Abenida Commonwealth

Mula sa Wikipediang Tagalog, ang malayang ensiklopedya
Tumalon sa: nabigasyon, hanapin

N170 (Philippines).svg

Commonwealth Avenue sign.svg

Abenida Commonwealth
Commonwealth Avenue
Abenida ng Don Mariano Marcos
Don Mariano Marcos Avenue
Abenida Commonwealth malapit sa Batasang Pambansa.
Impormasyon sa ruta
Haba: 12.4 km (7.7 mi)
Pangunahing daanan
Dulo sa Timog: Quezon Memorial Circle, Daang Patambilog, Lungsod Quezon
  University Avenue
Central Avenue
Abenida Tandang Sora C-5
Abenida Luzon
Holy Spirit Drive
Daang Batasan (IBP)
Abenida Regalado
Lansangang Regalado
Dulo sa Hilaga Lansangang Quirino
Sistema ng mga daan

Mga lansangan | Mga mabilisang daanan

Ang Abenida ng Commonwealth (Ingles: Commonwealth Avenue), na dating kilala bilang Abenida ng Don Mariano Marcos (Don Mariano Marcos Avenue), ay isang pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila sa Pilipinas. Nagsisimula ito sa Quezon Memorial Circle sa may Daang Patambilog, Diliman, Lungsod Quezon, at dumadaan ito sa mga pook ng Philcoa, Tandang Sora, Balara, Batasan Hills, at Fairview. Nagtatapos ito sa Lansangang Quirino sa paligid ng Novaliches, Lungsod Quezon. Ito ay may anim hanggang labing-walong linya, at ito ang pinakamalawak na lansangan sa Pilipinas.

Isa itong bahagi ng Daang Radyal Blg. 7 (R-7) ng lumang sistema ng pamilang sa mga lansangan sa Kamaynilaan at N170 ng sistemang lansangang bayan ng Pilipinas ng Kagawaran ng Pagawaing Bayan at Lansangan (DPWH).

Kasaysayan[baguhin | baguhin ang batayan]

Ang Abenida Commonwealth ay nahahati sa dalawang bahagi: ang Abenida Fairview na may anim hanggang walong linya at Abenida Don Mariano Marcos na may labing-walong linya.

Abenida Commonwealth sa pook ng Tandang Sora noong 2007.

Itinayo ang Abenida Don Mariano Marcos noong huling bahagi ng dekada-1960 bilang lansangang may dalawang linya upang magkaroon ng ruta papuntang Batasang Pambansa Komplex. Sa mga panahong iyon, ang Lungsod Quezon ay kabisera ng bansa, at magtatayo sana ng mga embahada sa kahabaan ng lansangan. Sa halip, nagtayo ng mga ibang establisimiyento sa lansangan sapagkat ibinalik sa Maynila ang pambansang kabisera noong 1976. Kalaunan, pinahaba ang Abenida Don Mariano Marcos mula Daang Patambilog hanggang Calle Espana (ngayon ay Bulebar Espanya). Kalaunan, binigyan ito ng mga pangalan na Abenida Commonwealth at Abenida Quezon (bahaging Daang Patambilog-Bulebar Espanya). At kalaunan, napunta sa Abenida Commonwealth ang Abenida Fairview na nagtatapos sa Subdibisyong Jordan Plains sa Novaliches.

Noong dekada-1980, pinalawak sa anim na linya ang lansangan. Noong dekada-1990 at dekada-2000, nagsimula ang pagbigat sa daloy ng trapiko at paglaganap ng mga sakunang awtomobil dahil sa pagdami ng bilang ng mga pampublikong sasakyan na dumadaan dito, at pagdagsa ng mga nagtitinda sa bangketa. Noong huling bahagi ng dekada-2000, pinaalis ng Pangasiwaan sa Pagpapaunlad ng Kalakhang Maynila (MMDA) ang mga nagtitinda sa bangketa, lalo na sa paligid ng Tandang Sora, na madalas magkaroon ng pagsisikip sa daloy ng trapiko tuwing rush hour. Gumagamit ng mga stoplight at center island splitting ang Abenida Fairview sa mga sangandaan nito, habang ang Abenida Don Mariano Marcos naman ay gumagamit ng mga palitan sa mga sangandaan nito.

