Pumunta sa nilalaman

Pilosopiya

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pampilosopiya)
Scuola di Atene ('Paaralan ng Atenas') ni Raphael, na sumisimbolo sa pilosopiya at nagtatampok ng mga pilosopo mula sa sinaunang Gresya.

Pilosopíya[a] ang sistematikong pag-aaral sa mga pangkalahatan at mahahalagang katanungan ng sangkatauhan, lalo na yung mga may kinalaman sa pag-iral, dahilan, kaalaman, etika, kaisipan, at wika. Para magawa ito, gumagamit ang mga pilósopó[b] ng mga paraan tulad ng pagtatanong, kritikal na diskurso, mga argumentong makatuwiran, at sistematikong pagpepresenta.

Nagmula ang salitang "pilosopiya" mula sa wikang Kastila, na nagmula naman sa wikang Griyego na nangangahulugang "mapagmahal ng karunungan." Sa malaking bahagi ng kasaysayan, saklaw ng pilosopiya ang mga larangan na itinuturing na ngayon bilang bahagi ng mga agham. Tinatawag na pilosopiyang likas, lumaganap ang uri ng pilosopiyang ito mula sa sinaunang Gresya at nagsilbing katumbas ng agham bago ang Panahon ng Kaliwanagan.

Sa modernong panahon, metapisika, epistemolohiya, etika, at lohika ang mga pangunahing larangan ng pilosopiya. Layon ng metapisika na sagutin ang mga mahahalagang katanungan at ang tunay na kalikasan ng realidad at pag-iral. Kaalaman at paniniwala naman ang pinag-aaralan sa epistemolohiya, samantalang nakapokus naman ang etika sa pag-aaral sa moralidad. Gumagamit naman ng mga tuntunin ang lohika upang mapatunayan ang katotohanan sa likod ng mga pangyayari. Bukod sa mga ito, may mga pag-aaral din ukol sa pilosopiya ng ibang larangan, tulad halimbawa ng sa agham at politika.

Direktang nanggaling ang salitang "pilosopiya" mula sa salitang Kastila na filosofía. Tulad ng mga wika sa ilalim ng mga wikang Romanse kagaya ng sa wikang Pranses, nagmula ang salitang ito mula sa wikang Latin na philosophia, na direktang hiniram naman mula sa sinaunang wikang Griyego na philosophia (Griyego: φιλοσοφία), isang pagsasama ng mga salitang philos (Griyego: φίλος, "pagmamahal") at sophia (Griyego: σοφία, "karunungan").[4][5] Ayon sa tradisyon, sinasabing si Pitagoras ang nag-imbento sa salita, bagamat walang direktang ebidensiya ang nagpapatunay dito.[6][7]

Bago ang Panahon ng Kaliwanagan, saklaw ng pilosopiya ang mga larangan na itinuturing na ngayon bilang mga agham. Kasama sa orihinal na saklaw nito ang mga bagay na nangangailangan ng pagsusuring makatuwiran o di kaya'y pag-uusisa, kaya naman madalas inihahanay ang mga agham sa ilalim nito.[8][9][10] Halimbawa, sakop ng pilosopiyang likas ang biolohiya, pisika, at maging matematika.[8][11] Ito ang katumbas halos ng agham bago ang pag-usad ng Rebolusyong Makaagham simula noong ika-16 na siglo. Gayunpaman, mabagal ang pagbabago ng kahulugan ng salita sa panahong ito; halimbawa na lang ang pamagat ng aklat ni Isaac Newton noong 1687 na Philosophiæ Naturalis Principia Mathematica, na direktang nagbabanggit sa pilosopiyang likas (philosophiæ naturalis) bilang saklaw ng naturang aklat, pero sa modernong panahon, itinuturing na itong isang aklat ng pisika.[12] Ang modernong kahulugan ng salita ay nagsimulang lumaganap noong ika-19 na siglo, kasabay ng Rebolusyong Industriyal.

