Lahing Tagalog

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Mamamayang Tagalog)
Jump to navigation Jump to search
Tagalog
ᜆᜄᜎᜓ
Tagalog dress, early 1800s.jpg
Larawan ng mga Tagalog noong unang bahagi ng ika-19 na siglo habang suot ang kanilang nakaugalian sa yaong kapanahunan.
Kabuuang populasyon

Tinatayang bilang na 30 milyon

Mga rehiyong may malaking bilang nila
Pilipinas, Palau, Estados Unidos (Guam, Hawaii), Canada, at iba pang mga bansa
Mga wika
Tagalog (kilala sa isang pamantayan nitong tinatawag na Filipino), Ingles, Kastila
Pananampalataya
Katolisismo ang relihiyon ng karamihan. Kasunod ang Protestantismo, Budismo, Islam, at mga katutubong paniniwala.
Kaugnay na mga pangkat-etniko
Iba pang mga mamamayang Pilipino

Ang mga Tagalog[1] (Baybayin: ᜆᜄᜎᜓ) ay isa sa mga pinakamalaking pangkat etniko sa Pilipinas at siyang may pinakamalawak na paglawig sa bansa. Sila ang nangingibabaw na pangkat sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Bulacan, Laguna, Bataan, Quezon, Camarines Norte, Marinduque, at Rizal. Nagtataglay rin ang Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, Zambales, Mindoro Oriental, Palawan, at ang Kalakhang Maynila ng maraming bilang ng mga Tagalog.

Pinagmulan[baguhin | baguhin ang batayan]

Patuloy na pinagtatalunan ang pinagmulan ng mga Tagalog. Ipinagpapalagay na sila'y nagmula sa pook ng kasalukuyang Taal, Batangas, kung hindi mula sa lalong timog malapit sa ngayo'y Kabisayaan. Gayumpaman, tulad ng mga kalapit na pangkat, pinaniniwalaang sila'y mga inapo ng mga taong nagsasalita ng mga wikang Austronesyo mula sa sinaunang Taiwan.

Pinaniniwalaan ng karamihan na nagmula ang katawagang Tagalog sa salitang "taga-ilog". May mungkahi ring ito'y nanggaling sa pangalan ng pangkat ng mga Tagal sa Borneo at Sumatra.[1]

Kalinangan at kabihasnan[baguhin | baguhin ang batayan]

Unang itinaos na watawat ng Katagalugan

Tiyak na malaki ang kaibahan ng kalinangan ng mga Tagalog noong mga kapanahunan bago ang pagdating ng Kastila kung ihahambing sa kasalukuyan.

Wika[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang pangunahing wikang sinasalita ng mga Tagalog ay ang sarili nilang wikang Tagalog. Ito'y lalong nauuri sa iba't-ibang diyalektong malimit ipangalan sa mga lalawigan at bayan, bagama't halos walang hadlang sa pagkakaunawaan ng mga ito.

Karamihan sa mga Tagalog na may dugong Merdeka (maharlika o malaya) at Kastila sa Ternate, Cavite ay nagsasalita ng Ternateñong Chavacano.

Kaugalian[baguhin | baguhin ang batayan]

Marami sa kaugaliang Tagalog ay kinatawan ng ibang mga kultura sa Pilipinas at ang ilan ay nanatiling haligi ng itinuturing na huwarang pag-uugali ng mga Pilipino.

May sadyang kahigpitan sa pagtataguyod ng paggalang at pakikitungo sa kapwa ang mga Tagalog, na makikita sa kanilang mga gawi at kayarian ng kanilang wika. Mahalaga rin sa pagkakabuklod ng kanilang lipunan ang katuwiran at pagpapahalaga sa mga mungkahi at pananaw ng bawa't isa.

Ang mga Tagalog, sa kanilang kasaysayan, ay likas ding nagpamalas ng pag-ibig sa kalayaan at kakayanang makapamuno sa sarili. Ito'y pinatutunayan ng bilang ng mga katauhan mula sa Katagalugang silang namayani sa adhikaing mapalaya ang Pilipinas. Uliran ang kanilang katapangang magkusang lumahok at makidigma sa Himagsikang Pilipino laban sa Kastila at Amerikano, at gayon din noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pangkapamuhayan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pagsasaka at pangingisda ang kinagisnang pangkaraniwang kabuhayan ng mga Tagalog, subali't higit na mahalaga sa kanilang lipunan ang pamumuhunan at negosyo. Sa katunayan, itinala ng Kastilang Agustinong prayle na si Martin de Rada ang malawakang kalakalan, ang pagsasaka ng palay bilang pangkabuhayan, at ang pakikiugnay sa pamunuan ng Borneo, na pawang mga kaganapan sa mga pamayanang itinatag ng mga Tagalog, gayon na rin ang paghilig nila sa kalakalan kaysa sa pakikidigma.[2]

Kasaysayan[baguhin | baguhin ang batayan]

Panahon ng Kastila[baguhin | baguhin ang batayan]

Naglunsad ng maraming pag-aaklas laban sa Kastila ang mga Tagalog, at isa sila sa mga pinakamaagang naghimagsik. Isa sa mga panghihimagsik na ito ang isinagawa ng Tagalog na si Apolinario de la Cruz (kilala rin bilang Hermano Pule), na may layuning makapananampalataya. Isang mestisong Tagalog-Intsik ang pambansang bayaning si Jose Rizal na mula sa Calamba, Laguna.

Noong 1898, maraming mga pinuno ng Himagsikang Pilipino ang mga Tagalog, katulad nina Apolinario Mabini, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, ang unang pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo, at iba pa.

Mula kay Aguinaldo, may apat pang mga Tagalog na nanungkulan bilang pangulo ng Pilipinas: si Manuel L. Quezon (isang mestisong Pilipino-Kastila) na may malaking antas ng kanunu-nunoang Tagalog), si Jose P. Laurel, si Corazon Aquino, at si Joseph Estrada. Karaniwang kakikitaan ng masiglang pakikiisa, pakikibaka at mga tagumpay ng mga mamamayang Tagalog ang maagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, at kasalukuyan pa ring nakikilahok ang mga ito sa pangkasalukuyang politika at mga gawaing pangkabuhayan sa Pilipinas. Matatag ang pagiging lantad ng mga Tagalog sa pambansang katangian at gawi, sapagkat palagiang pangunahing laman ang mga ito ng mga pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, na nilalarawang may pagsusumigasig, pagtitiyaga, pagpupunyagi, pagsusumikap, at pagtataguyod ng kasiglahan at katanyagang Pilipino.

Demograpiya[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing pananampalataya ng mga Tagalog ang Kristiyanismo, na mga Romano Katoliko ang karamihan, kasunod ang mga Protestante. Mayroon ding ilang mga Muslim. Maraming mga mestisong Tagalog. Marami sa mga Tagalog ang may halong Intsik at Pilipino, na may maliit na bilang na may mga ninunong Kastila at Amerikano. Tinatawag na Katagalugan ang rehiyon ng mga Tagalog.[1]

Pinagsanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

  1. 1.0 1.1 1.2 "Tagalog, tagailog, Tagal, Katagalugan". English, Leo James. Tagalog-English Dictionary (Talahulugang Tagalog-Ingles). 1990.
  2. Cf. William Henry Scott, Cracks in the Parchment Curtain, Quezon City: 1998, pp. 124-125

Hindi natukoy[baguhin | baguhin ang batayan]