Ang abenida ay may labing-walong (18) linya sa pinakamalawak na bahagi nito, at ito ang pinakamalawak na daan sa Pilipinas. Bago nito, ang Abenida Epifanio de los Santos (EDSA) ang pinakamalawak na lansangan sa Pilipinas, bago mag-dekada-1970/1980.[1]

Pag-uugnay sa Lansangang Quirino[baguhin | baguhin ang batayan]

Noong Oktubre 1, 2009, inanunsiyo ng noo'y alkalde ng Lungsod Quezon na si Feliciano Belmonte, Jr. ang kanyang labinlimang-taong pangarap na pag-uugnay ng Abenida Commonwealth at Lansangang Quirino sa halagang ₱20 milyon - ₱140 milyon, malapit sa Daang Zabarte.[2] Natapos ang proyekto noong Mayo 2011 at ginagamit na ito ngayon.[kailan?]

Mga kilalang pook at palatandaan[baguhin | baguhin ang batayan]

May mga establisimiyentong pang-komersiyo at subdibisyong pantahanan na naitayo sa kahabaan ng abenida. Ang abenida ay kinaroroonan din ng mga establisimiyentong pampamahalaan tulad ng Sandiganbayan, Komisyon ng Pagsusuri (COA), at Pangasiwaan ng Niyog ng Pilipinas (PHILCOA).

Templo Central ng Iglesia Ni Cristo[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Templo Central
Templo Central ng INC

Ang Templo Central ng Iglesia Ni Cristo ay pangunahing palatandaan sa kahabaan ng Abenida Commonwealth, nananatili itong pinakamalaking simbahan ng Asya. May kakayahan ito na makaupo ng 7,000 na katao. Maliban sa Templo Central, matatagpuan din sa Abenida Commonwealth ang dalawang malaking kapilya[3] ng INC (Commonwealth at Capitol).

Ang Sandiganbayan[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Sandiganbayan

Ang Sandiganbayan ay isang tanging hukuman sa Pilipinas na itinatag sa ilalim ng Kautusang Pampanguluhan Blg. 1606. Katumbas ng ranggo nito sa Hukuman ng Apelasyon ng Pilipinas. Binubuo ang hukuman ng 14 na mga Katuwang na Hukom at isang Namumunong Hukom. Matatagpuan ang gusali ng Sandiganbayan sa Gusaling Centennial, Abenida Commonwealth pgt. Daang Batasan, Lungsod Quezon. Dito ginanap ang mga paglilitis ni dating Pangulo Joseph Estrada mula 2001 hanggang 2007.

Pamantasan ng New Era[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: New Era University

Ang New Era University (NEU) ay isang pamantasan na pinapatakbo ng Iglesia ni Cristo (INC). Isa ito sa mga pinakamalaking hindi Katolikong pamantasan sa Pilipinas na may humigit-kumulang 30,000 mag-aaral. Ang pangunahing kampus nito ay sa # 9 Abenida Central, Barangay New Era, Lungsod Quezon. May mga sangay ito sa ibang bahagi ng Pilipinas, tulad ng sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga, sa Lipa, Batangas, at sa Heneral Santos, Timog Cotabato.

Unibersidad ng Pilipinas, Diliman[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Unibersidad ng Pilipinas, Diliman

Ang Unibersidad ng Pilipinas, Diliman o UP Diliman ay ang pangunahing kampus ng Unibersidad ng Pilipinas. Matatagpuan ito sa Diliman, Lungsod Quezon. Nag-aalok ito ng mga maraming kurso, tulad ng Malayang Sining, Agham Panlipunan, Agham, Pagbabatas, Ekonomiks, Agham Pangkalikasan, Inhinyeriya, Musika, at Sining Biswal. Sa lahat ng pamantasan sa Pilipinas, ang UP Diliman ang nag-aalok ng pinakamaraming kursong di-gradwado at pang-gradwado. Noong 2007, sinimulan ang pagtatayo ng isang 37.5-ektaryang liwasang panteknolohiya na pinapausbong ng Ayala Corporation sa loob ng kampus ng pamantasan malapit sa abenida.[4] Ngayon ang U.P.-Ayala TechnoHub ay kinalalagyan ng mga korporasyong multinational tulad ng Convergys, IBM, HSBC, and Manulife.