Sa wikang Tagalog, ginagamit ang salitang "pilosopo" bilang isang pandiwa. Maaari itong magamit sa masamang konteksto. Halimbawa, ang salitang "pilosopo" at ang kaugnay nitong "pamimilosopo" ay maaaring manguhulugang "nagmamagaling" o "nangangatuwiran".[13][14] Laganap ang negatibong konotasyon na ito sa Pilipinas, kaya naman ginagamit ng ilang nasa larangan ang salitang "pilosoper", isang pagsasa-Tagalog ng salitang Ingles na "philosopher", upang humiwalay sa konotasyong ito.[2][c]

Samantala, isang neolohismo ang batnayan. Una itong lumabas sa panitikan sa Maugnaying Talasalitaang Pang-agham Ingles-Pilipino (1969). Isa itong pagsasama ng mga salitang batayan ("basehan") at hanayan ("talahanayan").[15]

Le Penseur ('Ang Nag-iisip') ni Auguste Rodin.

Hindi nagkakasundo ang mga pilosopo at iskolar patungkol sa kahulugan ng pilosopiya.[16][17] Bukod dito, hindi rin malinaw ang pagturing sa larangan bilang isang ganap na sangay ng agham, at iba-iba rin ang binibigay na kahulugan ng mga pilosopong nanggaling mula sa magkakatunggaling kilusang pampilosopiya.[18] Gayunpaman, tipikal na pumapaloob ang mga ito sa dalawang pangunahing punto: kung bahagi ba ito ng agham mismo o hiwalay na larangan ito mula dito, at ano ang silbi ng pilosopiya.

May ilang pilosopo ang naniniwalang isang pag-aaral ang pilosopiya na pumapatungkol sa pagsagot sa mga katanungan ng sangkatauhan na hindi agad masasagot ng agham, tulad halimbawa ng silbi ng pag-iral.[18] May iilan din na naghahanay sa pilosopiya bilang isang agham na umaasa sa empirikal na ebidensiya imbes ng obserbasyon.[18] Samantala, naniniwala naman ang iba na hiwalay ang pilosopiya sa agham, dahil nakatuon ito sa pag-unawa at pagpapakahulugan sa mga bagay-bagay. Ayon sa isang pananaw, layunin ng pilosopiya na linawin ang kalabuan at kalituhan na hatid ng istraktura ng mga wika.[18][17] Ayon naman sa pilosopo ng penomenolohiya, agham ng esensiya ang pilosopiya.[19]

May ilang kahulugan din na nagpopokus sa espiritwal na bahagi ng pilosopiya. Ayon sa pilosopiya ng mga sinaunang Romano at Griyego, isang espiritwal na pagsasanay ang pilosopiya upang madebelop ng tao ang kanyang kapabilidad sa pangangatuwiran. Ito ang pananaw na ginamit ng mga pilosopong tulad nina Pierre Hadot at Michel Foucault, na nagbigay ng matinding pagtuon sa kapakanan ng tao sa isang maaliwalas na buhay.[20][21][22] Gamit ang pananaw na ito, kinatuwiran ng ibang mga pilosopo at iskolar na layunin ng pilosopiya na idebelop ang pananaw ng isang indibidwal sa mundo.[18]

Nagsimula ang kasaysayan ng pilosopiya noon pang bago maimbento ang pagsusulat. Dalawang pangunahing uri ng pilosopiya ang umusbong: Kanluranin na nagsimula sa Gresya at ang samu't-saring pilosopiyang umusbong sa Asya tulad ng sa Tsina at India, na kolektibong tinatawag sa ilalim ng Silanganing pilosopiya. Kalaunan, kasabay ng pag-usbong ng mga relihiyong Abrahamaiko sa Gitnang Silangan, umusbong din ang mga pilosopiyang panrehiliyon tulad ng sa Kristiyanismo at Islam. Bukod sa mga ito, nagkaroon din ng mga sari-sarling pilosopiya ang iba't ibang bahagi ng mundo, tulad ng sa Hapon at Aprika.

