Pumunta sa nilalaman

Lipunan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pangkatayuang panlipunan)
Iba't-ibang anyo ng lipunan ng mga tao.

Lipúnan o sósyedád ang pangkat ng mga indibidwal na may kaugnayan sa isa't-isa, madalas base sa kultura, kaugalian, at saloobin, at naninirahan sa isang tiyak na teritoryo pinamumunuan ng isang pinuno o grupo ng mga pinuno. Sa mga tao, isa itong komplikadong istraktura na kooperatibo sa pamamagitan ng paghahati sa trabaho base sa mga inaasahang gampanin ng bawat isa sa naturang pangkat. Nakaayon ang mga gampanin na ito sa mga konsepto ng lipunan na kinokonsiderang tama o mali, kilala rin sa tawag na mga norm. Dahil sa kolaborasyong kaakibat nito, nagagawa ng mga lipunan ang mga bagay na hindi magagawa nang mag-isa.

Magkakaiba-iba ang mga lipunan base sa kanilang natamong antas ng teknolohiya at ekonomiya. Madalas, mas dominante at hiyarkikal ang mga lipunan may sobra-sobrang pagkain. Magkakaiba rin ang anyo ng pamamahala sa mga lipunan, gayundin sa mga pagpapamilya at gampanin ng kasarian. Nakaangkla ang kaugalian ng tao sa lipunan; bagamat tao ang humuhulma sa mga lipunan, hinuhulma ng lipunan ang ugali ng mga tao.

Isang pangngalang kolektibo ang lipunan, na may literal na kahulugan na "pagtitipon". Makikita ito sa salitang-ugat nito na lipon, na tumutukoy naman sa isang koleksyon, hindi lamang ng tao. Isa rin itong pandiwa noon, bagamat nawala ang paggamit nito sa modernong Tagalog dahil sa mas madalas na paggamit sa karaniwang diskurso ng mga kaugnay na salita nito na tipon na may kaparehong kahulugan, at likom, na nangangahulugang "magkolekta". May kaugnayan din ito sa salitang lupon, ang tawag sa isang grupo ng mga taong namamahala ukol sa isang bagay kagaya ng pagsesensor ng pelikula.

Samantala, nagmula naman sa wikang Espanyol na sociedad ang salitang sosyedad. Bagamat madalang gamitin kumpara sa lipunan, makikita pa rin ito sa ilang mga salita sa wikang Tagalog tulad ng alta sosyedad, isang lumang tawag sa mataas na lipunan. Nagmula ito sa wikang Pranses na societe ("kumpanya"), na nagmula naman sa wikang Latin societas ("alyansa", "kapatiran") mula sa pangngalang socius ("kaibigan").

Ang kahalagahan ng lipunan ay higit pa sa kahalagahan ng yaman o anumang salapi ito ay isang grupo ng tao kung saan nagtutulong tulong ang mga tao. Dito rin nila nakikita ang kanilang mga pangangailangan sa buhay.

Uri ng lipunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon kay Fr. De Torre, mauuri ang lipunan sa dalawa - natural at artipisyal. Sinasabing natural ang isang lipunan kung ito ay naitatag nang kusa dala ng likas na pangangailangan ng tao, gaya ng pamilya at lipunan sibil. Samantala, Maituturing itong artipisyal na lipunan kung ang dahilan ng pagkakatatag nito ay sinadya para sa kapakanan ng isang tiyak na pangkat. Ang halimbawa ng artipisyal ay gaya ng paaralan, samahang panghanapbuhay, mga NGO's, at iba pa.

Katayuang panlipunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa sosyolohiya o antropolohiya, ang katayuang panlipunan o kalagayang panlipunan (Ingles: social status) ay ang karangalan o ranggo (kahanayan) ng posisyon o puwesto ng isang tao sa loob ng isang lipunan. Ang mga tao ay nagkakamit ng katayuan sa lipunan sa papamagitan ng sarili nilang gawa o pagsusumikap, at tinatawag na katayuang nakamtan o kalagayang nakamit. O kaya, ang mga tao ay nagkakaroon ng lugar o estado sa isang sistemang panlipunan sa pamamagitan ng pagkakapanganak sa loob ng katayuang ito, at tinatawag ang namanang posisyong ito bilang naitalagang kalagayan o nakatalagang katayuan.

Kontratang panlipunan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang panlipunang kontrata ay isang kasangkapang intelektwal na naglalayong ipaliwanag ang karapatdapat na ugnayan ng mga indibidwal at mga pamahalaan. Ang panlipunang kontrata ay nagsasaad na ang mga indibidwal ay nagkakaisa sa isang lipunang pampolitika sa pamamagitan ng proseso ng mutwal na pag-ayon, pagpayag na sumunod sa isang hanay ng patakaran at pagtanggap ng kaakibat na mga katungkulan upang maprotektahan ang mga sarili at ang bawat isa mula sa mga karahasan at ibang uri ng mga panganib.

Sekularisasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang sekularisasyon ay pagbabago ng isang lipunan mula sa mga pinapahalagahang pang-relihiyon patungo sa mga pinapahalagahang hindi pang-relihiyon at mga sekular na institusyon.

  • Brown, Donald E. (1988). Hierarchy, History, and Human Nature: The Social Origins of Historical Consciousness. University of Arizona Press. ISBN 0-8165-1060-1. LCCN 88015287. OCLC 17954611.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Conerly, Tanja; Holmes, Kathleen; Tamang, Asha Lal (2021). Introduction to Sociology (PDF) (ika-3rd (na) edisyon). Houston, TX: OpenStax. ISBN 978-1-711493-98-5. OCLC 1269073174. Inarkibo (PDF) mula sa orihinal noong 9 Oktubre 2022. Nakuha noong 9 Enero 2024.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Lenski, Gerhard E.; Lenski, Jean (1974). Human Societies: An Introduction to Macrosociology (ika-2nd (na) edisyon). New York: McGraw-Hill, Inc. ISBN 978-0-07-037172-9. LCCN 73008956. OCLC 650644.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Lenski, Gerhard E.; Lenski, Jean (1987). Human Societies: An Introduction to Macrosociology (ika-5th (na) edisyon). McGraw-Hill Book Company. ISBN 0-07-037181-4. LCCN 86010586. OCLC 13703170.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  • Nolan, Patrick; Lenski, Gerhard Emmanuel (2009). Human Societies: An Introduction to Macrosociology (ika-Rev. and Updated 11th (na) edisyon). Boulder: Paradigm Publishers. ISBN 978-1-59451-578-1. LCCN 2008026843. OCLC 226355644.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)