St. Peter Parish: Shrine of Leaders[baguhin | baguhin ang batayan]

St. Peter Parish: Shrine of Leaders

Ang St. Peter Parish ay matatagpuan sa Barangay Batasan Hills, Abenida Commonwealth. Natapos ang pagtatayo nito noong 1999, at isa itong tanyag na simbahan sa Pilipinas sapagkat replica ito ng orihinal na Basilika ni San Pedro sa Roma, Italya.[5]

Quezon Memorial Circle[baguhin | baguhin ang batayan]

Pangunahing lathalain: Quezon Memorial Circle

Ang Quezon Memorial Circle ay isang pambansang liwasanan at dambana na matatagpuan sa Lungsod Quezon, ang dating kabisera ng Pilipinas (1948–1976). Ang liwasan ay isang patambilog (ellipse) na hinahangganan ng Daang Patambilog. Matatagpuan sa gitna nito ang musuleyo na naglalaman ng labi ni Manuel L. Quezon, ang ikalawang pangulo ng Pilipinas, kasama ang labi ng kanyang asawang si Aurora Quezon. Ang monumento ni Quezon ay may taas na 66 metro, ang katumbas na bilang sa edad ni Quezon noong siya'y pumanaw noong 1944.

Mga pook-pamilihan[baguhin | baguhin ang batayan]

May mga iilang pook-pamilihan sa kahabaan ng abenida. Ang unang pook-pamilihan na binuksan sa abenida ay Ever Gotesco Commonwealth na naglilingkod sa mga tao sa mga pook ng Commonwealth/Diliman at Batasan. Sa pook naman ng Tandang Sora matatagpuan ang dalawang pook-pamilihan: Puregold Supermarket at Berkeley Square. Ang U.P.-Ayala TechnoHub ay may mga sentrong aliwan at restoran, habang ang mas-maliit na pamilihan ng Citimall ay naglilingkod sa pook ng Philcoa malapit sa Kampus ng UP at kadalasang nagsisilbi sa mga mananakay. Naglilingkod naman ang Fairview Centermall sa pook ng Fairview, habang ang SM City Fairview at Robinsons Place Novaliches ay malapit sa hilagang dulo ng Abenida Commonwealth sa may Lansangang Quirino at Subdibisyong Jordan Plains. Isa pang pook-pamilihan ay ang Shopwise na malapit sa Ever Gotesco Commonwealth. May isang Puregold Supermarket na binuksan sa dating kinalalagyan ng Fairview Wet & Dry Market. Gayundin, may isang sangay ng Purgold Jr. na binuksan sa tabi ng kampus ng Diliman Preparatory School.

Iba pang mga gusali at istraktura[baguhin | baguhin ang batayan]

May mga maraming paaralan na matatagpuan sa kahabaan ng abenida: ang National College of Business and Arts sa Fairview,[6] Our Lady of Mercy School, Diliman Preparatory School,[7] at Lux Domine Academy na matatagpuan sa pook ng Batasan. Gayundin, may mga tindahang pandistribusyon ang mga kompanya ng sasakyan tulad ng Toyota, Kia Motors, Hyundai, Suzuki, at Nissan. May mga pamilihan at palengke rin sa kahabaan ng abenida tulad ng Commonwealth Market sa Barangay Commonwealth. Sa pook ng Fairview matatagpuan ang Saplad ng La Mesa na nagnunustos ng tubig sa Kalakhang Maynila.

Linyang MRT-7[baguhin | baguhin ang batayan]

Sa ngayon, walang linya ng tren na tumatahak sa Lansangang Quirino, ngunit may mga panukalang itatayo ang isa sa kahabaan nito. Sinimulan ang pagtatayo ng MRT-7 noong 2016,[8][kailangang tiyakin] at inaasahang matatapos ito sa taong 2020.[9] Tatahak ito mula Lansangang Quirino sa San Jose del Monte, Bulacan hanggang Abenida North sa Lungsod Quezon. Mag-uugnay ito sa MRT-3. Inaasahan na mailuluwag nito ang daloy ng trapiko sa abenida.

Mga peligro[baguhin | baguhin ang batayan]

Mapanganib ang ilang bahagi ng lansangan kapag marami ang dumadaan dito. Noong Marso 2013, itinala ng List25 ang Abenida Commonwealth bilang ika-2 sa 25 Pinaka-mapapanganib na mga Daanan sa Mundo[10]

Tingnan din[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga sanggunian[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga ugnay panlabas[baguhin | baguhin ang batayan]

Mga koordinato: 14°39′22″N 121°3′22″E / 14.65611°N 121.05611°E / 14.65611; 121.05611