Ilan sa mga mahahalagang pilosopo ng Kanluraning Mundo: Sokrates, Tomas ng Aquino, Rene Descartes, Immanuel Kant, Friedrich Nietzsche, at Jean-Paul Sartre kasama si Simone de Beauvoir.

Sa sinaunang Gresya nagsimula ang pilosopiya ng Kanluraning Mundo, sa pamamagitan ng mga pilosopong kilala ngayon sa kolektibong tawag na "mga Presokratiko". Saklaw ng pilosopiya nila ang paghahanap sa mga sagot patungkol sa mga pangyayari sa cosmos.[23][24][25] Ang pananaw na ito ay pinalawak pa ni Sokrates, Platon, at Aristoteles, tatlo sa mga itinuturing na mga pinakamahahalagang pilosopo ng sinaunang panahon sa Europa. Dinebelop nila ang mga pundasyon ng etika at epistemolohiya, at nagsimulang mag-imbestiga sa tunay na kalikasan ng realidad at ng kaisipan.[24] Nabuo kalaunan ang ilan sa mga unang kilusang pampilosopiya, tulad ng epikureismo, stoisismo, skeptisismo, at ang neoplatonismo.[24][23]

Kasabay ng paglaganap ng Kristiyanismo sa Europa ang paglaganap din ng pilosopiyang panrehiliyon na nakabase sa naturang rehiliyon. Ginamit ng mga pilosopong tulad ni Tomas ng Aquino ang pilosopiya ng sinaunang panahon upang lalo pang palawakin at bigyang-diwa ang teolohiyang Kristiyano.[26] Muling sumikat sa mga iskolar ang pilosopiya ng sinaunang panahon sa Europa noong Renasimiyento, lalo na ang pilosopiya ni Platon, na nagbigay-daan sa pag-usbong ng ideya ng humanismo.[27][28][29] Kasabay ng pagbilis ng pag-unsad ng mga agham simula noong 1700s, nagsimulang imbestigahan ng mga pilosopo ang paraan paano nabubuo ang kaalaman. Binigyang ng matinding pokus ng mga pilosopo sa panahong ito ang gampanin ng rason (rasyonalismo) at nararanasang pakiramdam (empirisismo). Ginamit ang mga ideyang ito sa paghamon sa mga tradisyonal na otoridad.[28] Sa panahong ito, dinebelop din ng mga pilosopo ang mga sistema ng pilosopiya na inklusibo, tulad halimbawa ng idealismong Aleman.[28] Pagsapit ng ika-20 siglo, umusbong sa naturang larangan ang paggamit sa pormal na lohika at nagpokus sa gampanin ng wika sa pilosopiya gayundin sa mga kilusang pampilosopiya tulad ng penomenolohiya at pragmatismo.[28] Sa siglo ring ito nakita ang mabilis na pagdami ng mga pilosopo at paglalathala sa akademya, gayundin sa pagdami ng mga babaeng pilosopo at ang pag-usbong ng pilosopiyang pemenista, tulad halimbawa ng mga gawa ni Simone de Beauvoir, ang nobya ng pilosopong si Jean-Paul Sartre.[30][31]

Ilan sa mga mahahalagang pilosopo mula sa Silangan: Confucius, Lao Tzu, Avicenna, Al-Ghazali, Siddhartha Gautama, at Guru Nanak Dev

Isang kolektibong pantawag ang 'silanganing pilosopiya' upang ilarawan ang mga pilosopiya na umusbong sa Asya - silangan sa pananaw ng mga Europeo. Kabilang sa saklaw nito ang mga pilosopiyang umusbong sa Gitnang Silangan, India, at Silangang Asya.

