natatanging mga larawan, The Conversion of the Filipinos (Pagbabagongloob ng mga Pilipino). Kasama sa pinasang gawa ni Amorsolo sa Exposición sa Panama ang isang larawan ni Woodrow Wilson, pangulo ng Estados Unidos at ang obrang La Muerte de Socrates (Ang Kamatayan ni Socrates). Sa Museong Pambansa ng Herran noong 1948, ang eksibisyon ni Amorsolo ay ginugulan ng pananalapi ng Art Association of the Philippines (Asosasyong Pansining ng Pilipinas). Noong 1950, nagkaroon uli ng isa pang ekshibisyon si Amorsolo kung saan ipinakita niya sa madla ang dalawa pang larawang pangkasaysayan, ang Faith Among the Ruins (Pananampalataya sa Gitna ng mga Guho) at ang Baptism of Rajah Humabon (Pagbibinyag kay Raha Humabon), na ginawad sa Missionary Art Exhibit sa Roma. Noong 1979, ipinagdiwang ang pamana ni Fernando Amorsolo bilang pintor sa pamamagitan ng isang ekshibisyon ng kaniyang mga gawa sa Art Center of the Manila Hilton (Sentrong Pansining ng Manila Hilton).[6] Nagkaroon din ng isang ekshibisyon ng mga gawa ni Amorsolo sa Havana, Cuba noong 2007.[21]

  1. 1.0 1.1 1.2 Hallman, Tim. "Pioneers of Philippine Art: Luna, Amorsolo, Zobel. Asian Art Museum Presents First Exhibition of Filipino Art at Civic Center Home." AsianArt.org, 11 Agosto 2006 Naka-arkibo 2012-02-20 sa Wayback Machine., kinuha noong: 2 Hulyo 2007.
  2. 2.0 2.1 Fernando C. Amorsolo, About Culture and Arts, Cultural Profile, NCCA.gov.ph, 2002 Naka-arkibo 2008-03-15 sa Wayback Machine., kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  3. 3.0 3.1 3.2 3.3 3.4 3.5 3.6 3.7 3.8 Fernando Amorsolo Biography, Encyclopedia of World Biography on Fernando Amorsolo, Thomson Gale, The Thomson Corporation at BookRags.com, 2006, kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  4. 4.00 4.01 4.02 4.03 4.04 4.05 4.06 4.07 4.08 4.09 4.10 4.11 4.12 4.13 4.14 Fernando C. Amorsolo (1892-1972), National Artists, Cultural Heritage, GlobalPinoy.com, 2006 Naka-arkibo 2007-09-27 sa Wayback Machine., kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 Ocampo, Ambeth. Amorsolo's Brush with History, Lopez Memorial Museum, Eugenio Lopez Memorial Foundation, LopezMuseum.org.ph, 2003 Naka-arkibo 2007-06-21 sa Wayback Machine., kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 6.5 6.6 Anciano, Daniel M. Filipinos in History: Fernando Amorsolo, Geocities.com (walang petsa), kinuha noong: 1 Hulyo 2007
  7. 7.00 7.01 7.02 7.03 7.04 7.05 7.06 7.07 7.08 7.09 7.10 7.11 Benesa, Leo. "An Amorsolo Festival" Naka-arkibo 2007-09-28 sa Wayback Machine. (na nagmula rin sa Philippine Sunday Express, 16 Nobyembre 1975). What is Philippine about Philippine Art? and Other Essays (Ano ba maka-Pilipinas sa Sining ng Pilipinas? At Iba Pang mga Sanaysay), Manila: Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, 2000, pp. 24-27.
  8. 8.0 8.1 8.2 8.3 "Archive copy". Inarkibo mula sa orihinal noong 2008-01-05. Nakuha noong 2008-02-20.{{cite web}}: CS1 maint: archived copy as title (link) CS1 maint: date auto-translated (link)
  9. Gift of the Filipino Artist, Fernando Amorsolo, Web Page 2, ThinkQuest.org (walang petsa) Naka-arkibo 2008-02-17 sa Wayback Machine., kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  10. 10.0 10.1 Philippine On-line Encyclopedia Project, Hasloo.com (walang petsa) Naka-arkibo 2008-06-24 sa Wayback Machine., kinuha noong: 1 Agosto 2007
  11. Rodell, Paul. Culture and Customs of the Philippines, Palimbagang Greenwood (2001), ISBN 0313304157, p52.
  12. 12.0 12.1 12.2 12.3 12.4 Amorsolo Lazo, Sylvia. Remembering Papa (Mga Alaala ni Tatay), Filipiniana Publications, Lopez Memorial Museum, Eugenio Lopez Memorial Foundation, LopezMuseum.org.ph, 2003 Naka-arkibo 2007-07-02 sa Wayback Machine., kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  13. 13.0 13.1 13.2 13.3 Gift of the Filipino Artist, Fernando Amorsolo, Web Page 3, ThinkQuest.org (walang petsa) Naka-arkibo 2008-03-04 sa Wayback Machine., kinuha noong: 30 Hunyo 2007
  14. "Fernando Amorsolo (1892-1972)." Naka-arkibo 2008-02-18 sa Wayback Machine. AyalaMuseum.org, kinuha noong 30 Hunyo 2007.
  15. 15.0 15.1 15.2 15.3 15.4 Paras-Perez, Rodriguez. Amorsolo Drawings (excerpt available online Naka-arkibo 2011-09-03 sa Wayback Machine.) (1992), ISBN 9491386742.
  16. 16.0 16.1 16.2 16.3 Silva, John. "The Historical Context of Amorsolo's Defense of a Filipina Woman's Honor." Naka-arkibo 2007-10-14 sa Wayback Machine. DefendThyHonor.com, kinuha noong: 30 Hunyo 2007.
  17. Fernando C. Amorsolo Art Foundation, Inc., FernandoAmorsolo.com (walang petsa), kinuha noong: 2 Hulyo 2007
  18. "Estate Sale Yields Fine Art, Furniture Gems in Wellesley, Mass." Naka-arkibo 2007-09-27 sa Wayback Machine. Antiques and the Arts online (Mga antigo at sining sa internet), 16 Enero 2001. Kinuha noong 2 Hulyo 2007
  19. "New Orleans, LA (2002)" (Antiques Roadshow program #619, Morial Convention Center, sumahimpapawid noong 11 Nobyembre 2002). PBS.org, kinuha noong: 2 Hulyo 2007
  20. Bacani, Cesar (ipinahayag ni Steven Poh/Kuala Lumpur, Keith Loveard/Jakarta at Susan Berfield/Hong Kong). "The Fine Art of the Sale: Sotheby's and Christie's are Targeting Southeast Asia," Naka-arkibo 2007-10-14 sa Wayback Machine. Asiaweek (26 Abril 1996), kinuha noong: 2 Hulyo 2007.
  21. "Havana Inaugurates Philippine Modern Exhibit." Philippine Department of Foreign Affairs, 2 Marso 2007. Kinuha noong: 1 Agosto 2007.

Mga panlabas na kawing

[baguhin | baguhin ang wikitext]