Malaki ang impluwensiya ng Islam sa pilosopiya ng Gitnang Silangan. Umusbong dito ang naturang relihiyon simula noong nagsimulang mangaral si Muhamad sa tangway ng Arabia. Sinubukan ng mga sumunod na pilosopong Muslim na bigyang-kahulugan at linawin ang mga nakasulat sa Koran, sa panahong kilala bilang Ginintuang Panahon ng Islam. Si Al-Kindi ang itinuturing na unang pilosopong Muslim, at nagsalin ng mga gawa ng mga kilalang Kanluraning pilosopo tulad ni Aristoteles at Platon sa wikang Arabo upang ikatuwiran na may pagkakasundo sa pananampalataya at rason.[32] Sinundan siya ni Avicenna at nagdebelop ng isang sistema upang malaman ang realidad ayon sa agham, relihiyon, at mistisismo.[28] Samantala, kritiko naman si Al-Ghazali ng ideya na makakarating ang rason sa tunay na pagkakaunawa sa realidad at sa Diyos. Nagsulat siya ng isang detalyadong aklat patungkol sa aniya'y kontradiksyon ng pilosopiyang Griyego sa mga turo ng Islam.[33] Nagsimulang humina ang interes sa pilosopiya sa lugar matapos ang Ginintuang Panahon ng Islam.[28] Gayunpaman, itinuturing ng mga iskolar si Mulla Sadra bilang isa sa mga mahahalagang pilosopo ng sumunod na panahon.[34]

Sa sinaunang Tsina, mas nagpokus ang mga pilosopo sa mga praktikal na katanungan kesa sa paghahanap sa mga sagot upang malaman ang tunay na realidad, tulad halimbawa ng pagbuo ng mga sistemang pampilosopiya na may layuning hanapin ang tamang pagkilos at ugali sa lipunan at pamamahala.[28] Ito ang sentrong paksa ng mga pilosopiyang umusbong sa naturang rehiyon simula noong ika-6 na siglo BKP, tulad ng Confucianismo at Daoismo. Sentro sa mga turo sa Confucianismo ang iba't ibang anyo ng moral na birtud at ang kahalagahan nito sa pagtamo sa isang nagkakaisang lipunan. Samantala, nakasentro naman ang Daoismo sa mga tanong tungkol sa relasyon ng tao sa kalikasan.[28] Nabuo sa Tsina ang konsepto ng legalismo, isang pilosopiya na nakatuon sa pagkakaroon ng isang matatag na estado sa pamamagitan ng mga istriktong batas, at Mohismo, na nakatuon naman sa isang ideya ng konsekwensiyalismo na walang pinapanigan.[28][35] Dinala naman ng Budismo ang pilosopiya nito sa Tsina sa sumunod na siglo, na nagresulta sa isang bagong anyo nito. Nagsimula naman noong ika-11 siglo ang Neoconfucianismo, isang uri ng Confucianismo na nakapokus sa metapisika nito. Sa modernong panahon, ang pilosopiya ng Tsina ay nakabase sa mga ideya ni Karl Marx ukol sa sosyalismo at komunismo. Nagdebelop ito kalaunan sa isang anyo ng Marxismo na unang ginamit ni Mao Zedong simula noong ika-20 siglo na nagpabagsak sa huling dinastiya ng Tsina at nagbigay-daan kalaunan sa modernong komunistang bansa.[35][36]

Maraming paaralan ng pilosopiya ang nabuo sa subkontinente ng India. Nakapokus ang mga ito sa pagtuklas sa tunay na kalikasan ng realidad, sa pamamagitan ng pagtatanong sa espiritwal na paraan upang marating ang kaliwanagan. Nagsimula ito sa mga turo ng mga mga Veda, isang mahalagang aklat sa Hinduismo. Sumesentro ito sa mga isyu sa sarili at sa tunay na realidad gayundin sa konsepto ng pagsilang muli bilang isang nilalang matapos mamatay.[28] Kasabay nito ang pagdebelop ng mga ideya na hindi nakabase sa mga Veda, tulad halimbawa ng mga turo ni Gautama Buddha na nagbigay-daan kalaunan sa Budismo, at ng mga unang tagasunod ng Jainismo, na itinatatag ni Mahavira.[28] Sa mga sumunod na siglo, tinatayang nagsimula noong 200 BKP, anim na pangunahing paaralang Hindu ang umusbong sa subkontinente: Nyāyá, Vaiśeṣika, Sāṃkhya, Yoga, Mīmāṃsā, at Vedanta.[37] Nagkakatalo-talo ito sa kanilang interpretasyon sa mga turo ng Hinduismo, at sa mga konsepto tulad ng kung isang ilusyon lang nga ba talaga ang realidad. Kasabay ng pagsakop ng mga Kanluranin sa subkontinente simula noong ika-19 na siglo, nagsimula ring humalo ang Kanluraning pilosopiya sa pilosopiya ng rehiyon. Sa kasalukuyan, ang pilosopiya ng lugar ay magkahalong nakabase sa mga turo ng sinaunang pilosopiya at ng Kanluraning ideya dala ng mga taga-Britanya.[38]

Mahahati sa mga sangay ang pilosopiya base sa klase ng katanungang sinasagot nito. Kabilang sa mga pangunahing sangay nito ang epistemolohiya, etika, lohika, at metapisika. Bukod sa mga ito, marami ring mga larangan ang may sariling sangay ng pilosopiya, katulad halimbawa ng pilosopiyang pampolitika, o di kaya'y sangay na nakatuon sa isang partikular na kultura, tulad ng pilosopiyang Tsino. Dahil sa lawak ng saklaw ng ilang sangay, minsan din itong itinuturing bilang mga disiplina sa ilalim ng agham panlipunan, relihiyon, at matematika.

Epistemolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Inilatag ni Edmund Gettier ang isang problema sa pilosopiya patungkol sa kalikasan ng kaalaman.

Epistemolohiya ang sangay ng pilosopiya na nakatuon sa kalikasan, pinagmulan, at saklaw ng kaalaman. Saklaw ng pag-aaral na ito ang mga paksang may kinalaman sa kaalaman, tulad halimbawa ng rasyonalidad ng paniniwala.

Walang tiyak na kahulugan ang kaalaman sa epistemolohiya. Ang tiyak na kahulugan nito ay isa sa mga pangunahing pinagdedebatehan sa naturang larangan. Ang pinakasikat na kahulugan nito ay nanggaling mula sa pilosopiya ng sinaunang Gresya, na nagsasabi na ang kaalaman ay isang paniniwalang totoo at makatuwiran. Bagamat nagkakaisa ang maraming epistemologo sa unang dalawang bahagi (na ang kaalaman ay isang paniniwalang totoo), hindi ganon ang kaso sa pangatlo (makatuwiran). Madalas isinasama ang pagiging makatuwiran ng kaalaman upang ihiwalay ang kaalaman mula sa mga kuro-kuro, pamahiin, o hula. Upang masabing kaalaman nga ang isang paniniwala, dapat may kaakibat na ebidensiya ang nagsasabi nito, tulad halimbawa ng karanasan o alaala. Gayunpaman, ang pananaw na ito ay kritikal na sinuri ng mga epistemologo simula nung ika-20 siglo. Pinakasikat sa mga ito ang mga inihaing problema ng Amerikanong epistemologo na si Edmund Gettier, na nagpapakita na hindi masasabing kaalaman agad ang isang paniniwala kahit na makatuwiran ito o totoo.

Tinatanong sa problemang trolley kung ano ang pinakatamang gawin sa sitwasyong nangangailangang pumili ng ililigtas sa pagitan ng isa o maraming tao.

Etika ang sangay ng pilosopiya na sumesentro sa moralidad at ang kalikasan ng tama at mali. Tinatawag din itong pilosopiyang moral dahil rito. Nahahati sa tatlo ang etika: normatibong etika, nalalapat na etika, at metaetika. Sa normatibong etika, hinahanap ng mga pilosopo ang patunay bakit pinakatama ang ginawang desisyon ng isang tao. Ilan sa mga pangunahing sangay ang Konsekwensiyalismo na nagsasabing pinakatama ang desisyon kung humantong ito sa pinakamagandang bunga, deontolohiya na nagsasabing pinakatama ang desisyon kung naaayon ito sa pagganap sa isang tungkulin, at etikang birtud na nagsasabi naman na pinakatama ang desisyon kung naaayon ito sa mga birtud tulad ng katapangan at pagkakumbaba. Nalalapat na etika naman ang sangay ng etika na nakatuon sa mga partikular na etika sa iba't ibang larangan, tulad ng sa trabaho (etikang pampropesyonal) at biolohiya (bioetika). Samantala, pinag-aaralan naman sa metaetika ang kalikasan ng etika mismo, kung hiwalay ba ito sa isip, at sa paanong paraan naiimpluwensiyahan ng moralidad ang mga desisyon ng tao.

Modus ponens, isang anyo ng imperensiya na nagsasabing, "kung totoo ang p, at dawit ang q sa p, masasabing totoo rin ang q".

Lohika ang sangay ng pilosipiya na nakapokus sa pagbibigay ng tamang dahilan. Nahahati ito sa dalawa: pormal at di-pormal. Pinag-aaralan sa pormal na lohika ang katibayan ng mga iprinesentang argumento na hiwalay sa kanilang paksa o nilalaman. Samantala, sentro sa pag-aaral ng di-pormal na lohika ang kritikal na pag-iisip at ang teorya ng argumento. Gumagamit ito ng wikang likas, di tulad ng pormal na lohika, na gumagamit naman ng wikang pormal.

Argumento ang sentrong paksa sa lohika. Kalipunan ito ng mga palagay na may bunga. Gumagamit ang mga ito ng mga proposisyon na maaaring tama o mali, depende sa mga kahulugan ng bawat bahagi nito. Masasabing tama ang isang argumento kung suportado ng mga palagay na iprinesenta ang sinasabing bunga nito.

Isang depiksyon sa Diyos sa rehiliyong Kristiyanismo. Isa sa mga pinag-aaralan sa metapisika ang sagot sa tanong na, "meron nga bang diyos?"

Metapisika ang sangay ng pilosopiya na nakatuon sa kalikasan ng realidad. Ilan sa mga kasama sa pag-aaral nito ang pag-iral, katauhan, at kamalayan. Bukod dito, sakop din nito ang mga pag-aaral na may kinalaman sa paghahanap kung meron bang diyos, gayundin ang relasyon ng mga konseptong katulad ng kaisipan at sanhi at bunga.

  1. ibang katawagan: batnayan[1]
  2. ibang katawagan: pilosoper,[2] batnayanon[3]
  3. Ayon kay Emmanuel De Leon ng Pamantasan ng Santo Tomas sa dyornal na Hasaan noong 2016:

    Sinimulan kong gamitin ang salitang “pilosoper” sa halip na “pilosopo” upang maiwasan ang pangalawang dahilan ng pagkalugmok ng pilosopiya sa ating bansa na binanggit ni Quito, i.e., “ang masamang konotasyon ng pilosopiya sa Pilipinas”. Hindi natin matatanggihan ang negatibong konotasyon ng katawagang “pilosopo” sa ating bansa. Hindi ko orihinal ang paggamit ng katagang “pilosoper”. Nauna itong ginamit ni Ramon Guillermo sa kanyang pagsasalin ng akda ni Walter Benjamin na pinamagatan niyang Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan. Hindi niya ipinaliwanag kung bakit niya pinili ang salitang “pilosoper” sa halip na “pilosopo”. Subalit, nakukutuban akong mulat si Guillermo sa masamang konotasyon ng katagang “pilosopo”. Masasabing maganda ang pagkakabinyag ni Guillermo sa katagang “pilosoper”. Kaya, nais ko itong kumpilan sa artikulong ito.[2]

  1. "batnayan": Del Rosario, Gonsalo (1969). Salcedo, Juan (pat.). Maugnaying Talasalitaang Pang-agham Ingles-Pilipino (sa wikang Filipino). Maynila, Pilipinas: Lupon sa Agham. p. 248.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 De Leon, Emmanuel C. (2016). "Pamimilosopiya, Wika, at Mga Baluktot na Katuwiran: Tungo sa Pagpapayaman ng Wikang Pilosopikal sa Pilipinas" (PDF). Hasaan. Pamantasan ng Santo Tomas: 49. Nakuha noong 7 Abril 2024.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "batnayanon". Glosbe (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2 Nobyembre 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. "filosofía" [pilosopiya]. Diccionario de la lengua española (sa wikang Kastila). Nakuha noong 10 Hulyo 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. Liddell, Henry George; Scott, Robert (1940). A Greek-English Lexicon. Oxford: Clarendon Press. Nakuha noong 10 Hulyo 2023.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Bottin 1993, p. 151.
  7. Jaroszyński 2018, p. 12.
  8. 8.0 8.1 Harper 2022.
  9. Shivendra 2006, p. 15-16.
  10. Tuomela 1985, p. 1.
  11. Grant 2007, p. 318.
  12. Lindberg 2007, p. 3.
  13. Agpaoa, Jerwin (2019). "Pamimilosopo: Understanding the Filipino Practice of "Philosophizing"" (PDF). Philippine Social Sciences Review (sa wikang Ingles) (nilathala 15 Nobyembre 2021). 71 (2). Nakuha noong 7 Abril 2024.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  14. Mahinay Mabaquiao, Napoleon Jr. (Oktubre 2020). "Pilosopiya: Isang Pag-unawa". Nakuha noong 7 Abril 2024 – sa pamamagitan ni/ng ResearchGate.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  15. "batnayan": Del Rosario, Gonsalo (1969). Salcedo, Juan (pat.). Maugnaying Talasalitaang Pang-agham Ingles-Pilipino (sa wikang Filipino). Maynila, Pilipinas: Lupon sa Agham. p. 249.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  16. Honderich 2005.
  17. 17.0 17.1 Sandkühler 2010a.
  18. 18.0 18.1 18.2 18.3 18.4 Overgaard, Gilbert & Burwood 2013, p. 17-44.
  19. Tieszen 2005, p. 100.
  20. Banicki 2014, p. 7-31.
  21. Hadot 1997.
  22. Grimm & Cohoe 2021, p. 236-251.
  23. 23.0 23.1 Blackson 2011.
  24. 24.0 24.1 24.2 Graham 2023.
  25. Duignan 2010, pp. 9–11.
  26. Pasnau, Robert (2023). Zalta, Edward N.; Nodelman, Uri (mga pat.). "Thomas Aquinas" [Tomas ng Aquino]. The Stanford Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Stanford University. Nakuha noong 28 Hulyo 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  27. Adamson 2022, pp. 155–157.
  28. 28.00 28.01 28.02 28.03 28.04 28.05 28.06 28.07 28.08 28.09 28.10 Grayling 2019.
  29. Chambre et al. 2023.
  30. Mussett, Shannon. "Simone de Beauvoir". Internet Encyclopedia of Philosophy (sa wikang Ingles). Nakuha noong 9 Agosto 2023.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  31. Waithe 1995.
  32. Adamson 2020.
  33. Adamson 2016, p. 140-146.
  34. Rizvi 2021.
  35. 35.0 35.1 Littlejohn 2023.
  36. Mou 2009.
  37. Adamson & Ganeri 2020.
  38. Perrett 2016.

Bibliograpiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]
[baguhin | baguhin ang wikitext]